CHAPTER 01- New Home

1428 Words
"I'M home!!!" Masiglang turan ni Homer nang pagbuksan siya ng pinto kanyang asawa na si Mara. Sa wakas, makalipas ang tatlong taong na pagtatrabaho sa Saudi Arabia bilang construction worker ay nakauwi na rin siya sa Pilipinas. Napalis ang malapad na ngiti sa labi ni Homer nang makita niya ang hitsura ng misis na si Mara pagkakita sa kanya. Blangko ang ekspresiyon ng mukha nito. Walang sigla. Wala siyang nakikita na saya. Tila hindi ito natutuwa na nakauwi na siya. "H-homer..." Pati ang boses nito ay walang buhay. "Mara!" Ibinaba niya ang bitbit na maleta. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang asawa. Hindi niya naramdaman ang pag-ganti nito sa kanyang yakap. Parang isang puno lang ang kanyang niyakap. Bahagya siyang itinulak ni Mara. "T-tuloy ka, Homer," malamig na sabi nito. Hindi maintindihan ni Homer ang nangyayari sa kanyang asawa. Ano bang nangyayari dito? Naguguluhan na sumunod na lamang siya sa mabagal nitong paglalakad. Sa paraan ng paglalakad ni Mara ay parang napakalaki ng problema nito. Medyo nagulat pa siya nang bigla itong humarap sa kanya. Doon lang niya napagmasdan ng maigi ang pangangalumata ng mata nito. Parang ilang gabi na itong hindi nakakatulog. Nabawasan ang kagandahan nito dahil sa humpak nitong mga pisngi. Namumutla din ang balat nito. Tumanda itong tingnan sa edad nitong bente y sais anyos. "Nagugutom ka na ba?" tanong ni Mara. "Mara, may problema ba?" imbes ay tanong niya. "Problema? Ikaw ang nagdala ng problema sa buhay natin, Homer," mariin nitong sabi at tinalikuran na siya nito. Nakita niya na lumabas ang kanyang lola na si Lola Glenda sa kwarto nito. Si Lola Glenda ay nanay ng kanyang tatay na dito na nakatira sa kanila dahil sa wala nang mag-aalaga dito. Eighty-six years old na ito. Ulyanin na at mabagal nang kumilos. Malago at puro kulay puti na ang buhok nito. Payat at walang paglagyan ng kulubot ang buong katawan. Nagtama ang mata nila ni Lola Glenda. Wala siyang nakitang reaksiyon sa mukha nito. Maya-maya ay nakarinig siya ng pagpatak ng tubig sa sahig. Iyon pala ay umihi na ito. Agad naman na kumuha si Mara ng basahan at pinunasan ang ihi ni Lola Glenda sa sahig. "Si Tanya... nas'an siya?" tukoy ni Homer sa walong taon na gulang na anak nila. Sandaling natigilan si Mara sa tanong niya. "N-nasa kwarto niya. Hindi na siya lumalabas simula nang..." tumigil sa pagsasalita si Mara at ipinagpatuloy nito ang pagpupunas sa sahig. "Ang sabi ng psychiatrist, nagkaroon si Tanya ng social withdrawal disorder." Tumayo si Mara matapos at nagtungo sa kusina. Sumunod dito si Homer. Binuksan ni Mara ang gripo sa may lababo at itinapat nito doon ang basahan. "Disorder?" hindi makapaniwalang tanong ni Homer. "May problema sa utak ang anak natin?!" "Hindi na kasi kinaya ni Tanya ang pang-bubuska ng mga kaklase niya," mahinahong sagot nito. "Palagi na lang siyang nakakulong sa kwarto. Hindi lumalabas at hindi nakikipag-usap kahit kanino." Piniga na ni Mara ang basahan. "Bakit mo hinayaang magkaganoon ang anak natin?!" sigaw niya. Nabitawan ni Mara ang hawak. Tiningnan siya nito na may namumuong luha sa mga mata nito. "Homer, huwag na huwag mo akong masisisi sa nangyari kay Tanya. Unang-una, kung hindi ka nambabae sa ibang bansa, hindi kukutyain si Tanya ng mga kaklase niya!" At tuluyan nang lumaglag ang luha ni Mara ngunit mabilis din nitong pinahid 'yon. Sumama ang kanyang mukha. "Pwede ba, Mara, nasa Saudi pa lang ako ay pinagtatalunan na natin ito? Wala akong babae!" Medyo nataasan niya ng boses ang asawa. "May mga ebidensiya. Maraming litrato, Homer, at nakitang lahat iyon ni Tanya. Kumalat sa mga nanay ng kaklase niya ng hindi ko nalalaman. Hanggang sa umuwing umiiyak si Tanya---" "Ikaw ang may kasalanan nito, eh!" hindi na niya pinatapos sa pagsasalita si Mara at inaklit na agad niya ito sa braso. "Kasalanan mo ito! Kilala kita, Mara. Mahilig kang mamalimos ng simpatya! Sigurado akong ikaw mismo ang nagkwento sa mga nanay ng kaklase ni Tanya. Walang ibang pwedeng sisihin kundi ikaw! Ikaw!" Huli na para malaman ni Homer na nakuha na pala ni Mara ang isang kutsilyo na nakapatong sa gilid ng lababo. Sa isang iglap ay inundayan siya ng asawa ng saksak sa kanyang bandang tagiliran. Naramdaman niya ang pagtama ng patalim sa kanyang buto. Nang hugutin ni Mara ang kutsilyo ay bahagya na iyong nakabakilo. Nanlalaki ang mga mata na tiningnan ni Homer ang dumudugong sugat. Matalim ang mga mata na sinampal niya si Mara. "Hayop ka!" mura niya dito. Sa lakas ng pagkakasampal niya dito ay bumalandra si Mara sa ilalim ng mesa. Inagaw niya dito ang kutsilyo at lumabas ng kusina. Naabutan niyang nanonood ng telebisyon ang kanyang Lola Glenda. Tila isa itong bata na nakauklo sa may sofa. "Tanya! Tanya!" tawag niya sa anak habang tinatahak niya ang ikalawang palapag. Aalis siya sa bahay na ito at isasama niya ang kanyang anak. Hindi siya makakapayag na manatili pa dito sila ni Tanya kasama ang tila nababaliw nang si Mara. Alam naman niya sa sarili niya na may babae siya sa ibang bansa. Lalaki lang siya at meron siyang pangangailangan. Hindi naman niya siguro masisisi ang kanyang sarili kung magawa man niya iyon. Dire-diretso si Homer sa kwarto ng kanyang anak. Pagbukas niya ng pinto ay awtomatikong naitakip niya sa kanyang ilong ang kanyang kamay dahil biglang umalingasaw ang nakakasulasok na amoy na nakuom sa nakasaradong silid na iyon. Gumapang ang kilabot sa kanyang katawan nang makita niya ang inuood na bangkay ng kanyang anak na si Tanya sa ibabaw ng kama nito. Kumikiwal-kiwal ang matataba at kulay puting uod na pinapipiyestahan ang nabubulok nang laman nito. "Tanyaaa!!!" Malakas niyang sigaw at patakbo na nilapitan ang anak. Hindi niya magawang yakapin ang bangkay nito dahil sa nakakadiring anyo nito. Dilat ang mga mata at puno ng natuyong dugo ang buong katawan nito. May sugat sa leeg, mukha at sa katawan na sa palagay niya ay saksak ng kutsilyo. "Anak ko... Tanya!!!" Wala siyang magawa kundi ang iiyak na lang ang kalunos-lunos na sinapit ng kanyang unica iha. Paglingon niya sa pinto ay nakita niyang nakatayo doon si Mara. Tulala ito at nakatingin lang sa kanya. "Anong ginawa mo kay Tanya?! Anong ginawa mo sa anak natin?! Hayop ka!" sigaw ni Homer kay Mara. Galit na galit siya. "W-wala!" Malikot ang mga mata na sagot ni Mara. "Anong wala? Pinatay mo siya! 'Di ba?!" galit na sigaw pa niya. "Kagagawan mo iyan, Homer. Kesa sa mamatay siya sa kahihiyan ay ako na mismo ang pumatay sa kanya!" anito. Lalong nagpuyos sa galit si Homer sa narinig. "Hayop kaaa!!!" at pasugod na nilapitan niya si Mara. Ngunit natigilan siya nang mula sa likod nito ay isang palakol ang inilabas nito... ----- MAKALIPAS ANG DALAWANG TAON... "SURPRISE!!!" Nanlaki ang mga mata ni Jenny nang tanggalin ng kanyang asawang si Gio ang piring na panyo na kanina ay nakatakip sa kanyang mata. "G-gio, a-ano ito?" Halos hindi makapaniwala na bulalas ni Jenny. Nasa harapan siya ng isang may kalakihang two-storey na bahay. "Welcome to our new home, Jenny!" mula sa likod niya ay yumakap sa kanya si Gio. "Hindi na tayo makikisiksik kina Mama na walang ginawa kundi pahirapan ka! Sa bahay na iyan, malaya kang gawin ang kahit na ano dahil sa iyo iyan... sa ating dalawa!" Humarap siya kay Gio at iniangkla niya ang dalaw niyang kamay sa leeg ng kanyang gwapong asawa. "Ano ka ba? Hindi ako pinapahirapan ni Mama. Naiintindihan ko siya, ganoon talaga ang nanay kapag nag-asawa na ang anak niya. Teka, saan ka naman kumuha ng pera para ipambili ng bahay na iyan?" tanong niya. "Ipon ko sa mga projects ko," isa kasing architect ang asawa niya. Kakakasal lang nila last year. Pansamantala ay doon muna sila tumira sa poder ng mga magulang ni Gio. Ilang beses na rin niyang inuungot dito na sana ay magkroon na sila ng bahay. Ang buong akala niya ay matatagalan pa ang pag-iipon nito pero laking gulat niya nang makalipas lang ang isang taon ay nakabili na ito agad ng sarili nilang bahay. Lumingon-lingon si Jenny sa paligid. Gio, wala talaga tayong kapitbahay?" tanong niya. "Iyon nga ang maganda, 'di ba? Para solo natin ang lugar na ito. Saka hindi ba at ito ang gusto mo, ang malayo sa ingay para makapag-pinta ka ng ayos?" Isa siguro iyon kung bakit sila nagkagustuhan ni Gio, parehas silang may puso sa pag-guhit. "Sabagay tama ka!" inihilig niya ang kanyang ulo sa balikat ng asawa. "Excited na akong lumipat tayo sa bahay natin, Gio..." "Hayaan mo, next week ay maglilipat na tayo..." nakangiting sagot sa kanya ni Gio.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD