Prologue

638 Words
Eight years ago Nasa gym kami ng mga kaklase ko sa Physical Education (PE) class. Naghahanap si Mrs. Ledesma, ang teacher namin sa PE, ng mga estudyanteng pwede niyang ilahok sa 100m dash inter-school running competition. Ewan ko ba kung bakit lahat kailangan dumaan sa pagsubok. Sana 'yong mga interesado lang, pero ang sabi niya, baka raw may itinatagong kaming galing na hindi pa namin nalalaman. Nahawa na rin ako sa kakaibang sigla na nangingibabaw sa kapaligiran. Ang karamihan sa kaklase ko ay nag-iinat-inat. Syempre, hindi ako patatalo. Ako pa! Tumalon-talon ako at sumuntok-suntok sa hangin. Ala Manny Pacquiao. Iyong pormang nakita ko sa TV habang pinapakilala ito ni Michael Buffer. Sa totoo lang, panakip-butas ko lang 'yon. Hindi ko kasi kayang yumuko at abutin ang aking talampakan. Hanggang tuhod lang ang kaya ko dahil mataba ako. Ubod ng taba! Nahati kami sa apat na grupo at napabilang ako sa pinakahuli. Bilis at stamina ang kailangan kaya pinatakbo kami sa buong paligid ng gym. Maliksi lang siguro itong mga kaklase ko, dahil umpisa pa lang, napag-iwanan na ako. Kahit hingal-kabayo na, dinoble ko pa ang bilis para makahabol. Pero hindi umobra, wala pa ako sa kalahati ay tapos na sila. Nasa akto akong susuko nang may narinig akong mga yabag mula sa likuran. Nang lingunin ko upang mapagsino, nagitla ako. Si Sean! Nakangiti sa akin at sinabayan ako sa pagtakbo. "Kaya mo yan, kid!" "Hindi ko na kaya. Suko na ako!" "Malapit ka na sa finish line! Ngayon ka pa ba susuko?" Hindi niya ba nakikita na ubos na ang hangin sa baga ko? Halos lumuwa na nga ang dila ko sa paghingal kaya hindi ko na nakuhang sumagot. Kahit hirap, nagpatuloy pa rin ako sa pagtakbo. Inilagay niya ang dalawang palad malapit sa kaniyang bibig at sumigaw. "Huwag kang kumawag-kawag na parang ibon! Takbo 'to, hindi pataasan ng lipad!" Malay ko ba na mali pala ang teknik ko. Kaya pala hindi lang binti ang naninigas sa akin. Pati braso ko ay napagod din. "Swing your arms forward and back!" utos niya. Sinunod ko ang payo niya. Pero pakiramdam ko para akong kabilang sa tropa ni Hitler. Narinig ko ang impit na tawa niya. "Hindi ganyan! Draw arms back at 90 degrees!" Sabi na nga ba, may mali sa porma ko! "That's it! You're doing good, kid! You're doing good!" Yehey! Nakuha ko rin! "Now, concentrate on your strides!" Nag-concentrate talaga ako. Pinaliit ko pa 'yong mga mata ko. "Give me a soft and springy steps!" Paano raw 'yon? Nakarating kami sa finish line nang hindi ko namalayan. Dahil sa ipinakitang suporta ni Sean, ang mga kaklase ko na kanina ay bagot na bagot sa paghihintay, ay masayang sumalubong sa amin. Narinig ko rin kanina ang malakas nilang sigaw na pang-enganyo. Gano'n pala 'yon? Napakalaking bagay pala kung may mga taong naniniwala sa iyo, na hindi lang sa panlabas mong anyo sinusukat ang iyong kakayanan. Ang sarap talaga sa pakiramdam. Feeling bida talaga ako lalo't nagpakita si Sean ng lantarang pagsuporta sa akin. Sikat kaya siya sa school! Tumingin ako sa gawi niya. Nakabakas pa rin sa kaniyang mukha ang galak para sa akin. Habang pinagmamasdan ko siya, may sumibol na kakaibang damdamin sa aking dibdib. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng malakas na atraksyon sa isang lalaki. Syempre, sinikil ko ang damdaming 'yon dahil hindi tama. Kaibigan ko siya mula pagkabata. Alam ko rin na inis siya sa mga babaing nagpapakita ng motibo sa kaniya. Tobey ang bansag sa kaniya rito sa school dahil malaki ang pagkakahawig niya kay Tobey Maguire na bida sa pelikulang Spiderman. Narinig ko 'yon sa mga grade six na estudyante ng kaniyang mama. Tobey na rin ang tawag ko sa kaniya magmula no'ng pangyayari sa gym. Hindi dahil sa kahawig niya 'yong bida kundi dahil sa siya ang hero ng buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD