CHAPTER ONE

3494 Words
HALOS hindi na ako humihinga mula sa pagkakatago ko sa aparador. Hindi ako pwedeng gumawa ng kahit na anong ingay. Bawal akong gumalaw. Bawal akong lumabas doon kahit hindi na ako makahinga ng maayos. Dahil kapag ginawa ko iyon ay mamamatay ako. Mula sa siwang ng aparador ay may lalaki akong nakita. Marahan siyang naglalakad habang may dalang baril. Nasa harapan niya si daddy na nakatali ang mga kamay sa isang kahoy na upuan sa kwartong iyon. Malakas ang ulan sa labas. Dinig na dinig ko ang pagkulog matapos ang galit na galit na kidlat. “Sino ka ba? Ano bang atraso ko sa’yo?” Kahit itinutok na ng lalaki ang baril sa ulo ni daddy ay hindi ko man lang siya kinakitaan ng pagkatakot. “Napag-utusan lang ako, mayor!” Pagkasabi niyon ng lalaki ay umalingawngaw ang malakas na putok ng baril. Sumabog ang dugo sa dingding. Lumungayngay ang ulo ni daddy. Napapikit na lang ako sa sobrang takot. Walang patid ang luha ko. Naghubad ng t-shirt ang lalaki para punasan ang dugong tumalsik sa braso niya. Nakita ko sa likod niya ang isang tattoo. Malaking pakpak ng isang anghel… HUMIHINGAL at pinagpapawisan ako nang magising ako mula sa panaginip na iyon. Ah, hindi pala siya panaginip kundi isang bangungot. Bangungot sa aking nakaraan na hanggang ngayon ay minumulto pa rin ako. Naisapo ko ang aking kamay sa aking ulo. Bumaba ako sa kama at nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig. Pagharap ko para bumalik sa aking silid ay nagulat ako nang may nakita akong tao na nakatayo sa likuran ko. Puting-puti ang mukha ng taong iyon dahil sa kapal ng face cream nito. Siya si Mama Chang-- ang taong nag-alaga sa akin simula nang mamatay ang parents ko. Isang bakla si Mama Chang. “Napanaginipan mo na naman ba?” Alam niya na kapag uminom ako ng tubig ay dinalaw ako ng masamang panaginip. Tumango ako. “Opo, mama. Iyong… p-pinatay si daddy.” Nilapitan niya ako at mahigpit na niyakap para i-comfort. “Makakalimutan mo rin ang lahat, anak…” aniya. Hindi na ako nagsalita pero alam kong mali si Mama Chang. Hinding-hindi ko makakalimutan ang pangyayaring iyon sa buhay ko. Binawi ng taong iyon sa akin ang kaisa-isang tao na meron ako ng mga panahong iyon. Matagal nang nasa puso ko ang galit sa taong iyon-- ang taong may tattoo na malaking pakpak ng anghel sa likod nito! “JAK! Ang drama, ha! Bakit may tears? Ano `yan? Ano `yan?” Dinuro-duro pa ng kaibigan kong si Samantha ang mata ko na isang ihip na lang ng hangin ay lalaglag na ang luha. Maya maya nga ay naglaglagan na ang luha ko. Kinuha ko agad ang panyo sa aking bulsa at pinunasan iyon. Para namang luka-luka na tinawanan lang ni Samantha ang pag-iyak ko. Inirapan ko siya. “Malamang, luha! Tears sa tagalog! Ano pa ba? Malamang maiyak ako dahil aalis ka na. Wala na akong kaibigan dito sa Wellington Academy. Alam mo naman na ikaw lang friend ko dito tapos aalis ka pa? Paano na lang ako? Forever alone! Kanins naman!” Ginawa kong pamaypay ang dalawa kong kamay. Nakaupo kami sa gilid ng stage sa covered court ng school namin. Elementary pa lang ay magkaibigan na kami ni Samantha kaya naman kilala na namin ang isa’t isa at sobrang close na talaga namin. Wala na kaming naging ibang kaibigan, kaming dalawa lang talaga. Kuntento na kasi kami sa company ng isa’t isa. Magkasundo kami at gamay na namin ang ugali namin. Hanggang ngayong fourth year high school na kami ay kami pa rin ang magkasama. Hindi na nga kami mapaghiwalay pero mukhang wala na kaming magagawa dahil pupunta na ng Canada ang pamilya niya para doon na manirahan. Nakakalungkot lang talaga kasi after ng over ten years naming magkasama ay magkakahiwalay rin pala kami. Ayoko talaga ng ganito. I really hate goodbyes lalo na’t ako ang iiwanan. Ang sakit kaya nang maiwanan. Hindi mo alam kung babalikan ka pa o hindi na. Pinalo ni Samantha ang kamay ko. “Baklang-bakla ka naman diyan sa pagpaypay mo! Tumigil ka nga! Nakakaloka ka talaga! Hindi naman ako mamamatay!” biro niya. “Bakit? Bakla naman talaga ako, ah!” ani ko sabay irap sa kanya na ikinatawa na lang niya. Yes, I admit it. Bakla naman talaga ako. Pero hindi naman ako iyong klase ng bakla na kumekembot at nagbibihis babae. Mas trip ko pa rin na kumilos, magbihis at magsalita na parang lalaki talaga. Iyon nga lang, sa lalaki ako madalas na-a-attract at hindi sa babae. Dito lang sa school alam na ganito ako. Minsan kasi ay hindi ko napigilan ang aking sarili at umamin ako sa crush ko na si Rupert na gusto ko siya. Transferee siya noon, last year lang. Hindi ko naman alam na bully pala ang loko kaya naman ipinagkalat niya. Doon na nagsimula ang lahat ng pambu-bully sa akin sa pamumuno ni Rupert. Hindi alam ng nanay-nanayan ko na si Mama Chang ang tunay na pagkatao ko. Natatakot kasi ako sa magiging reaksiyon niya. Hindi ko tunay na nanay si Mama Chang at hindi rin siya tunay na nanay. I mean, hindi tunay na babae si Mama Chang. Isa siyang gay crossdresser na nag-alaga sa akin simula nang mamatay ang mga magulang ko noong seven years old pa lang ako. Sa pagkakatanda ko ay driver namin noon si Mama Chang at dahil sa sobrang bait niya, siya na ang umampon sa akin. Lalaking-lalaki pa siya noon tapos biglang… boom! Haha! Nawala ang lahat sa amin simula nang mamatay ang parents ko. Pera, negosyo, bahay… lahat! Kaya dinala ako ni Mama Chang sa hometown niya—dito sa Laguna. Sa ngayon, isang eatery ang pinatatakbo niya na maganda naman ang estado. Tapos meron din kaming apat na unit ng apartment. Doon kami kumukuha ng panggastos namin sa araw-araw. Oo, bakla si Mama Chang pero ayokong madisappoint siya sa akin dahil palagi niyang sinasabi na mahirap ang maging bakla. Kaya mabuti na lang daw at hindi ako natulad sa kanya. Karamihan daw sa mga baklang tulad niya ay tumatandang mag-isa. “Alam mo, Jak, nag-aalangan din akong iwan ka dito dahil alam ko na wala nang magtatanggol sa’yo kapag may nang-bu-bully sa’yo. Ako lang naman may lakas ng loob na kalabanin `yong Rupert na iyon, e. Paano ka na niyan?” Na-touch naman ako sa sinabi ng friend ko. Kung hindi lang kami mang-aagaw ng eksena sa mga nasa school ay baka kanina ko pa siya niyakap. She’s right. Siya talaga ang nagtatanggol sa akin kapag may nangbu-bully sa akin dahil bakla ako. “Mami-miss talaga kita, Sam…” Malungkot kong sabi. “Hayaan mo at kakausapin ko ang Rupert na iyon gao ako umalis. Wa-warningan ko lang siya. Subukan lang talaga niyang i-bully ka pag-alis ko, makikita niya pagbalik ko!” “`Wag na, hayaan mo na lang siya. Sanay na naman ako sa ginagawa niya sa akin. Isa pa, kaya ko na ang sarili ko. Kakayanin ko.” “Wow naman… Big girl na ang bestfriend ko?” “Gaga ka!” Natawa naman ako sa big girl. “Bakit ba naman kasi na ngayong Grade 12 na tayo saka ka pa aalis?” “Ewan ko rin kina mama at papa. Biglaan lang talaga. Ang daya nga kasi nasaksihan ko ang 18th birthday mo last month tapos iyong 18th birthday ko next month hindi mo masasaksihan.” “Iyon lang ba? Bigyan mo ako ng plane ticket papuntang Canada!” Natatawang wika ko. “Ah, okay lang pala kahit hindi mo na masaksihan. Send-an na lang kita ng pictures. Mas mura iyon kesa sa plane ticket!” Natawa na lang kami sa biro naming iyon. Talagang idinaan na lang namin ni Samantha sa biruan at tawanan ang lungkot na nararamdaman namin sa pag-alis niya. “Pero sana sa pag-alis ko, may makilala ka na magiging tagapagtanggol mo kasi ang lampa-lampa mo!” Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ko. “Haaay… Wish ko lang…” “LAYAAAS!!! Mga walang utang na loob! Pokpok!” Ang banat na banat na boses agad ni Mama Chang ang narinig ko habang papalapit na ako sa bahay namin. Magkakalapit lang kasi ang eatery, apartment at bahay namin. Napatakbo tuloy ako dahil baka kung ano na ang nangyayari sa kanya. Baka may kaaway o ano. Kulang na lang ay lumipad ako para lang malapitan agad-agad si Mama Chang na naghuhurumintado. “Mama Chang! Anong nangyayari? Bakit para kayong dragon na bumubuga ng apoy?!” tanong ko sa kanya nang malapitan ko na siya. Hinimas-himas ko pa siya sa likod dahil parang hindi siya makahinga ng maayos. Nasa harapan kami ng apartment namin. “Paano, ang mga pokpok na iyan! Tatlong buwan na ngang walang bayad, tsinitsismis pa ako diyan sa looban na hindi ako masarap magluto! Mga atribidaaa!!! Mga walang utang na loob!” Umuusok ang ilong sa galit na sigaw niya. Doon ko lang napansin sina Lotlot, Guada at Faye na umuupa sa amin na nagmamadaling paalis bitbit ang ilang bag at isang electric fan. Mga nagtatrabaho sa club ang tatlong babae kaya tinatawag ni Mama Chang na pokpok. “Hayaan niyo na po sila, Mama Chang. Hindi naman totoo mga tsinitsismis nila! Ang sarap mo kayang magluto kaya nga lumaki ako ng ganito, e… Tama na po iyan. Pumasok na tayo sa loob.” Nilambing ko siya sa pamamagitan ng pagyakap ko sa likod niya. “Binola mo na naman akong bata ka! Mamaya ay ilagay mo sa may gate ng apartment iyong “Apartment Fo Rent” na sign. Tutal naman ay bakante na ang isang unit diyan. Mabuti na rin at wala na akong pokpok na tenant! Tayo na sa loob at may itatanong nga pala ako sa’yo.” Hindi ko alam pero parang ang seryoso bigla ni Mama Chang nang sabihin niyang may itatanong siya sa akin. Kinabahan tuloy ako nang kaunti. Nauna na siyang pumasok sa loob ng bahay at sumunod na rin ako. Pumasok ako sa kwarto ko at nagpalit ng damit. Paglabas ko doon ay nakita ko si Mama Chang sa may kusina at naghihiwa ng sibuyas. Nilapitan ko siya at tinanong kung ano iyong itatanong niya. Tumayo siya saglit at lumapit sa lababo at naghugas ng kamay. “Umupo ka dito, Jak…” tukoy niya sa upuan na malapit sa kanya. Sumunod ako. “Bakit parang ang seryoso niyo naman yata, Mama Chang. May problema ba?” Hindi na ako nakatiis at naitanong ko na rin sa kanya. “Jak, may mga bali-balitang nakakarating sa akin na bakla ka daw. Bakla ka ba, anak?” Bigla akong nanlamig sa tanong na iyon. Napalunok ako dahil parang may bumara sa lalamunan ko. “K-kanino niyo naman po iyan narinig? Bakit naman naniniwala kayo sa mga sabi-sabi, mama?” “Hindi na mahalaga kung kanino. At hindi ako naniniwala kaya nga tinatanong kita ngayon. Ang tanong ko ang sagutin mo. Bakla ka ba?” “Siyempre, hindi po. H-hindi po ako b-bakla…” pagsisinungaling ko. Tinignan ako ni Mama Chang sa mata. Pinilit kong huwag iiwas ang paningin ko dahil baka makahalata siya sa pagsisinungaling ko. Maya maya ay bumuntunghininga siya. Kinuha niya ang kamay ko at pinisil iyon. “Mabuti naman at hindi ka bakla, Jak. Naniniwala ako sa’yo. Ayoko kasi na matulad ka sa akin. Tingnan mo ako, walang pamilya, walang asawa… Maswerte na lang ako at nandiyan ka kundi mag-isa lang ako.” “Mama, pamilya tayong dalawa…” “Kahit na, Jak… Mahirap maging bakla. Isa pa, mataas ang pangarap ko para sa’yo. Ayokong mapahiya sa mga magulang mo at baka multuhin ako ng mga `yon! Nangako ako sa puntod nila noon na papalakihin kitang maayos at karespe-respetong tao. Masaya ako na hindi naman pala totoo ang naririnig ko. Sige na, gawin mo na ang assignments mo at magluluto lang ako dito,” aniya. Tumayo ako at niyakap ko si Mama Chang. Isa iyan sa dahilan kung bakit ayokong mag-out kay Mama Chang… madi-disappoint siya sa akin at ayokong mangyari iyon. Sorry po, Mama Chang… ani ko sa isip. OKAY. Bakla ang guardian ko pero takot akong mag-out. Na-explain ko na iyan. Ayokong ma-disappoint sa akin si Mama Chang. Alam ko naman na maiintindihan niya ako if ever mag-out ako pero alam ko na malulungkot siya at ayokong ako ang maging reason para magkaroon ng negative feeling ang taong kahit hindi ko kadugo ay inalagaan ako at itinuring na tunay na anak. Sabado ng araw na iyon. Siyempre, walang pasok. Nakatambay lang ako sa labas ng bahay namin. Hawak ko ang cellphone ko at nag-fe-f******k. May mini garden kasi doon na ginawa si Mama Chang. Kapag may free time kasi si Mama Chang ay kung anu-ano ang ginagawa niya sa bahay. Mahilig kasi siyang mag-design-design which is maganda naman kasi gumaganda ang bahay namin kahit hindi malaki. Kagabi ko pa tinapos lahat ng assignment sa school kaya petiks na lang ako ngayon. Wala na akong gagawin nito buong weekend kundi ang magpahinga at magbantay ng bahay habang nasa eatery si Mama Chang. Ako lang mag-isa dito sa bahay dahil nasa eatery si Mama Chang. Siya ang nagluluto doon. Gusto ko mang tulungan siya doon ay siya naman itong ayaw. Dito lang daw ako sa bahay at mag-aral. Kaya naman daw niya ang trabaho niya doon at may mga tao naman siya na kaya siyang tulungan. Ang bait-bait talaga ni Mama Chang. Hindi ko talaga naramdaman na nawalan ako ng nanay at tatay dahil pinunan niya nang maayos ang role na iyon para sa akin. Feeling ko nga ay sa kanya talaga ako nanggaling dahil sa walang kapantay na pagmamahal na ibinubuhos niya sa akin. Medyo nakaramdam na ako ng pagka-bored sa pagfe-f******k nang may mapansin akong lalaki sa labas ng bahay namin. Parang may hinahanap siya dahil nakatingin siya sa apartment namin. Kandahaba ang leeg nito sa pagsilid doon. May dala siyang isang travelling bag. Hmm… matangkad iyong lalaki. Medyo maputi at medyo malaki rin ang katawan. `Yong parang isang beses sa isang linggo kung mag-gym. Gwapo kung sa gwapo. Pinoy na Pinoy ang features ng mukha niya. Medyo natulala pa nga ako sa pagkakatingin sa kanya dahil nakaka-attract ang mukha niya. Sandaling tumigil ang pagtibok ng aking puso nang makita ko siya. Ang gwapo naman niya! Tili ko sa aking sarili. Kung hindi lang ako natatakot na makita niya, baka kanina pa ako tumili at nag-tumbling sa kilig! Hanggang sa mapatingin siya sa akin at nagtama ang aming mga mata. Bigla akong nag-iwas at itinutok ulit ang mata ko sa screen ng aking cellphone. Nagkunwari akong may ginagawa. Nahuli ba niya ako? Nahuli niya yata akong tinitignan siya! Baka kung anong isipin niya. Nakakahiya! “Totoy!” “Ha?” Napaangat ulit ako ng mukha ng tawagin ako ng lalaki. At ano ang tinawag niya sa akin? Totoy? Mukha ba akong bata? Grabe siya sa akin. Eighteen na kaya ako kung alam lang niya. Kainis! Medyo nainis ako sa tinawag niya sa akin. Ayoko kasi na pinagkakamalan akong bata. Sumenyas siya sa akin na lapitan ko siya. Siyempre, nilapitan ko naman siya. “Bakit po, manong?” Sinadya ko talaga na tawagin siyang manong. Pinagdiinan ko talaga! Bilang ganti sa pagtawag niya sa akin ng totoy. Pinagmukha niya akong bata, pagmumukhain ko naman siyang matanda. Gantihan lang. Hehe! “Manong talaga? Twenty-six pa lang ako, totoy…” “Hindi na rin po kasi ako totoy. Eighteen na ako. Bakit nga po pala? May kailangan po ba kayo?” “Ano kasi… Sino bang may-ari ng apartment na iyan?” tanong niya sabay turo sa apartment namin. “Kami po. Iyong nanay ko,” sagot ko. “May bakante pa?” Luminga-linga ako at ipinakita ko talaga sa kanya na nakatingin ako doon sa sign board namin sa tapat ng apartment na “Apartment for Rent”. “Ah… siguro wala. Trip lang namin na ilagay iyong sign board na iyon!” sarcastic na sagot ko sa kanya. “Loko ka! So, meron nga? Naghahanap kasi ako ng mauupahan dito sa lugar niyo. Bago pa lang kasi ako dito.” “Oo nga, manong! Hindi naman kami maglalagay nito kung wala!” Itinuro ko ang karatula. “Manong?!” pinanlakihan niya ako ng mata. “Ah, eh… kuya. Kuya na lang!” At nag-peace sign ako sa kanya. Mukhang nainis na siya sa pagtawag ko sa kanya ng ganoon. “Gusto mo po bang i-check iyong unit?” “Hmm… oo naman. Kaya nga uupa ako, `di ba? Siyempre, kailangan kong tignan muna kung pasado ba o hindi sa panlasa ko.” Aba… At gumaganti ang lokong ito sa akin, ha. Pero naaaliw akong makipag-usap sa kanya. Parang close na close na agad kami kung magbarahan. Hehe! Tumango ako. “Sabi ko nga! Sandali lang, ha. Tatawagan ko lang si Mama Chang. Siya kasi nakakaalam ng tungkol diyan sa apartment…” Pagkasabi ko no’n ay tumalikod muna ako sa lalaki at tinawagan si Mama Chang. “Hello! Jak! Bakit?” sa boses pa lang ni Mama Chang sa kabilang linya ay obvious na aligaga na naman siya. Marami kasi talagang tao sa eatery kapag weekend. Ewan ko ba kung bakit. “Mama, hindi ko po kayo masyadong maintindihan! Ang ingay—“ “Maingay talaga dito! Bakit ka napatawag? May problema ba?” “Wala naman po. May gusto po kasing tumingin no’ng bakanteng unit ng apartment. Uwi po muna kayo dito para makausap siya.” “Naku, Jak… Hindi ako pwedeng umalis dito ngayon. Ang daming tao! Alam mo naman na kapag ganitong oras ay maraming kumakain dito. Nakakalurkey! Ikaw na lang ang kumausap. Basta sabihin mo, three thousand ang kada-buwan. Tapos may deposit at advance. Kuha mo?” “Pero, Mama—“ “Jak, kaya mo `yan. Sige na… Busy lang dito ang Mama Chang mo. Kaya mo `yan. May tiwala ako sa iyo.” Huminga ako nang malalim. Wala naman akong choice kundi ang sundin na lang siya. Saka minsan lang naman niya ako utusan, hindi ko pa ba pagbibigyan? “Sige po, `ma… Ako na po ang bahala. Bye…” sabi ko. “Anong sabi?” tanong niya pagkaharap ko sa kanya. Kakamot-kamot na lang ako sa ulo. Medyo kinakabahan kasi ako dahil first time ko itong gagawin. “Halika. Ako na ang magto-tour sa’yo sa unit namin. Hindi kasi pwede si Mama Chang at busy siya.” Binuksan ko na ang gate at lumabas ng bakuran namin. Naglakad ako papunta sa apartment. Bubuksan ko na sana ang pinto ng bakanteng unit nang maisip ko na wala nga pala sa akin ang susi. Nasa loob ng bahay. Pagharap ko sa likod ko ay nabunggo ang mukha ko sa dibdib ng lalaki. Ang tangkad pala niya. “Aray! Sorry!” Natatarantang turan ko. Nataranta ako dahil sa amoy ng pabango niya. Lalaking-lalaki kasi ang amoy niya. Bakit kasi sobrang lapit niya sa akin? Parang kiniliti ng kung ano ang ilong ko sa amoy. “Bakit?” tanong niya. “Dito ka lang. Kukunin ko lang sa bahay ang susi. Teka, ano nga palang pangalan mo?” “Marco Servando.” “Okay, Kuya Marco… Diyan ka muna—“ “Ikaw, anong pangalan mo?” “Ha?” “Pangalan mo!” “Ah! Pangalan… Ako si Jak Mabini.” Obvious ba na natataranta ako? Hindi naman siguro. Hindi na ako nakakilos matapos kong sabihin ang pangalan ko sa kanya. Basta nakatayo lang ako sa harapan niya at nakatingin sa mukha niya. “M-mabini?” Nakita ko ang pamumutla bigla ng mukha niya. “Oo. Mabini? Bakit?” “Wala naman…” Napatulala na naman ako sa kanya nang kagatin niya ang pang-ibabang labi niya. Parang ang lambot naman ng lips niya. Ang sarap… halikan! Nang pumitik siya sa harapan ng mukha ko ay doon lang ako parang nagising mula sa pagkakatulog. “Akala ko ba kukunin mo `yong susi?” aniya. “Ah, oo nga! `Yong susi. Sige, diyan ka muna, ha!” Nagmamadali na nilisan ko ang lugar na iyon dahil baka kung ano pang katangahan ang magawa ko. Hay! Kumalma ka nga, Jak! Kung anu-anong iniisip mo. Nakakaloka ka. Pero ano naman kasi ang magagawa ko? Sadyang gwapo naman talaga si Marco. At ewan ko, masaya ako na sa apartment namin siya titira. Ibig sabihin niyon ay madalas ko na siyang makikita. Iyon ay kung uupa siya sa apartment niyo! Kontra ng isang bahagi ng aking utak. Oo nga pala, hindi pa niya kinukuha iyong unit namin. Dapat kunin niya iyon, dapat magandahan siya. Kung alam ko lang, pinapinturahan ko iyon kahapon. Joke!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD