CHAPTER 1 - Sa Isla

2429 Words
MAAGANG pumasok si Faith sa opisina. Hindi niya gugustuhin na may masabing hindi maganda ang kanyang soon to be father-in-law na si Brandon Santillan. Ito ang kasalukuyang tumatayong Presidente ng Construction Company na naiwan ng kanyang ama. Ang daddy niya ay namatay noong nakaraang taon sa komplikasyon sanhi ng car accident. Malaki ang tiwala ng kanyang ama sa mga Santillan. High school pa lamang siya noon, nang napapadalas ang pagpunta ng mga Santillan sa kanilang mansyon. Hindi niya alam kung kailan nabuo ang pagkakaibigan ng mga ito. Nang mga panahong iyon, ay naging magkasosyo na sa negosyo ang Bernabe at Santillan. Noong una, naging masungit siya kay Joshua. Ganoon talaga siya. Pinalaki siya ng kanyang mga magulang na palaging may nakabantay. Kaya hindi siya sanay makipagkaibigan. Kung hindi yaya, ay bodyguard ng kanyang ama ang kanyang kasama. Ang kanyang Mommy Arsenia naman, ay naging sunod-sunuran lamang sa kanyang daddy. May inaasikaso din itong maliit na negosyo, isang beauty shop. Madalas din itong wala sa mansyon. Sino man sa dalawa, ay tila wala siyang naramdaman na pagmamahal ng isang tunay na magulang. Minsan nagkakasama rin sila sa hapag, pero puro galit lang ang kanyang inaabot sa mga ito. Masungit at ma-awtoridad ang kanyang ama, na tila ba walang puwedeng sumuway. Ang mommy naman niya ay tahimik lang at puro pagpapaganda ang inaatupag. Kaya madalas ay naiiwan siyang kasama ang mga katulong. Nasa third year high school siya noong biglang nagkaroon ng malubhang karamdaman ang kanyang ina. Halos dalawang buwan din itong namalagi sa hospital. ‘Di nagtagal, ay binawian na rin ito buhay. Mas lalo niyang naramdaman ang pag-iisa at malamig na pakikitungo ng kanyang Daddy Rodolfo. Halos hindi na sila nito nagkikita sa mansyon. Nang mga panahong iyon ay naging magkasundo na sila ni Joshua. Mabait, matalino at over protective sa kanya ang lalaki. Palagi siya nitong binabantayan. Tila wala namang pakialam ang daddy niya kahit nakikita ang closeness nila ni Joshua. Ito pa nga marahil ang nagbunsod upang ipagkasundo siya ng kanyang daddy kay Joshua. Hindi niya masuway ang kanyang ama dahil sa takot. Ganoon din si Joshua, sunod-sunuran lang din ito sa amang si Brandon. Wala silang nagawa kundi ang tanggapin ang kapalaran. Si Joshua lang ang mayroon siya. Wala siyang kilalang kamag-anak ng daddy niya. Kaya kumonsulta siya sa kanilang legal adviser na si Attorney Manuel Lorenzo, tungkol sa mga ari-ariang naiwan ng kanyang daddy. Isa pang pasabog ang nalaman niya mula sa attorney. Hindi siya tunay na anak ni Rodolfo at Arsenia. Ampon lang pala siya. Ngayon ay naunawaan na niya. Kung bakit ganoon na lamang kalamig ang pakikitungo sa kanya ng mga yumaong kinilalang magulang. Mayroon pang pag-asa dahil hindi pa siya lubos na ulila. Ngunit ang tanging pinanghahawakan lamang niya ay ang tunay na pangalan ng kanyang biological mother na si Mercedita Ocampo. Hindi siya titigil hangga’t hindi nahahanap ang kanyang tunay na mga magulang. Kahit sa social media ay sinubukan niyang manawagan. “May naghahanap sayo, babae.” Napaangat si Faith nang tingin kay Layla na sinadya pa talaga siya sa kanyang cubicle. “Sino raw?” tanong niya habang abala sa pagtitipa sa kanyang keyboard. “Hindi ko kilala. Nandoon siya sa lobby, may importante raw siyang sasabihin. Nabasa yata yung panawagan mo sa social media tungkol sa nawawala mong mga magulang.” Kinabahan siya at biglang napatayo. “Talaga? Siya kaya ang totoong mommy ko?” tanong niya. “Hindi ko alam. Puntahan mo na lang. Samahan na kita tutal malapit naman ang breaktime. Malakas ka naman sa dyowa mo, eh,” ang tinutukoy nito ay si Joshua na kanyang fiancé. “Tara na puntahan na natin.” Nang palabas na sila ng opisina ay nakasalubong nila si Joshua. Nakapamulsa ito habang naglalakad, marahil ay papunta rin ito sa kanyang puwesto. “Saan kayo pupunta?” kunot noo na tanong nito. “Sa lobby lang, may kakausapin lang akong tao,” aniya na tila nagmamadali. “Wait, sinong tao?” hindi pa rin maalis ang kunot ng noo nito. “Josh, baka siya na ang sagot sa mga dasal ko, baka siya ang totoong mommy ko. Makikita ko na ang mga magulang ko!” Hindi niya maitago ang excitement na nararamdaman. Nanatili lang nakakunot ang noo ng lalaki habang nakatingin sa kanya. Napalis ang kanyang ngiti sa reaksiyon nito. “B-bakit? Hindi ka ba masaya?” “You can’t blame me if I don’t trust anyone. Sasamahan na kita,” anang lalaki. Hindi na sumama si Layla tutal alam naman nitong kapag si Joshua ang kasama ng kaibigan ay nasa mabuting mga kamay ito. Lumulan na sila ng elevator upang bumaba sa lobby. “Relax, nanlalamig ang kamay mo,” pansin nito sa kanya. “Kinakabahan kasi ako. Pakiramdam ko talaga, ito na ‘yon,” nakangiting tugon niya. “Malalaman din natin,” anang lalaki. Pinisil lang ni Joshua ang nanlalamig niyang kamay. Pagbukas pa lang ng elevator ay halos hilahin na niya ang lalaki palabas para lang makita na ang nasabing naghahanap sa kanya. Natanaw na agad niya ang isang babae na nakaupo sa couch sa lobby. Sa tantya niya ay nasa edad singkwenta ito. Umangat ito ng tingin nang makita nitong nakatayo sila ni Joshua sa harapan nito. Bigla itong napatayo at ngumiti sa kanila. Parang tinambol ang kanyang puso. Bakas sa kanyang mukha ang pagkasabik sa mga sasabihin nito. “Ako po si Faith Cepeda. Hinaharap n’yo raw ako?” “Ako naman si Odette.” Ngumiti ang babae. “O-odette? H-hindi Mercedita?” maluha–luhang tanong niya sa pagkadismaya. Umiling ang babae. Akala niya ay sasabihin nitong Mercedita ang pangalan. Napalunok siya’t napalingon kay Joshua na nasa likuran lang niya. Tumikhim ang lalaki. Nakatingin ito ng diretso sa ginang. “Ah, mawalang galang na ho. Pero kung hindi pala kayo ang ina ni Faith. Ano’ng pakay mo sa kanya? May alam ba kayo kung na’san ang tunay n’yang mga magulang? usisa ng lalaki. “Nakita ko kasi ang panawagan n’ya sa social media—“ Natigilan ang ginang nang makitang napakamot sa ulo ang lalaki. Ito na nga ba ang kanyang sinasabi sa nobya. Na huwag basta-basta nagpo-post sa social media. “K-kaya hindi na ako nag-atubili pa. Kapitbahay ko siya noon sa boarding house at naging magkaibigan kami. Pero bigla na lang siyang umalis at hindi na kami nagkita. Sigurado ako na ikaw nga ang anak ni Mercedita,” pagpapatuloy nitong sabi na bumaling kay Faith. “Kilala n’yo po ba ang daddy ko?” anang si Faith. “Hindi siya nagkukuwento sa akin tungkol sa asawa niya, pero buntis siya noong huli kaming magkita. Napailing si Joshua. Alam niyang mali ang ginawa ng nobya na panawagan sa social media. Alam n’ya kasing ganito ang mangyayari. Maaring maraming magpakilala para lang makuha ang pabuya. Pero wala na siyang magagawa nangyari na. Gusto n’ya ring mahanap na nito ang tunay na mga magulang. “Kung gano’n saan ko po sila matatagpuan?” tanong ni Faith. May kinuhang kapirasong papel ang ginang at lumang litrato ni Mercedita. “Heto, ang litrato ng tunay mong ina. Matatagpuan mo sila sa malayong isla ng Samal sa Davao. Hindi ko tukoy kung saang barangay pero maari kang magtanong-tanong kapag nakarating ka na roon.” Kinuha niya ang litrato at manginig-nginig pa ang kanyang kamay na hinawakan ito. Sa unang pagkakataon ay nakita niya ang itsura ng kanyang tunay na ina. May pagkakahawig pala sila nito. Nakuha niya ang bilugin nitong mga mata at ang mga labi nitong maliit. Pinigilan niya ang namumuong luha sa kanyang mga mata. Pagkuwa’y tumingin muli sa kausap. “Maraming salamat ho,” sabay hawak niya sa kamay ng ginang bilang pasasalamat. “Masaya ako na matulungan ka, hija,” nakangiting sabi nito. “So, ‘yon lang? Hindi n’yo pala alam kung na’san?” sarkastikong sabat ni Joshua. “Joshua..” pigil ni Faith sa lalaki. Napatingin ang ginang kay Joshua. “Huwag kayong mag-alala, Sir, kung inaalala n’yo ang tungkol sa pabuya, hindi ko ‘yon kukunin. Masaya na akong makatulong,” anang ginang na muling ibinaling ang tingin kay Faith. Tila napahiya ang lalaki sa sinabi ng ginang. Sa una pa lang, ay pinag-isipan na nito ng masama ang babae. Sa tingin niya ay tama lang naman na maging protective siya sa kanyang nobya. Ayaw niyang naloloko ito ng ibang tao. Naghihintay sila ng lift pabalik sa opisina ni Joshua, napansin ng lalaki ang pagkatulala ng dalaga. “So ano’ng plano mo?” tanong nito. “Pupunta ako sa isla ng Samal sa Davao,” tugon ni Faith. “What? Paano ka naman nakasisiguro na totoo ang sinasabi ng babaeng iyon?” protesta ng lalaki. “Josh, kahit katiting na pag-asa gusto kong paniwalaan, mahanap ko lang ang mga magulang ko!” pursigidong sabi niya. Malaki ang Davao at kahit walang kasiguruhan na makikita niya ang mga ito, susugal pa rin siya. Nakaramdam siya ng pamumuo ng kanyang mga luha. Napasinghot siya. “Are you with me?” tumingin muli siya sa mga mata ng lalaki na tila binabasa kung ano ang nasa isip nito. Kung bakit parang ayaw nitong umalis siya. Lalong bumigat ang kanyang kalooban. Tila lumambot ang mukha ng lalaki ng makitang naluluha siya. “Hon, mahirap kasi yang gagawin mo. Hindi biro ang maghanap sa ganoong kalaking isla,” malambing na hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. Umiling si Faith. Ngayon sana niya kailangan ang suporta ng nobyo pero tila nagkamali siya. Napabuntong-hininga na lang siya, tila hindi niya maaasahan si Joshua pagdating sa mga bagay na ito. Kahit hindi man siya samahan ng lalaki ay hahanapin pa rin niya ang mga magulang. “Pag-isipan mong maigi. Nag-aalala lang ako sa’yo,” anang lalaki na niyakap siya. Wala sa sariling hawak- hawak siya ni Joshua nang pumasok na sila sa elevator. MAGDA-DALAWANG BUWAN na si Faith sa isla ng Samal. Halos araw-araw ay hindi siya tumitigil sa paghahanap. Dala ang kapirasong litrato ay matiyaga niyang pinupuntahan ang bawat baryo upang magtanong-tanong. Pagsapit ng hapon ay bumabalik siya sa Virgin Island Resort kung saan siya namamalagi. Paubos na ang kanyang dalang pera at kung meron mang natitira pa, iyon ay para sa kanyang kinabukasan. Hindi siya puwedeng umasa na lang kay Joshua dahil hindi pa naman sila kasal ng lalaki. Kapag nahanap na niya ang tunay na pamilya ay magiging kompleto na siya. Matagal na niyang pangarap na maramdaman ang pagmamahal ng tunay na mga magulang. Pero kasalukuyan ay wala pa rin siyang balita tungkol sa mga ito. Sana man lang ay may mga kamag-anak siya sa lugar, pero wala. Sa kawalan ng pag-asa ay napagdesisyunan na lang niyang bumalik na lamang ng Maynila. Namamahinga na siya sa kuwarto nang mag-ring ang kanyang cellphone na nakapatong sa lamesita, si Josh iyon. “Buti naman at babalik ka na ng Maynila, miss na kita,” anito. “Bakit kasi ayaw mo akong samahan sa paghahanap?” may tampo sa kanyang tinig. “Hon, alam mo naman ang sitwasyon ‘di ba? Napakaraming trabaho dito sa opisina hindi ko puwedeng iwanan. Tiyak dalawa tayong mapapagalitan ni Dad ‘pag nagkataon.” Napatango na lang ang dalaga. Wala din naman patutunguhan ang pag-uusap nila kapag patuloy pa niyang igigiit ang dahilan niya. “Ngapala, pagbalik mo i-set na natin ang date ng kasal,” anang lalaki. Napabuntonghininga si Faith. Hindi pa kasi siya handa sa buhay may asawa, pero mukhang doon din naman papunta ang lahat. Isa pa, wala naman siyang ibang puwedeng sandalan sa ngayon kundi si Joshua lang. “Napag-usapan niyo na ba ‘yan sa inyo? Ano’ng sabi nila Tito Brandon at Tita Felisa?” tanong niya. “Actually hindi ko pa nasabi. Pero ‘di ba sila naman ang may gustong ma- engaged tayo,” anang lalaki. Pero mukhang hindi na iyon ang nararamdaman ni Faith. Sa tingin niya ay nagbago na ang pakikitungo ng pamilya ni Joshua mula nang malaman nito na hindi siya tunay na anak ng mga Bernabe. “Sige pag-usapan na lang natin pagbalik ko. Gusto ko ng magpahinga Josh. Tatawagan na lang kita bukas para masundo mo ako sa airport,” aniya “Okay, sige. Good night—” tila may gusto pa itong sabihin pero naibaba na niya ang tawag. Kahit kailan ay hindi niya magawang sagutin ang mga katagang iyon mula kay Joshua. Aminado siyang hindi naman talaga niya mahal ang lalaki. Pero si Joshua alam niyang mahal siya nito. Kaya naman umaasa siya na baka balang araw ay matutunan n’ya rin itong mahalin. Nasa lalaki na ang mga katangiang hinahanap ng isang babae. Bukod sa may itsura ito, mabait, matalino at walang bisyo. Naalala niyang bumili ng kaunting souvenir kaya naman naisip niyang lumabas muna ng kuwarto. May nakita kasi siyang souvenir shop sa labas. Ibibili niya ng pasalubong si Joshua at ang iba pa nilang kasamahan sa opisina. Pagkatapos niyang mamili ay naisipan niyang maglakad-lakad at magpahangin sa dalampasigan. Nakailang minuto rin siyang nakaupo sa may dalampasigan. Napansin niyang tila nag-iiba ang ihip ng hangin dahil sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan. Tatayo na sana siya pero bigla siyang natigilan dahil nasilaw siya sa flashlight. Naaninag niya ang dalawang lalaking papalapit sa kinaroroonan niya. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa bungahin. Nakaramdam siya ng takot. Hindi niya maaninag ang mukha ng mga ito. Ngunit bago pa man siya makahakbang palayo ay sinunggaban na siya ng isa sa mga ito. Nagpupumiglas siya, ngunit bigla itong may itinutok na patalim sa kanyang tagiliran. “Anong kailangan n’yo sa akin?!” nanginginig sa takot na sabi niya. “Sumama ka ng maayos! Kung hindi, ibabaon ko ‘tong patalim sa tagiliran mo!” “Huwag! Maawa po kayo sa akin!” pakiusap niya. Takot na takot siya. Wala siyang nagawa kundi ang sumama. Nakita niya ang isang bangka na nakadaong sa ‘di kalayuan, sa tantya niya ay dito sila sasakay. “Tulong!!!” sigaw niya pero bigla siyang sinampal ng lalaki at itinulak, dahilan para matumba siya. Hinila siya ng mga ito patungong bangka at mabilis na pinaandar ng isa sa mga ito ang makina. Halos sampung minuto na silang nakasakay nang mapadaan sila sa may mangilan-ngilan na kabahayan. Nakita niya ang liwanag mula sa mga kabahayan. Gusto niyang humingi ng saklolo, pero tila wala na siyang lakas pa. Naisip niyang tumalon na lang kaysa mamatay at magahasa. Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay walang tigil ang pag agos ng kanyang mga luha. Pakiramdam niya ay wala na siyang pag-asang makatakas pa sa kamay ng mga masasamang loob. Saan kaya siya dadalhin ng mga ito? Marahil ito na ang kanyang katapusan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD