Part 1

1755 Words
“NAKU! TALAGA nga namang totoo ang kasabihan. When it rains, it pours.” Napabuntong-hininga at napailing na lamang si Rachelle nang makitang flat ang unahang gulong ng kotse niya. Sumakay siya uli at iginilid ang sasakyan upang hindi makaabala sa trapiko, at saka inilabas ang tools. Isang buntong-hininga pa uli at sinimulan niyang iayos ang jack. Hindi na siya umaasang may tutulong sa kanya. Hindi na uso iyon. Kung sa pelikula nga ni Bea Alonzo, nagpalit ito ng gulong na mag-isa. At kasalukuyan pang umuulan noon! She smiled at the thought. Cinematic na cinematic talaga ang eksena ng pelikulang iyon. No wonder Bea was tagged as “The Girl in the rain.” Tinanggal niya ang flat tire at ikinabit ang reserba. “Kahit hindi na umulan, basta may Enrique Gil na dadating,” bulong pa niya sa sarili. Balewala sa kanya ang ginagawa. Nang matuto siyang magmaneho, isa sa pinag-aralan din niya ay ang magpalit ng gulong. Alam niyang hindi imposible na mangyari sa kanya ang ganito at mahirap nang umasa sa iba. Hindi na rin naman bago sa kanya ang magpalit ng gulong. Ilang beses na ring naaabutan siyang ma-flat-an at napagtatagumapayan naman niya ang gawaing iyon. Inihihigpit na niya ang mga turnilyo nang mapakislot siya sa isang busina. “Anong nangyari?” malakas na tanong ng nasa driver’s seat. “Luis!” Kinawayan niya ito. Mabilis na itinabi ng lalaki ang minamaneho nitong pick-up at nilapitan siya. “Mukhang okay na,” anito. “Mas okay na okay kung si Enrique Gil ang dumating,” nakangiting sabi niya. “Enrique Gil? Iyong artista? Bakit?” Tumawa siya. “Ang slow mo talaga kahit kailan.” Inabot niya dito ang tools. “Pakibalik mo na nga lang ito saka iyong gulong.” “Wala pala halos space itong sasakyan mo,” sabi nito nang maisakay sa likod ang gulong. “Bakit hindi malaki ang gamitin mo? Ang daming sasakyan doon, hindi iyong mas maginhawa ang kunin mo.” “Mahal ko itong si Cutie,” tukoy niya sa two-year old na Honda Jazz niya. “Saka mas madaling makalusot sa traffic pag maliit ang sasakyan.” Proud na proud siya sa sasakyang iyon dahil naipundar niya iyon mula sa sarili niyang kita. “Gusto mong ilipat sa pick-up ko ang ibang karga mo?” alok nito. “Huwag na. Okay na diyan. Pauwi na nga ako nang maramdaman kong biglang lumambot ang gulong. Ikaw, bakit nagawi ka sa area na ito? Malayo ito sa opisina mo.” Nasa gawing Paranaque sila samantalang sa Ortigas ito pumapasok. “May pinapuntahan sa akin ang papa mo.” “At hindi ka makatanggi. Hindi ka naman na errand boy sa bahay. Big time ka na nga ngayon.” Anak ito ng mag-asawang driver at mayordoma nila sa mansyon. Pinag-aral ng mga magulang niya at ngayon ay maganda ang naging posisyon nito sa isang financial management company. She had a big admiration for Luis. Kitang-kita niya kung paano ito nagsikap upang paunlarin ang kalagayan nito. Ang alam niya, bukod sa pick-up na iyon ay may pundar na rin itong condo unit pero ang mga magulang nito ay nananatiling naglilingkod sa pamilya niya. Iyon na daw ang buhay ng mga ito. “Ano ka ba, hindi ko iniisip iyang big time. San ka ba uuwi niyan? Convoy na tayo. Baka mamaya, magka-aberya na naman iyang sasakyan mo, para may alalay ka.” Nginitian niya ito. “Salamat, Luis. Pero sa condo ako tutuloy. Mapapalayo ka kung sa Valle Verde ka uuwi.” “May ihahatid nga ako doon. Iyong iniutos sa akin ng papa mo. Sundan na muna kita para sigurado akong safe ka,” pilit nito. “Hindi naman urgent na makabalik ako doon.” “Huwag na, maaabala ka masyado. Okay na iyan. Maihahatid na ako ni Cutie sa condo. Maayos naman iyang sasakyan. Sa gulong lang talaga ako nagka-problema. Matagal-tagal na rin buhat nang huli akong mag-check ng gulong. Baka may nagulungan akong pako.” “Bakit ba kasi nag-iisa ka?” She rolled her eyes. “Oh, well, it’s my lucky day today. Iyong dalawang staff ko dito sa business na ito, sabay na hindi pumasok samantalang araw ngayon ng shipping at pagkuha ko ng stocks. Si Jake naman, tinatawagan ko para samahan ako, hindi rin daw puwede. So here I am, nag-iisa at na-flat pa ang gulong.” “Mabuti na nga lang at marunong kang magpalit. Mukha pa namang walang malapit na vulcanizing shop sa area na ito.” “I’ll be fine. Dati na akong marunong magpalit ng gulong. Konting problema lang, ayokong magpaka-stress. I should be going. Ikaw rin, mag-iingat ka.” Pasakay na siya sa kotse nang mahagip ng tingin ang nasa loob ng pick-up nito. Lumapit siya doon. “Flowers!” excited na sabi niya. “Naks, Luis! Para kay Ate Lara ba iyan?” Moreno ito pero nakita niyang namula ang mukha. Ang lakas ng naging tawa niya. “You’re blushing! Oh, well, it’s about time, Luis. Ang tagal-tagal mo nang nagpapakatorpe. Baka naman hinihintay ka lang ni Ate Lara na magtapat. Go, go!” Nagkamot ito ng dulo ng kilay. “Nakakaalangan kasi. Alam mo namang wala kaming ipagmamalaki.” Nahampas niya ang balikat nito. “Eh, sira ka pala. Hindi naman mata-pobre ang mga magulang namin. Kung talagang mahal mo si Ate Lara, ipakita mo, iparamdam mo at sabihin mo. Sayang ang oras. Tumatanda na kayo, ‘no?” “Bakit, kayo ba ni Jake, may balak nang magpakasal?” “Siyempre pag niyaya niya ako, hindi na ako tatanggi pa. Pero wala pa siyang binabanggit. At alam mo naman kaming mga babae, hindi naman kami mag-i-insinuate pag tungkol sa mga ganyan na seryosong bagay.” “Ibig sabihin, kayong mga babae, talagang maghihintay lang kayo ng move namin?” tila nagkaroon ito ng pag-asa. “Siguro iyong ibang mga babae, they can make advances. They are confident enough to express what they feel, what they want. Pero hindi ako. At malamang, pareho lang kami ni si Ate Lara. We are sisters. In some ways, we prefer to be traditional. Masarap pa rin sa pakiramdam na kami ang sinusuyo.” Humakbang siya pabalik sa Honda Jazz. “Sige na, pa-rush hour na. I have to go. At iyang mga bulaklak mo, baka malanta pa iyan sa pick-up. Ibigay mo na kay Ate Lara at magtapat ka na.” “Boto ka talaga para sa akin?” tanong nito na puno ng pag-asa. “Oo na, Bayaw-to-be!” amused na sabi niya. “POINSETTIA, Love.” “I know. Kilala ko iyan. Buong-buhay ko, iyan ang nakikita ko. Kahit siguro mabulag ako, makapa ko lang iyan ay alam ko na.” Humalukipkip siya habang pinagmamasdan si Jake na ibinababa sa gilid ng sofa ang halaman na nasa dalawang talampakan ang taas. It was a glitter-red poinsettia variety. Sa mabilis na pagtingin niya sa pamumukadkad niyon, lalampas pa ng Pasko ang bulaklak niyon. Natutukso siyang lapitan at usisain pang mabuti ang halaman subalit nagpigil siya. Alam ni Jake na nagtatampo siya at ayaw niyang dahil lang sa pasalubong nito ay magpapahinuhod na siya nang ganoon kadali. “Ang sungit mo yata?” sabi nito at tinangka siyang hagkan sa pisngi. Tinalikuran niya ito at dumiretso sa di-kalayuang kusina. Rachelle Love was occupying a two-bedroom condo. Kuwarto niya ang mas malaki habang stock room naman ang isa pa. Ang buong ibaba naman, bukod sa sala/kusina ay nagsisilbing work area para sa negosyo niya. She was living independently. Hindi naging madali para sa mga magulang niya na payagan siya kung kaya naman ngayon na napagtagumpayan niya ay ine-enjoy niya iyon nang husto. She was a successful online seller. Mula sa mga Korean/Bangkok fashion dresses hanggang sa mga fashion accesories ay itinitinda niya. But her condo was never a mess. Bata pa siya ay natutuhan na niyang maging organisado at maayos sa lahat ng gamit niya. Kaya iyon rin ang itinuro niya sa dalawang assistant, para palaging maayos at organisado ang buong unit na nagsisilbi ring business place niya. She used to work in a bank. Papataas na rin sana ang posisyon niya doon subalit hindi siya makaramdaman ng saya tuwing papasok siya araw-araw. Isa pa, inuukilkil siya ng mga magulang na tumulong na lang sa pagpapatakbo ng negosyo ng pamilya. Pero ano pa ba ang gagawin niya doon? Nasa college na siya nang magsimulang mag-divert ng negosyo ang mga magulang niya. Hindi na kailangan ng close supervision ng mga ito. They hired competent managers to do the task. They just monitored everything online. Dahil din sa convenience ng mga online transactions kaya nagka-interes siya sa ganoong klase ng negosyo. Maning-mani sa kanya na paandarin ang online shop niya. Nagamayan na niya iyon kung kaya’t sa loob lamang ng ilang taon ay napalaki niya at kumuha na nga siya ng staff. Courier company picked up her goods at thru online naman ang karaniwang paraan ng pagbabayad kaya madali sa kanya ang trabaho. Basta may stock sila, kahit ilang araw na hindi siya lumabas ng bahay ay may papasok na pera sa kanya habang nakababad siya sa internet. She liked her business that way. Kung tutuusin ay hindi na niya kailangan magtrabaho gaya nang paulit-ulit na sinasabi ng mga magulang niya. Matagal nang napaghandaan ng mga magulang niya ang kinabukasan niya. Puwede niyang palipasin ang buong maghapon na walang ibang ginagawa maliban sa magpasarap sa buhay. Pero hindi siya masaya sa ganoong sitwasyon. Iba ang kasiyahan niya kapag gumagasta siya ng galing sa sarili niyang kita. Kaya nga iba rin ang pakiramdam niya kapag naroroon siya sa condo na sariling pundar niya. Inayos niya sa mannequin ang pagkakasuot ng isang bestida na above-the-knee ang haba. Gawa sa silk at lace ang bestidang iyon. Sigurado siya, isa na naman sa mga magiging best seller niya ang naturang damit. Hindi na niya mahihintay na pumasok kinabukasan sina Jelai at Timmy na siya sanang gagawa ng ginagawa niya ngayon. Nasa kalagitnaan siya ng pagkuha ng litrato sa mga bagong stock na ia-upload niya na ng dumating si Jake. Ang totoo ay nabubuwisit siya talaga sa boyfriend. Sa dami ng aberya kanina, pati ang pagkaka-flat ng gulong niya, parang gusto niyang ibaling lahat ng inis dito. Mabuti na lang at tinulungan siya ng utility man ng condominium building para iakyat sa unit niya ang mga paninda niya. Kalahating oras na siyang nasa condo nang dumating si Jake at bitbit nga ang poinsettia.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD