Kabanata 1

3109 Words
"Jane..." Naalimpungatan ako nang marinig ko ang katok at ang boses ni Ate Rica. Isa sa pinakamalapit sa akin na katulong sa aming bahay. Dahan-dahan akong bumangon para pagbuksan siya. "Huy, kagigising mo lang? Akala ko ba unang araw mo ngayon sa klase?" Biglaang nanlaki ang mata ko nang narinig ang sinabi niya. Unang araw ba ng pasukan ngayon? Bakit wala akong malay! Ang sarap pa ng pagcellphone ko kagabi at inabot pa ng madaling araw kaya nga napatagal ang gising ko ngayong umaga, 'yun pala, may pasok na ngayon. "Hala! Ate, bakit naman po hindi niyo ako agad kinatok. Hindi ko po alam na may pasok na po pala..." Binuksan ko ng malaki ang aking pintuan para makapasok siya, habang ako ay nagmamadaling kumuha ng gamit saka dumiretso sa banyo. "Aba! Malay ko namang tulog ka pa! Dati-rati naman kapag first day mo, maaga ka bumababa, ngayon ka lang naman nahuli. O siya, sige na, dalian mo nalang diyan ha, sabihan ko nalang sila Kuya Salvy na hindi ka pa tapos maghanda." "Oo ate, pakisabi narin pong maghanda na siyang magmaneho ng mabilis para hindi ako mahuli sa klase." Sabay kaming tumawa ng malakas ni Ate Rica. Kasabay noon ay ang pagkarinig ko ng sumarang pinto ng aking kwarto. Minadali ko ang aking pagligo dahil wala na akong oras para gawin ang ritwal ko. Agad akong nagbihis pagkatapos maligo at saka bumaba. "Jane, kaya mo pa ba kumain ng almusal?" Bungad sa akin ni Ate Rica pagkarating ko ng kusina. Agad akong umiling habang umiinom ng tubig. "Ate, hindi na kaya! Anong oras na pala, buti nalang at medyo malapit lang ang school dito. O sige na, aalis na ako." Nag-ayos ako ng aking sarili at tinapos ang huling sintas sa aking sapatos. Nakita kong lumapit sa akin si Ate Rica at may inabot na baunan. "Inexpect ko naman na hindi ka makakain kaya heto, nilagyan kita sa tupperware. Kainin mo habang nasa byahe ka." Kinuha ko ang baunan at nagpasalamat bago tuluyang tumakbo papuntang garahe kung saan nag-aabang si Kuya Salvy. Napansin kong nagkakamot ng ulo si Kuya Salvy habang nakikita akong nagmamadaling naglalakad papuntang sasakyan saka niya ako pinagbuksan ng pinto. "Kuya Salvy, pakibilisan po ang pag-drive ha. Ayoko pong mahuli." Pagmamakaawa ko sa kanya. Tumawa naman siya at napahawak sa kanyang batok. "Sikapin ko po, Ma'am." Pinaandar na niya ang sasakyan. Dali-dali kong binuksan ang tupperware na inihanda sakin ni Ate Rica. Naramdaman kong kumalam ang aking sikmura pagkatingin sa pagkain. Wala na kong hinintay na oras at sinimulan ng kumain dahil napansin kong malapit na din kaming makarating sa school. Nasa panghuling subo na ko nang nakita kong nasa gate na kami ng St. Joseph High School. Inayos ko ang aking pinagkainan at sumilip sa oras. Di pa ako late. May ilang minuto pa bago tuluyang magsimula ang klase. "Kuya, salamat at binilisan mong magmaneho. Nakaabot pa ko. Buti nalang di ako na-late." Tumawa kami ni Kuya Salvy at saka ako tuluyang pumasok sa loob at pumunta sa pila ng aming section. Halos mapuno ang quadrangle sa dami ng mga estudyanteng nakapila. Meron namang iba na tulad ko ay kakarating lang, meron pang mga nagkukumahog para makapunta sa pila nila. Bakit naman madaling madali sila? May oras pa naman. Siguro mga tatlong minuto pa bago magsimula ang flag ceremony. Nasagot ang tanong ko nang makita ang Head ng aming Disciplinarian Office na nakaabang at masamang tumitingin sa bawat estudyanteng lakad-luneta pa kahit magsisimula na ang ceremony. Napaigtad ako at mas binilisan ang aking lakad nang dumako ang kanyang tingin sa akin. Habang papalapit sa pila, nakita ko ang aking matalik na kaibigan na si Claris Dominguez na nakaabang sa akin. Bigla niya akong binatukan dahilan para tapunan ko siya ng masamang tingin. "Para saan naman iyon!?" Singhal ko sa kanya. Tama bang ganoon ang bungad niya sa akin? "Isa itong himala, bakit ka na-late aber? Kung kailan pa talaga last year na natin sa high school, saka ka pa nahuli sa first day? Di ka na nasanay, aba." Umirap ako saka hinila ng mahina ang mahaba at straight niyang buhok. "Napasarap tulog ko. Malay ko naman kasing first day pala ngayon? Nagawa ko pang magpuyat kaninang madaling araw, akala ko kasi next week pa simula ng pasukan." Tumawa siya ng malakas kaya naman halos karamihan ng estudyante ay napatingin sa amin. Tinapik ko siya ng mabilis para tumigil nang nakitang pati ang Head ng Disciplinarian Office ay nakatingin din sa gawi namin. Agad naman siyang natakot at pumila ng maayos. "O ayan napala mo, ingay mo kasi kahit kailan." Bulong ko sa kanya habang nakatingin sa stage kung saan naghahanda na ang magkukumpas para sa flag ceremony namin sa Lunes na iyon. Kinurot ako ni Claris sa kamay na ipinagsawalang-bahala ko na lamang dahil kung pinatulan ko pa siya, hindi na kami matitigil at baka madala pa kami ng Head sa kanyang office. Unang araw ng klase, baka madala agad kami sa Discplinarian Office. Mahirap na. Ito na ang huling taon ko bilang highschool student. May isang taon nalang ako para mapag-isipan kung ano ang dapat kong kunin na kurso. Katulad ko, si Claris ay wala pang direksyon ang buhay. Hindi pa namin alam kung ano bang balak naming gawin pagkagraduate ng highschool. Sabi kasi ni Mommy, piliin ko ng maayos at naayon sa gusto ko ang kursong pipiliin ko. Ito daw kasi ang magdidikta sa buhay ko. Pero di ko naman alam kung ano ang gusto ko. Isa na sa pinagpipilian ko ang Business Management since may kompanya naman ang aming pamilya. Might as well learn how to manage a business. Paniguradong matutuwa pa sila Mommy at Daddy. Natapos ang flag ceremony at naghahanda na ang lahat para pumasok sa kaniya-kaniyang room, pero bago iyon, sinuyod ko muna ang pila ng aming section. "Si Carlo hanap mo no? Malandutay ka talaga." Sumimangot ako nang hindi ko siya nakita sa pila ng mga lalaki sa section namin. Hindi kami magkaklase? "Anong section niya? Bakit hindi natin siya kaklase?" Lumingon ako sa kabilang mga section para hanapin siya pero hindi ko rin makita. "Ang alam ko hindi siya mag-aaral dito ngayong taon. Lilipat daw sila sa Canada..." Nanlaki ang mata ko at napahinto sa paglakad. Saan niya naman nalaman iyan? Bakit hindi nagsabi sa akin si Carlo kung gaanon? "Totoo ba? Bakit naman hindi siya nagpaalam sa akin kung ganoon!?" Parang naiiyak na ko. Si Carlo ang isa pa naming matalik na kaibigan ni Claris. At oo, may gusto ako sa kanya. Gusto kong magtampo kay Carlo, bakit naman hindi manlang siya nagsabi sa akin. Bakit kay Claris lang? Unfair naman! "Hoy, hoy, teka paiyak ka na. Joke lang eh, nandoon sa pila ng mga late. Ayun o, kausap ng Head." Tila umurong ang mga luha ko sa sinabi niya. Tinignan ko muna ang pila ng mga nahuli na ngayon ay pinapagalitan ng Head namin at nakita ko nga si Carlo doon. Agad na gumaan ang pakiramdam ko saka bumaling kay Claris na ngayon ay tumatawa na naman ng malakas. Walanghiya talaga. "Alam mo pasalamat ka kaibigan kita e, kung hindi sinapak na kita!" Umiling iling ako at nagpatuloy sa paglakad habang ang bruha ay tawang-tawa pa rin sa aking gilid. Maya-maya pa ay nagulat nalang ako nang may umakbay sa aming dalawa ni Claris. Lumapat sa ilong ko ang pamilyar na amoy ni Carlo. Ang bango talaga ng taong ito. "Ang aga niyo talaga palagi. Hindi niyo manlang ako dinamayan sa pagka-late ngayong huling taon natin." Lumayo ako ng kaunti sa akbay ni Carlo saka lumingon sa gwapo niyang mukha. Bumungad ang labi niyang mapula at nakangiti sa akin. Ang mga mata niyang natural na singkit na ngayo'y halos hindi na makita dahil sa malaking ngiti. And lastly, his dimples. Sobrang attractive at nakakadagdag ng charm niya ang dalawang dimple na araw-araw na lang ay gusto kong tusukin. "Kalalaki mong tao, palagi kang late, turn-off iyan, diba Jane?" Sinamaan ko nanaman ng tingin si Claris, kahit kailan talaga, panira. Mamaya niyan, makahalata si Carlo tapos iwasan ako. Ayoko namang umiwas siya sakin kasi nalaman niyang may gusto ako sa kanya, hindi ba? Nakakalungkot iyon. "Okay lang naman na ma-late, basta ang mahalaga, gwapo pa rin, diba Jane?" Bakit ba puro ako ang inaasar ng dalawang ito? Okay lang naman kung si Carlo lang, epal lang itong si Claris eh. Saka, oo naman. Ikaw ang pinakagwapo sa paningin ko, Carlo. Hindi naman magbabago yon. Nakarating na kami sa aming classroom at katulad ng normal na mga first day, puro introduction at orientation lang ang nagaganap kada subject. Sa ngayon ay break time namin at nasa canteen kaming tatlo. Si Carlo ay naglalaro sa paborito niyang tablet ng Tekken habang si Claris naman ang umorder ng pagkain namin. Nagprisinta siyang maiwan kami ditong dalawa ni Carlo. Mabuti naman at nakaramdam ang loka. Tinititigan ko si Carlo habang seryoso siyang naglalaro. Maya-maya ang kanyang pagmumura kasabay ng pagtunog ng K.O. na ikinatawa ko. "Tawa ka riyan, Jane?" Nakangiting baling niya sakin, ang gwapo mo talaga. Nakakagigil. "Bawal na bang tumawa ngayon? Bakit kasi naglalaro ka pa niyan, bulok ka naman." Sumama ang tingin niya sakin matapos marinig ang lait ko. Oo, Carlo, para tumigil ka na sa paglaro at ako naman ang bigyan mo ng pansin. Kung gusto mo, ako nalang laruin mo. Joke. "Makabulok ka, marunong ka ba ha?" "Hindi, pero atleast hindi ako nagpapanggap na marunong?" Ngumisi ako sa kanya. Alam kong hindi siya papatalo. I lived for this. Sa pag-aasaran lang talaga ang naisip ko para mapansin niya pa ako lalo. Bago pa siya makapagsalita ay dumating na si Claris na dala-dala ang pagkain naming tatlo. "Thank you, Carlo ha! Napaka-ungentleman mo! Hindi mo manlang ako tinulungan dito. Wala ka talagang kwenta. Turn-off iyang ganyan, diba Jane?" Bwisit talaga! Kapag talaga nakahalata itong si Carlo, babalatan ko si Claris ng buhay. Ang lakas mang-asar eh. Buti nalang manhid itong si Carlo at di nakakahalata na gusto ko siya. Hindi ko alam kung magandang bagay ba na manhid siya kasi malaki ang chance na hindi kami magkakasira o dapat ba akong malungkot kasi mukhang walang pag-asa na maging kami. "Hindi ka naman nagsabi ah!" Nag-umpisa nanaman sila. Hindi talaga pwedeng mawala ang bangayan sa isang araw na magkakasama kami. Namiss ko ito. Masyadong payapa ang buhay ko noong bakasyon. Kung sabagay, mag-isa lang naman kasi ako sa bahay. My Mom and Dad are out of the country. Mga kapatid ko lang ang kasama ko sa bahay at panay pa ang lakwatsa. I actually miss my family, yung kumpleto, yung mas masaya. Bihira lang kasi sila umuwi dito. Ang dami nilang inaasikaso sa kompanya namin. But I don't hold any grudges on them. I know that what they're doing is for their kid's future. Our future. "That's all guys. Class dismiss." Nagsitayuan ang mga kaklase ko pagkarinig nila ng dismissal sa huling klase ni Ma'am Krissy. Alas-tres palang ng hapon, maaga kumpara sa 4 pm na schedule namin ng uwian kaya naman karamihan ay tuwang-tuwa, marami ang makakagala ngayong araw. "Jane! Tara punta tayong SM." At isa na ata ako sa makakagala na iyon. Nilingon ko si Carlo na nag-aayos ng gamit saka sumenyas kay Claris. Umirap naman si Claris at bumaling kay Carlo. "Hoy pangit, sama ka, SM tayo ni Jane." Sumama naman agad ang mukha ni Carlo pagkarinig sa salitang pangit. Ika nga niya, laitin mo na lahat, wag lang ang mukha niya. Napakayabang, but I still like it though. "Alam mo sasama sana ako eh, pero bawiin mo muna yung pangit. Hindi ako pangit, gwapo ako eh." Natatawa ako sa itsura ni Carlo. Para siyang bata na nag-tantrums dahil hindi napagbigyan sa kung ano mang gusto. "Jane, gwapo raw ba si Carlo?" Ayan na nanaman siya... "Hindi, pangit-pangit mo Carlo eh." Lalo akong natawa sa reaction ng mukha ni Carlo. "Ang bastos ng mga bibig niyo! Hindi ako sasama, pangit pala ha. Manlilibre pa naman sana ako..." Ismid ni Carlo saka padabog na tumayo. Grabe, iyakin talaga nitong lalaking ito. Dakilang tampururot at pabebe. Mabilis na tumayo si Claris at hinatak ako para mahabol si Carlo. Hindi makakapayag na makakatakas si Carlo lalo pa't nagsabi na manlilibre. Marami-raming pang-uuto nanaman ang maririnig ko kay Claris. Naabutan namin si Carlo at bigla naman siyang inakbayan ni Claris. "Eto naman, hindi ka mabiro. Alam mo namang sa lahat ng kaibigan ko, ikaw ang pinakagwapo, diba Jane?" Umiling iling ako habang natatawa at sumang-ayon. Malamang, siya lang naman ang kaibigang lalaki ni Claris. "Baka naman sinasabi mo lang iyan kasi gusto mong malibre?" "Siyempre naman ‘no, sino bang aayaw sa libre? Dali na sobrang pogi mo eh, libre mo na kami. Tara na sa SM ha, sagot na ni Jane pamasahe." Napailing-iling ako. Hindi ko alam kung saan ba nakukuha ni Claris ang kapal ng mukha niya. Pero natutuwa naman ako sa kanya, saka matagal na kong nasanay sa ugali niyang iyan. Mula ba naman elementary ay magkaibigan na kaming dalawa. Alam niya lahat ng baho at kasalanan ko sa buhay at tanggap niya ko. Ganoon din ako sa kanya. Naalala ko noong Grade 4 kami, merong isang lalaki na nadapa sa harap namin habang naglalaro kami sa playground. Sa sobrang pagkamaldita ni Claris, pinagtawanan niya ng malakas yung lalaki. Sumama naman ang tingin ng lalaki kaya medyo natakot ako. Hindi namin siya kaedaran. Mas matangkad na siya sa amin kaya kung hindi tumigil si Claris sa kakatawa, baka mabugbog kami ng wala sa oras. Mabilis akong nag-sorry sa lalaki at tinignan si Claris para gayahin ako, pero ayaw talaga. Nangingiti pa ang malditang bata. "Hindi maganda sa mga bata ang ganyang ugali. Dapat diba tinulungan niyo ko? But what did you do? Tawang-tawa pa kayo." Seryosong sabi ng lalaki. Akma akong aalma nang biglang sumagot si Claris. "Bakit? Bata ka lang din naman ah! Hindi kasing bata namin pero bata ka parin! Saka nakakatawa ka naman talaga ah." Pinapanuod siya ng lalaki habang sumasagot-sagot pa si Claris sa kanya nang biglang dumako sa akin ang tingin niya. Napaurong ako sa takot. Bakit ganyan siya tumingin sakin? Hindi ko naman siya tinawanan? Pinipigilan ko pa nga si Claris kasi nakakatakot mukha niya eh. "Kuya sorry po, huwag niyo ng pansinin itong kaibigan ko. Claris, halika na nga, kulit-kulit mo talaga. Kuya, pasensya na." Inipon ko lahat ng lakas ko para mahatak si Claris dahil mukhang hindi niya talaga titigilan si Kuya hangga't hindi siya nasasaktan. Marami pang beses na naging sandalan namin ni Claris ang isa't-isa. May mga pagkakataon na ako naman ang pinagtatakpan niya. Pareho lang naman kaming pilya. Mas pilya at palaban lang talaga siya. Pagkarating namin sa SM ay agad kaming dumiretso sa Cinema. Tumingin ako kay Carlo at nakitang napatingin din siya sakin. Mabilis akong nag-iwas ng tingin at kinabahan. Bakit naman siya nakatingin sa akin? At bakit naman ako nag-iisip kung may something yung pagtingin niya sakin? Baka sakto lang na napatingin ako sa kanya eh napatingin din siya sakin. Nababaliw na ko, parang kailangan ko na atang umamin. "Manunuod tayo ng sine?" Obvious na tanong ni Carlo. Inirapan siya ni Claris at sabay tawa. "Hindi, Carlo. Maglalaba ako rito. Malamang! Pogi nga, hindi naman gumagamit ng utak. Pambihira." Pinagpatuloy ni Claris ang paghahanap ng magandang panuorin kaya nauna na siya sa amin. Hinarap ako ni Carlo saka tumawa. Minsan, sanayan nalang din talaga kapag may kaibigan kang tulad ni Claris. "Hindi ka na nasanay diyan kay Claris. May pera ka ba diyan, hindi lang sine ang ipapalibre niyan. Siyempre pati pagkain at inumin na rin." "May pera ako dito, siyempre. Ikaw ba, wala kang ipapalibre bukod dito?" Naguluhan ako sa sinabi niya. Anong bukod dito? "May balak ka pa bang ilibre sa amin ni Claris? Nako..." Ngumisi ako at akmang tatawagin na si Claris ng hinawakan niya ko sa braso. Napalingon ako sa kamay niya sa akin saka tumingin sa kanya. "B-Bakit? Ayaw mo sigurong sabihin ko kay Claris no? Malalagasan ka ng pera..." Hindi niya parin tinatanggal ang hawak niya sa akin. "Hindi siya kasama." "H-Huh?" Ngumiti siya sakin at tinignan ako sa mata. Kinabahan ako bigla. "Gusto ko, yung tayong dalawa lang." Ang tagal kong hindi nakasagot sa sobrang pagkabigla. Hindi ko alam kung ako lang ba ang feelingera o dapat bang hindi ko bigyan ng malisya ang sinasabi niya. Hinahanap ko sa sarili ko na makapagsalita at para makasagot ako sa tanong niya pero biglang dumating si Claris at inaya na si Carlo na bumili ng ticket.  Ngumiti ulit sa akin si Carlo saka nagpatianod sa hila ni Claris. Naiwan akong malakas ang kabog ng dibdib habang nakatulala sa dalawa kong kaibigan na nauna ng maglakad sa akin. Totoo ba iyon? Pinagloloko niya ba ko? Baka naman trip-trip lang? Huminga ako ng malalim saka sumunod ng tinawag ako ni Claris. Lutang ako habang nanunuod ng movie. Hindi pa nakakatulong na nasa tabi ko si Carlo at napapansin kong panay ang sulyap niya sa akin. Seryoso ba talaga siya sa sinabi niya? Gusto kong mawala muna sa utak ko yung nangyari kanina para makapagfocus sa movie pero wala talaga. Habang lahat ay naghahagalpakan sa pagtawa sa nakakaaliw na scene, heto ako, at si Carlo na nagpapakiramdaman sa isa't-isa. Natapos ang movie at nagkayayaan ng umuwi. Hindi na kami muling nakapag-usap ni Carlo dahil kinakailangan niyang umuwi agad. Emergency daw. Medyo nag-alala naman ako pero hindi na namin inusisa. "Ang saya ano! Grabe yung tawa ko kay Vice Ganda! The best talaga siya magdeliver ng lines. Bihira maging waley." Puro kwento pa ni Claris ang narinig ko bago niya mapansin na nasa malayo ang utak ko at hindi ako nakikinig sa kanya. "Hoy nakikinig ka ba? Para kang lutang ah." Napalingon ako sa kanya. Nakahanda na agad ang mukha niyang mapanghusga na akala mo may nagawa akong kasalanan at hindi ko pa nasasabi sa kanya. Dapat ko na bang sabihin sa kanya? Baka kasi magdaldal nanaman eh. Saka nalang siguro kapag nalinaw ko na kay Carlo ang nangyari kanina. Halos ginabi na kami sa panunuod ng sine kaya nagpasundo na ako kay Kuya Salvy. Si Claris naman ay kanina pa nakauwi. Bumungad sa akin ang maaliwalas at masayang mukha ni Kuya Salvy. Anong meron? "Kuya bakit mukhang masaya ka? Buntis ba asawa mo?" Nanlaki ang mata ni Kuya Salvy saka humagalpak ng tawa. As in, tawang-tawa siya. "Si Ma'am talaga palabiro, hindi po. Basta po. Halika na Ma'am, iuuwi ko na po kayo." Nagtataka akong um-oo kay Kuya Salvy at saka sumakay na ng sasakyan. Nacucurious man ako pero pinagsawalang-bahala ko nalang kung ano mang kinakatuwa ni Kuya Salvy. Agad na pumasok sa isip ko si Carlo. Masyado talaga akong nahiwagaan sa sinabi niya kanina. O baka naman walang ibig sabihin ‘yun? Pinapaasa ko lang ba sarili ko? Baka naman friendly statement lang iyon. Parang hindi naman makatotohanan kung iisipin kong may gusto rin siya sakin. That thought made my heart leap. Si Carlo, may gusto sakin. Ang saya ko siguro kapag ganoon. Kakaisip sa nangyari kanina, hindi ko namalayan na nakauwi na pala kami. Unang bumungad sa akin ang isang pamilyar na sasakyan na nakaparada sa garahe namin. Unti-unti ko ng napagtanto kung bakit masaya si Kuya Salvy! "Anak, surprise!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD