Gentleman's Cut
Basa ko sa barber shop na pinasukan ni Lourd Patriarda.
Pinagkrus ko ang legs at nilapat ang likod sa sandalan ng upuan para sa komportableng pagmamanman.
Nandito ako sa labas ng ice cream parlor. May mga upuan sila sa labas sa ilalim ng mga makukulay na payong.
Inayos ko ang itim na sumbrero at sunglasses ko. Certified spy talaga ang awrahan ko ngayon. Puting damit dahil kung mag-iitim din ako ng pang-itaas, masyadong pansinin ang all black. Kapares nito ang itim na pantalon at naka-boots pa ako. Galing UK lahat. UK, ukay-ukay, bakit ba?
Hindi ko maintindihan 'yong mga spy na naka-all black. Kung spy 'di ba dapat hindi halata, hindi nalalaman ang galaw. Iyon bang sinasabi nilang blend with the crowd.
Oh diba, may alam din naman akong English, salamat kay Gracia at Zenon.
Eh kung naka-all black, pansin na pansin iyon. Para bang pinagsisigawan na 'Hello, spy ako. May sinusundan ako. Pwede ba tumabi kayo?'
Wala talaga. Sino ba kasi nagpauso ng punyetang all-black otufit na 'yan.
Kinuha ko nalang ang chewing gum sa bulsa. Para may nguyain habang naghihintay ng in-order kong ice cream.
Pagkabukas ko ng chewing gum ay napangiwi ako dahil masyado na yata itong luma, papuntang expiration na. Unti-unti na itong natutunaw, may iilan pang langgam ang nakakapit at dumikit.
Hinawakan ko ito. Nang paghiwalayin ko ang hinlalaki at hintuturo ko ay daig pa yata ang shoes glue kung magdikit ito. Nasira ang mukha ko sa pandidiri.
“Bwisit,” bulong ko. Saka kinumot muli sa balot nito at tinapon kung saan lang. Ilang beses ko pang iwinasiwas ang kamay bago ito natanggal.
Humalumbaba ako. Sayang pa 'yong bubble gum, dagdag pa sa coolness ko' yon.
Nakailang papalit-palit na ako ng pwesto, hindi pa rin nakalabas si Lourd Patriarda. Tiningnan ko ang relong pambisig. Ang tagal naman, nagpa-rebond ba 'yon?
Inunat ko ang kamay sa ere.
May narinig akong sigawan at malalakas na yabag papalapit.
“Ay uy!” Napatayo ako dahil nabangga nang nagtatakbuhan ang kamay ko. Muntik pang mawala sa linya itong balikat ko ah. Nahulog pa ang sumbrero ko, nalugay tuloy ang bagsak at may kahabaan kong buhok.
Dinama ko ang balikat at inikot-ikot ito. Pailing-iling kong pinulot ang nahulog na sumbrero. Sinuot kong itong muli at sumulyap sa direksyon ng barber shop.
Uy teka, saan na ang itim niyang sasakyan? Hindi ko alam kung anong klaseng sasakyan 'yon. Mercedes Benz at Ford lang ang alam kong sasakyam pero ang Mercedes ni hindi ko pa nakita sa personal. Basta ang alam ko lang ang kanya mamahalin din 'yon.
Putek, wala na ang sasakyan ni Lourd sa harap ng barber shop! Nalingat lang ako sandali eh.
Pambihira! Hinampas ko ang mesa nang may kalakasan, napatingin pa ang ibang tao sa akin. Pero pakialam ko sa kanila, wala na 'yong kanina ko pa hinihintay rito.
Kung magnakawan at magtakbuhan naman sana sila, huwag sila mandamay ng ibang naghahanapbuhay rin. Taena naman oh!
Ano na? Ano na iuuwing impormasyon ko nito? Aish! Badtrip!
Padabog akong tumayo at aalis na sana nang inabot sa akin ng babaeng naka-apron na pink ang ice cream na in-order ko. Muntik ko pang makalimutan.
“Ma'am sorry po kung natagalan. Marami po kasing umo-order sa loob,” sabi ng waitress, napayuko pa ito pagkatapos magsalita.
Huh? Inakala niya yatang hinampas ko ang mesa dahil sa tagal.
“Ay hindi, okay lang. Iba 'yon, iba' yon.” Todo wagayway pa ako ng kamay.
Bumalik na lang ako sa pagkakaupo at nilasap nalang ang ice cream. Mabawasan lang man kabadtripan ko nito.
Ikalawang araw sa pagmamanman kay Lourd Patriarda, sinimulan ko sa paghihintay sa baba ng condo niya.
Wala naman yata kaming makukuha sa taong ito eh. Ang normal mamuhay.
Ibig kong sabihin wala bang ginagawang ilegal ang hinayupak na 'to?
Paglabas ng condo, diretsong Patriarch Homes, sa opisina ng ama at maging tutang susunod-sunod dito.
Nakaupo ako sa lounge rito sa lobby ng building. Nakita kong siya na ang iniluwa ng elevator. Agad kong inayos ang eyeglass ko, pinagkrus ang hita at nagpanggap na nagbabasa ng librong kinuha ko lang dito sa mesa. Naiwan lang yata ito.
Isang matalinong highschool girl ang set-up ko ngayon. Cream-colored pants, puting fluffy blouse, itim na close shoes, makapal na eyeglass at naka-braid na ang buhok ko alas syete pa lang ng umaga. Salamat kay Gracia. Handang-handa ako pero nakalimutan ko magdala ng props na bag at libro.
Ang laking katangahan, Zamora.
Pinaliit at pinalaki ko ang mata. Putek, anong aklat ba 'to, wala akong maintindihan.
Sa gilid ng mata ko'y nakikita kong may kausap siya sa cellphone, kasunod pa rin niya ang isang bodyguard, papalapit sila sa direksyon ko, malapit kasi ako sa entrance.
“Wait, I forgot. Sorry...I need to go up again... oh, it's okay. I can go up again. Okay... okay, no problem.”
Kahit nasa gilid, kitang-kita ko pa rin ang kita-gilagid niyang ngiti.
“Ano po ba 'yon, Sir? Ako nalang po ang kukuha,” wika ng bodyguard niya.
Winasiwas niya ang kamay sa harap nito habang binubulsa ang cellphone.
Todo kinig lang ako sa usapan nila nang may dalawang pares ng panlalaking formal shoes na makintab ang tumigil sa harapan ko.
“Miss, excuse me, is that book yours? Naiwan ko kasi ang libro ko sa Accounting.”
Napaangat ako ng tingin. Punyemas! Ako ang kinakausap. Lalaking nasa kolehiyo yata ito at nakauniporme. Kung makapal na ang pekeng salamin ko, doble pa yata sa kanya.
Tiniklop ko ang aklat at binasa ang cover page nito. Accounting nga. Kaya pala wala akong maintindihan.
“H-ha? Ay pasensya ka na, nakita ko lang ito riyan sa mesa. Binuklat ko nalang habang naghihintay sa kasama ko.” Binigay ko sa kanya ang libro. “Ito, pasensya na.”
“No worries, thank you.”
Agad kong hinanap si Lourd. Nakita kong pasakay silang muli ng elevator paitaas at bubuntot-buntot pa rin ang bodyguard niya.
Humalumbaba na naman ako sa mesa. Isang storya ng paghihintay na naman ito.
Tsk. Ang boring naman ng trabahong 'to, mas mabuti pang magtakbuhan sa kalye. At least 'yon, exciting.
Bakit ba sa akin binigay 'to ni Tiyang? Pwede namang kay Gracia. Kayang-kaya niya na rin naman 'to.
Hindi ko napigilang humikab. Ang boring talaga, hay. Bago mag-alas sais gising na ako para dito. Ito talaga magpapatunay na kahit ano pa man ang ginagawa mo, walang madaling trabaho. Lahat nagsisikap, lahat nagtitiis. Kahit kasi malaki ang sweldo ng iba, kung hindi naman sila masaya sa trabaho nila, wala pa rin, sa pagtitiis pa rin ang punta niyon.
Kung nakapagpatuloy kaya ako ng pag-aaral sa kolehiyo at nakapagtapos, ano kaya magiging trabaho ko? Gusto ko lang naman dati eh mag-nursing. Pero pinatay ko na ang pangarap kong ‘yon. Ang mahal ng gagastusin sa pag-aaral pero ang baba ng sahod.
Napatingin ako sa mga nagdadaang kolehiyala. Ang swerte talaga nila, nakakapag-aral na sa kolehiyo, may sari-sarili pang condo.
Bumuntong-hininga na lang ako at dumutdot na lamang ako sa cellphone ko at naglaro ng block puzzle.
Makalipas ang sampung minuto, bumaba na sila ulit. Sasakay na naman sila ng sasakyan nila. Hihintayin ko nalang siguro sila sa Patriarch Homes? Tutal, parang doon naman talaga papunta ang boring na daily routine niya.
Nang makalabas na sila'y saka ako sumunod. Itong si Tiyang naman, magpapa-trabaho sa akin ng mayamang tao, alam naman niyang palagi itong nakasakay sa sasakyan. Paano ko naman sila susundan kung sa sapatos ko lang ito nakasakay?
Pagkaalis ng sasakyan ay naglakad pa ako sa bandang kanto at pumara... ng pedicab. Hindi ko alam kung maaabutan ng pedicab ang sasakyan, pero wala talaga akong pang-taxi.
“Manong, sa Patriarch Homes tayo.”
Dumekwatro ako sa loob ng maliit na pedicab. Inilagay ko ang dalawang kamay sa likod ng ulo ko at prenteng sumandal sa sandalan, sinamahan ko pa ng sipol. Bahala na kung hindi bagay sa pa-sweet kong outfit.
Bahala na ring mabagal. Ang importante, gumagalaw ako.
“Taga-Patriarch ka Ma'am?” tanong ng driver.
Naku, naku alam ko ng mga modus nilang ito. Kapag sinabi kong taga-Patriarch ako, e ililiko niya lang itong pedicab kung saan at huthutan ako ng pera.
Sus, kung alam mo lang manong, pare-pareho lang tayo rito.
Ang kaibahan lang taga-Patriarch lang ang kursonada ninyo. E ako, may-ari ng Patriarch na itong titirahin ko.
“Hindi ho, may bibisitahin lang malapit doon.”
Kitang-kita ko ang pag-ismid ni manong sa sagot ko. Kapag sinabi kasing malapit sa Patriarch, ibig sabihin no'n, 'yong lugar namin na squatter's area. Magulo, masikip, maingay, mabaho, pugad ng mga magnanakaw at walang trabaho. Ang mga kapitbahay namin doon, uupuan ka lang niyon sa kalye hanggang maghapon at pag-usapan ang buhay ng mga taong umaangat at paulit-ulit na magtatanungan kung bakit iyong nakakaangat lang din ang umaangat at sila ay pahirap nang pahirap.
Ewan ko. Hindi ko rin alam. Kung alam ko lang, de sana nakakaangat na rin ako ngayon. Ang alam ko lang walang panahon magkwentuhan ang mga mayayaman sa kalye.
“Nakapasok ka na ba sa Patriarch, Ma'am?” tanong ni manong.
Talagang di pa siya tapos mamingwit ng impormasyon sa akin.
“Wala pa ho. Ano namang gagawin ko ro'n? Wala rin akong mabisita ro'n.”
Kapag nagawi ka sa lugar namin, doon mo literal na makikita ang dalawang lebel ng tao sa lipunan. Ang mga nakakaangat at ang mga nasa laylayan.
Literal na naghahati sa amin ang national highway. Sa kabilang banda para kang nasa Greece, pagtawid mo para ka ng nasa basurahan ng Pilipinas.
Hindi pa ako nakakapunta ng Greece pero sabi nila parang gano’n daw ang itsura ng subdivision.
Ang Patriarch Homes na isang ekslusibong subdivision ang kabaliktaran ng lugar namin. Sa Patriarch, tahimik, walang gulo, bantay sarado pa ng mga guwardiya. Bawat bahay may sasakyan.
Para sa amin, ang national highway na humahati ay para ng daan para sa kaunlaran. Kapag makatawid kami roon, ibig sabihin nakaahon na kami sa basurahan ng Pilipinas. At mula ng pinanganak ako hanggang sa lumaki sa lugar namin, wala pa namang nakakatawid doon.
Mga 30 minutes yata ang bonding namin ni manong pedicab driver. Kung tutuusin, 10 minutes lang naman mula sa condo ni Lourd papunta rito... kung sa taxi ako sumakay. O di kaya nakisabay na ako kay Lourd sa mismong sasakyan niya.
Tsk. Hindi maganda 'to, dapat makapag-isip ako ng magandang plano, para may makuha ako sa lalaking ito.
Natapos ang isang araw kong boring na pagmamanman kay Lourd Patriarda. Kung anong impormasyong mayroon ako tungkol sa kanya noong simula, gano'n pa rin ang hawak ko hanggang ngayon.
Galaw pedicab talaga itong mga hakbang ko.
“Oh, kamusta Zamora ang trabaho?”
Napakamot ako ng ulo at tinanggal ang pekeng salamin.
“Tiyang naman, ibalik mo na ako sa dating trabaho. Mukhang wala naman tayong makukuha sa Lourd Patriarda na 'to eh. Bakit ba hindi nalang pabilisan ito?” pagmamaktol ko.
“Zamora, mas matagal na proseso, mas malaking halaga. Ano ka ba, isipin mo nalang 'yon. Umupo ka na rito at kumain na.”
Nakiupo na rin ako sa kanila sa mahabang kahoy na upuan.
“Bakit hindi nalang kasi ho itong si Gracia?”
“May kanya-kanya na silang tinatrabaho, Zamora.”
Sa pagkain ko na binaling ang atensyon. Sardinas na may odong ang ulam.
Wala naman akong laban kay Tiyang eh.
Gabi na at nakahilata na ang lahat. Katabi ko si Gracia sa pagtulog. Hindi ako komportable sa pagkakahiga at ang init-init pa ng panahon. Kakahugas ko lang ng katawan pero ito at nanlalagkit na naman ang katawan ko sa pawis.
Si Gracia nama'y mulat na mulat pa ang mata sa cellphone.
Kinuha ko na rin ang cellphone ko at nag-f*******:. Unang-una sa newsfeed ko ang 'Just now' post lang ni Gracia.
“You need three coincidences to call it fate,” basa ko sa pinost niya. “Anong ibig sabihin nito, Gracia?”
“Ah 'yan? Sinabi 'yan ng isamg character sa korean drama na pinapanood ko, ang ganda eh kaya pinost ko na. Ibig sabihin, kailangan mo ng tatlong coincidences para matawag mong nakatadhana kayo.”
“Tinagalog mo lang eh.”
Natawa rin siya sa naging sagot niya.
“Ibig sabihin ate, hindi kayo nakatadhana para sa isa't-isa. Pero ikaw na gagawa ng hakbang. Kaya mo ring gumawa ng tadhana.”
“Paano masabing coincidence kung sinadya mo?”
“Ipagpalagay nating gusto ko itong lalaki. Gustong-gusto ko siya. Gagawa ako ng hakbang para mapansin niya ako. Para sa kanya, ang unang pagkikita ay accidentally. Sa ikalawang pagkikita, coincidence. Sa pangatlo, tadhana na 'yon. Pero ang di niya alam, ako lang gumawa niyon.”
“Matalino,” komento ko saka ginulo ang buhok niya. “'Pag magkapera tayo, balik ka sa eskwela ha, sayang talino mo.”
Ngumiti lamang siya at bumalik na sa pagce-cellphone.
Mag fi-first year college na sana si Gracia sa pasukan, pero hindi nakapagpatuloy dahil walang pera.
Hanggang sa makatulog na siya at ako'y mulat na mulat pa rin ang mata kakaisip.
Bakit pa ako gagalaw ala pedicab makasunod lang sa daan, kung kaya ko naman palang gumawa ng sariling daan, mas mabilis pang makarating sa kinaroroonan.