By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
---------------------------------
Labing-limang taong gulang lang ako noon, taong 1978. Nasa high school ako nang nagsimulang tumutulong-tulong sa sari-sari store ng aking bayaw. Maliit lang ang tindahan nila pero kahit papaano ay okay naman ang bentahan. Ang mga paninda nila ay asin, asukal, mantika, bawang, posporo, suka, patis, at kung anu-ano pa, iyong mga kailanganin sa bahay at kusina. Dahil na rin sa tulong ng bayaw ko sa pagpapaaral sa akin, iyon iyong isinusukli ko sa kanilang kabutihan. Tumutulong ako sa hindi lang sa pagbabantay ng tindahan kundi pati na sa o pagre-repack ng asukal, asin, bawang, paglalagay ng mga mantika sa bote o sa plastic. Basta kahit anong trabaho basta para sa tindahan, tumutulong ako.
Ang puwesto ng tindahan ng bayaw ko ay iyong parang cart lang ngunit nakadikit sa kungkretong dingding sa labas ng shop naman ng tiyahin ng aking bayaw. Bale nasa gilid lang siya ng daanan kung kaya ay marami rin ang mga customers nila. May upuan sa gilid nito at dahil nasa labas lang ng puwesto ang upuan ay kitang-kita ko ang mga tao sa paligid kapag ako ay nagbabantay.
Sa simula pa lang ay doon na rin naka-puwesto ang mga batang nagtitinda ng mga powdered soybeans na tingi-tingi. Sa panahong iyon ay sikat ito sa aming lugar. Ginagamit itong parang hot chocolate sa umaga, puwede rin itong pamalit sa chocloate kapag gumawa ng tsamporado. Iyon lang ang paninda nila at dahil maraming gumagamit nito, kumukita sila kahit marami silang nagtitinda nito. Dala-dala ang mga metal containers na hugis balde na may takip, pumu-puwesto sila sa mga kanto ng public market na iyon habang naghihintay ng customer o mga suki. At dahil med'yo malamig sa aming puwesto at dinadaanan pa ng mga tao, paborito ng maraming nagtitinda ng soybeans ang dito pumuwesto. Nakahilera sila sa gilid ng daanan papasok sa public market.
"Taga-Mindanao ang mga yan", ang sabi ng ate ko. "Sa Mindanao nanggagaling ang mga soybeans na supply dito at sila mismo na galing din doon ang nagbebenta ninyan."
Isa sa naging kaibigan kong soybeans boys ay si Jerry, taga Butuan City. Kasing-edad ko lang siya. Mestiso, medium built, matangkad at talaga namang may hitsura. Kung hindi lang med'yo gusgusin at luma ang mga suot nyang damit at sasabihin mo talagang anak-mayaman siya dahil sa kinis ng balat lalo na ang mukha. Brown ang kanyang buhok na mahaba, brown din ang mga mata, matangos ang ilong at may mamumula-mulang labi na perpektong match naman sa mapuputi at pantay na mga ngipin. Kumbaga, flawless ang kapogian niya. Ang sabi ng ilang kasamahan niya, mayaman daw ang papa nya na half-Spanish ngunit bumagsak ang negosyo at nang namatay ito ay nabalot na sila sa kahirapan. Kaya imbes na mag-aral, nagbanat na siya ng buto, kasama ang nanay at dalawa pa nyang kapatid na babae para makatawid sa mga pang araw-araw na kailangan.
Sobrang aloof at introvert si Jerry, halos kagaya ko rin. Ngunit mas matindi si Jerry. Kung ako ay sobrang tahimik ngunit nakibo kapag natapakan ang paa, sya ay tapakan mo man ang dalawang paa, hindi pa rin kikibo. Kikibo lang siguro siya kapag nabugbog-sarado na, puno na ng latay ang katawan at magtatanong, "Saan ba ang ospital?" Napakamahiyain. At sa tingin ko ay napakabait na bata.
Dahil may hitsura, maraming nagka-crush – bakla, babae. Sa kanya, ang lalaki nababakla at ang tomboy ay naging babae uli. Ganyan katindi ang ka-torpehan, este, kapogian ni Jerry. Malakas ang appeal ng kumag. Kahit mga estudyanteng babae ay dadayo sa puwesto namin para lang magpa-cute sa kanya. At siya pa mismo itong nililigawan ng babae! Saksi ako sa mga pagkakataong may nagpapadala ng love letter sa kanya, minsan ay pagkain, o card, at kung anu-ano pa. Mistula ngang nabulabog ng mga babaeng estudyante at malalanding bakla ang aming public market dahil kay Jerry. Siguro, kung nauso na ang f*******: at internet noon, malamang na nag-viral na rin si Jerry sa social media. Baka sikat na siya, o baka rin, mayaman na sila. Siguro ay kasalanan din ni Jerry iyon. Ipinanganak siya sa panahong mahirap pang pasikatin ang isang katulad niya.
At dahil hindi pa nga naimbento ang internet at cell phone, kaya talagang personal na pupuntahan mo ang taong crush mo, lalo na kapag matindi talaga ang tama mo. Physical appearance kumbaga. Kung ikumpara sa mga kabataan ngayon na idinadaan na lang sa f*******: o texts ang mga pagpaparamdam sa crush, wala iyan sa effort ng mga kabataan noon na kailangan talagang magpakita ng mukha, magpa-cute sa harap ni crush. At iyon ang ginagawa ng mga tagahanga ni Jerry na may matinding tama sa kanya.
Ang siste ay napaka-torpe nga nitong si Jerry. Hindi ko lang din alam kung ano ang drama niya. Pero nasabi ko tuloy sa sarili na talagang patas ang ang Diyos sa pagbibigay ng katangian sa mga tao. Iyong ibang hindi naman ka-gwapuhan ay napakalakas ang apog, este, loob. Pero itong taong sobrang guwapo naman, med'yo gago, torpe, at hetong isa ay sira-ulo pa yata.
Naalala ko pa noong unang salta ko pa sa tindahan, naroon na ang mga soybeans boys. Matagal na kasi silang nagtitinda roon. At napansin ko na si Jerry. Iyong ibang mga kasama niya ay mabilis kaming nagkapanatagan ng loob. Ngunit siya, ang tagal naming maging kaibigan. Siya ang pinakahuli. Hindi ko kasi siya matantiya. Kasi kapag ganyang tinitingnan mo siya o kaya ay magkasalubong kayo sa daan at titingnan mo siya, ibabaling niya ang kanyang paningin sa ibang direksyon. Nakakaano lang kasi, para sa akin, pang-iisnab iyon. Kaya parang ayaw ko na rin sa kanya. Iyon bang feeling na nasaktan ang pride. Kaya kahit nasa harap lang ng tindahan siya naka-puwesto at magkaharap lang ang mga inuupuan namin, hanggang pakiramdaman lang kami. Sa isip ko talaga ay suplado siya. Kahit lantarang nakikita namin ang isa't-isa ngunit para sa amin ay hindi kami nagi-exist. Kapag nakatingin ako sa kanya, yuyuko sya na kunyari ay hindi niya ako napansin. Kung sya naman ang titingin sa akin, syempre, hindi ko rin siya pinapansin. "Ano ka, hilo? Bakit, guwapo rin naman ako ah? Slight nga lang." ang pagpapatawa ko na lang sa sarili kapag ganoong nagde-dedmahan kami. Nakakatawa kung tutuusin.
Sa side ko, okay lang ang ganoong setup namin. Hindi naman ako affected masyado maliban sa naybangan lang ako sa kanya na ganoon siya, guwapo ngunit ayaw makipagkaibigan sa akin. Kahit papaano naman kasi, busy ako, maraming ginagawa, maraming customers at may mga kaibigan naman. Kaya ang trato ko sa kanya ay iyong "ano-ngayon-kung ayaw-mo-sa-akin" feeling.
Ngunit sa kalaunan ay ako rin itong ang nahirapan sa kalagayan nya na halos buong maghapong walang kausap, walang gustong kausapin, maliban na lang sa mga customers. Pati mga kaibigan niya ay kapag kinakausap siya ay parang dry ang kanyang sagot o pakikitungo. Parang malungkot na hindi mo maintindihan. Kahit nga ang mga dayong estudyante na nagpaparamdam sa kanya ay ayaw niyang tingnan. Kapag lalapit sila sa kanya at kunyaring magtatanong sa kanyang paninda ay yuyuko na lang iyan na parang gustong itago ang mukha. Kaya kadalasan ay nakikita ko siyang naka-upo lang, naka-tutok ang mata sa semento habang ang nagpapa-cute sa kanya ay parang mga langaw na umaali-aligid. Minsan ay tumatayo siya, dudukutin ang pera sa bulsa, bibilangin, tapos isisiksik muli ang mga ito pabalik sa bulsa at uupo na naman. Minsan din ay tatayo at magi-istretch. Minsan din ay talagang nakayuko lang na tila ang iniisip na tumatagos sa kabilang bahagi ng mundo sa lalim nito.
Hindi ko rin alam kung nagdududa syang isa ako sa mga nagpapa-cute sa kanya, o siya ba itong nagpapa-cute sa akin dahil sigurado naman akong nahahalata niyang inoobserbahan ko sya. Sa edad ko kasing iyon, confused pa ako sa aking sarili. Nagkaka-crush ako sa babae ngunit nagkakagusto rin ako sa lalaki. At aaminin kong isa ako sa mga nabighani kay Jerry. Ngunit ang pagiging mailap niya sa akin ay ang nagpapaturn-off niya sa akin. Para sa akin, ang hirap niyang ispelingen! Kaya para sa akin sa panahong iyon, normal lang ang naramdaman ko para kay Jerry. Ganyan naman kasi sa mga lalaki. Kapag nayabangan ka sa kanya, parang ang sarap niyang sapakin o bugbugin. At ang sabi rin nila, kapag nasa ganoong edad rin ay may mga kaso rin daw ng same-s*x attraction bagamat isa itong tinatawag na passing stage lamang.
Anyway, aaminin ko na simula nang napansin ko si Jerry at nagi-isnaban kami, ang ginawa kong pinagkakaabalahan ay ang lihim na pagmamasid sa kanya kapag wala akong mga customers. Kunyari ay may iba akong tinitingnan ngunit ang aking paningin ay nakatutok sa kanya. Minsan naman ay lantaran ko siyang tititigan at kapag tuminingin siya sa akin, agad kong ibaling ang aking paniningin sa ibang direksyon. Minsan ay nahuhuli niy ako at minsan din ay nahuhuli ko siyang tumitingin sa akin. Doon ako nakakaramdam ng thrill at excitement.
Dahil dito ay nakabisado ko na ang mga galaw niya. Kapag tumayo iyan, alam kong magbibilang siya ng kita nya, o magi-estretch ng buto. Halos basahin ko nga rin ang isip niya kapag nakayukong ganyan at mag-isip ng malalim... "Magjajak-jak ako mamaya o bukas nalang?" Biro lang.
Sa katagalan kong pag-obserba kay Jerry ay na-analyze ko na parang hindi naman talaga siya esnabero. Parang mabait naman yata ngunit iyon nga, mahiyain lang siguro. Syempre, mapapansin mo naman kasi sa tao iyon. Kagaya ng kapag kinakausap siya ng customer, hindi siya makatingin ng diretso sa kanila, parang guilty ba. Tapos iyong parang ngiting hilaw at isang maiksing sagot lang ang isusukli sa tanong, kahit sa mga kasamahan niya sa soybeans. At iyong biglang kabig ng tingin nya kapag nahuli kong nakatingin din sa akin ay parang palatandaan na gusto rin niyang makipag-kaibigan sa akin. Kaya parang na-excite na na-challenge ako sa kanya.
At dito na umandar ang pagkamanyakis, este delicious-minded ko. "Ikaw ha, playing hard-to-get ka, tingnan natin kung makapalag ka pa rito sa gagawin ko" ang sabi ko sa sarili.
Dahil minsan ay pumupunta siya sa looban ng public market at dumadaan sa kanto ng aming tindahan, naisip ko na abangan na lang ang pagkakataon na iyon. At dumating nga ang pagkakataong iyon. Naglalakad na siya noon patungo sa puwesto ko nang dali-dali naman akong tumayo at tinumbok ang mga display ng asukal. Kumuha ako ng isang nakarepak sa plastic na isang kilo. Kunyari ay hindi ko sya nakita. At sa pagdaan niyang iyon ay sinadya kong isagi ang katawan ko sa katawan niya sabay laglag sa asukal sa shig na semento.
"KA-BLAGGGG!" Sabog syempre ang asukal at nagkalat. "Shittttt!" ang sabi kong ganoon at kunyaring galit na tinitigan sya. "Ano ba namannnn!"
Kitang-kita ko sa lumaki nyang mga mata ang pagkagulat at takot. Yumuko naman ako para kunyari ay linisin ang nagkalat na asukal. Yumuko din sya at nagkasalubong ang mga tingin namin... hinawakan nya ang kamay ko, inamoy ang pabango ko sa katawan. At ang naibulong ko nalang sa kanya habang tinitigan siyang ang mga mata ay nanunukso ay, "What happens next is up to you..."
Hindi! Nagugulo naman itong kwento ko, eh. Sa commercial ng pabango pala iyan. Saan na nga ba tayo? Ah, doon sa pagpulot ko sa mga nagkalat na asukal. Hayun, pumutla ang mapupulang mga labi nya at tila na-stroke sa kanyang porma na hindi mo alam kung nagsasalita o gustong magsalita ngunit walang lumabas na mga kataga mula sa kanyang bibig. Hindi na rin ako umimik. E, syempre, kasalanan nya nga eh. Maya-maya ay tinulungan nya rin akong damputin ang mga nagkalat na asukal, tila nanginginig ang boses, "S-sorry 'tol... h-hindi ko talaga sinadya eh. B-bayaran ko na lang itong asukal ninyo."
Doon ko unang narinig ang boses niya nang malapitan, at iyon na rin ang unang pakikipag-usap niya sa akin. Husky, iyong parang kay Daniel Padilla. Halos pareho rin sila ng porma ng katawan at tindig bagamat mas lamang lamang si Jerry dahil sa pantay niyang mga ngipin at mas gusto ko ang mga labi niya.
Napatitig ako sa kanya na ilang segundo. Nang napansin kong nakatitig na rin siya sa akin, mistulang binuhusan ako ng malamig na tubig. "Ah, huwag na, okay lang. Pagagalitan lang naman ako ng ate ko nito e, tapos tanggalin ang allowance ko sa buong taon o kaya'y hindi na nila ako tutulungang sa pag-aaral ko. Okay lang iyan." Sabi ko sa kanyang pa-seryoso ng dating bagamat biro lang iyon para sa akin.
Med'yo nanginginig pa rin si Jerry sa takot. Kaya binawi ko na lang ang aking sinabi. "Hindi! Joke lang iyon. Wala iyon, 'tol... Huwag kang mag-alala, okay lang talaga 'to. Pramis" ang sambit ko sabay bitiw ng isang malanding ngiti habang iniabot ko ang aking kanang kamay sa kanya.
"Mike pala ang pangalan ko" ang sabi ko nang tinanggap niya ang aking pakikipagkamay.
"J-Jerry... Jerry Rodriguez." Ang sagot niya habang binitiwan ang isang pilit ngunit nakabibighaning ngiti.
(Itutuloy)