Ang Tiyahing Sinungaling

1952 Words
"'Di pa rin ako maka-get over sa nangyari kanina. Seguro nagayuma mo 'yong tarantadong 'yon kaya kahit ano'ng galit niya'y biglang bumahag ang buntot nang ikaw na ang nagalit," untag ni Karla nang makauwi na sila at naghihintay ng meryenda habang magkatabing nakaupo sa mahabang sofa sa sala ng bahay nito. Isang hagikhik lang ang kanyang isinagot. Mula sa kusina ay sumulpot ang ina ng kaibigan na si Aling Carmona bitbit ang tray ng dalawang basong grape juice at apat na sandwich. "Hayy naku, iyang sinungaling mong tiyahin. Hindi pala tinirhan ng agahan si Cerus. Akala ko naman totoo 'yong sinabi niyang kumain na 'yong bata nang sunduin ko sa inyo," sumbong ng ginang pero sa tray nakatingin. Natahimik siya, nagpantig agad ang tenga sa narinig ngunit hindi nagpahalata sa mag-ina. Tuwing Linggo kasi tulad ngayon, isinasama ng ginang ang kanyang kaisa-isang kapatid upang magsimba. "Nang nasa simbahan kami, nagulat na lang ako, hawak ni Cerus ang tiyan niya. Hindi pala tinirhan ng pagkain ng mga pinsan niya," patuloy nito sa pagkukwento habang iniaabot sa kanya ang isang basong juice, noon lang din sumulyap sa mukha niya. Napahigpit ang kapit niya sa hawak na baso, lihim na nagtagis ang bagang. Araw-araw ay nagtitiis siyang bumangon nang maaga para lang makapagluto ng agahan nilang lahat. Kung tutuusin ay higit pa sa sapat ang isang kilong bigas na sinaing niya kaninang madaling-araw, anim na pirasong itlog na kaniyang nilaga at piniritong sampung pirasong tinapang tamban para sa tatlong anak ng kanyang Tiyang Judy at sa dalawang mag-asawa pati na kay Cerus. Gaano lang ba kadami ang kain ng kanyang kapatid para hindi bahagian ng kahit kunting pagkain man lang? Sarili niyang pera ang ipinampapakain niya sa pamilya ng kaniyang Tiya mula sa pinaghirapan niya sa pagtitinda ng mga gulay sa talipapa. Tapos malaman-laman niya, nagugutom si Cerus dahil hindi tinirhan ng pagkain? Hindi niya napigilan ang pagkawala ng dalawang butil ng luha sa mga mata. Hinampas ni Karla ang balakang ng nakatayong ina sa harap nito pagkakita lang sa naging reaksiyon niya. "Nay, naman! Ang dami-dami niyong ikukwento sa'min eh bakit iyon pa ang isasalubong niyo? Alam niyo namang kadarating lang namin galing sa talipapa," nakairap na sermon ng dalaga sa natamemeng ina, bumakas bigla sa mukha ang pagsisisi sa sinabi. Agad siyang nakabawi't mabilis na pinahid ang luha sa mga mata, saka ngumiting pilit. "Okay lang po. Salamat po at hindi niyo pinababayaan ang kapatid ko," baling niya sa ginang. Mabait si Aling Carmona. Maalalahanin din sa kanilang magkapatid. Apat ang anak nito. Si Karla ang bunso. Pasalamat na lang siya sa Diyos na naroon ang mag-ina para tulungan sila. "Sensya ka na sa'kin, Glessy. Hindi ko lang talaga maiwasang ikwento sa'yo. Naaawa ako na humahanga sa inyo kasi nagagawa niyong magtiis sa ganiyang klaseng pamilya ng tiyahin mo," mahinang paliwanag ng ginang, pumagitna ng upo sa kanila ni Karla at pinisil ang kanyang balikat. "Kita mo, bumalik na lang kami ng kapatid mo mula sa simbahan ay hindi mahagilap ang mukha ng tiyahin mo at ng adik niyang asawa. 'Yong mga anak naman ay ayon at maghapon sa computer-an. Itanong mo kung kanino galing ang pera ng mga ito. Pero ang kapatid mo, kahit piso walang maibigay ang tiang mo, samantalang--" Huminto ito sa pagsasalita, pagkuwa'y napabuntunghininga, saka tumayo. Tahimik lang siya habang pilit na nginunguya sa bibig ang kinakaing sandwich. Kinagat niya ang ibabang labi upang pigilang pumatak ang luhang namumuo na naman sa mga mata. Ayaw niyang makita ng mag-inang nasasaktan siya, na naaawa siya sa kanyang sarili, higit sa kaniyang kapatid. "Nay, iluto niyo na 'yong binili kong tocino nang makakain na kami bago umuwi si Glessy!" utos ni Karla, pinandilatan na ang sariling ina sabay tulak pabalik sa kusina. "Naku, h'wag mong pagpapansinin ang madaldal kong nanay. Talagang wala lang magawa sa buhay 'yon. Simula nang mamatay si tatay ay gano'n na 'yon," pampalubag loob ni Karla sabay siko sa kanya. Tipid na ngiti lang ang kaniyang isinagot at tumayo na't nagpaalam na aalis. Hindi naman siya pinigilan ng kaibigan. Pag-uwi niya ng bahay, naroon si Cerus sa may sala, nakaupo sa sementong sahig habang nakapatong ang mga siko sa ibabaw ng luma nang kawayang sofa. Napangiti siya nang makita itong nagbabasa ng libro. At nang makita siya'y kumaripas nang takbo palapit. "Ate, 'yong sinasabi kong contribution namin sa school?" Ang unang lumabas sa bibig sabay hawak sa kanyang kamay at iginiya siya sa loob ng kusina. "Syempre, andito. Pinagsikapan ko talagang makadiskarte ng pera ngayon para sa contribution mo," nakangiti niyang sagot, hindi ipinahalatang naaawa siya sa kapatid lalo nang maramdaman ang malamig nitong kamay. "Ate, halika. Alam ko na kung paanong magsaing ng kanin. Ako ang nagsaing kanina. Tapos nagluto din ako ng ulam para makakain si Tiyong Simon ng tanghalian," anang inosneteng bata, maangas pang inikwento ang ginawa nito habang wala siya. Kumurap-kurap siya upang hindi tuluyang mapaiyak. "G-gano'n ba? Ang galing-galing naman ng baby namin," papuri niya, piyok ang boses. Bumungisngis ang kapatid. "Syempre malaki na ako, dapat alam ko na ang mga gawaing bahay para kapag wala ka, ako na ang gagawa ng ginagawa mo rito," mayabang na turan. Itinuro pa sa kanya ang sinaing nitong halos mangalahati ang tutong. At ang pinirito nitong tuyo na halos sunog. "Tyaran! Ayan ang niluto ko kanina, Ate," turo sa mga nasa lamesa pagkatapos nitong tanggalan iyon ng mga takip. Natawa siya nang mapakla. "Wow, ang sarap naman!" komento niya, kunwari ay takam na takam sa mga luto nito at agad na hinila ang isang wooden stall at umupo paharap sa mesa. Binigyan siya nito ng plato at isang basong tubig. Tahimik siyang kumain, pigil ang mapaluha, pilit ang ngiti. Para sa kanya, iyon ang pinakamasarap na pagkaing natikman niya sa buong buhay niya, dahil iyon ang kauna-unahang luto ng kanyang pinakamamahal na kapatid. "Hmm, sarap! Ang galing mo naman. Hindi hilaw ang sinaing mo. Ako noon, palaging hilaw ang sinaing ko kaya madalas ay napapagalitan ako ni Inay," palatak niya, pinuro na uli ito. Isang malakas na bungisngis ang pinakawalan nito, sinabayan pa ng palakpak. Natawa tuloy siya nang malakas din. Ngunit biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. "Sa sunod, Ate, gisingin mo na ako sa madaling-araw para matulungan kitang maghanda ng almusal para hindi ka nali-late sa pagtitinda ng mga gulay," presenta nito. Ilang beses siyang tumango habang puno ng pagkain ang bibig. "O, nakauwi ka na pala." Kapwa sila napalingon ni Cerus pagkarinig sa boses na iyon. Ang kaniyang Tiyang Judy, halatang kagagaling lang magbingo sa lamay. Himalang napauwi ito nang maaga. Dati kasi'y hatinggabi na ito kung umuwi galing sa bingohan. Tumayo siya at nagmano rito, hindi ito umimik, ni hindi siya sinulyapan, nagtuloy-tuloy lang sa lababo. "Ang uulamin natin bukas?" Ang usisa pagkuwan. "Ayy, naiwan ko po kina Karla," sagot niya. Hindi niya pala nabitbit 'yong isang kilong galunggong na binili niya sa talipapa at isang tray ng itlog. "Kukunin ko muna, Ate," presenta ni Cerus at kumaripas na ng takbo palabas ng bahay. Humugot siya ng malalim na paghinga. Kailangan niyang makumpirma ang isang bagay mula dito na kanina pa gumugulo sa kanyang utak. Pasimple niyang iniligpit ang mga kalat sa lamesa, pero nang makita niyang palabas na uli ang tiyahin ay saka siya nagsalita. "Tiyang, may balita na po ba kayo kay Nanay? Tumawag na po ba sa inyo?" sunod-sunod niyang tanong. Huminto ito sa paglalakad at dinig niya ang pagtaas-baba ng dibdib bago salubong ang kilay na baling sa kaniya. "'Di ba sinabi ko na sa'yong mula nang umalis ang haliparot mong ina'y hindi na siya nagparamdam sa'kin? Ni hindi man lang tumawag upang kumustahin kayo, kung mga buhay pa kayo!" bulyahaw agad nito, nanlaki ang butas ng magkabilang ilong sa galit. Hindi niya napigilan ang pagkuyom ng kamao at ang pagtatagis ng mga ipin sa narinig. Matagal na siyang nagtitiis sa paulit-ulit na pagtawag nitong haliparot ang kanyang nanay. Ngayon, para nang sasabog ang kanyang dibdib sa pagkapuno. Pero pinigil pa rin niya ang sarili at hindi nagpaapekto sa galit nito. "Ang sabi po ni Aling Cecelia kanina, sabay daw kayong nagpunta sa Cebuana. Narinig daw niyang kinukuha mo ang padala ni Nanay galing Saudi," mahina niyang sambit pero sapat para marinig nito ang kanyang sinabi. Ramdam niya ang panlalamig ng sariling mga kamay sa kaba. Paano kung magalit ito lalo? Hindi! Hindi siya dapat matakot. Kung totoo man ang sinabi ni Aling Cecelia, pera 'yon ng nanay niya para sa kanilang magkapatid. Hindi 'yon pera ng kanyang tiyahin. Tulad ng inaasahan ay halos manindig ang mga buhok nito sa sobrang galit nang sugurin siya at binigyan ng mag-asawang sampal. "Ang kapal ng mukha mong ungkatin ang ginawa ko sa Cebuana kanina! Magpasalamat ka, dahil sa isinanla kong kwintas ay nakakain ang masiba mong kapatid!" sigaw sa kanya, ilang beses siyang dinuro. Siya'y hindi na naramdaman ang sampal nito. Ni hindi na nga bumiling ang kanyang magkabilang pisngi. Sanay na kasi siyang gano'n ang ginagawa nito sa tuwing itinatanong niya kung kumusta na ang kaniyang ina. Pigil ang galit na nanatili siyang nakayuko. Pero nang mag-angat siya ng mukha ay nagulat ang tiyahin sa nakitang pagsasalubong ng kaniyang mga kilay. "Nagpunta ako sa Cebuana kanina at tinanong kung kumuha ka nga ng padala sa kanila. Ang sabi ng teller, meron nga raw gano'n ang pangalan ng nagpadala galing Saudi at mismong pangalan niyo ang nakasulat na receiver sa resibo," pagsisinungaling niya pero nakumpirma niya agad ang katotohanan sa sinabi ni Aling Cecelia nang makitang namutla ang kaharap, napaatras at biglang lumikot ang mga mata. "At saka, wala po kayong kwintas na pwedeng isanla dahil ninakaw iyon ng asawa niyo last year pa at ibinenta sa kainuman nang lingid sa inyong kaalaman," patuloy niya sa pakumpirma sa pagiging sinungaling nito, puno ng panunuya ang boses habang naniningkit ang mga mata sa pinipigil na galit. Kung susundin niya ang laman ng isip ngayon, baka naingudngod na niya sa semento ang sinungaling na tiyahin. Pero bilang respeto sa yumao niyang ama, hindi niya gagawin 'yon. "Aba't sira-ulo ka ah! Wala kang respeto! Bakit mo ako pinagbibintangan nang ganyan ha? Kelan pa ako nagsinungaling sa'yo? Wala kang utang na loob! Kung hindi dahil sa akin ay baka nasa kalsada na kayo ngayon at namamalimos sa kung kani-kanino!" duro sa kanya nang makabawi. "Wala po kaming utang na loob na pwedeng bayaran sa inyo. Ang pagkakatanda ko, kaya lang kayo nagkabahay dahil ibinenta niyo ang bahay namin sa bayan at iyon ang ginamit niyo para bilhin ang bahay na ito. Malay ko ba kung ang ipinanggawa niyo rito ay galing nga sa perang pinapadala ni Nanay sa inyo," buong tapang niyang sagot, wala na siyang pakialam kung masampal pa uli. Pero natameme ang babae, nanlaki ang mga matang napatitig sa kanya, marahil ay hindi makapaniwalang sumasagot na siya rito o sa gulat dahil alam niya ang ikinukubli nito. "Pero kahit ganito ang ginagawa niyo sa'min, okay lang po 'yon. Huwag ko lang pong maririnig uli na tinatawag niyong haliparot ang nanay ko dahil kong titignan po nating mabuti, nakatatlo kayong anak na hindi malaman kung sino ang ama," patuya niyang sambit. "Aba't--" Nanlisik lalo ang mga nito at muntik na siyang masampal uli kung hindi niya nahuli ang braso nito. This time, totoong galit na siya at walang makakapigil sa kaniya, masabi lang ang gusto niyang iparating sa ginang. "At huwag na huwag niyong pagsasabihang masiba ang kapatid ko, dahil ang totoo, wala kayong ipinapakain sa kanya. Ako ang nagpapalamon sa inyong lahat. Kung mawawala ako sa poder niyo, baka kayo ang pulutin sa kalsada at mamalimos sa lansangan!" pinal niyang babala dito bago pabalibag na binitawan ang kamay nito at walang sabi-sabi niyang tinalikuran. Naiwang nagpupuyos sa galit ang huli.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD