LESSON 01- The Real Story

1606 Words
"AHHH!!!" Ang malakas na sigaw na iyon ni Maika ang pumunit sa katahimikan ng malamig na gabing iyon. Humihingal na bumalikwas siya ng bangon. Habol ang hininga at hindi siya makapaniwala na nasa sariling silid niya siya ngayon. Panaginip. Panaginip lang ang lahat? Hindi totoo na buhay si Teacher Noah? Napalingon siya sa pinto ng kanyang silid nang bumukas iyon at pumasok ang nag-aalalang si Bridgette. Naka-wheelchair ito at halatang nagising din itong tulad niya. "Anong nangyari, Maika? Bakit narinig ko na sumigaw ka?" tanong nito sa kanya. Umalis siya sa kanyang kama upang yumakap sa kaibigan. Kailangan niya ng makakapitan ng mga oras na iyon dahil hindi maampat ang takot na nararamdaman niya. Para kasing totoo ang panaginip na iyon. Si Teacher Noah daw ay buhay. Hindi iyon isang panaginip kundi isang bangungot! "Bridgette! Napanaginipan ko si Teacher Noah... B-buhay daw siya! Buhay si T-teacher Noah!" Nanginginig ang buo niyang katawan habang nagsasalita. Naramdaman ni Maika ang paghaplos ni Bridgette sa kanyang likod. "Maika, panaginip lang iyon. Hindi buhay si Teacher Noah, okey? Matagal na siyang patay. Magkasama na sila ngayon ni Olivia sa kabilang buhay..." Mas lalong hinigpitan ni Maika ang pagkakayakap sa kaibigan. Tama si Bridgette. Panaginip lamang ang lahat. Papaano mabubuhay si Teacher Noah gayong sa kamay niya mismo ito namatay! Kitang-kita niya noon ang pag-agos ng masaganang dugo mula sa leeg nang gilitan niya ito. Tapos na ang lahat. Tapos na... - - - - -***- - - - - WELLINGTON HIGH SCHOOL... "Look who's coming, Sabina! Si Elizabeth Herrera... ang weirdo s***h mang-aagaw ng boyfriend of the year!" Napaangat ng mukha si Sabina Tamayo mula sa pagbabasa ng notes nila sa English sa sinabing iyon ng kaibigan niyang si Alyson Mendez. Si Alyson ay ang kaibigan niyang maingay at kalog. Nasa hallway sila habang nakaupo sa mga bench na nakahanay sa gilid ng daan. Hindi nga ito nagsisinungaling dahil daraan sa harapan nila ang babaeng araw-araw ay nagpapainit ng kanyang dugo! Walang iba kundi si Elizabeth. Makita lamang niya ang pagmumukha nito ay parang gusto na niya itong agad na sabunutan at ingudngod ang pagmumukha nito sa semento. Hindi niya akalain na ang weirdong babaeng iyon ang makakaagaw sa kanyang nobyo na si Dario Perez. Si Dario Perez ay ang pinakasikat na lalaki sa kanilang eskwelahan. Bukod kasi sa gwapo at matalino ito ay mayaman din ang pamilyang pinanggalingan nito. Ang mga magulang lang naman nito ang may-ari ng school kung saan sila nag-aaral. Hinawi ni Sabina ang kanyang buhok na hanggang batok lamang niya. Kahit maikli ang kanyang buhok ay hindi niyon nabawasan ang ganda ng kanyang mukha. Nagpadagdag pa nga iyon sa kanyang aura ng isang masungit na babae. Mukha siyang kontrabida sa mga pelikula. Inilapag niya ang kanyang notebook at tumayo. "Oh, no. I smell a catfight! Meow!" Natatawang sambit ni Alyson. "Sayang at wala si Lucy to witness this fight!" Si Lucy dela Torre ay ang isa pa nilang kaibigan. Bale, tatlo lang silang magkakaibigan. Ilag sa kanila ang lahat ng estudyante sa school na ito dahil sa pagiging palaban nila. Lalaki o babae man ay pumapatol sila. Kahit ang ilang guro ay takot din sa kanila. Hindi naman sila mapatalsik sa school na iyon dahil na rin sa tulong ni Lucy. Sa kanilang tatlo kasi, ito ang pinakamayaman dahil anak ito ng mayor ng kanilang bayan. Pero siya ang sinusunod ng mga ito dahil siya ang pinakamatapang. Sa madaling salita, sila ang mga bullies. Kinakatakutan, sinusunod at sinasamba. Ganiyan ang imaheng nakuha nila! "Hello, Elizabeth!" Nakangiting bati ni Sabina sa babae. Nakangiti siya pero nagpupuyos sa galit ang kanyang puso. Hindi sumagot si Elizabeth. Umiwas ito ngunit humarang siya sa daraanan nito. "Bastos ka rin, ano! Kinakausap kita tapos aalis ka?" "Sabunutan mo na, Sabina!" Tatawa-tawang udyok ni Alyson sa kanya. Tiningnan siya ni Elizabeth ng pailalim. Tiningnan naman niya ito mula ulo hanggang paa. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na ang babaeng ito ang umagaw sa kanyang nobyong si Dario. Bukod kasi sa mas maganda siya dito ay napaka-weird pa ng hitsura nito. Akala mo ay isa itong multo na pagala-gala sa school. Laging nag-iisa at walang kaibigan. Tahimik at bihira niyang makitang may kausap ito. "Oh, bakit ganyan ka makatingin sa akin, Elizabeth? Parang sa paraan ng iyong pagkakatingin sa akin ay ako pa ang may ginawang masama sa iyo!" mataray na sabi niya dito. "Ayoko ng gulo, Sabina," mahinang sagot ni Elizabeth. "Ayaw mo pala ng gulo, eh, bakit mo inagaw sa akin si Dario? Akala mo kung sino kang tatahi-tahimik! Eh, malandi ka naman pala!" "Hindi ko inagaw si Dario!" "Hindi nga ba? Eh, anong tawag mo sa kami pa ni Dario tapos malalaman ko na lang na kayo na at break na kami? Hindi ba at pang-aagaw iyon?!" Hindi nakapagsalita si Elizabeth. Umiwas ito nang tingin sa kanya. Akmang aalis na sana ito nang mabilis niyang hawakan ang kuwelyo ng suot nitong blusa. "At saan ka naman pupunta? Hindi pa ako tapos sa iyo na malandi ka!" Itinaas ni Sabina ang kanyang palad at buong puwersa na pinadapo niya iyon sa kaliwang pisngi ni Elizabeth. Kitang-kita niya ang shock sa mukha nito. Tigalgal na napatulala si Elizabeth. Marahil ay hindi nito inaasahan ang pagsampal na gagawin niya dito. Marahas niya itong binitiwan. Muntik pa itong mawalan ng balanse. Pinagsalikop niya ang kanyang mga braso. "'Yan ang nararapat sa tulad mong mang-aagaw! At araw-araw kong gagawin iyan sa iyo, hanggang sa magsawa ako. Naiintindihan mo ba, ha, Elizabeth?" nang-uuyam ang kanyang mga salita. "Tara na, Alyson!" "Bye, Elizabeth!" nang-aasar pa na nagpaalam si Alyson dito. Tumalikod na silang dalawa upang pumunta sa kanilang classroom. Kahit papaano ay lumuwag ang pakiramdam niya sa kanyang ginawa. Pero hindi pa siya kuntento, kulang pa ang sampal na iyon sa sakit na idinulot ni Elizabeth sa kanyang puso! Hindi pa man sila nakakalayo nang biglang may tumamang bagay sa likod ng kanyang ulo. Tumigil sila ni Alyson sa paglalakad. Dahan-dahan siyang lumingon sa kanyang likuran at mga tatlong dipa ang layo ay nakita niya si Elizabeth. Nanlilisik ang mga mata na nakatingin ito sa kanya. "Hindi lang ikaw ang may kakayahang manakit, Sabina!" sigaw nito sa kanya. Hinihingal ito. Magsasalita pa sana siya nang biglang sumigaw si Alyson. "Oh my God! You're bleeding! Y-your head!" at itinuro ni Alyson sa kanya ang dugong tumutulo mula sa kanyang ulo hanggang sa kulay puti niyang blouse. Nahihintakutan na kinapa niya ang likod ng kanyang ulo at nang dalhin niya sa harapan ng kanyang mata ang kanyang kamay ay doon niya nakita ang malapot at pulang-pula na dugo! - - - - -***- - - - - NAGMAMADALI na tumatakbo si Dario. Nalaman niya kasi na nasa guidance counselor's office ang kanyang nobya na si Elizabeth. Isang buwan na ang relasyon nila. Aaminin niya na hindi naman niya talaga ito gusto. Masyado lang siyang nahihiwagaan sa pagkatao nito. Hindi nga niya akalain na sa loob lamang ng isang linggo na panliligaw niya dito ay sasagutin na siya nito agad. Katulad lang pala ito ng ibang babae sa kanilang eskwelahan na bibigay agad sa kanya. Kahit nga ang ultimate bully sa school nila na si Sabina ay napasagot din agad niya sa loob ng isang araw lamang! Iba talaga ang kanyang kamandag! Pagpasok niya sa guidance counselor's office ay ang nakaupo na si Elizabeth agad ang kanyang nakita. Tila sinesermunan ito ni Mrs. Lopez, ang kanilang guidance counselor. "Elizabeth!" Lumingon naman agad sa kanya ang tinawag. Lumpit siya dito at niyakap ito. "Ano bang nangyari, ha? Okey ka lang ba?" aniya. Bilang nobyo nito ay nararapat lang na mag-alala siya dito. "Ako ang nasaktan, Dario, hindi siya! Sa akin ka dapat nag-aalala!" napalingon si Dario sa nagsalita. Doon ay nakita niya ang galit na galit na si Sabina. May benda ito sa ulo. "Sabina!" bulalas niya. "Ako nga. Ang girlfriend mo!" "Hindi na kita girlfriend! At kung may ginawa man si Elizabeth sa iyo, sigurado akong ikaw din ang may kasalanan." Biglang tumayo si Sabina. "Wala kang puso, Dario! Ako na ang nasaktan, ako pa ang sinisisi mo?! Bakit mo ba sa akin ginagawa ito?!" naghihisterikal na sambit ni Sabina. "Stop that!" mariing saway ni Mrs. Lopez at pinaupo nitong muli si Sabina. "Marami ang nakakita sa ginawang pagbato ni Elizabeth kay Sabina ng isang bato. At dahil doon ay pinapatawan ko si Elizabeth ng isang linggon suspension!" deklara ni Mrs. Lopez. "Pero, Mrs. Lopez!" apela ni Dario. "I am so sorry, Dario. You have nothing to do with this kaya wala kang karapatang umapela. Isa pa, alam mo naman na hindi kinokonsinte ang mga ganyang bagay dito sa Wellington High School!" Magsasalita pa sana siya pero naramdaman niya ang pagkapit ni Elizabeth sa kanyang braso. "Dario, tama na. Hayaan mo na..." mahinang turan nito sa kanya. - - - - -***- - - - - "ONE week suspension! Dapat lang sa iyo iyan, Elizabeth!" Napatigil sa paglalakad si Dario at Elizabeth. Kakalabas lamang nilang tatlo sa guidance counselor's office pero tila naghahanap na naman agad si Sabina ng away. Akmang lalapitan ni Sabina si Elizabeth ngunit mabilis na iniharang ni Dario ang kanyang sarili dito. At hinarap niya ang dting nobya. "Pwede ba, Sabina, tigilan mo na si Elizabeth! Tigilan mo na kami. Kahit anong gawin mo, hinding-hindi na ako sa iyo babalik---" "Hindi ikaw ang kinakausap ko! Si Elizabeth!" at tiningnan ni Sabina si Elizabeth ng naghahamon na tingin. "Hoy, babaeng malandi! Humanda ka dahil pagbalik mo dito, sa akin na ulit si Dario! Akin siya! Akin lang siya, tandaan mo iyan!" Pagkasabi nito n'on ay malalaki ang mga hakbang na iniwan na sila nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD