Chapter 1-1: Where It All Began

2550 Words
KASAMA si Ysa ng mama niya papunta sa malaking bahay ng mga Aragon. Sinabi kasi ng kaibigan ng Mama niya na naghahanap daw ng dagdag na katulong sa malaking bahay na pinapasukan nito. Pinapunta nito ang Mama niya para i-rekomenda. ''Senyora Beatrice, siya po si Anna ang kaibigan na sinasabi ko po sa inyo. Masipag po iyan at mabait at higit sa lahat ay mapagkakatiwalaan,'' boses iyon ng kaibigan ng Mama ni Ysabel na si Marie. ''Magandang Umaga po Senyora! Tama po si Marie masipag po ako at marunong din po ako sa lahat ng gawaing bahay. Hindi po kayo magsisisi kung tatanggapin niyo po ako,'' kiming wika naman ni Anna. ''Magandang umaga din sa inyo!'' nakangiting bati ni Senyora Beatrice sa kanila. ''Umupo kayo! Marie dalhan mo sila ng makakain,” utos nito sa katulong na si Marie. Si Ysabel ay kiming tumango lang kay Senyora Beatrice ng mapunta sa kanya ang paningin nito. Napaka ganda ng babaeng tinawag ni ate Marie na Senyora Beatrice. Mukhang kasing edad lang ito ng mama niya ngunit dahil sa hirap ng buhay nila tumanda ng ilang taon ang mama niya kaysa totoong edad na thirty five ngunit si Senyora Beatrice mas mukhang trenta'y singko lang kaysa kwarenta na edad nito. Halata rin ang pagka mabait sa mukha nito ngunit naiilang si Ysabel sa itsura nito. Halata kasi na ibang iba ito sa mga taong nakakasalamuha niya sa squatter's area kung saan sila nakatira ng ina sa bayan ng Santa Fe. Doon napaka simple ng mga tao samantalang ang kaharap niya ngayon ay mababakas ang rangya ng buhay kahit sa simpleng pananamit nito. Kung pwede lang magtago ni Ysabel sa likod ng Mama niya ay kanina niya pa ginawa. Nakakailang din kasi ang mga titig ni Senyora Beatrice sa kanya. ''Napaka ganda naman ng anak mo, Anna!” turan nito habang nakatingin kay Ysabel. “Ay salamat po Senyora. Masakit man aminin ang katotohanan ay nagpapasalamat ako at hindi sa akin nagmana ang anak ko,” may himig pagbibiro ni Anna. Madalas noong maliit pa sa Ysabel ay napagkakamalan talaga siyang yaya lang nito at hindi ina. Malayong-malayo kasi ang itsura nila sa isa’t isa. Si Anna ay kayumanggi at Pilipinang pilipina ang beauty habang si Ysabel ay mala porselana ang kutis. Habang itim na itim ang buhok ni Anna ang kay Ysabel ay iyong tinatawag na havana brown na nakuha nito sa Amerikanong ama. Ang hazel brown na kulay ng mga mata nito ay bagaman at nakuha sa kanya, minana naman nito ang deep-set eyes ng ama. Matangkad din ito at mahaba ang mga biyas lalo na ang mga binti na bagay naman dito. Kahit saan anggulo tingnan ay malayo talaga ang itsura niya sa anak. Nasanay na din si Anna na mapagkamalan siyang yaya lang nito. Noong una ay nasasaktan siya ngunit iniisip nalang niya ang positive sides--- kung nagmana sa kanya si Ysabel ay hindi nito tataglayin ang physical na kagandahan na mayroon ito ngayon. Babawi nalang siya sa kagandahang loob at asal na maipapamana niya rito. Napangiti naman si Senyora Beatrice sa biro ni Anna. Tumingin ito kay Ysabel ng halatang nahihiya sa papuring natanggap mula kay Senyora Beatrice. “Anong pangalan mo, iha?" ''Y-Ysabel Solis po ang pangalan ko, Senyora,'' sagot niya sa tanong nito. Hindi siya makapaniwala na siya ang pagtutuunan ng pansin ng ginang gayong ang ina niya ang papasok na katulong. “Maganda rin ang pangalan mo. Bagay na bagay sayo,” patuloy na papuri ng Senyora. ''Nako. Salamat po, Senyora! Pero mas maganda po kayo. Para po kayong artista sa tv,'' kiming sabi ni Ysabel at mga pelikulang napapanood ko sa kapit bahay namin. Ngumiti lang si Senyora Beatrice sa papuri ni Ysabel sa kanya. "Mukhang mabait kang bata. Ilang taon kana ba, Ysabel?" ''Magtrese na po siya Senyora at high school na po siya sa susunod na taon. Matalino rin po ang anak ko na to at palagi po siyang nangunguna sa klase. Sa katunayan nga po ay Valedictorian po iyan sa eskwelahan nila,'' mababakas sa boses ni Anna ang pagmamalaki sa anak. Lalo naman ang interes si Senyora Beatrice kay Ysabel. ''Kasama mo ba ang anak mo kung sakaling tatanggapin kitang kasambahay dito? Lahat kasi ng mga kasambahay namin dito ay stay in pero may isang araw naman sa isang linggo na day off.” ''I-Iyon na nga po sana ang ipapakiusap ko sana sa inyo, Senyora...'' sandali munang nag-aalangan si Anna sa gustong sabihin. ''Kung maaari po sanang kasama ko po Senyora ang anak ko dito. Wala po kasi siyang kasama sa inuupahan naming kwarto. Dalawa nalang po kasi kami sa buhay at wala po akong mapag-iiwanan sa kanya at ayaw ko rin naman na magkahiwalay kaming dalawa. Kahit po bawasan niyo po ang sahod ko ay okay lang po basta magkasama po kami ng anak ko. Masipag po itong anak ko makakatulong ko na rin po siya sa mga gawain dito,'' tuloy-tuloy nang wika ni Anna sa takot na tumanggi si Seniora Beatrice bago pa man ito matapos sa gustong sabihin. ''Payag akong kasama mo si Ysabel at ako pa ang magpapaaral sa kanya hanggang makatapos siya ng kolehiyo,'' nakangiting wika ni Seniora Beatrice. Nagulat at hindi makapaniwala sina Anna at Ysabel sa hindi inaasahang swerte na dumating sa buhay nilang mag-ina. Sa totoo lang ay nanganganib talaga na hindi makapag-aral si Ysabel ngayong darating na pasukan dahil natanggal si Anna sa pinagtatrabahuan nitong pagawaan ng sapatos. Nagbawas kasi ng mga tauhan at isa ito sa mga malas na natanggalan ng trabaho. Wala rin silang maasahan sa Amerikanong ama ni Ysabel dahil limang taon palang si Ysabel nang umalis ito at hindi na sila binalikan pa mag-ina. Wala rin silang balita kung nasaan ito o kung buhay pa ba ito. ''T-Tanggap na po ako? At hindi ko lang makakasama ang anak ko--- pag-aaralin niyo rin po siya?'' paninigurado ni Anna kung tama ba ang narinig nila. Nakangiting tumango si Senyora Beatrice. ''Tama ang narinig ninyo. Hindi ko rin babawasan ang sasahorin mo Anna. Matatanggap mo ang sahod mo ng buo katulad ng sahod ng iba pa naming mga kasambahay dito. Makakatanggap rin si Ysa ng allowance liban pa sa sagot ko rin ang lahat ng gastusin niya sa eskwelahan. Ngunit syempre ay may hihingiin akong kapalit.'' Nagkatinginan sina Anna at Ysabel sa sinabing iyong ni Senyora Beatrice. Si Anna ay doble ang naging pag-aalala. Paano kung hingin ni Senyora Beatrice ang isang bato niya bilang kapalit sa napakagandang oportunidad para sa kinabukasan ni Ysabel? ''A-Ano po ang kapalit Senyora?" tanong ni Anna habang pakiramdam niya ay nakabitin yata sa lalamunan niya ang paghinga niya sa maaaring hilingin na kapalit ni Senyora Beatrice para makapag-aral si Ysabel. ''Si Ysabel ang magiging personal na katulong ng nag-iisa naming anak na si Jaden. Lalo na sa eskwela. Nabanggit niyo na matalino si Ysabel sa eskwela. Magiging malaking tulong siya para kay Jaden. Magkasing edad din kayo at parehong high school na sa darating na pasukan. Sa San Martin High School siya mag-aaral at doon ka rin mag-aaral Ysabel. Iyon ay kung papayag kayo...'' “San Martin High School po Senyora?” hindi makapaniwala na tanong ni Anna. Tanging mga anak ng mayaman lang sa bayan nila ang nakakapag-aral sa pribadong eskwelahan na iyon. Kahit minsan ay hindi nila naisip mag-ina na pwedeng makapag-aral doon si Ysabel. Kung ang pagkain nga nila sa araw-araw ay hindi nila alam kung saan kukunin iyon pa kayang pambayad sa mamahaling eskwelahan na iyon? “Tama ang narinig niyo. Sa San Martin High School din mag-aaral si Ysabel katulad ng anak kong si Jade.” ''Nako po napakaganda po ng offer niyo para sa simpleng kapalit na hinihingi nyo sa amin,'' hindi makapaniwalang bulalas ni Anna. ''How about you, Ysabel? Kaya mo ba ang maging personal na katulong ng anak ko?" baling na tanong ni Senyora Beatrice kay Ysabel. Hindi muna nakasagot si Ysabel. Sa batang edad ay alam niya kung gaano ka laking swerte ang ibinibigay ni Senyora Beatrice sa kanya ngunit naisip niya na baka may sayad ang anak ng magandang Senyora o kaya ay sobrang pasaway at kailangan pa niyang alagaan kahit sa eskwela. Ngunit alam din niya kung anong klaseng oportunidad ang ibibigay sa kanya ng Senyora. Ang makapasok sa eskwelahan ni Senyora Beatrice ay tanging pangarap lamang para sa mga batang katulad niya na anak mahirap at kapus palad. Ang alok ng Senyora sa kanya ay masasabing isang once in a lifetime opportunity lang na dumating sa buhay nilang mag-ina. Makakapag-aral na siya sa isang maganda at mamahaling eskwelahan magkakaroon pa sila ng mama niya ng matutuluyan at hindi na rin nila problemahin pa kakainin nila sa araw-araw. Ngunit sa isang banda may takot din sa puso niya--- Paanong nga kung aning-aning ang anak nitong si Jaden? Ngayon lang siya nakarinig ng high school na pero may yaya pang kasama sa eskwelahan. Nabasa naman ng Senyora ang pag-aalangan sa mukha ni Ysabel. ''Huwag kang mag-alala iha. Mabait ang anak ko. May pagkasuplado lang kung minsan at matigas ang ulo pero mabait naman iyon. Sa totoo lang ay wala naman talagang problema sa anak ko. Masyado lang akong protective dahil nag-iisa namin siyang anak at tagapagmana ng lahat ng negosyo ng pamilya,'' nakangiting paliwanag ng Senyora. Sa sinabi ng Senyora ay nakahinga ng maluwag si Ysabel. ''Ano anak payag ka ba?" tanong ni Anna kay Ysabel. Tumango si Ysabel sa ina tapos ay tumingin kay Senyora Beatrice. ''P-Payag po ako Senyora! Maraming salamat po sa pagtitiwala sa akin! Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko para maging kapaki-pakinabang sa anak niyo at hindi masayang ang bawat sentimo na gagastosin nyo sa pagpapaaral sa akin.'' Napangiti ang Senyora sa naging sagot ni Ysabel. Hindi rin maitago ang paghanga niya dito. Sa batang edad ni Ysabel ay napakamature na nito mag-isip at magsalita. Karaniwang bata na kilala niya na kaedaran ng anak niya ay pulos pagpapasarap lang sa buhay ang alam. Ngunit si Ysabel alam na nito kung ano ang gusto sa buhay at mababakas ang kagustuhan nitong magtagumpay at makaahon sa kahirapan. "Marie, gising na ba ang Senyorito nyo? Puntahan mo nga sa kwarto at papuntahin mo rito," utos nni Senyora Beatrice kay Marie na nasa malapit lang matapos mailapag ang meryenda para sa mag-ina. ''Opo Señora." At tumalima na si Marie na tuwang-tuwa rin sa swerteng dumating sa buhay ng kaibigan at anak nito. ''Siya nga pala Anna ang trabaho mo ay tulungan si Ysabel sa pag-asikaso sa mga pangangailangan ng anak ko dito sa bahay at tulong-tulong na rin sa mga gawain kapag tapos na ang mga pangangailangan ni Jaden.'' ''Opo Senyora! Kailan po kami magsisimula?'' sagot at tanong ni Anna. ''Ngayon o bukas. Kayo ang bahala...'' ''Bukas nalang po. Kailangan pa po kasi namin magpaalam sa may-ari ng inuupahan namin.'' ''Walang problema. Mag merienda muna kayo at baka tulog pa ang anak ko.'' Hindi naiwasan ni Ysabel na dumako ang tingin sa malaking orasan sa sala. Tanghali na ngunit hindi parin gising ang magiging amo nila? Hindi niya tuloy maiwasang isipin na masarap siguro ang maging mayaman. Makakain mo ang lahat ng gusto mong kainin, mabibili mo ang lahat ng gusto mong bilhin at pwede kang matulog kahit hanggang anong oras mo gusto. Hindi tulad nila ng mama niya na madaling araw palang ay gising na para pumunta sa tabing dagat para umangkat ng isda sa mga mangingisda na kadarating lang mula sa laot. Pagkatapos nilang makipagsiksikan at makipagtawaran ay ilalako naman nila maghapon ang mga naangkat na isda para kumita ng kaunting barya pambili ng araw-araw nilang pangangailangan mag-ina. Kahit ayaw siyang isama ng ina sa paglalako ay nagpupumilit siya. Alam kasi niya kung gaano kabigat ang timba na pinapasan nito. Pero kapag kasama siya ay nababawasan ang hirap nito sa pagbubuhat ng timba dahil magkatulong sila sa pagbuhat niyon at salitan din sila sa pagsigaw sa bawat kalye ng Santa Fe ng mga salitang “Isda, isda po kayo riyan. Murang-mura lang at sariwang-sariwa”. Hindi nga niya mabilang kung ilang beses sa maghapon nito sinasabi iyon hanggang sa maubos ang mga isdang laman ng timbang buhat-buhat nila. Sarap na sarap si Ysabel sa chocolate cake na inihain sa kanila ni marie. Kahit nahihiya siya kay Senyora Beatrice ay mabilis niyang naubos ang hiwa ng chocolate cake na para sa kanya. Sobrang sarap niyon at ibang-iba ang lasa sa cake na nabibili lang sa bakery sa may kanto ng kalye nila. ''Mommy, pinapatawag mo raw ako?" nakakunot ang noo na tanong ni Jaden ng makalapit sa ina. Halatang kagigising lang nito dahil naka pajama pa rin ito. ''Yes, anak. I would like you to meet Anna and Ysabel. Si Anna ang papalit sa yaya Karen mo. Si Ysabel naman ay sa school mo rin papasok at siya ang bantay sayo habang nasa eskwela.'' ''Good morning Senyorito!'' magkasabay na bati ni Ysabel at Anna. Tumayo pa sila bilang pag-galang sa anak ni Senyora Beatrice at magiging amo rin nilang dalawa. Tinapunan lang ni Jaden ng tingin ang mag ina. ''Mommy, I told you. I don't need a nanny anymore! Malaki na ako at kaya ko na alagaan ang sarili ko. At pati ba naman sa eskwela ay may yaya din ako?'' Hindi gusto ni Jaden na mag suplado sa mag-ina ngunit naiinis siya sa Mommy niya. Sobrang OA na ito sa pagka protective sa kanya. Naiintindihan naman niya ang pinaghuhugutan nito ngunit sa tingin niya ay sumusobra na ito. ''Wala ka nang magagawa anak dahil magsisimula na sila bukas. I hope you'll be nice to them. Okay?" Bumaling ang tingin ni Jaden sa maganda ngunit payat na dalagita. ''Mommy, sa hitsura ni Ysabel mas na siya pa ang kailangan kong alagaan kaysa siya ang mag-alaga sa akin.”' Nayayamot si Jaden na nagkakamot sa ulo. Namula naman si Ysa dahil sa sinabi ng gwapong binatilyo. At inaaamin niya sa sarili na tama ito. Sa itsura ni Jaden ay mukhang hindi ito ang klase na kakailanganin ang tulong niya. Ngunit taimtim niyang hinihiling na sana hindi magbago ang isip ni Senyora Beatrice dahil ito lang ang pag-asa nila ng ina niya para makapagtapos siya ng pag-aaral at makaahon sila sa hirap. Nakahinga lang siya ng maluwag ng magsalita si Senyora Beatrice. ''Hindi naman makikipagbasagan si Ysabel ng mukha. Matalino siya at malaki ang maitutulong niya para maimprove mo ang mga grades mo sa eskwela.'' ''Mommy, kahit wala siya ay kaya ko i-improve ang grades ko kung gugustuhin ko talaga," nayayamot na sagot ni Jaden. Nakikinita na niya kung paano siyang pagtatawanan ng mga kaibigan niya kapag nalaman na hanggang sa eskwela ay may kasama siyang yaya. Inakala niya na graduate na siya sa pagkakaroon ng yaya ng magpaalam si Karen na magreresign na daw at mag-aasawa na. Hindi niya alam na naghanap ang Mommy niya ng kapalit at dalawa pa. "Hindi mo naman kailangan na ipakilala si Ysabel bilang yaya. Just treat her normal like your classmates or even a friend. At wala na akong balak na iatras pa ang napagkasunduan namin kanina," paninindigan ni Senyora Beatrice na ipinagpapasalamat ng malaki ni Ysabel at ni Anna. "Bahala nga kayo!" naiinis na tumalikod si Jaden at iniwan ang ina at ang mag-inang yaya daw niya. Naisip niyang pahirapan nalang si Ysabel para ito mismo ang sumuko at magbitiw sa trabaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD