SIMULA

774 Words
SIMULA Maingat at may ngiti sa kaniyang mga labi na pinapadaanan ng kaniyang mga kamay ang bawat mwebles sa tahanan. Bawat hagod ng mga daliri niya roon ay nagbibigay ng halong saya at sakit sa kaniyang puso. Pumapasok sa kaniyang kaisipan ang mga alaala kung saan ay masaya pa sila at magkasama. Ang excitement na nadama niya noon bago sila magsimula ay napalitan na ng puot ngayon… bago sila ay magwakas. Ang akala niyang hanggang dulo ay hanggang dito na lang pala. Mabilis niyang pinalis ang sariwang mga luha na nagsilabasan mula sa kaniyang mga mata. Tumingala siya para iyon ay pigilan. Nangako siya sa kaniyang sarili na hindi na siya iiyak. Ngayon na ang huli. Kailangan sa pagpaalam niya rito ay nakangiti na siya. Kailangan niyang ipakita rito na hindi na siya kaaawa-awa dahil sa pagdurusa. Pagdurusa ng dahil sa pagmamahal niya para rito. “Sir, nalagay na po namin lahat sa truck ang mga gamit niyo,” sabi ng tauhan na inutusan niyang maghakot ng mga gamit niya paalis sa bahay na iyon. “Salamat, Manong. Bababa po ako riyan maya-maya,” nakangiti niyang tugon. Nakita niya ang mga nakahilerang kasambahay na malungkot na nakamasid sa kaniya, lalo na si Manang Luz na umiiyak na. Alam niyang hindi rin makapaniwala ang mga ito. Ang akala ng lahat na pag-iibigang perpekto na walang katulad sa iba ay magtatapos na ng ganito. Ang pag-iibigang hinangaan nila ay wala rin pa lang pinagkaiba sa iba. Ngumiti siya sa mga ito, pinapakitang ayos lang siya. Magiging ayos lang siya. Alam niyang gusto siyang yakapin ng mga ito dahil napamahal na rin ang mga ito sa kaniya, pero pinipigilan ang mga sarili dahil baka makita. Naiintindihan niya naman. Dahil hindi na siya ang isa sa mga nagpapatakbo ng tahanan na ito. Hindi na siya ang isa sa mga may-ari noon. Higit sa lahat, hindi na siya ang katuwang ng isa sa mga amo nila. “Looks like Jian is all set.” Kaagad na napawi ang ngiti niya at napalitan ng seryosong ekspresiyon ang mukha nang marinig ang malanding boses na iyon. Humarap siya sa gawi kung saan nanggaling ang boses nito at nakitang pababa ito sa hagdan. Naiinis siya dahil kung makangisi ito sa kaniya ay tila ba ito ang may-ari ng inaapakan nito. Samantalang ito lang naman ang umagaw sa kaniya ng lahat. Maging sa lalaking kahawak kamay nito pababa. “Wala na rin namang dahilan para manatili pa, kaya bakit ko pa papatagalin?” mahinahon niyang ani. Umiling ito at mababaw na natawa. “Took you this long to realize that, huh? Right, babe?” anito sabay tingin sa katabi. Lumipat ang paningin niya sa katabi nitong seryoso lamang na nakatanaw sa kaniya. Ang lalaking nagbigay sa kaniya ng lahat. Ang lalaking pinili siya at akala niya’y pipiliin siya hanggang sa huli. Ang lalaking pinangako sa kaniya ang lahat. Ang lalaking… mahal na mahal niya. Gusto niya muling maiyak at itanong dito kung bakit? Anong nangyari? Bakit sila humantong sa ganito? Hindi na ba talaga siya nito mahal? Pero kahit anong kwestiyon niya pa rito ay klaro na sa kaniya ang sagot. Tapos na siya roon. Tapos na siya sa pagmamakaawa. Tapos na siya sa pagdurusa dahil dito. Tapos na siya sa pagiging tanga. Oras na para tapusin ang lahat at umalis na ng tuluyan sa buhay nito. He was not doing this for him anymore. Ginagawa na niya ito ngayon para sa sarili niya. Ang sarili niyang unti-unti niyang pinupulot pabalik mula sa pagkayuyurak nilang lahat. Walang namutawi na anumang salita mula sa mga labi nito para sa kaniya. Kahit ang magpaalam ay wala itong balak gawin dahil matagal na itong nagpaalam, siya lang naman itong nananatili pa. Umiwas na siya ng tingin at tinalikuran silang dalawa. Humakbang siya patungo sa pinto palabas sa mundo kung saan ay siya na lang ang mag-isa. The moment he would step-out of this house, was the moment he would leave everything behind. Even his love for the only man he ever loved his whole life. Hindi na siya umaasa pang hahabulin nito o pabalikin, dahil matagal na siya nitong pinaalis sa buhay nito. “Sana magdusa ka rin. Sana sa pag-alis ko ay magsisi ka rin. Sana kada tingin mo sa bawat sulok ng bahay na ito ay hanapin mo ako, pero wala ka nang makikita pa kahit na anino ko. Sana bangungutin ka ng mga alaala ko at hindi ka patuligin sa gabi kaiiyak kagaya ng naranasan ko, Felix Anderson,” mariin at matigas niyang sambit sa bawat kataga. Gumalaw ang panga ni Jian sa pag-iwas dito ng tingin. “Paalam, Felix.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD