CHAPTER FIFTEEN

2177 Words
Kasalukuyan kong pinapalitan ng damit na pantaas si Rookie nang magreklamo ito sa nauna kong pinili na damit para sa kanya. Hindi niya raw kasi gusto ang kulay at medyo may kasikipan na rin daw sa kanya kaya kumuha na lang ako ulit ng bago. "Tapos na bang magbihis si Rookie?" rinig kong tanong ni Mama mula sa labas. "Opo!" Mabilis kong isinilid sa loob ng maliit na bag ni Rookie ang ilang mga damit na babaunin niya at pati na rin ang polbo na ginamit ko lang din sa kanya kanina. Ilang araw na rin ang nakalipas magmula nang makalabas siya sa ospital. Mabuti na lamang at may kaunting ipon at mayroon din kaming nautangan kaya may naipambayad kami sa ospital. Kaya naman ngayon ay todo pursigi kami nila Mama na makapagbayad sa mga taong nahingian namin ng tulong, maging na rin si Ross. Hanggang ngayon ay wala pa ring ideya sila Mama at Papa tungkol sa pagtatrabaho ko sa flower shop nila Tita Rubi. Saka ko na lang sasabihin sa kanila kapag alam kong may hawak na akong sapat na pera para maitulong sa pandagdag pambayad-utang. "Halika na, Rookie. Nakapagbaon ka ba ng damit mo?" paninigurong tanong ni Mama sa kapatid ko nang makalabas kami sa kuwarto. "Opo. Si Ate naglagay," tugon naman nito habang nakahawak na sa kamay ni Mama at halatang anumang oras ay handa nang umalis. "S'ya sige, Rosie. Ikaw na bahalang mag-lock dito sa bahay. Mag-iingat sa lakad mo, ha. Huwag nang magpapagabi," bilin sa akin ni Mama saka tuluyang lumabas ng bahay. Nang makapagpaalam na kami sa isa't isa ay saka naman ako kumilos para sa aking sarili. Simula kasi nang bumalik sa trabaho si Mama ay isinasama na niya si Rookie para mas mabantayan at maasikaso niya. Atleast, kahit papaano ay may nakalalaro doon si Rookie dahil may batang anak din ang amo ni Mama. Hanggang ngayon kasi ay naka-excuse pa rin si Rookie. Sa susunod na linggo ay papasok na rin siya. "Rosie, oks ka na?" "Oo, Vince! Teka, saglit lang!" pasigaw kong sagot sa kanya. "Pasok ka na muna. Mabilis na lang ito," dagdag ko habang nagmamadaling inaayos ang laman ng aking bag na dadalhin. Matapos niyon ay lumabas na rin ako at naabutan kong nakaupo sa sofa si Vince habang nakatutok sa kanyang cellphone. Nakasuot na rin siya ng uniporme para sa trabaho niya. Nakapaninibago pa rin talagang makita na nakapormal ito ng ayos. Simpleng T-shirt at pantalon lang ang suot ko na tinernuhan ko lang din ng isang pares ng flat shoes. Nang masiguro kong natanggal na sa saksakan ang mga appliances ay saka ko inayang umalis na si Vince. Matapos ikandado ang pinto ng bahay ay saka ko sinuot ang sumbrero bago sumabay ng lakad kay Vince. Sumabay na ako sa kanya, tutal ay iisang daan lang din naman ang pupuntahan namin. Maaga ang pasok ko ngayon sa shop dahil may lakad ang pamilya nila Ross ngayon kaya ako na rin ang magbubukas niyon. Mabuti na lamang at wala kaming klase ngayong araw. "Kailan mo pala sasabihin kila 'Nay Helena ang tungkol sa part-time job mo? Buti hindi ka pa nauubusan ng alibi," intriga sa akin ni Vince habang naghihintay ng masasakyan. "Kapag . . . malaki-laki na ang ipon ko. Atleast, may maganda-gandang bunga iyong paglilihim ko sa part-time job." Hindi umimik si Vince. Hindi ko rin naman malaman kung ano ang nasa isip niyo tungkol sa sarili kong desisyon. Mabuti na lang at hindi niya ako nilalaglag pa. "Naalala mo iyong lalaking nakita mo sa bahay noong isang gabi?" tanong ko sa kanya na tinutukoy si Ross. "Oo nga pala! Sino ba iyon? Ano ang ginagawa niyon doon?" komento nito sa akin. Noong matapos ko kasing maihatid si Ross ay nakauwi na rin si Vince noon. Mukhang nawala na rin sa isip niya ang tungkol sa bagay na iyon. "Siya iyong sinabi ko sa iyong tumulong sa amin nila Mama kay Rookie." Bakas sa mukha niya ang gulat at maging ang pagsisisi dahil sa nalaman. Dapat lang dahil nakahihiya talaga ang ginawa niya noong gabi na iyon. Mabuti na lamang at open-minded si Ross. Hindi na ginawang big deal. Matapos ang halos kalahating minutong biyahe ay bumaba na rin si Vince at nagpaalam sa akin. Mas nauna kasing nadaanan ang pinagtatrabahuhan niya kumpara sa akin. Nang makarating ako ay kaagad akong nagsimulang mag-asikaso sa shop. Nabilinan na rin naman ako kahapon pa lang ni Tita Rubi. Kahit na nga kakainin ko ay naka-ready na rin doon sa mini fridge ng opisina niya kaya hindi na rin ako nagbaon pa ng pagkain. Naalala ko pa ang sinabi ni Tita Rubi sa akin kahapon na dapat daw pagbalik niya rito sa shop ay wala ng laman ang fridge at naubos ko na ang pagkain doon. Kahit naman maliit lang ang refrigerator na iyon ay marami naman siyang nailagay na pagkain. Nakatutuwa nga dahil kumpleto ang laman ng opisina ni Tita Rubi. Nandoon na rin kasi ang pantry. Magagamit ko rin mamaya sa lunch ko ang microwave. Marami-rami din ang mga naging kustomer ko ngayong umaga kaya hindi ko rin mas'yadong napansin ang mabilis na paglipas ng oras. Ininit ko na lang ang ilang pagkain na nanggaling sa ref at iyon na ang kinain ko para sa tanghalian. Bandang alas tres ng hapon habang inaayos ko ang pagkakasalansan ng mga bulaklak sa istante nang biglang may pumasok na dalawang lalaki. May katamtamang laki ng pangangatawan ang mga ito at kapwa nakasuot ng mga sumbrero. Akmang babatiin ko na sana sila nang dumukot ng isang baril ang naka-itim na lalaki at ang isa naman ay kutsilyo ang hawak. Mabilis akong tinamaan ng kaba at hindi malaman ang gagawin. "Hindi ka namin sasaktan, Miss. Kailangang-kailangan lang talaga namin ng pera ngayon," ani ng isa. Halos manginig na ako sa aking kinatatayuan. Hindi na rin ako nakakilos pa sa kinatatayuan ko. Gustuhin ko mang lumabas para makahingi ng tulong pero nakabantay ang isa roon. Maging ang cellphone ko ay wala sa bulsa ko kaya hindi ako makatawag. "Nasaan ang mga pera?" tanong nito sa akin. Hindi ko sa malamang dahilan ay itinuro ko ang banda ng counter na kaagad naman niyang pinuntahan. Mas'yadong mabait ang hitsura ng dalawa at halos hindi rin maipinta ang mga mukha ng mga ito. Mabilis na kumalkal ng pera doon ang isa sa kaha at ipinasok iyon sa bag na dala niya. May pagmamadali sa bawat galaw nito. "Kuya, tara na!" rinig kong sambit ng isa na nasa bandang pintuan lang habang nakatutok sa akin ang baril. Nanginginig ang kalamnan ko sa kaalamang may mga dala silang maaari kong ikapahamak. Mabilis na sumunod ang lalaking may hawak ng pera at saka naglakad paatras habang nakatingin sa akin ang mga mata nito. Kapwa na nakatutok sa akin ang mga hawak nila. "H-Huwag niyo ho akong sasaktan," nanginginig kong usal sa kanila habang may pagsusumamo sa aking mukha. "Hindi ka namin sasaktan. Aalis na kami," paalam pa nito. Bago ito umalis ay may sinabi pa ang isa sa akin. "Pasens'ya na," anito saka tuluyang lumabas ng shop dala-dala ang bag ng mga pera. Tanaw ko sila mula sa malayo saka tuluyang tumulo ang aking mga luha. Dalawa ang dahilan ng pag-iyak ko: dala nang sobrang kaba at takot; at higit sa lahat, awa mula sa dalawang lalaki na iyon. Hindi ko alam kung lahat ba ng mga nanloloob ay humihingi ng pasens'ya sa mga taong ninanakawan nila o baka isa sila sa mga taong naubusan na ng pag-asa at kumapit na lamang sa patalim. Hindi ko man alam ang dahilan nila pero lubos akong naaawa at nasasaktan para sa kanila. Mali ang pagnanakaw, pero mukhang may mali rin sa takbo ng tunay na buhay. Nanginginig akong lumapit sa kaha ng mg pera. Nagulat pa ako nang makitang naroon pa rin ang cellphone ko, ang spare na cellphone para sa shop, at ang silver na bracelet ni Tita Rubi na naiwan niya. Tanging ang pera lang ang kinuha nila. May laman pa ang isang kaha bukod sa mga barya. Mariin akong napapikit sa aking mga mata at tuluyang napahikbi nang malakas. Halo-halo ang nararamdaman ko ngayon. Naisip ko na ano mang oras pala kanina ay p'wedeng may nangyari na sa akin ng masama. Ngayon ko lang naramdaman nang tuluyan ang takot at trauma. Hindi ko halos maabot ang cellphone dala ng akong panginginig. Natagalan din ako sa pagtipa ng mga numero para tawagan si Ross. Natatakot ako dahil naging pabaya ako. "Hello, Rosie? Kumusta r'yan? Papunta na ako r'yan ngayon. Uuwi ka na ba?" kaagad na tanong nito sa akin na siyang nagpalakas lalo ng aking pag-iyak. Pinilit kong pigilan pero alam kong natunugan na niya iyon. "R-Rosie? Ayos ka lang ba? Ano ang nangyari?" Nag-iba ang tono ng boses ni Ross. Alam kong labis ko siyang na-alarma ngayon. "R-Ross, I'm sorry. N-Nanakawan t-tayo," utal kong tugon sa kanya habang walang tigil sa pag-iyak. "Ano?" gulat nitong tanong sa akin mula sa kabilang linya. Pakiwari ko ang pagkagulat nito sa sinabi ko. "Nasaan ka, Rosie? Tumawag ka ba ng mga pulis?" "H-Hindi—" "Tatawag na ako ng pulis. Malapit na ako, okay? Wait for me. Huwag mong ibababa ang tawag. Hayaan mo lang para ma-monitor kita," aligagang bilin niya sa akin. Tumango ako kahit na alam kong hindi naman niya ako nakikita. Panay lang ang pagpunas ko ng mga luha kahit na panay rin naman ang pagtulo ng mga iyon sa aking pisngi. Paminsan-minsan din ang pagsinok ko dala nang sobrang pag-iyak. Panay rin ang pagpapakalma ni Ross sa akin kahit na nasa tawag lang kami. Ilang minuto lang ang itinagal ay dumating din siya. Hindi ko na nagawa pang tumayo sa aking kinauupuan dahil mabilis na akong dinaluhan ni Ross ng yakap. Ginantihan ko siya nang mas mahigpit na yakap. Alam kong dama niya ang labis na panginginig ng katawan ko maging na rin ang mga kamay ko. Halos kasabayan niya lang din ang mga pulis pero hindi ko na nabigyan pa ng pansin. Nanatili lang akong nakayakap kay Ross na ganoon din naman sa akin. "I'm here, I'm here," paulit-ulit na usal nito sa akin habang tinatapik-tapik ang aking likuran. "I'm sorry, Rosie," dugtong pa niya. Hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang ayaw bumitaw mula sa pagkakayakap dahil hanggang ngayon ay magkahugpong pa rin kami sa isa't isa habang kinakausap siya ng mga pulis. Wala akong maintindihan sa mga sinasabi nila puwera sa CCTV na kanila raw iche-check para matingnan kung sino ang dalawang lalaking nanloob. Alam kong gusto rin akong makausap ng mga pulis pero si Ross na rin ang nakiusap na mamaya na lang daw ako interview-hin kapag kumalma na ako nang bahagya. Pumayag naman ang pulis at mukhang naiintindihan ang sinabi ni Ross. Nagawa na ring tawagan ni Ross ang Mama niya kaya mas lalo akong kinakabahan at nahihiya. Ako na ang naunang kumalas sa kay Ross kaya hinabol niya ako ng tingin habang kausap pa rin niya sa kabilang linya ang Mama niya. Nagpaalam na rin siya kay Tita Rubi at saka ako tiningnan nang maayos. Nakaupo ako sa sofa rito habang siya naman ay nakaluhod sa aking harapan. Hawak-hawak niya ang bahagyang nanginginig at nanlalamig kong mga braso. Dahil nakasuot siya ng isang varsity jacket, iyon na ang ipinasuot niya sa akin. "Sinaktan ka ba nila? Ano ang ginawa nila sa iyo?" tanong niya sa akin matapos ang ilang minutong pananahimik namin sa isa't isa. Naroon pa rin ang mapanuri niyang mga mata. Umiling ako. Tila nanunuyo ang aking lalamunan kaya lumunok na muna ako bago nagsalita. "H-Hindi nila ako sinaktan. Kailangan lang daw talaga nila ng p-pera ngayon," naiiyak ko na namang sagot lalo na nang maalala ko ang mga mukha ng mga lalaki. Hindi ko sila kinakampihan dahil alam kong maling-mali ang ginawa nila pero hindi ko maiwasang maawa at maki-simpatiya sa kanila. "May dala silang b-baril saka kutsilyo. Tinutok nila sa akin iyon pero k-kita ko sa mga kamay nila iyong panginginig, Ross—" Sinadya na niyang putulin ang ano pa mang sasabihin ko sa pamamagitan nang paghaplos niya sa gilid ng akong ulo habang himas-himas nito ang braso ko bilang pampakalma. Tumango-tango ito sa akin. Bakas ko sa mukha nito ang labis na pag-aalala kaya mabilis na nitong sinalo ang tumulo kong luha. "Can you please calm down a little bit for me? Hmm? Hindi ako makapag-isip nang maayos dahil nakikita kitang ganyan." Nasa tono nito ang paghihirap sa hindi ko malamang dahilan. "Let me hug you, okay? I don't like seeing you like this, Rosie. Let me calm you," banayad nitong wika saka ako hinatak nang marahan para yakapin. Sa pagkakataon na ito, mas mahigpit ang pagkakayakap niya sa akin. Hindi man tuluyang nawala ang pangamba na naramdaman ko, pero alam ko sa sarili kong kampante na ako kahit papaano. "I'm sorry kung lagi akong huli, Rosie." Kasabay nang pagkakasabi niyang ito ay ang ginawang paghalik ni Ross sa ibabaw ng aking ulo. Hindi ko alam kung guni-guni iyon, o kung ginawa niya ba talaga. Kalmado na ako, Ross.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD