CHAPTER 1 - Ang Sundo

1543 Words
DIVISORIA... ''Dalian mo naman Virginia. Kahit kailan talaga, napakakupad mo!" Naiinis na sabi ni Teresita sa anak na dalaga. Nasa kasagsagan ito ng pamimili ng mga gagamiting props para sa kunwaring pagkausap sa kaluluwa ng isang kliyente. Nakasuot ito ng malaking salaming may kulay, at pulang jihab na nakabalot sa buong ulo upang hindi makilala ng makakakita. Tila isang babaeng muslim ang gayak. Nagmamadaling lumapit si Virginia sa ina, humihingal habang bitbit ang malalaking plastic bag, "Ang dami-dami na nito, nay. Gagamitin ba nating lahat ito?" Umismid si Teresita at mataray na sumagot, "Malaki ang ibabayad ni Mrs. Corpuz kapag nakausap niya ang kanyang asawa. Kaya dapat maging handa tayo. Ang mga pausok ba nasiguro mong nakasama diyan sa mga bitbit mo? Alam mo naman 'yang si Beho, masyadong magulang. Ipapatay-bata na naman tayo ng sinigang na 'yan!" "A-anong--, sinong sinigang,nay?" naguguluhang tanong ni Virginia. "Si Beho! Hindi mo ba naamoy? Punyeta, ang asim!" "Ang inay talaga! Psychic ka ba o komedyante?" Biro ng dalaga matapos tumango bilang tugon sa itinanong nito. "Hay naku Virginia, ang luma-luma na ng joke ko natawa ka pa rin? Napakababaw mo talaga. Halika na nga! Doon naman tayo sa bilihan ng mga sequence. Feel ko gumamit ng kumikinang na head dress para nagre-reflect sa ilaw," pagkasabi ay naglakad na ang ginang. Naiiling na sumunod ang dalaga. Isang pahabang pwesto ng kung ano-anong palamuti ang pinasok nila. Nakita niya agad ang isang batang babae, nakaupo ito sa may sulok ng mesa na bahagyang natatakpan ng mga telang nakalaylay sa isang kahoy na tila sampayan. Kinabahan siya, " Hindi kaya magnanakaw ang batang ito?” Ngunit siya na rin ang sumaway sa sarili. ''Hindi naman siguro. Maputi siya, maayos ang buhok na may ribbon at maganda ang bihis. Hmm, anak siguro ng may-ari o kaya ay apo." Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang nakita at tumingin-tingin na rin sa mga panindang naroroon. Nalilibang na siya sa pagbusisi ng makikintab na butones nang maramdamang may dumaan sa gawing likuran niya. Iniusod pa niya ang hawak na plastik dahil bahagyang gumalaw ang mga iyon. Nakangiti siyang lumingon upang humingi ng paumanhin. "Huh! Nasaan na 'yon, bakit walang tao? Pero may naramdaman akong dumaan. Imposibleng hangin lang 'yon eh nasanggi pa nga ang dala ko. Saan nagpunta 'yon?" tanong niya sa sarili. Muntik na siyang mapatalon sa gulat nang makitang may... bata sa ilalim ng mesa! Mabilis niyang nilinga ang batang kanina lang ay nakita sa gawing dulo ng tindahan. Mabilis na gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan. Nanlaki ang kanyang ulo sa matinding takot na naramdaman! "Shhh.., huwag kang maingay ha," sabi ng bata sabay lagay ng hintuturo sa tapat ng labi. Nakatingala ito at ang mga mata ay nandidilat na nakatingin sa kanya. Napaurong siya at agad nagsisigaw! "Inaaaaay!" malakas niyang tawag sa ina. Napalingon sa kanya ang mga mamiling naroroon. Kunot-noong tinignan din siya ng ina, ngunit hindi lumapit. Nanulis agad ang nguso nito at sumimangot, "Nakaw eksena talaga ang lintik na ito! Kapag nakilala ako ng mga tao rito, malilintikan ka talaga sa akin!" "M-may b-bata s-sa ilalim!" nangangatog na sabi ng dalagang naninigas ang katawan. Ang isang mata ay nakapikit samantalang ang kabila naman ay bahagyang pinasingkit habang panay ang turo sa ilalim ng mesa. "Pung, Jenna!" sabi ng isang batang lalakeng bigla na lang sumulpot. "Time first! Itinuro ako ng babae, e." Reklamo ng batang babae sa kalaro. Sinaway agad ng babaeng kausap ng nanay niya ang dalawang bata, "Jenna, Jelo. Huwag nga kayo dito maglaro ng taguan. Baka may masagi kayong paninda!" Sigaw ng may-ari sa dalawang bata habang naglalakad palapit. "Pasensya ka na sa mga anak ko, miss." Hinging paumanhin ng ginang nang makalapit. Nilunok niya ang sariling laway habang habol nang tanaw ang dalawang batang nagtakbuhan palabas. Nakanganga pa rin ang kanyang bibig at hindi makapagsalita. "Okey ka lang ba?" Tanong ng may-ari. Hinawakan pa nito ang balikat niya. Tumango siya habang nakatingin pa rin sa gawing tinakbuhan ng dalawang bata. "N-nagulat lang ho ako. A-ang akala ko ho kasi-- , a e w-ala ho. Pasensya na rin ho sa pagsigaw ko," hingi niya ng paumanhin nang ipaling ang mukha sa kausap. "Okey lang. Sige, pumili ka lang diyan sa mga paninda ko," nangingiti nitong sabi at saka siya iniwanan upang estimahin ang ibang kostumer. Napabuga siya ng hangin upang paluwagin ang naninikip na dibdib. Gamit ang mga palad, pinahiran niya ang butil-butil na pawis sa noo at mukha. Nakita niya ang pagbungisngisan ng mga mamimiling nagulat sa sigaw niya. Inalis lang ng mga ito ang nakakainsultong tingin nang irapan niya. Naiiling naman at ang mga mata ay nagbabanta nang malingunan niya ang ina. Agad niyang iniiwas ang tingin at nagkunwaring pumipili sa mga naka-display na paninda. "Maryosep, naglalaro lang pala. Akala ko multo. Napagkamalan pa yata akong muret ng mga tao dito. Kung bakit naman kasi hindi ko napansin na nagpunta na sa ilalim ng mesa ang batang 'yon? Napasigaw pa tuloy ako." Init na init ang pakiramdam niya kung kaya naisipang sa bandang bungad ng tindahan na lamang tumayo. Gumilid pa siya upang hindi makaistorbo sa mga mamimili. Natatanaw niya ang inang pumipili habang inaasikaso naman ng may-ari. "Malaki siguro ang benta ng tindahang ito sa araw-araw, ang daming kostumer, e!" Bulong niya habang pinanonood ang mga mamimili. Napangiti pa siya nang makita ang isang matabang babae na abala sa pagpili, habang ang katabing lalake naman ay nakamasid lang. Ganoon din ang isang babaeng tantiya niya'y kasing edad niya. Panay ang galaw ng bibig nito habang umuusyoso sa mga bag na may iba't ibang palamuti. Ang mas nakababatang babaeng katabi naman nito ay tahimik lang na nakatingin. Napansin niyang may kakaiba sa kilos ng apat na taong nakaagaw sa kanyang pansin. "Bakit para yatang hindi pinapansin ng matabang ale 'yong kasama niyang lalake? Nagmumukhang tanga tuloy 'yong mama. Pati naman itong dalawang babae ay hindi rin nagpapansinan." Nagtataka niyang obserba. Hindi na niya hiniwalayan ng tingin ang lalake at ang dalagita. Hindi kasi umaalis ang mga ito sa tabi ng dalawang mamimili. Kahit saan lumipat, nakasunod pa rin. Nasa tabi lang ng dalawang kostumer. Hindi nagsasalita, at lalong hindi... gumagalaw? Muli siyang nakadama ng takot ngunit sinaway agad ang sarili at pinagalitan. "Ano ka ba, Virginia? Gusto mo na naman bang mapagtawanan? Wala lang 'yan. Kung ano-ano kasi ang iniisip mo!" Napapitlag siya nang maglakad ang matabang babae palabas. Nakasunod pa rin sa likuran nito ang lalake. "Ano'ng problema mo, Miss?" nakataas ang isang kilay at mataray na tanong ng ale. Nakahinto na ito sa tapat niya. "H-ho? A... e, w-wala ho," nahihiya niyang sagot pagkatapos ay bahagyang yumuko. Nagtaka siya nang makitang dalawang pares ng mga hita, binti at mga paa ang nakatigil sa harapan niya ngunit ‘di na siya umimik. "Hmp! Bwiset!" anito. Nang ito ay makalampas, kusang napasunod ang kanyang tingin kahit nakayuko. Nasisilip niyang nasa likuran pa rin ang lalake at nakasunod sa matabang ale. Nagitla siya nang may magsalita. "Ano namang gimik iyang ginagawa mo? Nakakahiya ka Virginia, para kang may toyo!" Nanggigigil na bulong ni Teresita. Umayos agad siya sa pagkakatayo. Hindi niya namalayan ang paglapit ng ina dahil sa iniisip. "Huwag ka nang sumagot at baka mahalata pa ng mga tao na magkasama tayo. Sumunod ka sa akin kapag nakailang hakbang na ako. Naiintindhan mo?" Tatango na sana siya bilang pagsang-ayon nang muling magsalita ang ina. "Sinabi nang huwag kang magpahalata na magkasama tayo, e! Napakahina mo talagang umintindi!" galit nitong boses na pinadadaan sa pagitan ng mga ngiping magkakadikit. Kinakausap siya ngunit hindi sa kanya nakatingin, kundi sa loob ng bag at kunwaring may hinahanap. Nang makailang hakbang na ang ina palabas ay saka pa lang siya sumunod. Sandali pa niyang tinapunan ng tingin ang dalagitang katabi ng dalagang nagbabayad na sa tindera. "Kagaya rin siguro ng inay ang sinasamahan niya. Baka ayaw rin malaman ng ibang tao na magkasama sila," sa loob-loob niya. Ganoon na din ang inisip niyang dahilan kung bakit hindi nag-uusap ang lalake at ang matabang aleng nagalit sa kanya kanina. Nailing na lang siya matapos bumuntong hininga. Umiiwas din kasi ang kanyang inay na baka makilala ng mga nagpapahula sa kanila. Mamukhaan man siya, pero hindi ang nanay niya. Matapos mabili ang lahat ng kakailanganin ay dumaan na rin sila sa bilihan ng mga karne at gulay. Ang inay na niya ang nagbitbit ng mga iyon at siya naman ay nakasunod lamang sa gawing likuran. Naglalakad na sila papunta sa sakayan ng dyip nang magkagulo at magtakbuhan ang mga tao. "Bakit? Anong nangyayari?!" tanong ni Teresita sa lalaking dumaan. "May nagbarilan daw ho sa Binondo!" sagot nito at pagkatapos ay nagtatakbo na palayo. "Halika na, Virginia. Umuwi na tayo!" ninenerbyos na aya ni Teresita. Napahawak ito sa braso ng anak at saka nagmamadaling nagpaakay sa pilahan ng dyip. SAMANTALA, sa lugar na pinangyarihan ng barilan, tatlong bangkay ang isa-isang isinampa sa stretcher. Isang lalakeng may tama ng bala sa ulo- ang biktima, at DALAWANG babaeng tinamaan ng ligaw na bala. Ang MATABANG ALE na ang naging tama ay sa likod na naglagos sa puso, at ang DALAGA kung saan mukha naman ang tinamaan na agad ikinasawi. Walang kamalay-malay si Virginia na ang dalawang babaeng nakitang may katabi sa loob ng tindahan, ang siyang lulan ng ambulansyang dumaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD