Kabanata 1 - Balatkayo

1245 Words
DITO KAMI SA talampas malimit magpahinga ni Imaran matapos ang ilang oras na paglalakad mula sa bahay. Nakatayo ako sa tuktok nito at tahimik na pinagmamasdan ang aktibidad na nagaganap sa di-kalayuan. Malayang nililipad ng hangin ang nakalugay kong buhok. Dinadala rin niyon ang masayang usapan ng mga taong naroon at ang masarap na amoy ng kanilang niluluto. Lahat sila ay abalang naghahanda dahil sa pagbalik ni Diego, ang bagong tagapagmana ni Don Miguel na siyang pinakamayaman sa aming lugar. Iba talaga ang nagagawa ng salapi, may kapangyarihan itong baguhin ang pananaw ng isang tao. Sa isang iglap, nakalimutan na nila ang mga kalokohang ginawa ni Diego noong ito ay bata pa. Sinulyapan ko si Imaran. Nakaupo ito sa tabi ko at seryoso ring nagmamasid sa tanawing nasa aming harapan. “Gaya-gaya,” nangingiting sabi ko. Tumingala ito at inirapan ako bago muling ibinaling ang mga mata sa magandang kalikasang nakahantad sa paningin nito. “Nasasabik ka na rin bang makita siya?” tanong ko. Mahinang umungol ito, tila nagrereklamo sa panggagambala ko sa daloy ng isip nito. “Nagseselos ka siguro, ano?” may himig pang-aasar na sabi ko. “Gusto ko lang namang makita kung ano’ng nabago sa kaniya ngayon. Pero huwag kang mag-alala dahil ikaw pa rin ang kaibigan ko. Walang tatalo sa ’yo.” Masayang kumahol si Imaran, ang alaga kong aso mula pa sa aking pagkabata. Sugatan ito nang matagpuan ko noon sa gubat. Pinagalitan ako nina Lola nang dalhin ko ito sa bahay. Mabangis daw kasi ang mga asong-gubat, pero tinanggap na rin nila si Imaran. Bukod sa mahusay magbantay, matalinong aso pa ito. “Hanggang kailan kaya tayo mananatiling tagamasid lang?” Kumawag ang buntot nito. Sunod-sunod ang tunog ng paghampas niyon sa lupa. “Kahalubilo pero hindi kasama. Mabuti pa nga si Diego, tanggap na nila,” may halong inggit na sambit ko. Huminga ako nang malalim at tumingala sa bughaw na langit. “Kahit nga ang panahon ay umaayon sa kaniya.” Tumahol muli si Imaran. Lumuhod ako at niyakap ito. “Nandito ka naman, ’di ba? Lagi kang nasa tabi ko kaya hindi ko sila kailangan.” Umalulong ito nang malakas. Hinawakan ko ito sa mukha at matamang tinitigan. “May kaartehan ka rin. Alam mo ba?” Tumaas ang gilid ng labi nito at lumitaw ang mga ngipin. Tumatawang tumayo ako. Itinirintas ko ang aking buhok bago inayos ang talukbong sa ulo. Malapit na ako sa bayan at ayaw kong may makakita sa totoo kong anyo. Binuhat at pinasan ko sa aking likod ang mga dala-dalang halamang-gamot. Naging hudyat iyon para tumayo si Imaran. Tinalikuran ko ang tanawin sa talampas at ipinagpatuloy ko ang paglalakad.  Mabagal na binabagtas ko ang makitid na daan sa kapatagan. Bahagya akong yumuko habang umaalalay sa aking paglalakad ang hawak na mahabang tungkod. Maluwag na kulay itim at hanggang talampakan ang haba ng damit na suot ko. Lagpas sa palapulsuhan naman ang manggas nito. Pinatungan ko ito ng itim na kapang may saklob sa ulo. Bahagi ito ng pagpapanggap ko—ang magbalatkayong si Lola. Ginaya ko ang nakasanayang kilos at pananamit ni Lola kaya madali kong napaniwala ang taumbayan. Tumigas ang katawan ko nang umalingawngaw ang tunog ng kalesa at mga yabag ng kabayo mula sa aking likuran. “Huu! Tanda! Tumabi ka nga!” bulyaw ng isang lalaki. Umakyat ang dugo sa ulo ko. Kung makasigaw, akala mo ay pag-aari nito ang kalsada. Nagkunwari na lang akong walang narinig. “Ano ba ’yan? ’Di ba puwedeng gumilid ’yan?” reklamo ng isang babae. “Pasensiya na ho, Doña Claudia. Mukhang bingi ’tong matanda.” Umusad palapit sa akin ang sinasakyan nila. Umungol si Imaran. Nakaramdam din ito ng panganib. Itinaas ko ang isang kamay para pigilin ito sa anumang balak. “Sabi nang tumabi ka!” ulit na sigaw ng lalaki. “Hindi ka ba susunod?” Nakatungo pa rin ako kahit na narinig ko ang tunog ng pagwasiwas ng latigo. Inihanda ko ang sarili sa sakit ng pagtama niyon sa aking katawan. “Mang Nardo, huwag!” maawtoridad na saway ng isa pang lalaki. Dumagundong ang lupa sa bilis ng takbo ng sinasakyan nitong kabayo. Muling umangil si Imaran. Agad ko namang pinahupa ang nag-aambang galit nito. Iniharang ng lalaki ang sarili sa pagitan namin ng lalaking tinawag na Mang Nardo, isa sa mga tauhan sa hacienda ni Don Miguel. Nakahinga ako nang maluwag. Kahit hindi ko sulyapan ang lalaking nagligtas sa akin, malakas ang hinala ko na si Diego iyon. “Maaabala ho tayong masyado, Señor, kung hihintayin pa natin siyang makarating hanggang sa dulo,” saad ni Mang Nardo. “Diego,” pagtatama ng kausap. “Sinabi ko nang ayaw kong tawagin akong Señor, ’di ba?” “Pasensiya na, Señ . . . Diego, ’di lang ho ako sanay.” “May hinahabol ba tayo at kailangan nating magmadali?” “Wala naman ho. Kaya lang, baka mainip na ang iyong ina.” “Siya ang may gustong mamasyal. Puwes, magsawa siyang tumingin sa bukid ngayon.” Bukod sa ingay na gawa ng kalesa at kabayo, tumahimik muli ang paligid. Nakaiilang. Ewan ko ba kung bakit ngayon pa umiral ang tigas ng ulo ko. Pero pinanindigan ko pa rin ang desisyon ko. Hindi ako tatabi! Nag-aalumpihit ako habang naglalakad kasabay si Diego hanggang makarating kami sa mas malapad na daan. Ilang minuto lang iyon pero pakiramdam ko, mahabang oras na ang lumipas. Lumagpas na sa amin ang kalesa. Nasa unahan na namin si Mang Nardo bago sumunod si Diego sa kasama niya. Hindi ko na kayang pigilan ang sarili. Tumayo ako nang tuwid at tinitigan ang papalayong likod ni Diego. Arogante ang unang pumasok sa isipan ko. Tuwid na tuwid ang pagkakaupo niya sa ibabaw ng kabayo. Lumapad ang kaniyang likod at mukha pang tumangkad siya. Ano na kaya ang itsura niya? Tila nabasa niya ang naglalaro sa aking isipan. Bumagal ang takbo ng kabayo at bahagyang pumihit iyon paharap sa akin. Tumambad ang maskuladong braso at malapad niyang dibdib. Nahigit ko ang aking hininga nang dumako ang paningin ko sa kaniyang mukha. Mapanuri ang paraan ng pagkakatitig niya. Huli na para yumuko. Mabuti na lang, medyo madilim sa bahaging kinatatayuan ko. Nasisilungan kasi ako ng punongkahoy. Hinawakan ko ang saklob sa aking ulo. Sinigurong natatakpan niyon ang ibabang bahagi ng aking mukha bago ko itinuon ang buong pansin sa kaniya. Nakaharap siya sa tama ng sinag ng araw kaya malinaw na rumehistro sa akin ang itsura niya. Ibang-iba siya sa kaniyang kuya. Guwapong matatawag iyon, makinis ang maputing kutis at mamula-mula ang laging nakangiting labi. Samantalang siya, nakuha niya ang kayumangging kulay ng ama at likas na yata sa kaniya ang seryosong ekspresyon. Maling tawaging guwapo siya pero walang dudang malakas ang panghatak niya sa mga babae. Lalaking-lalaki kasi ang dating niya. Iyong tipong malakas . . . matapang . . . maaasahan. Tumango siya bago tumalikod, muling pinatakbo ang kaniyang kabayo. Ano kaya ang nagtulak sa kaniya para lingunin ako? Natatandaan pa kaya niya ang nangyari noon? Lagi ko siyang pinanonood noon sa likod ng halamanan. Ito lang ang pangalawang pagkakataong nagkaharap kami nang walang humaharang sa pagitan namin, maliban sa mapagbalatkayong kasuotan ko. Huminga ako nang malalim, pinanatag ang kumakabog na dibdib. Ayaw ko mang aminin ngunit gumapang ang kakaibang init sa katawan ko. Isinisi ko iyon sa mataas na sikat ng araw at sa mahalumigmig na simoy ng hangin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD