bc

MKNA1- Ang Writer (Tagalog)

book_age0+
517
FOLLOW
1.6K
READ
fated
goodgirl
student
drama
tragedy
twisted
5 Seconds of Summer
like
intro-logo
Blurb

Alamin ang kwento ng magkaibigang lumaki sa kalsada.Nagtulungan at naging sandalan ang isa't isa. Magkasama sa hirap man o ginhawa, at sabay nangarap maging sikat na manunulat.

Isang hiwaga ang kanilang natuklasan nang may makapagsabing sa sikretong lugar na iyon; sa pagitan ng malalaking ugat ng mahiwagang puno... ang kababalaghan ay nagaganap.

Magkasama nilang tinungo ang gubat at sa puno ay nag-alay. Sapagkat ayon sa nakausap, kapag tinanggap iyon ng mahiwagang nilalang... ang hihilingin nila ay matutupad.

Dalawang magkaibigan. Dalawang kahilingan. Isang mahiwagang puno, sa pusod ng gubat. Kaninong alay ang tinanggap ng nilalang na doo'y naninirahan?

chap-preview
Free preview
CHAPTER 1 - Ampon
Ampon APAT NA batang lalaki ang halos magkandarapa sa mabilis na pagtakbo upang takasan ang isang grupo ng mga batang humahabol. Ang dalawang nasa unahan ay mabilis na nakalayo. Hindi na nilingon at inintindi ang dalawang kasamang naiwanan sa hulihan. Si Reden, namumutla na sa sobrang pagod habang ang kaibigan namang si Caloy ay iniihit ng ubo dahil sa hirap na inabot. Habol na nila ang paghinga. Parehong hingal na hingal nang sandaling huminto upang makapagpahinga. Nanlaki ang mga mata ni Reden nang makita ang isang malaking drum ng basura na nakatumba sa gilid ng kalsadang hinintuan. Agad itong nakapag-isip ng paraan. Nagmamadali itong tumakbo palapit at tinignan kung maaari iyong gamitin upang pagtaguan. Nang makitang uubra ang naisip, dali-dali nitong tinawag ang kaibigan. "Dito! Dito tayo, Caloy." Tumingin si Caloy sa kaibigang nakayuko at nakasilip sa loob ng basurahan. "Tara na! Dito tayo magtago." Aya uli nito habang hinahawi ang ilang basura palabas. Nakita niya ang padapang pagsuot ng kaibigan sa loob ng drum. Matapos punuin ng hangin ang bagang kinakapos na, nagmamadali na siyang lumapit at una ang paang pumaloob na rin. Humila pa si Reden ng ilang plastik na may lamang basura at itinabing sa ulunan nila. Pinagmukha nitong kabilang sila sa mga basurang naroon sa loob. Naisip niyang hindi na mapapansin ng mga humahabol sa kanila ang pinagtataguan nila. "Shh," bulong nito. Sumesenyas na huwag siyang maingay. Paano kasi ay baka maubo na naman siya. Tinakpan niya ang bibig. Halos hindi sila humihinga nang huminto sa tapat ng pinagtataguan nila ang pangkat ni Digoy. Ito ang nagsi-siga sigaan sa lugar nila. Nangingikil ito at ang hindi magbigay ay pinagtutulong-tulungang gulpihin. Kamuntik pa silang maigtad nang makitang luminga pa ito sa paligid, at sa drum na kinaroroonan nila! Halos magkasabay silang napayuko. Isinubsob ang mukha sa mga plastik ng basura at sinikap paliitin ang mga sarili. "Hayun sila, boss!" Sigaw ni Balong, ang kanang kamay nito. Pareho silang pumikit at hinintay na lang ang susunod na mangyayari. Matagal-tagal na sila sa ganoong ayos ay wala pa ang mga tadyak at suntok na hinihintay nila. Halos magkasabay din silang dumilat at nagkatinginan. WALA! Wala ang pangkat ni Digoy. Dahan-dahang umusod si Reden palabas sa drum at inilawit ang ulo. Nakita nitong hinahabol nila Digoy ang dalawa pa nilang kasama sa pagtakbo kanina. "Okey na, puwede na tayong lumabas," anito nang makasigurong malayo na ang pangkat na naghahanap sa kanila. Nagpatiuna na ito sa paglabas. Inihawak nito ang isang kamay sa drum upang pigilan sa paggalaw, at ang isa pang kamay ay ginamit upang alalayan ang gumagapang na kaibigan. Si Reden ay anak ng isang hostes sa isang club. Isang malaking SAGABAL lang ang tingin at ang turing sa kanya ng sariling ina. Kung kani-kanino lang siya iniiwan kahit sanggol pa lang. Ang unang gatas na natikman niya ay hindi galing sa dibdib ng kanyang ina, kung 'di sa dibdib ng mga kapitbahay nilang may pinadededeng anak. Ilang ulit na nitong sinubukang magpalaglag, nagpahilot, nagpasak ng gamot sa puerta, uminom ng mapapait at pangpalalag daw na binili sa bangketa, ngunit nabuo pa rin siya. Mabuti na nga lang at sa kabila ng pagtatangka ng kanyang ina ay isinilang siyang walang pinsala sa panlabas niyang kaanyuan, at pag-iisip. Lumaki siya at nagkaisip nang hindi nakilala kung sino ang ama, at inabandona pa ng sariling ina. Si Caloy naman ay ulilang lubos. Namatay ang mga magulang niya at mga kapatid nang masunog, o sadyang sinunog ang karamihan ng bahay sa squatters area sa lugar nila kabilang ang barong-barong nila. Kasamang natusta ang pamilya niya. Nagawa pa siyang mailabas ng nanay niya. Ngunit nang balikan nito ang mga kapatid niya at ang lasing niyang tatay ay 'di na ito nakalabas. Taga probinsya ang mga magulang niya kaya hindi niya alam kung saan at sino ang pupuntahan. Nagpalakad-lakad siya sa kalsada. Namalimos upang may makain, at kung saang bangketa abutan ng dilim ay doon na rin nagpapahinga at natutulog. Hanggang sa magtagpo ang landas nila ni Reden. "SAAN na naman kayo galing na dalawa, ha?" Salubong na tanong ni Lola Masyang. Hawak nito ang walis tambo sa kanang kamay. Kakamot-kamot ang dalawang bagong dating. Bahagya pang nagtutulakan kung sino ang unang lalapit sa lolang nagagalit. Nagtuturuan kung sino sa kanila ang sasagot sa itinatanong nito. "Mga damuhong ire. May araw pa nang pauwiin ko kayo, a. Ako ba talaga ay papatayin ninyo sa kunsumisyon ha?"tanong uli ng matanda. Lumapit si Caloy dito at yumakap. "Ang lola naman, magagawa ba namin sa'yo 'yan. Alam mo namang mahal na mahal ka namin." Kahit pumapalag ang matanda sa ginagawang pagyakap ay 'di ito binibitiwan ni Caloy. Lumapit na si Reden at yumakap rin. "Ikaw ang regalo sa amin ng Diyos, Lola Massy, at mahal na mahal ka talaga namin. Mwah mwah chup chup!'' Ginaya pa nito ang napanood sa telebisyon. Umangat ang kamay ni Aling Masyang at pinatama sa ulo ni Reden. "Aray!" Hiyaw nito. OA nga lang dahil halos idinikit lang ng matanda ang nakakuyom na palad sa anit nito. "Masyang at 'di Massy. Pinalitan mo na naman ang pangalan ko," natatawa na nitong sabi. Nagkindatan na ang magkaibigan. Umepekto na naman ang paglalambing nilang ginawa. Nakaligtas sila sa hambalos ng walis. "Siya, sige na. Magsipaglinis na kayo ng katawan. Kay dudumi ninyo. Kay lakas ng loob ninyong yumakap sa akin kay babantot n'yo naman. Saan na naman ba kayo nagsipagsuot at ganyan ang mga amoy ninyo?" Nagmamadali nang nagtakbuhan patungo sa palikuran ang dalawa. Umiwas na sa muling pagtatanong ng lola na baka mauwi pa sa pagpalo sa kanila. Mayamaya pa ay magkakasabay na silang dumulog sa lamesa at kumain ng hapunan. Napapangiti si Lola Masyang habang pinagmamasdan ang dalawang batang magkatuwang sa pagliligpit at paghuhugas ng kinainan nila. Hindi niya kaano-ano ang mga ito. Isa siyang biyuda at walang anak. Nakatira siya sa isang sulok na bahagi ng sementeryo. May maliit siyang barong-barong na itinayo ng namayapa niyang asawa. Bantay ito roon at kahit namatay na ay hinayaan na siyang doon manatiling manirahan. Siya na rin ang ginawang tagapaglinis at tagapagbantay ng tagapamahala ng sementeryo. Habang pinanood ang dalawang apo ay matuling nagbalik sa alaala niya ang nakaraan, kung paanong napunta sa poder niya sina Reden at Caloy.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Falling for the Billionaire's Son: Dominic Ace Delavega

read
290.8K
bc

My Secret Agent's Mate

read
113.7K
bc

THE RING_MAFIA LORD_SERIES 7

read
272.3K
bc

The Innocent Playgirl (R18 Tagalog)

read
474.8K
bc

My Nerd Ex-Wife(Tagalog)

read
9.6M
bc

UNDERWEAR/MAFIA LORD SERIES 5/Completed

read
310.9K
bc

The Sex Web

read
127.3K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook