CHAPTER TWO

1715 Words
NAKASIMANGOT si Eliza habang padaskol na kinuha sa kamay ni Corbin ang inabot nitong jacket na kinuha nito mula sa loob ng bag nito. “Ibabalik ko din ito bukas,” sabi niya na tinali ang jacket sa kanyang beywang. Pinukol niya ito nang matalim na titig. Oo, ito ang sinisisi niya kung bakit nasira ang plano niya sa araw na iyon. Sukat ba naman na basta na lang pinunit ang palda niya. Inunahan niya ito sa paglakad. Balak na lang niya umuwi. Malayo pa ang kanilang bahay pero nakasanayan na niyang maglakad kahit pwede naman siyang magpasundo sa driver nila. Dito na siya lumaki at nagkaisip pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagsasawa sa magandang tanawin na madadaanan niya. Dumadaan siya sa kakahoyan at palayan para maka-shortcut. Kung sa mismong kalsada kasi ay tiyak na lawit na ang dila niya bago pa makarating sa kanilang bahay. Pero oras na makalampas sa palayan ay makapigil hininga na ang susunod na tanawin. Pakiramdam niya ay wala siya sa Pilipinas dahil sa malawak na bermuda grass at mga ligaw na bulaklak. Pwede gawan ng tourism poster. Maituturing na liblib ang kanilang bayan. At ang kanilang baranggay ang pinakamalayo sa lahat kaya kaunti lang ang papolasyon. At limitado lang ang mga pasilidad pero sinikap pa rin ng kanyang ina na palagyan ng isang health center na may isang doctor at nurse na naka-duty. May dalawang eskwelahan ang kanilang baranggay. Isang public at isang private kung saan nga siya kasalukuyan na nag-aaral. Karamihan sa mga estudyante ay anak ng mga Haciendero kaya hatid-sundo ng kotse. Noong una ay ganoon din siya pero sinabi niya sa magulang na ang bunsong kapatid na lang niya na nag-aaral sa elementarya ang ipahatid-sundo sa driver dahil mas gusto niyang maglakad lang. Isa pa, gusto rin niya magkaroon ng kalayaan na gawin ang gusto niya gaya na lang nang paglamyerda pagkatapos ng klase. May mahirap o nasa middle class din naman na estduyante ang St. Therese High School. Ang iba ay full scholar. Mayroon din na may kamag-anak sa abroad. Pero karamihan ay mga small planters na nagsusumikap na pag-aralin ang mga anak sa sa isang magandang eskwelahan. Napahinto siya nang maramdaman na sumunod sa kanya si Corbin. Pasuong na siya sa kakahoyan kaya kunot-noong hinarap niya ito. “What?!” “What?” tanong rin nito. “I mean, bakit mo ako sinusundan?” “Dito rin ang daan ko.” Niloloko ba talaga siya nito? Sa pagkakaalam kasi niya ay papunta lang sa bahay nila ang shortcut na iyon. Unless kung nakatira ito sa nag-iisang kapitbahay nilang na kalahating kilometro din yata ang layo. Natigilan siya. Hindi kaya sa malaking bahay din na iyon nakatira si Corbin? Tama! Sa pagkakaalam niya ay Ventura ang apelyido ng kapitbahay nila na bagaman malayo ang distansya ay makikita pa rin dahil sa laki ng bahay. Sa pagkakaaalam niya ay isa rin sa makapangyarihan at pinamakayan na pamilya sa bayan nila ang mga Ventura. Pero iyon nga lang ay mas namamalagi ang mga ito sa Maynila. “Kapitbahay pala kita.” “Now you know.” “Eh, bakit ngayon lang kita nakita?” “Dahil lumaki ako sa Maynila at Amerika.” “Eh ‘di sana doon ka na lang.” “Kung may choice lang ako ay hindi ako tutuntong sa boring na lugar na ito.” Naningkit ang mata niya. “Hoy! Palibhasa ay lumaki ka sa polusyon kaya hindi mo na-appreciate ang ganda ng lugar namin.” Umiling ito. “By the way, sa susunod huwag kang mag make up ng ganyan.” “Bagay naman sa akin, a? Nagmukha akong sophisticated.” Pinapungay pa niya ang mata. Ngunit nakita niya na tila napahumindig ito sa ginawa niya kaya hinampas niya ito sa braso. “Bakit, hindi ba bagay sa akin?!” “Honest akong tao. Yes, hindi bagay sa iyo. Nagmumukha kang clown. Tingnan mo nga ang mukha mo sa salamin.” Kinuha niya ang maliit na salamin sa loob ng kanyang bag. Kahit siya ay napahumindig din nang makita ang sariling repleksyon. Hindi pantay ang makapal na blush on niya. Nagmukha rin siyang may black eye dahil kumalat ang mascara sa mata niya. Naalala niya na inusog pala niya ang mata kanina. Pati ngipin niya ay nalagyan ng lipstick. All in all, tama si Corbin. Mukha siyang clown. Pero keber ba! Hindi naman siya kabilang sa mga babaeng nagpapa-impress dito. Oo, naging crush niya ito pero sa una lang naman dahil ang loyalty niya ay na kay Aaron pa rin. “Wala kang pakialam kung mukha man akong clown.” Irap niya kay Corbin. Nagpatuloy pa sa paglalakad. “Paano mo nalaman na dito ang shortcut?” “Sa maid namin.” “Hindi mo ba alam na maraming malalaking sawa dito? Mag-ingat ka dahil baka bigla na lang may tumuklaw sa iyo dito,” sabi niya. “For sure uunahahin ng ahas ang maliit, iyong tipong isang lunok lang,” sagot ni Corbin. “Excuse mo, hindi ako maliit ‘no!” “Sinabi mo, e.” Nalagpasan na nila ang kakahuyan. At ang sumunod ay palayan na. Doon niya itong nakita na nahirapan. Hindi nito magawang ibalanse ang katawan sa maliit na daanan. Gumegewang ito sa paglalakad. Malayo na ang distansya niya rito. “Oh, paano ba iyan, mauna na ako? Kaya mo yan!” sigaw niya na nakangisi. Magpapatuloy na lang sana siya nang makarinig nang sigaw at sa paglingon niya ay nakita nga niya itong nahulog na sa putikan. Humagalpak siya ng tawa nang nilapitan niya ito. “Kawawa naman si Manila boy, hindi sanay sa buhay probinsya.” Pambubuska niya. “Help me.” “Kaya mo na yan. Malaki ka na.” “Eliza!” Ngumisi lang siya at tinalikuran na ito ngunit nakatatlong hakbang pa lang siya nang may pumigil sa kamay niya. Mabilis pala itong nakaahon. “Bitiwan mo ako! Mapuputikan ako!” “Ah ganoon!” Napatili siya nang pinahiran siya nito ng putik sa pisngi. Lumayo siya nang makita niya na may balak pa yata itong ulitin iyon. “Huwag!” Tili niya habang tumatakbo. ___ HUMANDA ang corbin na iyon dahil magbabayad ito sa kanya! Umuwi siya sa kanilang bahay na puno ng putik. Pakiramdam niya ay nangangati pa rin siya kahit tapos na siyang maligo at sa pagkuskos ng katawan niya. Nagtaka nga ang dalawang maid kung bakit umuwi siya na ganoon ang hitsura. Sinabi na lang niya na nahulog siya sa palayan. Tinapon na lang din niya ang unipormeng suot dahil naawa siya sa maid kung palalabhan pa niya iyon. Pero hindi niya isinasama sa basurahan ang jacket ni Corbin. Ibabalik pa niya iyon at itatapon sa mismong mukha nito. Huh! Makikita nito. Kinuha niya sa side table ang Nokia 7610 na cellphone. Lates model iyon at iilan pa lang sila ang mayroon. Karamihan kasi ay napako pa rin sa Nokia 1110. In-spoiled kasi siya ng kanyang ama sa mga materyal na bagay dahil iyon na lang ang konsuelo nito sa kanila dahil madalas itong wala. Sa Maynila pa kasi ito nagta-trabaho at isang beses sa loob ng tatlong buwan lang umuuwi. Madalas rin ito na ipinapadala sa ibang bansa para mga pananaliksik at pakikipag-ugnayan na rin sa ibang foreigner scientest. Magtitipa na lang sana siya nang message para sa kaibigan na si Joy nang pumasok sa loob ng kanyang kwarto ang bunsong kapatid na si Emrie. May dala itong notebook at lapis. Nakuha kaagad niya kung ano ang bakay nito. “Ate, paturo naman sa assignment ko, please.” Lambing sa kanya ni Emrie. “Si Ate Clara na lang ang magtuturo sa iyo,” sabi niya ang tinutukoy ay ang isa sa kanilang maid. “Pero ikaw ang gusto ko.” “Ayaw ko nga!” Inis na sabi niya na ang atensyon ay nasa cellphone pa rin. Napatingin siya sa kapatid nang makita na hindi pa rin ito lumalabas ng kanyang kwarto. Tila maiiyak ang hitsura nito habang nakatingin sa kanya. Agad siyang tumayo mula sa pagkakahiga sa kama. Nilapitan ito. “Alam mo talaga kung paano ako i-blackmail ‘no?” Kahinaan niya kapag nakikitang umiiyak si Emrie. Kahit nga bata ay kinutusan niya kapag nakita niyang inaaway ito o pinapaiyak. Minsan na nga siyang may nakaaway na nanay nang mahuli siya sa ginawa niya sa anak nito. “Ano ba iyang assignment mo?” “Di bale na lang.” “Uy, tampo kaagad ang prinsesa. Sorry na, bad mood lang kasi ngayon si Ate.” Kinurot niya ang pisngi ni Emrie. Napakaganda ng kanyang kapatid. Para itong buhay na maynika. Matangos ang ilong at may malalantik na pilik-mata. Idagdag ang makipot na labi nito, pati na ang attractive na mga mata. Infairness, marami silang features ni Emrie na magkatulad at marami rin naman pumupuri na maganda siya pero walang panama kung itatabi na siya sa kanyang kapatid. Partida, walong taong gulang pa lang ito. “Huwag na sabi!” anitong nagmamaktol na nakahalukipkip. Inagaw niya rito ang notebook. “Madali lang pala assigment mo. Halika, tuturuan kita.” “Kay Ate Clara na lang ako magpapaturo.” Tutunguhin na sana nito ang pinto nang hilahin niya ang kamay nito at kiniliti. Napatili si Emrie. Nagpumiglas. Sa umpisa ay umiyak pa ito ngunit humagikhik na sa kalaunan. “Stop na, Ate please!” “Hindi ka na nagtatampo kay Ate?” “Hindi na.” “So, gawin na natin ang assignment mo.” Kapwa na sila umupo sa harap ng kanyang study table. Matalino ang kanyang kapatid. Sa katunayan ay top one ito sa klase. Kung tuusin ay kaya na nitong sagutin mag-isa ang assignment pero batid niya na gusto lang nito maglambing sa kanya. Malayo ang age gap nilang magkapatid pero close pa rin silang dalawa. Kung may tao man siya na pinakamamahal, iyon ay si Emrie. Madalas kasing busy ang kanilang magulang. Tulad na lang ng kanilang ina na inuuna palagi ang pagsisilbi sa bayan. Palagi itong walang oras sa kanila dahil ito rin ang namamahala sa negosyo nila. Habang ang kanilang ama naman ay bihira lang nila makita dahil nasa malayo. Pinangako niya sa sarili na siya magpupuno sa kakulangan ng kanilang magulang kay Emrie. Aalagaan at mamahalin ang kapatid sa abot ng makakaya niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD