Prologue

3177 Words
Maingay. Magulo. Nakakalula ang dami ng tao sa loob ng bar. May mga nagsasayaw, may mga nagtatawanan, may mga nagpapaligsahan sa pabilisang makaubos ng beer sa bote at may mga nasa sulok: nagkakayakapan, naghahalikan at nagkakapaan. Halos hindi ko na malaman kung saan ko ibabaling ang aking mga mata dahil ito ang unang beses na makapapasok ako sa loob ng bar. Isang mayamang kaeskuwela ko ang nag-imbita sa aming klase upang i-celebrate ang kaarawan nito rito. Imbitado rin ang ilang schoolmates at ilang guro. Hindi sana ako pupunta ngunit pinalakas ng isang dahilan ang loob ko. Isa pa, sabi nga nila, there's always a first time in everything at eto na ang first time ko sa ganitong klase ng party. Halos walang pumapansin sa akin habang naglalakad ako. Ipinagpapasalamat ko pa nga iyon dahil kung may papansin man sa akin, tiyak na makakarinig lang ako ng pang-iinsulto o gagawing katatawanan. Ayoko nang agawan ng atensiyon ang may kaarawan. Ayokong ako pa ang maging bida. Ayokong umuwing luhaan pagkatapos ng party na ito. Kung hindi lang dahil sa chat na natanggap ko kanina ay hindi ako pupunta. Naroon ako malamang sa aming bahay, naghuhugas ng mga kaldero at pinggan kung hindi ako naglalaba o 'di kaya ay nakikinig sa sermon ng aking Tatay at Nanay. Pwede rin na binubugbog ako ng kuya kong lasinggero na sa akin isinisisi ang kamalasan niya sa mundo. Nariyan din ang pagtatalak ng ate ko na tila sa akin rin isinisisi ang mga problema niya. Exaggerated pero totoo. At oo na. Ako 'yung hindi nila paboritong anak at kapatid. Ako 'yung nilalait at sinasaktan na nga ng iba pero mas nilalait at sinasaktan pa ng sarili kong pamilya. Tanging sa eskuwelahan na nga lang sana ako makakakuha ng katahimikan ngunit madalas maging doon, magulo pa rin ang mundo ko. Kaya nga minsan ay napapatanong na rin ako sa sarili ko. Bakit pa kaya ako binuhay sa mundong ito? At oo ulit. Ako 'yung laging napagti-tripan. Ako 'yung laging pinapahiya at pinagtatawanan ng hindi lang ng aking mga kaklase kundi ng ilang mga guro sa eskuwelahan. Ako 'yung madalas utuin kapag may kailangan sila ngunit kapag naibigay ko na, imbes na pasasalamat ay pang-uuyam pa ang matatanggap ko. Kung hindi lang ako determinadong makapagtapos, matagal ko nang nilayasan ang pamilya ko dahil sa pagtratong ginagawa nila sa akin. Kung hindi lang sa scholarship ko, matagal na akong lumipat ng paaralan. Pero wala, eh. Namulat na ako na ganon ang pamilya ko sa akin. Nag-umpisa na ako sa eskuwelahan namin na ako ang paboritong i-bully. At ang lahat ng iyon ay iisa lang ang dahilan. Bakla ako. Binabae. Shokla. Bading. Sa panahong ito, dapat wala ng discrimination dahil nasa 21st century na ang mundo, eh. Pero wala. Ano pa ba ang aasahan ko kung nasa Pilipinas ako kung saan hanggang pang-parlor lang ang tingin ng mga tao sa mga tulad ko? Hanggang pambibili na lang ng pag-ibig ang magagawa dahil wala namang magmamahal sa amin nang totoo. Pinandidirihan pa rin kami na tila kami may dalang nakakahawang sakit. Ginagawang punching bag ng mga kalalakihan. Ginagawang katatawanan ng mga kababaihan. Hindi na namin alam minsan kung saan kami lulugar. May mga bakla rin namang matatapang at palaban. Sila 'yung handang makipagbasagan ng mukha sa mga kalalakihan at makipagsabunutan sa mga kababaihan. And sadly, hindi ako kabilang sa kanila. Bakit? Simple lang. Dahil duwag ako. Ako 'yung baklang binabatukan, sinisipa, tinutulak, binabato ng kung anu-ano, at kung minsan pa, binubuhusan ng basura o anumang likido. Ako 'yung bakla na tatahimik na lang sa isang tabi kesa makikipag-away dahil kahit gawin ko iyon, wala naman akong magiging kakampi. Ako 'yung bakla na tututukan na lang ang pag-aaral ko kesa makikipagtalo pa sa kung sino-sino. Kaya nga nakapagtataka. Nakapagtatakang may isang tao na handang kalabanin ang lahat para makapasok sa mundo ko. At siya ang dahilan kung bakit nandito ako sa party na ito. Sa loob ng ilang buwan naming pag-uusap sa chat kung saan naranasan ko ang ngumiti, tumawa at sumaya, sa wakas ay magpapakilala na siya sa akin. Oo. Maaaring sabihin ng iba na mababaw ako dahil pumatol ako sa pakikipagkaibigan ng isang tao na hindi ko pa nakikilala sa personal. Sasabihin siguro nilang nasisiraan na ako dahil natutunan kong ibigin 'yung taong walang mukha at boses lang ang naririnig ko. Ngunit anong magagawa ko kung sa kanya ako nakakita ng kakampi at mapagsusumbungan? Siya 'yung nagpapalakas sa loob ko kapag pakiramdam ko ay aping-api ako. Siya 'yung nariyan para pakinggan 'yung mga hinaing ko. At siya 'yung tumanggap sa akin at nagmamahal nang totoo. Sapat na iyon para mahulog ako sa kanya. Sapat na iyon para sumugal ako. Sapat na siyang inspirasyon para ipagpatuloy ko ang pakikibaka at paglaban sa mundo kong puno ng pagdurusa at kalbaryo. Sapat na iyon para mahalin ko siya nang buong puso ko. At ngayon, makikilala ko na siya. Makikilala ko na ang taong nagtatago sa mga matatamis na salita at masuyong paglalambing. Makikilala ko na 'yung kauna-unahang tao na nagsabing mahal niya ako at ayaw niya akong mawala sa kanya. Makikilala ko na ang taong nagbibigay-liwanag sa madilim kong mundo. Mababaw ba ako? Ka-cheapan ba itong ginagawa ko? Para sa iba siguro, oo. Pero para sa akin, ito na 'yung pinakahihintay ko - 'yung taong magmamahal sa akin sa kabila ng pagiging bakla ko. "Aaay!" Napahawak ako sa namanhid kong braso at napatingin sa nakabanggaan ko. Napatingala ako dahil sa tangkad niya at hindi ko mapigilan ang mapanganga nang makilala ko kung sino siya. Naestatwa ako sa kinatatayuan ko. Pakiramdam ko ay nanigas ang mga binti ko lalo na nang salubungin ng mga mata niyang magkaiba ang kulay ang mga mata ko. Nag-init ang mga pisngi ko nang isang ngiti ang gumuhit sa mapupusyaw na mga labi niya. Anong ginawa niya rito? Sa pagkakaalam ko ay walang sinoman sa eskuwelahan ang nakalalapit sa kanya dahil sa kanyang estilo at pag-uugali. Bukod pa sa isang bagay na kakaiba sa kanya at iyon at ang kanyang mga mata. Ang isa ay mapusyaw na tsokolate at ang isa ay matingkad na asul. May itim ding kulay palibot sa mga ito. At alam kong hindi contact lens ang mga iyon dahil minsan ko nang nakita ang larawan niya nang malapitan. Napaatras ako nang humakbang siya papalapit sa akin. Tumaas naman ang kilay niya nang makita ang ginawa ko. "An outcast to an outcast." Maingay man ang buong lugar ay malinaw kong narinig ang mga sinambit niyang pananalita. Kumunot ang noo ko dahil doon. Alam kong matalino ako ngunit bakit hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin? Nakita niya ang kuwestiyon sa aking mukha kaya muli siyang nagsalita. "Trust is the most difficult thing to earn. Giving it freely will just expose you to danger," huling sinabi niya bago niya ako nilampasan. Napasunod ako ng tingin sa kanya. Naintindihan ko naman ang huling sinabi niya ngunit kanino niya ipinapatungkol iyon? Sa akin ba? Kay Angelo ba na katatagpuin ko? Pero... Bakit niya alam? Paano niya nalaman? Napailing ako at napatawa sa sarili ko. Imposibleng alam niya 'yung tungkol sa amin ni Angelo. At lalong imposible na alam niya ang plano naming pagtatagpo. Pero teka... Teka muna. Hindi kaya... Siya si Angelo? Nagmamadali kong kinuha ang cellphone kong pinaglumaan na ng panahon. Hindi. Biro lang kahit literal na totoo. Pinaglumaan na ng ate ko ang ibig kong sabihin. Kaagad kong binuksan ang Messenger at binuksan ang chat ni Angelo. "Where ka na?" Iyon ang huling chat niya at agad ko iyong sinagot. "Nandito na ako sa bar. Dito malapit sa CR," mabilis kong tipa. Lumingon-lingon ako sa paligid. Tinitignan ang bawat lalaking naglalakad papunta sa kinatatayuan ko. Hindi ko mapigilan ang makadama ng pagkadismaya dahil hindi ko man lang napilit si Angelo na magpadala ng larawan niya bago kami magkasundong magkita. Mabuti pa siya, kilala niya ako. Alam niya kung ano ang itsura ko. Nakaabang din ako na baka 'yung nakabangga ko ang lumapit sa akin. Ano na nga ang pangalan niya? Yuri Rafaelson. Tila may bumulong sa tenga ko para maalala ko ang pangalan ng taong iyon. Tama. Yuri nga. Pero sana hindi siya si Angelo. Sana hindi siya. Halos mapatalon ako nang may mga brasong yumakap sa akin mula sa likuran ko. Gulat akong napalingon dito. "Jay!" Napakatamis na ngiti sa akin ng isang guwapong mukha. Hindi ko mapigilan ang muling mapanganga sa ikalawang pagkakataon sa gabing iyon. "A--angelo?" nanginginig kong tawag sa kanyang pangalan. "Yes!" tuwang sabi niya. Ihinarap niya ako sa kanya at niyakap nang mahigpit. Dama ko ang kanyang pananabik. Kaya sa kabila ng mabilis na t***k ng puso ko, sa kabila ng nerbiyos at takot ko, at sa kabila ng pangingimi ko sa kaguwapuhang nasa harapan ko ay yumakap na rin ako sa kanya. Ang paghigpit na kanyang yakap sa akin ang bumura sa lahat ng mga pagdududa ko kay Angelo. Sa wakas, nakita ko na siya, katabi ko na siya, nahahawakan at nayayakap ko na siya. "Kanina ka pa?" nangingimi ko pa ring tanong. Hindi ako makapaniwala na siya talaga si Angelo. Paanong ang katulad niya: guwapo, matikas at tila modelo, ay makikipag-chat at iibig sa tulad ko? Too good to be true ngunit narito na ang katotohanan sa harapan ko, hindi ba? "Yes. I was with my friends kanina pa. Come, I'll introduce you to them," nakangiti niyang paanyaya sa akin. Nakangiti ring tumango ako sa kanya. Hawak ang kamay ko ay nakipagsiksikan kami sa mga nakakalat na mga estudyante. Ang iba sa kanila ay napapatitig pa sa amin ni Angelo. Tila hindi sila makapaniwala na ka-holding hands ko ang isang lalaking tila hulog ng langit ang itsura. Lihim akong napangiti. Nanlalamig ako ngunit nakadarama ako ng kiliti. Ganito pala ang pakiramdam na maging proud sa sarili. First time ko kasing maramdaman ito, eh. Nang sa wakas ay tumigil si Angelo sa paghila sa akin, nasa harapan na kami ng isang mesa kung saan nakaupo ang mga elites sa eskuwelahan namin. Kapag sinabing elites, sila 'yung mayayaman at talaga namang sikat sa buong eskuwelahan. Sila 'yung untouchables. Sila yung pili ang mga kaibigan at kinakausap. Sila 'yung madalas ay kinatatakutang makabangga ng mga estudyante at maging ng mga guro. "Angelo, is that him?" tanong ng isang Inglisero sa grupo kaya napatingin ako sa kanya. Nakangiti naman siya sa akin kaya nabawasan ang nerbiyos na nararamdaman ko. "Siya pala 'yung boy," Conyo na sabi ng isang babaeng boses. Sa kanya naman bumaling ang mga mata ko at hindi ko mapigilang makadama ng panlalamig. Siya 'yung isang sumali sa pambansang patimpalak noong nakaraang taon. "Guys, this is Jay, my boyfriend." Proud na inakbayan ako ni Angelo at ihinarap sa kanyang mga kaibigan. Lalo akong nakadama ng nerbiyos dahil ngumiti man ang iba, karamihan naman ay pinagtaasan ako ng kilay at may mga tingin na kakaiba. Hindi siguro sila makapaniwala na ang isang tulad ni Angelo ay papatol sa bakla. Sa isang baklang pobre na, hindi pa maipagmamalaki ang itsura. Bumaling sa akin si Angelo. "Don't worry, mababait ang friends ko," bulong niya sa akin bago niya ako muling hinila para maupo sa bakanteng puwesto sa paikot na sofa. Tahimik lang ako habang nakikinig sa mga conyo nilang pag-uusap. "Here, this is your drink." Isang basong may lamang asul na likido ang iniabot niya sa akin. "Hindi ako umiinom ng alak, Angelo," agad kong tanggi sa kanya. Bumakas ang pagkadismaya at pagkapahiya sa mukha niya nang kantiyawan siya ng isa sa kanyang mga kaibigan na nasa mesang iyon. "What now, man? Can't have him drink it?" Tumawa pa ito nang malakas. "Akina." Hindi nag-iisip na kinuha ko mula sa kanya ang baso. Ayoko namang mapahiya siya sa mga kaibigan niya dahil lang sa pag-iinarte ko. Sumimsim ako sa baso at muntikan na akong mapangiwi sa lakas ng amoy ng alak na pumasok sa pang-amoy ko. "Drink it straight, babe," narinig kong payo ni Angelo kung kaya pikitmata kong itinaas ang baso sabay sa pagtingala ko. Dire-diretso sa lalamunan ko ang alak. Kaagad kong inilapag ang baso sa mesa sabay sa pagtakip ko sa bibig ko. Natatakot akong bigla na lang masuka sa harapan nilang lahat. Sa kabila ng nararamdaman ko ay nakadama ako ng tuwa dahil sumungaw sa mga mata ni Angelo ang saya. "Are you all right, babe?" ngiting-ngiti niyang tanong sa akin. Ayan na naman 'yung tawag niyang babe sa akin, eh. Kapag tinatawag niya ako ng babe, lumalakas ang loob ko. "Tuloy ba?" Napalingon kami ni Angelo sa nagsalitang iyon. Isa iyong babae na nakahawak ng umuusok na sigarilyo. Bukod sa amin ng boyfriend ko ay napalingon din ang ibang kasama namin sa mesa sa kanya. Natigil ang usapan at tawanan. Lahat ay naghihintay sa sasabihin ng babaeng iyon. Sino ba siya? Hindi ko yata siya makilala. Ngunit sa itsura niya at sa pananamit niya, makikilala talaga siya ng kahit na sino bilang miyembro ng elite group na ito. "Of course, Amanda. Tuloy," tipid na sagot ni Angelo kaya sa kanya or should I say na sa amin naman bumaling ang mga mata nila. May nararamdaman akong hindi ko mapangalanan sa klase ng mga tingin na ibinabato nila sa amin. Gusto kong magtanong kay Angelo kung ano ang tinutukoy ni Amanda sa itinanong niya ngunit inabot ni Angelo ang isang bote ng beer at ininom ang laman niyon. "Have another drink, Angelo's boyfriend," tawag sa pansin ko ng isang babae. Nahihiyang ngumiti ako sa kanya. "No, thanks," tanggi ko. Umiling pa ako at mas nakaramdam ng pagkahilo sa ginawa kong iyon. "Aw, c'mon! One last drink for the night?" nang-eengganyo niyang sabi. Hindi na ako nakatanggi nang ipahawak niya sa akin ang baso na may pulang likido. Nagpasaklolo na tumingin ako kay Angelo. "One last drink, babe. Don't worry, I'll drive you home." Naglalambing siyang umakbay sa akin at hinapit pa niya ako papalapit sa katawan niya habang umaalalay ang isang kamay niya sa kamay kong nakahawak sa baso. Tinulungan niya akong maiangat iyon sa bibig ko at maging sa pag-inom ng alak ay nakaalalay siya sa akin. Trumiple ang hilo ko pagkatapos kong inumin iyon. Halos mapasubsob na ako sa dibdib ni Angelo sa kalasingan ngunit dinig ko pa rin ang lakas ng musika sa paligid at ang ingay ng usapan nila sa mesa. "OMG, he's sooo drunk!" maarteng sabi ng isang boses. "I know, right?" tawa naman ng isa pa. "1 Million, honey?" tanong ng isang boses lalaki. "I'm betting my brand new car," sabi naman ng isa pa. "You're sooo cheap. I'm betting ten souls," wika na naman ng maarteng boses na iyon. Ngunit hindi na sila ang pinagtuunan ko ng pansin. "A...Angelo, pun--punta ako...ng... banyo," pautal-utal kong sabi sa kanya dahil tila nangangapal na ang dila ko dala ng kalasingan. "I'll go with you," bulong din niya. Nagkantiyawan pa sila nang tumayo siya at halos hilain na ako upang mapatayo rin. "It's happening!" Narinig kong sigaw ng isa sa kanila habang papalayo kami. Alalay ako ni Angelo at halos hilain na ang bigla na lang siyang mapatigil sa paglalakad. Natagalan ako sa pagtila-estatwa niya sa pagkakatayo kaya nag-angat na ako ng ulo at pilit na kinikilala ang matangkad na lalaking nasa harapan namin. Nagdikit ang mga kilay ko. Hindi ba at ito si... "Yuri Rafaelson." Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang galit sa boses ni Angelo nang sabihin niya ang pangalan ng lalaking nasa harapan namin. Kahit nanlalabo na ang mga mata at isipan ko ay pinilit ko pa ring itiningin iyon sa lalaki. Ano ba ang ginagawa nito? Bakit ayaw niya kaming padaanin? "Don't do it, Kazel," sagot ng lalaki kay Angelo. Anong 'don't do it' ba ang sinasabi niya? Ayaw ba niyang magpunta kami sa CR? At sinong Kazel ang tinutukoy niya eh kami lang naman ni Angelo ang nasa harapan niya. Apelyido ba iyon ni Angelo? "This is not your business, Rafaelson. Mind your own problems or I'll tell your dad about this," may halong pagbabanta na sabi ni Angelo sa kanya. Ngunit imbes na pakinggan ito, lumapit pa sa amin ang lalaki at tumayo sa harapan ko. "Sasama ka ba sa kanya?" seryosong tanong nito na ikinadikit ng mga kilay ko. Bakit kailangan niyang itanong iyon samantalang obvious naman na boyfriend ko ang kasama ko? Kanino ba ako dapat sumama? Sa kanya? "O--oo!" malakas kong sabi. "See? You don't have any business here so get lost!" Hinila na ako ni Angelo at narinig ko pa ang malakas na pagbabanggaan ng mga balikat nilang dalawa. Masyado na ba akong lasing? Tila kasi yumanig ang paligid dahil sa pagbabanggaan nilang iyon. Sa awa ng Diyos ay narating muna namin ang cr bago nagdesisyong ang tiyan ko na ilabas ang mapait na likidong pilit kong ipinasok dito. Nakaalalay naman sa akin si Angelo. Tinatapik nang malakas ang likuran ko at nakakaikot ang isang braso niya sa katawan ko upang hindi ako masubsob sa lababong puno ng suka ko. Nang mailabas ko na yata lahat, kulang na lang ay ang mga bituka ko, tinulungan ako ni Angelo na magmumog at maghilamos. Natutuwa ang loob ko sa ginagawa niya. Sinong mag-aakala, 'di ba? Na ang tulad kong bakla ay mamahalin at aalagaan ng tulad niya. "Let's go home. Ang mabuti pa ay sa condo ko na ikaw magpalipas ng gabi," may pagkabaluktot na Tagalog na sabi niya habang inaayos ang ilang hibla ng basang buhok ko. "Sige," malambing kong sagot. Nakatulong sa akin ang pagsusuka at paghihilamos upang mabawasan ang kalasingan ko. Mabuti ngang sa condo na niya ako matulog at magpalipas ng magdamag kesa umuwi akong lasing. Siguradong palalayasin ako ng tatay at nanay ko. Masaya siyang tumango sa naging kasagutan ko. Muli niya akong inakbayan at inalalayan palabas ng banyo hanggang sa paglabas sa bar. Pumunta kami sa parking lot upang hanapin ang sasakyan niya. Papasakay na ako nang may masulyapan akong bulto ng tao na nasa gilid. Sigurado akong ako ang tinititigan niya dahil nakadarama ako ng pagkaalinsangan sa ginagawa niyang pagtitig. Siya na naman. Si Yuri Rafaelson na naman. Bakit ba pakiramdam ko ay sadya niya akong sinusundan at binabantayan? May kasalanan ba ako sa kanya? Hindi pa ba siya makapag-move on sa naging pagbabanggaan naming dalawa kanina? Bakit tila galit pa rin siyang nakatingin sa akin? Sa akin ba o kay Angelo siya galit? "Get in, babe." May halong inip na ang boses ni Angelo kaya itinigil ko na ang pagtatanong sa sarili ko na hindi ko naman masasagot. Pumasok na ako sa magarang kotse ng boyfriend ko at pilit na inalis sa isipan ko si Yuri Rafaelson. In-enjoy ko na lang ang gara at lamig ng aircon sa loob ng kotse. At dahil may tama pa rin ako mula sa suntok at sipa ng alak ay unti-unting pumikit ang mga mata ko sa antok. Hindi ko na namalayan nang makatulog ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD