Prologue

970 Words
MAUSOK, MAINGAY, AT sari-saring eksena ang nasasaksihan ko kung saan ako nagtatrabaho. Kailangan kong tiisin ito dahil mas ayos na ito kaysa sa karanasan ko noon. Pero naroon pa rin ang pangamba at takot na baka isang araw ay bigla na lang siyang sumulpot sa harap ko.  Gusto ko nang lumayo sa lahat ng maaaring makapagpapaalala sa akin sa nakaraan . . . “Hera, sa table 2,” tawag sa akin ni Ivy na isang waitress din sa bar na pinagtatrabahuan ko. Tumango ako sa kanya at tinungo ang bar counter para kuhanin ang order ng nasa table na sinasabi niya. “Hi there, Chard! Tequila and three ladies drink,” sabi ko rito nang mabasa ko ang order mula kay Ivy. “Coming, Hera,” nakangiti nitong sabi at nagsimula na siyang gumawa ng alak. “Ang galing mo talaga sa ganyan. Kahit na matagal na ako rito ay hindi ko man lang matutunan ’yan,” nakangiti kong papuri sa kanya. “Syempre, sanayan lang ’yan. Kung sana ay matutunan mo ulit akong mahalin baka turuan kita nito nang todo,” sabi pa nito nang may pagpapahiwatig. “Chard, hayan ka na naman. Alam mo namang—” Hindi pa ako tapos sa pagsasalita nang pigilan niya ako. “Oo . . . alam ko. Wala kang time na umibig pa muna dahil ayaw mong masaktan ako at dahil hindi mo ako nabibigyan ng atensyon. Pero kaya ko namang maghintay at kaya ko namang tiisin hanggang sa magkaroon ka na ng oras,” sabi niya at nilapag ang tatlong ladies drink na ginawa niya sa tray pati ang bote ng isang tequila. “Chard, ayoko nang saktan ka at mabuti nang ganito na lang tayo na magkaibigan. Maghanap ka na lang ng iba na kaya kang bigyan ng oras—at alam ko na hindi ako ’yon,” sabi ko sa kanya at kinuha na ang tray. Lumakad ako palayo sa bar counter at naglakad patungo sa table 2. Pero nang mapatingin ako sa entrance ng bar ay napahinto agad ako at nilukuban na ng kaba nang makita ang pamilyar niyang mukha na seryoso at tila nakakasindak. Nakakalakad na siya at may mga bodyguard na nakasunod sa kanya. Nagbigay-daan ang mga tao dahil tila gaya ko ay natakot sa awra nito. Dali-dali akong naghanap ng mapagtataguan—’yong hindi niya makikita. Napahinga ako nang malalim habang hawak ang tray saka napasandal sa pader. Bakit siya narito? Hindi kami puwedeng magkita, hindi ko alam kung ano ang magagawa niya sa akin oras na magkita kami. Napakaliit ba talaga ng Pilipinas at talagang pinaglalapit kami? Kung sana ay mabuti iyon, pero alam ko na hindi ako makakabuti sa mga kamay niya. Napasilip ako kung saan siya nagpunta at halos manlaki ang mga mata ko dahil dito pa siya patungo sa likod ng pinagtataguan ko. Patay! Paano ako makakaalis dito? “Hi, Love,” dinig kong boses ng babae at naupo siya roon sa tabi ng isang babae. Umalis ako sa pagkakasilip at napasandal sa pader nang makita ko na naghalikan sila. Hindi ko alam kung bakit naninikip ang dibdib ko at halos manginig ang mga kamay ko. “I miss you, Love. Lalo na ang makasama ka sa kama,” dinig kong sabi muli ng babae. Wala akong narinig na tugon niya sa babae. Siguro ay nginitian niya lang ito. Meron na pala siyang iba. Siguro, hindi na siya interesado pa sa akin, kaya puwede na rin na magkita kami. “Hey, Miss.” Napaangat ako ng tingin nang may tumapat sa harap ko. Nakita ko ang isang lalake na nakangiti sa akin. Mestiso at mukhang may lahi. “Sa table 2 ’yan, ’di ba?” tanong niya pa kaya tumango ako. Filipino-American ang accent niya. “Tara! Dalhin mo ’yan sa table namin,” sabi nito at nabigla ako nang akbayan niya ako at akayin. Halos mahigit ko ang hininga ko dahil hindi ako nakapaghanda sa pag-alis ko sa pader. Kaya naman, nakayuko ako habang hindi tumitingin sa gawi niya kung saan siya naka-table. “Hey! You’re tensed. Are you okay?” tanong sa akin ng lalakeng ito na hindi ko kakilala, pero tumango na lang ako. Tumingin ako nang isang beses sa table niya at halos mahigit ko muli ang hininga ko nang makita ko na nakatingin siya sa akin at na kinatakot ko dahil sa paraan ng pagtitig niya. Binaba niya ang hawak na alak at inalis ang pagkakahawak ng babae sa braso niya bago siya tumayo. Agad ko namang ibinigay sa lalake ang tray at hindi ko na hinintay na makapagsalita pa ito dahil dali-dali akong tumakbo. Hindi ko alam kung saan ako tatakbo, pero mas safe na dumiretso na ako palabas. Agad kong hinubad ang black high heels ko at tumakbo na ako, pero napahinto ako nang mayroon agad na malabakal na kamay na humuli sa baywang ko dahilan para mapasinghap ako. “Dito lang pala kita matatagpuan, Hera. Ngayong hawak na muli kita, kaya ko nang gawin ang lahat ng gusto kong gawin sa ’yo,” bulong niya. Isang mapanganib na bulong habang nakapulupot ang mga braso niya sa baywang ko. “Jam, please . . . bitiwan mo ako!” hiyaw ko at pilit na kumakawala sa kanya. Pero hindi siya nakinig sa sinabi ko at pinangko niya agad ako. May itim na lamborghini na huminto sa gilid namin. May binigay ang bodyguard niya na panyo at alam ko na kung ano ’yun. Lalo akong nagpupumiglas ngunit agad niyang tinakip sa bibig ko ang panyo nang mariin gaya ng ginawa niya sa akin dati. Tuwing tatakas ako ay palagi niya akong pinapatulog gamit ang panyong may pampatulog. Nanlalabo na ang paningin ko at tila na ako lantang gulay nang dalhin niya ako sa loob ng sasakyan niya. “Sa wakas . . . nasa akin ka na muli, My Hera,” bulong niya habang nakaakbay sa akin at tila kahit ganito na ang sitwasyon ko ay wala pa rin  akong takas. Nakita ko pa ang pagngiti niya bago ako mawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD