CHAPTER 1 - Ang Tropa

1199 Words
“ANAK ng... hindi pa ba kayo nagsasawa sa mga lugar na yan? Halos napuntahan na nating lahat yan, ah. Wala ng bagong makikita sa ganyang mga lugar. Kumbaga sa pokpok, laspag na laspag na ang mga yan!" Maangas na sabi ni Aldo sa dalawang babae na katropa nila. Nakahilata ito sa malambot na sofa at nakataas pa ang mga paa. Nakaharap naman sa computer ang dalawang sinasabihan. Si Milen na nakakunot na ang noo at si Reynalyn na seryoso lang sa ginagawa. Pumipili ang mga ito ng lugar na mapupuntahan nila para palipasin ang Semana Santa. May isang oras na silang nagre research kung saan may mas magandang lugar ngunit panay naman ang pintas at pagkontrang ginagawa ni Aldo. "Narinig niyo mga bebe? Ang gusto ni Pareng Aldo, yung donselya. Yung siya pa lang ang unang magbubuka!", sabat ni Josh at binirahan ng malakas na pagtawa. Nakahilata rin ito sa sofa. Bahay niya ang kinaroroonan nilang magkakaibigan. Agad namang umarko ang isang kilay ni Milen sa narinig. "Tama ka Pareng Josh, yung virgin!" sabi uli ni Aldo at nakisabay na sa pagtawa ng pinaka kadikit niya sa tropa. "Tae pala kayong dalawa, e. Kung kayo na lang kaya ang maghanap!" napipikong sagot ni Milen. Tumayo ito at nagsindi ng sigarilyo. Nahinto sa pagtawa ang dalawang alaskador nang makitang namumula ang mukha ng ka tropa. Nang matiyak na hindi ito nagbibiro lang ay agad na napatayo si Aldo mula sa sofang hinihigan. Mabilis na nilapitan at inamo-amo ang nagtatampong kaibigan. "Hindi naman ikaw ang sinasabi ko bebeng Milen, huwag ka nang mag-amok, ha.", pang aamo ni Aldo sa babaeng hindi na mabilang sa daliri nilang magkakaibigan ang dami ng lalaking naka-one night stand. "Alam mo namang mahal ka namin at walang pwedeng umagrabyado sa iyo. Itataya ko ang lawit ko kasama pati dalawang bolang bilog na aalog-alog kapag may tumarantado sa'yo. Ako pa ba ang gagawa nun? Sige na, umupo ka na uli sa tabi ni bebeng Reynalyn. Sige na...", paglalambing ni Aldo sa babaeng napangiti na. "Bubusina ka naman kasi para hindi ka makakasagasa. Kasalanan ko ba kung mabilis akong ma-inlove, at mabilis din ma-fall out of love?" nakairap na tanong ni Milen. "Kaya nga hindi ikaw yung sinasabi ko. Kung ano ang makakapag pasaya sa iyo, suportado ka namin. Hindi ka namin pababayaan," matapat na sabi pa rin ni Aldo. ''Tama si Pareng Aldo, Bebeng Milen. Kaming tatlo nina Pareng Butsoy ang makakalaban nila kapag may nangahas na umepal at magpaiyak sa inyo ni Reynalyn. Magdadaan sila sa ibabaw ng aming mga pogi at machong bangkay!'' paniniyak rin ni Josh na dinaan sa biro. "Group hug!" ganting biro ni Milen. Nakangiti na ito at nawala na ang pagdaramdam sa dalawang lalaki kanina. "Hay naku, ito talagang bebe natin masyadong sensitive. Halika na nga at ibubundol kita sa masel ko," pakikibiro na rin ni Butsoy. Inalalayan nito ang nakaupong si Reynalyn upang makatayo nang mabilis. "Okey, group hug!", nakangiting sabi ng isa pang babae sa tropa. Tatlong taon na ang nakakalipas mula nang mabuo ang pagkakaibigan nilang lima. Si Aldo..., anak sa labas ng isang Mayor. Spoiled at lahat ng gusto ay kailangang makuha. Galit sa amang hanggang ngayon ay itinatago pa rin silang mag-ina sa lipunang ginagalawan. Si Josh..., sa yumaong lola lumaki mula nang maghiwalay ang mga magulang noong pitong taon gulang pa lang siya. Galit sa mga magulang na pareho na ngayong may kanya-kanyang pamilya. Si Milen..., anak ng dating sikat na bold star. Nakapag asawa ng hapon na ayaw sa babaeng may anak kaya iniwanan na lang siya sa tiyahin niyang may ka live in na manyak. Si Reynalyn..., anak ng isang pari sa dalagang miyembro ng choir na matapos siyang ipanganak ay nagpakamatay. Inampon kunwari ng sariling ama at nang 'di na matagalan ang nakikita sa amang pari ay umalis nang walang paalam dala ang lahat ng pera sa simbahan. At si Butsoy..., anak ng isang haciendero sa isang katulong. Pinagmamalupitan ng mga kapatid sa ama. Matapos kunin ang pampasweldo sa mga tauhan ng hacienda ay tumakas at sumakay ng barko pa maynila. Pawang naghahanap ng matatawag na pamilya. Nang magmamahal, uunawa at makakasama. Hanggang sa sila na lamang lima ang naging pamilya ng bawat-isa. Silang lima laban sa mundong hindi naging parehas sa kanila at nangakong isa para sa lahat at lahat para sa isa. Iisa sa pag-aakalang ang mali nilang ginagawa ay kasalanan ng iba. Isinisi sa mga magulang ang ipinagkagan'on nila. Silang lima ang humarap sa computer at naghanap ng magugustuhan nilang pare-pareho. Palampas na sa screen ang isang lugar nang mapansin ni Aldo. "Yan! Teka! Ibalik mo pare!", sabi ni Aldo na sinunod naman ni Butsoy. "Wow! Hayup! Ang ganda ng lugar!", nasabi ni Aldo. "San Vicente? Maganda nga kaya lang parang napakalayo naman kung diyan tayo pupunta.", sabi ni Reynalyn. "Kaya nga diyan maganda. Tiyak na wala pang masyadong nakakarating diyan!", excited na sabi ni Josh. Sumang-ayon agad ito sa napili ni Aldo. "San Guevarra, San Isidro at San Ronquillo. Tatlong baryo pa ang lalampasan natin bago makarating sa San Vicente. Mahaba-habang byahe ang gagawin natin pare.", sabi ni Butsoy habang nakatingin sa screen ng computer. "Palitan na lang tayong tatlo. Kaya natin 'yan. First time pare, 'yun ang nakaka-excite!", nasasabik na sabi ni Aldo. "One week naman tayo kaya masusulit natin ang lugar.", excited na ring sabi ni Milen. "Kung payag lahat, 'yung van ni Daddy ang gamitin natin para madala natin lahat ng kakailanganin natin for a week. Makakapag enjoy tayo nang walang ha-hassle sa atin!", sabi ni Aldo. "Ano guys?", tanong ni Milen kay Butsoy at Reynalyn. "Okay, shoot!", sagot ni Butsoy. Nakaramdam na rin ito ng excitement. Hinihimas-himas pa ang bagung-bago at latest model na camerang hawak. "Ikaw, bebeng Reynalyn?", nakangiting tanong ni Josh. "Kung nasaan kayo nandun din ako. Go!", sagot na rin ng dalaga. Nakiayon na lang si Reynalyn upang hindi maging kill joy sa pananabik na nakarehistro sa mukha ng apat na kaibigan. Kung siya ang masusunod ay ayaw niya. Iba ang nararamdaman niya sa lakad na binabalak ng mga kaibigan. Kinakabahan siya. Hindi niya maipaliwanag subalit may nararamdaman siya. "Hey, Reynalyn! Okey ka lang ba?", nakangiting tanong ni Milen. "Natatakot na naman siguro itong bebe natin. Di na nag-e-exist ang mga aswang ngayon. Nang-aaswang marami!", nagtatawang sabi ni Aldo. Nangiti naman si Reynalyn sa birong iyon ng kaibigan. Naisip na marahil nga ay tinatakot lang niya ang sarili dahil sa mga napapanood na sa mga liblib na lugar nagaganap ang mga nakakapangilabot na p*****n. "Don't worry, bebeng Reynalyn. Magdadala tayo ng baril para may proteksyon tayo. Dadalhin din natin ang buntot page ng lola ko with matching holy water. Kaya huwag ka na matakot, okey?", nakangiting sabi ni Josh. "Okey..., okey. Mas maigi nga 'yong handa tayo anu't- anoman.", sabad ni Butsoy. "O ano, Reynalyn ayos ka na ba?", tanong ni Milen na umakbay pa sa dalagang pinaka matatakutin sa kanila. "Oo, kelan tayo aalis?", naitanong na lang nito. Nakaramdam ng hiya sa mga kasamang nag-aalala sa kanya. "Yes! Bukas na bukas din!", malakas na sagot ni Aldo, Butsoy at Josh. "Alright!", masiglang sabi rin ni Milen. At inayos na nga nila ang lahat ng kailangang dalhin sa pag alis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD