Terror 02

1525 Words
Maririnig ni Zeke ang tunog ng papalapit na sasakyan. Tatayo siya’t maglalakad palapit sa gilid ng riles ng tren, maghihintay sa pagdating nito. Makikita niya ang ilaw ng paparating na tren sa ‘di kalayuan. May isang lalaki na tatabi sa kanya. Mapapalingon siya rito. Misteryoso ang kabuuan ng lalaki. Nakasuot ito ng maitim na terno at pantalon. Natatakpan ang mukha nito ng itim na sobrerong nakapatong sa kanyang ulo. Malaki at malapad ang sobrero nito. At may hawak itong briefcase sa kaliwang kamay. Uusog nang ilang hakbang si Zeke, papalayo sa bagong dating. Gusto na niyang makaalis sa lugar na iyon. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa mangyayari, may parte ng utak niya ang nagsasabi na may masamang mangyayari. Bago itong lugar na nabungaran niya. Wala pang kahit ni isang kakaibang nilalang ang nagpapakita’t hinahabol siya. Iba ito sa mga nagdaan. Ito ang kauna-unahan na may kasama siyang iba, na may kasama siyang tao. At wala siya isang bus stop. Ilang segundo na lang ay hihinto na sa kanyang tapat ang tren. Magugulat siya sa pagbulong ng katabi niya, sobrang lapit na nito sa kanya. Tatayo ang balahibo ni Zeke sa pagtama ng malamig na hininga ng lalaki sa kanyang leeg. “I’m sorry. And take care,” ibubulong ng lalaki. Bago pa man umabot ang tren sa tapat niya ay bumigat ang kanyang kanang kamay. Mapapatingin si Zeke rito. Nakaposas sa pulsuhan niya ang isang itim na briefcase at may telepono ring nakasuksok sa kamay niya. Makikita niya ang pagtalon ng lalaki sa riles. Manlalaki ang kanyang mga mata. Akala niya’y mahahagip ito ng tren ngunit bigla na lamang itong naglaho sa hangin na parang bula. Matutulala si Zeke. Iisipin niya kung ano ang nangyari. Tititigan niya ang briefcase. Ano ang laman nito? Bahagya niyang iaangat ang kamay. Bakit mabigat? Ilang saglit pa ay makikita niya ang tumatakbong mga nilalang mula sa lagusang pinanggalingan ng tren. Akala niya’y ligtas na siya mula sa mga ito dahil kanina pa ito hindi nagpapakita. Mangangaligkig ang kanyang mga tuhod, hindi na siya mapapalagay. Ang tagal magbukas ng pinto. Gugustuhin na niyang pumasok ng tren, magtatago sa loob. “Magbukas ka na. Bilis,” ibubulong niya, palipat-lipat ang tingin sa pinto at sa mga paparating sa ‘di kalayuan. Giginhawa ang kanyang paghinga nang magbukas na ang pinto. Mabilis siyang papasok rito. Tatakbo siya sa parte ng tren kung saan hindi siya makikita ng mga nilalang na hindi niya pa rin alam kung ano ang tawag. Maliban sa isang klase na ngayon lang din niyang nakita na kasama ng mga nilalang na palaging humahabol sa kanya. “Chemira. . .” isasaad ni Zeke sa sarili sa mahinang boses. Yuyuko siya sa pagkakaupo niya. Sisilip siya sa bintana gamit ang isang mata. Mapapasinghap siya. Nandoon na ang isang chemira sa may tapat niya, sumisinghot ang ulo ng leon, hinahanap ang amoy niya. Magtataka siya kung bakit wala ni isang tao ang nandoon. Siya lamang at iyong lalaki kanina. Lilingon ang mga ito sa direksyon niya. Uungol ang chemira nang malakas na tila tinatawag nito ang mga kasamahan. Tatakbo ito papunta sa kanya. Bubuga ito ng apoy sa bintanang kanyang sinisilipan. Tatalon ang dalawa sa ibabaw ng tren. Sisirain ng mga ito ang bubong ng tren gamit ang matutulis na kuko. Hindi lulubayan si Zeke ng mga ito lalo na ng mga chemira. Kung dati ay hinahabol lang siya ng mga ito, ngayon, inaatake na siya. Sasaktan. Ito ang hindi mauunawaan ni Zeke. Bakit siya ang pinupuntirya ng mga ito? Nasa maayos pa naman siyang pag-iisip at hindi magulo ang mental state niya. Tatakbo siya papunta sa kabilang compartment ng tren. Bubuksan niya ang pinto na nagkukunekta sa isa pang compartment. Sasalubungin siya ng nakakasilaw na liwanag pagkabukas ng pinto. Aakalain niya na makakatakas na siya sa mga humahabol sa kanya. Sa halip na magigising si Zeke mula sa pagkakatulog ay mabibigla siya sa pagdaan ng matutulis na kuko sa harap niya mula sa taas. Hindi siya tuluyang nakapasok sa liwanag. Muntik pa siyang matamaan nito. Mabuti’t nailagan niya ito kaagad. Liliyab ang paligid kasabay ng pagtalon ng isang chemira sa kanyang likuran. Matataranta na siya at matatakot para sa buhay niya. Dadagdag pa ang bigat ng dala-dala niya sa kamay sa iisipin niya kasabay ng kanyang pagtakbo. Mahihirapan siya dahil dito. Hindi ako pwede mamatay dito. Hindi pa kami nagkikitang muli ni Xenon. Iwawaksi ni Zeke ang pag-iisip ng kabigatan ng kamay niya. Titingnan niya ang layo ng distansya mula sa kanya at sa nagliliwanag na pinto. Hihinga siya nang malalim. Lilingunin ni Zeke ang chemira sa likuran niya. Tinitingnan siya nito nang masama at handa itong lapain siya nang walang kalaban-laban. Tatalon ang chemira kay Zeke. Ang matutulis nitong mga kuko ay nakaamba sa kanya. Mabilis na gagalaw si Zeke. Hahakbang palapit at papasok sa pinto. *** Magigising si Zeke, hinahabol ang paghinga. Manlalaki ang mga mata niya na tititig sa kisame. Uupo siya sa kama at doon lamang niya mapapansin ang posas sa kanyang kamay. Titingnan niya ito’t magugulat sa briefcase na nakakabit dito. Lalo siyang maguguluhan. Hindi ba’t panaginip lang ang lahat nang nangyari? Bakit nandito at hawak niya sa kamay ang briefcase? Dadako ang paningin ni Zeke sa mesa na gilid ng bintana. Nandoon ang iilan sa mga gamit na galing din sa panaginip niya. Maaalala niya na mag-iisang linggo na rin simula nang may nadadala siyang mga gamit mula sa panaginip niya. Panaginip nga lang ba ang lahat? Kung panaginip nga, bakit magigising siyang hawak-hawak ang mga bagay na mahahawakan niya sa kanyang panaginip? Maguguluhan lalo si Zeke. Kung sa mga nagdaang araw ay simple at ordinaryo lamang ang mga kagamitan na portable ang kanyang nadadala, ngayon ay ibang usapan. Binigyan siya ng briefcase. Ang dati ay mga napupulot lamang niya na ibabato sana niya sa mga humahabol sa kanya bago siya magising. Taimtim na tititigan ni Zeke ang briefcase. Magdadalawang-isip si Zeke kung bubuksan niya ba ito o hindi. Ngunit hindi niya matatanggal ang posas sa kamay kapag hindi niya ito bubuksan. Hindi niya alam kung paano palalayain ang pulsuhan niya. Mag-iisip pa ng ilang minuto si Zeke bago niya mapagpasiyahan na buksan ang briefcase at tingnan ang laman nito. Maiisip niya rin na baka nasa loob ng briefcase ang susi ng posas. Madaling mabubuksan ni Zeke ang briefcase. Sa katunayan ay bubukas ito nang kusa sa oras na dadampi ang kanyang kamay sa seradura nito. Puno ito ng gadgets. Mga kagamitan na hindi niya alam kung para saan at kung paano ito gagamitin. Makukuha ang pansin niya ng isang maliit na bagay sa isang dulo ng briefcase. Mukha itong susi dahil sa liit nito. Kukunin ito ni Zeke at susuriin. Isusunod niya ang posas na nasa pulsuhan niya. Halos magkatulad ang hugis nito. Mukhang ito nga ang susi ng posas. Ipapasok ni Zeke ang maliit na bagay. Hindi pa rin siya sigurado kung ito nga ang susi pero susubukan niya. Pipihitin niya ang animo’y susi. Tutunog ang posas at magbubukas. Mabilis na huhubarin ni Zeke ang posas. Bubuksan niyang muli ang briefcase. Lilitaw ang hologram ng lalaki mula sa panaginip niya. Magugulat siya nang tanggalin nito ang suot na sumbrero. Kilala niya ito. Kilalang-kilala. Biglang susulpot sa isipan ni Zeke ang lalaking nakasuot ng leather jacket na humahabol sa maitim na pigura. Manlalaki ang mga mata niya. Mapagtatanto niya na magkatulad na magkatulad ang suot nito sa suot ng lalaking nagbigay sa kanya ng briefcase. Ang leather jacket na nakasapaw lang ang pinagkaiba. “Kumusta ka na, mahal ko? Pasensya ka na kung hindi na ako nagpapakita sa iyo. May importanteng bagay kasi akong dapat gawin na hindi ko inaasan na makakaapekto sa iyo. Sorry kung nadadamay ka,” isisimula ni Xenon. Matutulala si Zeke. Si Xenon, ang lalaking nakasuot ng black leather, at ang nag-iwan ng briefcase ay iisa lang. Ang mahal niya. “Marahil ay naguguluhan ka sa lahat ng ito, mahal ko, kaya may ipagtatapat ako sa iyo. Isa akong Dream Walker. Isa ako sa mga nagliligtas sa mga tao mula sa bangungot na maaaring ikamatay nila. Marahil dahil nga sa pagiging Dream Walker ko ay nadadamay ka. At ikaw na ang pinupuntirya ng Night Terrors, inaatake ka ng mga alaga nilang chemira. Kung kaya’t binibigay ko ang mga gadget at sandata na ito sa iyo para maprotektahan mo ang iyong sarili kahit wala ako. Alam kong madali mo itong matututunang gamitin. May tiwala ako sa ‘yo. Iyon lamang, mahal ko. Pangako, magkikita tayong muli. Mahal kita. Ingatan mo ang sarili mo.” Mawawala ang hologram. Mapapatitig si Zeke sa mga bagay na laman ng briefcase. Lahat ng kagamitan ay madali lang dalhin at maitatago sa katawan. Wala siyang ideya kung paano ito gagamitin nang maayos. Hindi iimik si Zeke, uunawain pa niya ang lahat ng sinabi ng mahal niya sa kanya. Maguguluhan pa rin siya. Hindi niya alam kung totoo bang nangyayari ang lahat ng ito, ang mga kaganapan sa panaginip niya. Kung oo, paano? Posible ba na ang mundo ng panaginip ay kaisa sa totoong mundo na kanyang ginagalawan? At higit sa lahat, ano ang Dream Walker at Night Terror na sinabi ni Xenon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD