CHAPTER 1 - Bebang Pantasya

1042 Words
Bebang Pantasya HABANG hinihintay na uminit ang mantika sa kawaling nakasalang sa kalan ay malayo na naman ang tinatakbo ng isip ni Bebang. Katatapos lang niyang manood ng teleserye sa TV. Gaya ng parating ginagawa, siya siyempre ang kunwaring bida, ang love interest ng bidang lalaki. Inilalagay niya ang sarili sa mga eksena. Nangingiti pa siya habang akap-akap ang sandok. Kaya hindi niya napapansin ang mga dumadaan, at ang paglapit ng magkakaibigang sina Kiko, Tisoy at Gener. Ang tatlong suki sa karinderia nila, at suking-suki naman siyang alaskahin. Hindi yata mabubuo ang araw ng mga ito kung hindi siya bubwisitin. "HOY!" Malakas na sigaw ni Kiko. "Ay pusong bato!" nagulat niyang sambit. "Putsa,Bebang. Mukhang nagkakamabutihan na kayo ng leading man mo, a." Nakangiting kantiyaw ni Gener. "Bilib talaga kami sa ganda mo. Ang bangis!'' Dugtong ni Tisoy. Sinundan pa nito ng malakas na pagtawa ang sinabi. Nakitawa rin ang dalawa pa, at ang ilang naglalakad sa kalsada. "Nakakatawa 'yon?" Naangat ang isang kilay niyang tanong. Tumawa ang mga ito pagkaraang magtinginan. "Kayo pa talaga, no? Wow naman, hiyang-hiya ako. Ang popogi n'yo, e. Bidang-bida ang datingan. 'Yong pinahihirapan muna at saka pinapatay." Pagtataray niya. "Grabe ka naman sa amin. Nagdyo-joke lang, e." "Joke? Tinatawag lang na joke ang joke kung nakakatawa. 'Yong sa inyo, nakakairita!" Inirapan niya ang mga ito. Upang makaganti, nang-asar na rin siya. Namaywang siya at taas noong nagsalita. "Maganda ako sa aking paningin, kayo na ang bahala kung saang banda hahanapin. Problema n'yo na 'yon, huwag ipasa sa akin. Subukan n'yo kayang tumingin sa salamin nang malaman ninyong wala kayong K manlait. Break it down!" Umugong ang malakas na tawanan. Nagsigawan pa ang ilang kumakain sa karinderia nila. Habang ang tatlo ay natatawang napakamot sa mga ulo. "Boom, basag! Ano kayo ngayon Kiko, Tisoy, Gener? Sumagot kayo," kantiyaw ng tricycle driver. Tapos na itong kumain at namamahinga na lang. "Iyan si Bebang, prinsesa ng fiptop!" Dugtong ng isa pa. Iniangat pa nito ang nakatikom na kamay. Agad naman iyong binunggo ng nakatikom rin na kamay ng dalaga. "Ano ba yan, Bebang?'' Paninita ni Aling Telay "Wala lang po, Aling Telay. Nagbibiruan lang po kami." Maagap na sagot ni Kiko. "Gano'n ba? Ang akala ko, e sinusingitan na naman kayo niyang si Bebang." Nakangiting sabi ng kanyang Inang, at saka siya pinukol ng nananaway na tingin. Bahagya niyang tiningala ang ulo at saka nang-aasar na tinignan ang tatlo. "Suko na kami sa'yo, Bebang. Taas ang dalawang kamay namin pati dalawang paa." "Buti alam n'yo." Matapang niyang sabi at saka ipinagpatuloy ang pagluluto. "Puro kayo kalokohan. Siya sige na, maupo na kayong tatlo nang makakain. Ano ba ang uulamin n'yo, ha?" Baling ng Inang niya sa mga ito. Nang makaupo'y pare-pareho itong tumingin sa gawi niya at nag-peace sign. Maasim na ngiti ang itinugon niya. Suki nila sa karinderia ang tatlong binata. Si Kiko na helper ng talyer sa kanto, si Tisoy na teknisyan sa mga computer shop sa kanilang lugar, at si Gener na isang working student. Sa iisang mahabang kalye nakatayo ang mga bahay nila. Mababait naman ang mga ito, katunayan nga ang mga ito ang tumutulong sa kanila sa pagbubuhat ng kung ano-ano, at magkaminsan ay nagkukumpuni sa karinderia nila nang walang bayad. Nang bumaha sa kanilang lugar, ang mga ito ang nanguna sa pag-aangat ng mga gamit nila sa pagtitinda. Magagalang ang mga ito bagaman palabiro. Lambing ang tawag ng mga ito sa pambubuska sa kanya na madalas ay ikinapipikon niya. Magkagano'n pa man, pinag-aaralan na rin niyang makasanayan. Hindi naman apektado ang mga ito kapag tinatarayan niya. Nasanay na yata, o kaya'y baka natatakot na lagyan niya nga ng lason ang ulam at kanin ng mga ito gaya ng panakot niya. Highschool lang ang natapos niya sa pag-aaral. 'Yon ay pahirapan pa. Mahina siya sa academics, lalo na kung puro numero ang nakasulat sa pisara ng teacher nila. Mabuti na nga lang at matiyaga siya, at napagtiyagaan din ng mababait niyang mga teacher at kaibigan. Sa kabila ng pagiging pasang-awa sa pag-aaral, napakasarap naman niyang magluto. Kung may grade na ibibigay ang mga kostumer nila, tiyak na puro 95 ang grades niya, o baka maka-perfect pa. May mabasa lang siya, o kaya'y mapanood na bagong recipe ay sinusubukan agad niyang gawin. Mahilig siyang mag-eksperimento. Ang pang-masang putahe ay nagagawa niyang kasing sarap ng mamahalin at sosyaling recipe. Nakahahanap siya ng mga rekadong presyong pangturo-turo lang, at presto! Kinabukasan ay laman na iyon ng mga kaldero, at kasama sa mapagpipilian ng mamimili nila. Parating may bagong timpla, bagong lasa sa abot-kayang halaga. Malakas ang karinderia nila. Palaging ubos anuman ang iluto nila. Dinarayo pa nga. Masarap na nga naman ay mura pa. May katarayan man ay mabait naman siya, lalo na kung tulog. 'Yon ang sabi ng Inang niya. Beverly ang tunay niyang pangalan. Ayos naman sa kanya ang pangalan. Mukha na sanang maganda kaya lang ay nakasanayan na nga kakilala niya ang pagtawag sa kanya ng Bebang. Ang Inang niya ang may kasalanan. Bebang ang tawag nito sa kanya at ginaya pa talaga ng mga taga kanila. Ano pa nga ba ang magagawa niya? Kunsabagay, bawi naman siya sa maraming mga bagay. Masarap siyang kasama, at magaang kausap. Kahit hindi mahusay sa eskuwela ay mahusay naman siya pagdating sa pagse-sales talk ng paninda nila. Hindi man marunong sa mga aralin, marunong naman siyang makibagay kahit kanino. Kapag napipikon na sa mga barat na kostumer ay dinadaan niya sa biro ang pambabara. Gaya ng madalas niyang gawin sa tatlong impaktong alaskador na kumakain ng niluto niya. Mabilaukan sana! Sa edad na beinte y uno ay hindi pa rin siya nakararanas magka-boyfriend, 'yong totoong boyfriend. Paano naman kasi, naging boyfriend na niya ang halos lahat ng bidang lalake sa mga teleseryeng napanood niya, sa mga telenobelang banyaga ang mga bida. Kaya hindi lang mga pinoy na artista ang kaawa-awang biktima sa kanyang pagpapantasya, may mga tisoy, at koreano pa. Kaya naipangako niya sa sarili na kung hindi papasa sa standard niya ang isang lalake, hindi na lang siya magbo-boyfriend. Palusot niya lang ang standard-standard na nabanggit. Choosy pa ba? Malapit na ngang mawala sa kalendaryo ang edad niya, mag-iinarte pa? Basta guwapo at mayaman, pwede na niyang pagtiyagaan. At magaganap lang ang pagmamaganda niya sa kanyang pagpapantasya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD