BOX (Prologue)

492 Words
PROLOGUE MABILIS ang bawat hakbang ni Alona paakyat sa hagdan. Hagdan na patungo sa isang silid kung saan naroon ang matagal na nilang hinahanap. Nakasunod sa likuran niya sina Mario at Jessa. Kailangan na nilang magmadaling tatlo. Kailangan na nilang marating ang silid na iyon. Kaunting minuto na lamang ang natitira sa kanila. Kinse minutos kung sasaktuhin. Kinse minutos na lang at mamamatay na sila. Tuluyan nang kakalat sa katawan nilang tatlo ang lason na itinurok sa kanila tatlumpung araw na ang nakakalipas. Medyo nakakaramdam na si Alona ng pagsikip ng kanyang dibdib kaya naman naaapektuhan niyon ang kanyang paghinga. Bumabagal na rin ang pagkilos niya. Senyales na mas bumibilis ang pagkalat ng lason. Napahinto siya at napatingin sa sariling braso. Namumutla na iyon at nakakakita na rin siya ng mga linyang kulay ube roon. Alam niya na ganoon na rin ang iba pang parte ng kanyang balat. Isang kamay ang pumatong sa kanyang kaliwang balikat at nang lingunin niya iyon ay nakita niya si Mario. Maputla na rin ang mukha nito lalo na ang labi na bahagyang nagbibitak-bitak na. “M-mario, h-hindi ko na yata kaya…” sabi niya sa paos na tinig. “Ngayon pa ba tayo susuko, Alona? Malapit na tayo. Marami na tayong nalampasan tapos susuko tayo? Kaya natin ito, okay! Para sa kanya…” Sabay silang napatingin sa likuran nila. Nakita nila si Jessa na nakaupo na lang sa isang baitang ng hagdan at nakasandal ang likod sa sementong dingding. Nakatingala ang babae at nakapikit. Mabilis ang paghinga nito habang hinahaplos ang malaking umbok sa tiyan nito. Buntis si Jessa at ito ang dahilan kung bakit sila nagsumikap ni Mario na lampasan lahat ng pagsubok na ibinigay sa kanila ni Miss Black. Inabot ni Mario ang kamay ni Alona at pinisil iyon. “Tandaan mo, dalawang buhay ang maililigtas natin. Si Jessa at ang baby sa tiyan niya. Sasamahan natin siya doon para makasiguro tayo na mabubuhay siya. Iyon ang plano, `di ba?” “Sige…” sagot niya na sinabayan niya ng tango. “Tulungan mo si Jessa na makaakyat. Nahihirapan na siya.” Tumango rin si Mario. “Alona, bago man tayo mamatay. Gusto kong humingi ulit sa’yo ng tawad. Sana napatawad mo na kami ni Lindsay…” BAWAT hakbang nilang tatlo ay puno ng pag-asa. Pag-asa na buhay pa silang makakarating sa silid na sinabi ni Miss Black. At nang tumapak na ang mga paa nila sa pinakatuktok at huling baitang ay ganoon na lang ang saya nila. Lahat sila ay nakatingin sa kulay pulang pinto sa harapan nila. Inaalalayan ni Mario si Jessa habang si Alona ay nauuna sa paglalakad. Nanginginig ang mga kamay na inabot niya ang seradura ng pinto. Pinihit iyon at saka tuluyang binuksan. Magkakasabay na pumasok sina Alona, Mario at Jessa sa naturang silid. At doon, sa pinaka gitna ng silid ay nakita na nila ang matagal na nilang hinahanap… Ang BOX!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD