Chapter One

1649 Words
NAHILOT ni Lianne ang sentido niya habang tinitingnan ang mga bills at kung ano-ano pang mga papel na nakatambak sa kanyang harapan. Pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang utak sa pag-iisip ng solusyon sa patong-patong na problemang kinakaharap. Naisubsob niya ang ulo sa ibabaw ng lamesa. “Okay ka lang ba?” tanong sa kanya ng pinsang si Cecille na nakaupo sa harapan niya. Inihinto muna nito ang pagbibilang ng pera mula sa isang garapon na may label na 'electricity and water', at tiningnan siya. Ini-angat niya ang ulo at binalingan ito ng tingin. “Sa 'itsura kong ito, tingin mo ba okay ako?” puno ng sarkasmong sabi niya. “Relax, hindi mo ako kaaway. Worried lang naman ako sa 'yo,” pakli naman nito. Nasa salas sila ng kanilang bahay, nakasalampak sa sahig, at nakaharap sa center table kung saan nakapatong ang samu't-saring mga papel at resibo. Nakapangalumbaba siya habang pumipindot sa calculator. Tahimik naman na nakapanood sa kanya ang pinsan. Napabuga siya ng hangin pagkatapos ng ilang minutong pagtipa sa calculator. “Ayoko na talaga! Hindi ko na alam ang gagawin ko!” malakas na sabi niya na naisabunot pa ang mga kamay sa kanyang buhok. Hindi kumibo si Cecille. Sanay na ito sa mga protesta niyang ganoon. Kahit naman kasi panay siya reklamo, sa huli ay pinipilit pa rin niyang makahanap ng paraan para masolusyonan ang mga problema nila. “Kahit na ano’ng gawin ko, hindi pa rin enough ang kinikita natin para sa mga bayarin,” problemadong sabi niya. “Hindi ko na alam kung ano'ng klaseng pagtitipid pa ang kailangan nating gawin.” “Oo nga," napapabuntong-hininga na pagsang-ayon nito sa kanya. "Todo cost cutting na nga ang ginagawa natin, at halos wala na rin tayong tauhan sa restaurant." Isang restaurant na naiwan sa kanila ng yumao niyang ina ang pinagkukunan nila ng kabuhayan. Maganda at malaki ang kita ng restaurant noong nabubuhay pa ang mommy niya, pero nang mawala ito ay parang unti-unti na ring tumamlay ang kanilang negosyo. Noong isang linggo ay napilitan siyang paalisin na ang ibang tauhan doon, hindi na rin kasi niya alam kung saan kukunin ang ipangpapa-suweldo sa mga ito. Ngayon ay isang kusinero, isang serbidora at isang alalay sa kusina na lang ang natitira nilang tauhan. Sila nina Cecille at ang matalik na kaibigan ng mommy niya na si Tita Emily ang siyang pumalit at gumagawa sa trabahong naiwan ng mga inalis niyang tauhan. Nang mamatay ang kanyang ina dalawang taon na ang nakalilipas, hindi lang ang restaurant ang naiwan nito sa kanya, pati na rin ang mga problemang naiwan ng ina ay sinalo niya. Monthly payment para sa nakasangla na bahay at lupa nila, pangpasuweldo sa mga tauhan sa restaurant, at monthly bills tulad ng kuryente, tubig, at telepono—ang mga iyon ang buwan-buwang pinoproblema niya. “May notice na ngang dumating mula sa bangko,” aniya at iniabot kay Cecille ang isang sobre. “Mag-aapat na buwan na tayong hindi nakakahulog. Ano nang gagawin natin ngayon?” Mahihimigan ang kawalan ng pag-asa sa kanyang tinig. Pareho silang nawalan ng imik. Tulad niya ay napaisip din nang malalim ang pinsan niya. “Ano kaya kung isara na lang natin ang restaurant?” suhestiyon ni Cecille pagkaraan ng ilang minuto. “'Tapos, ibenta o paupahan na lang natin ang puwesto. Maganda naman ang location n’on, kahit kinse mil ang hingin nating renta pupuwede.” Tiningnan niya ito na para bang nahihibang na ang babae. “Nagbibiro ka ba? Iyon talaga ang naisip mong solusyon?" Hindi niya naikubli ang inis sa kanyang tinig. “Lianne, alam kong importante sa 'yo ang restaurant. Siyempre, pinaghirapan 'yon ni Tita—” “Alam mo naman pala, eh,” putol niya sa sinasabi nito. “Alam mong pinaghirapan 'yon ni Mommy, 'tapos sasabihin mo sa akin ngayon na isara na lang 'yon?” Napahinga ito nang malalim. “Iisang-tabi mo muna ang pagiging sentimental, Lianne. Iniwan 'yan sa 'yo ng mommy mo para pagkunan mo nang ikabubuhay. Not necessarily ipagpatuloy mo ang restaurant, pero para magkaroon ka nang panimula sa bago mong buhay ngayong wala na siya. Maging praktikal ka." Hindi siya kumibo. Madilim ang kanyang mukha habang nakatingin dito. Hindi niya kayang tanggapin ang suggestion ng babae. Wala siyang balak na isara ang restaurant. Anuman ang mangyari ay hindi siya makapapayag na mawala ang negosyong pinaghirapan ng kanyang ina. “Ano ba’ng mas mahalaga sa 'yo, ang restaurant o ang bahay at lupa na ito?” tanong pa ni Cecille. “Pareho,” mabilis na tugon niya. “Pareho? Pero ano’ng gagawin natin? Kapag hindi mo nabayaran ang bangko, maiilit ang bahay. At aminin mo man o hindi, maliit lang ang kita ng restaurant. Baka sa pagmamatigas mong 'yan, lalong walang matira sa 'yo.” “Baka nakakalimutan mo, dahil sa restaurant na 'yon kaya ka nakapagtapos ng pag-aaral?” Nasabi niya iyon bago pa niya mapigilan ang kanyang sarili. Hindi nakakibo si Cecille. Bakas sa mukha ng babae na nasaktan ito sa sinabi niya. Nag-iwas ito ng tingin. “Ces, I’m sorry. Nabigla lang ako,” nahihiyang sabi niya, sabay hawak sa isang kamay nito. “Okay lang. Totoo naman 'yong sinabi mo, eh,” sabi nito na pilit pang ngumiti. “Alam ko namang malaki ang utang-na-loob ko sa inyo ni Tita Lucy. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung hindi ninyo ako kinupkop noon after mamatay ng parents ko.” Ulilang lubos na si Cecille nang kunin ito ng kanyang ina at palakihin, labing-dalawang taon na ang nakararaan. Anak si Cecille ng kanyang Uncle Edmund, kapatid ng kanyang ina. Magkasing-edad lang sila at sabay pang lumaki kaya parang magkapatid na ang turingan nila. “Hindi naman sa bina-balewala ko ang pinaghirapan ni Tita. Ang akin lang, para hindi ka na rin masyadong mahirapan. Hindi na natin alam kung saan kukunin ang pambayad sa mga 'yan, eh. Kung isasara natin ang restaurant at pauupahan ang puwesto, makakasiguro tayo na may pambayad tayo buwan-buwan sa bangko para matubos itong bahay.” Hindi siya kumibo. Nakukuha naman niya ang punto nito, kaya lang ay parang hindi talaga niya kayang gawin ang sinasabi nito. “Kapag isinara natin ang restaurant, mawawala na ang problema natin sa pangpasuweldo sa tao, gano’n din sa kuryente at tubig doon. Magtrabaho na lang tayo, tutal pareho naman tayong tapos ng college. Kapag pinarentahan natin iyon, kaunti na lang ang idadagdag natin para makompleto ang buwanang panghulog sa bangko. Ang pang-maintenance na lang nitong bahay ang isa pa nating iisipin,” patuloy nito.  Naihilamos niya sa mukha ang kanyang mga kamay. “Mag-iisip pa muna ako. Baka may iba pang paraan.” Napabuntong-hininga si Cecille, pagkuway ay tumango ito. “Sige, ikaw ang bahala. Pero tama na muna iyan. Magpahinga na tayo, at maaga pa tayong mamamalengke bukas.”  Tinulungan siya nitong iligpit ang mga papel na nakakalat sa mesa, pagkatapos ay pumasok na sila sa kani-kanilang mga silid. ******** ILANG oras nang nakahiga si Lianne pero hindi pa rin siya dalawin ng antok. Hindi mawala sa isip niya ang suhestiyon ng kanyang pinsan. Labag man sa kalooban niya ay alam niyang tama ito, pero mas gusto niyang isipin na may iba pang solusyon… pero ano? Ano pa ba ang maaari niyang gawin para pangalagaan ang mga naiwan ng ina. Tumagilid siya ng higa at nahagip ng mga mata niya ang maliit na kahon na nasa ibabaw ng bedside table. Ilang minuto siyang napatitig doon, maya-maya ay bumangon siya at dinampot ang kahon. Binuksan niya iyon at inilabas ang kuwintas na laman niyon. Napahugot siya nang malalim na hininga. Isang ideya ang naglalaro sa isip niya. Alam niya na kung nabubuhay pa ang kanyang ina ay tututol ito sa plano niya. Pero wala na ito… at iyon lang ang paraan para mapanatili niyang buhay ang alaala ng kanyang pinakamamahal na ina. ******** "SAAN mo ba talaga balak pumunta?” tanong kay Lianne ng Tita Emily niya habang pinanonood siya sa pag-i-empake ng ilan niyang mga gamit. “Sinabi ko na ho sa inyo, 'di ba? Pupuntahan ko 'yong mga kamag-anak ni Mommy sa Quezon,” tugon niya na hindi ito tinitingnan. Hindi siya sanay magsinungaling, at baka kapag tiningnan niya ang babae ay mahalata nito na hindi siya nagsasabi ng totoo. "Magbabaka-sakali ho ako na may mahiram akong pera sa kanila.” Nasa silid niya ito at si Cecille. Kanina lang nalaman ng Tita Emily ang plano niyang pag-alis kaya napasugod ito sa bahay nila upang alamin kung saan niya balak pumunta. Napabuntong-hininga ang Tita Emily niya at umupo sa kama. “Palagay mo ba kung mayroon man sila, pahihiramin ka nila? Eh, noon ngang magkasakit ang mommy mo wala rin silang naitulong.” “Wala naman hong masama kung susubukan ko, 'di ba?” aniya at isinara na ang malaking travelling bag na dadalhin niya sa biyahe. “Lahat ho ng paraan susubukan ko. Kung kailangan kong magmakaawa sa kanila, gagawin ko.” Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niya ang marahang pag-iling ng pinsan niya na nakatayo sa may likuran ni Tita Emily. Alam niyang tutol ito sa pinaplano niya pero wala naman itong magawa. Ipinagpasalamat niyang hindi nagsasalita si Cecille; sila lang dalawa ang nakakaalam ng totoong plano niya. "Paano kung wala ka ring mapala roon?” tanong ng Tita Emily niya. Pilit siyang ngumiti. “Kung wala talaga, gagawin ko na ang sinabi ni Cecille. Isasara ko ang restaurant.” Hindi nakaimik ang tita niya. Matagal siyang tinitigan nito bago ito tumayo at niyakap siya. “Mana ka talaga sa mommy mo. Pareho kayong matigas ang ulo. Kapag may naisip kayong gawin, hindi talaga kayo marunong magpapigil.” Gumanti siya ng yakap dito. “Kayo po muna ni Cecille ang bahala rito habang wala ako,” bilin niya. Tumango ito. “Mag-iingat ka, ha. At umuwi ka rin kaagad.”  "Opo,” sagot niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD