bc

Paglalakbay (Tagalog)

book_age0+
1.5K
FOLLOW
16.0K
READ
opposites attract
second chance
friends to lovers
submissive
badgirl
neighbor
drama
tragedy
5 Seconds of Summer
like
intro-logo
Blurb

Bata pa lang si Adela ay mulat na siya sa pagiging ate sa tatlong nakababatang kapatid. Matalino siya at madiskarte sa buhay. Katuwang ng kanyang inang si Onor at matapang na tagapagtanggol ng mga kapatid.

Sipag at tiyaga, pagtitiis at pagpupursigi ang mga sangkap na gagamitin niya upang makamit ang mga pangarap na mismong ama ang nagiging sagabal.

May pag-asa pa ba kung ang iresponsableng ama ang nagdudulot ng pasakit at pagdurusa?

Tunghayan po natin ang kuwento ng kanyang buhay, na maaaring kuwento rin ng iba sa atin.

Maiyak, mangiti; masaktan, kiligin; bumagsak, bumangon; mabigo, magtagumpay at magpatuloy sa PAGLALAKBAY sa buhay.

chap-preview
Free preview
CHAPTER 1 - Nanay at Tatay
Nanay at Tatay KALAT na ang liwanag nang magising si Adela. Pabalikwas siyang bumangon sa higaan at nagmamadaling kinuha sa loob ng batalan ang dalawang timbang walang laman. Hindi na niya nagawang tignan ang itsura sa pagmamadaling makapagsalok ng tubig. Kumaripas na siya ng takbo papunta sa igiban, ‘di kalayuan sa bahay nila. May oras kasi ang supply ng Nawasa sa kanilang lugar at kapag hindi siya naging maagap ay sa hulihan ng pila ang bagsak niya. Isinawsaw na lang niya ang daliri sa timba, at ang kaunting tubig na nasagap ng daliri ang ipinampahid sa magkabilang gilid ng mata. Kamay na lang ang ipinangsuklay niya sa nagulong buhok. Nangiti siya nang madatnang kakaunti pa lang ang nag-iigib. Oo nga’t nasa hulihan siya, maigsi naman ang pila. Nakailang pabalik-balik siya hanggang sa mapuno ang tatlong banga sa kanilang batalan pati na ang mga tabo at batya. “Ayos! Ang dami kong naigib.” Nakangiti niyang sabi habang pinapahid ang pawis sa muka at leeg gamit ang laylayan ng damit. Kinuha nya ang kalan na lata at nilagyan ng boteng walang laman sa pinakagitna. Siniksikan niya ng kusot ang palibot niyon habang winiwiligan ng tubig at binabayo upang walang bahaging ampaw. Nang matiyak na siksik na, dahan-dahan niyang hinugot ang bote pataas. Kumuha siya ng ilang pirasong kahoy na panggatong at inumpisahang magparikit ng apoy. Magpapakulo siya ng tubig at ihahalo ang binusa niyang bigas kagabi upang maging kape. Tulog pa ang tatlo niyang kapatid nang silipin niya sa kanilang tulugan kapag gabi, at sala at kusina naman kung araw. “Mayamaya lang ay darating na ang nanay galing sa pamimili ng paninda namin kaya, hoy kalan, makisama ka.” Sabi niya sa harapan ng kalan na para namang sasagot iyon. Gising na ang mga kapatid niya at nagkakape nang dumating si Aling Onor, ang inay nila. Sinalubong niya agad ang ina at tinulungang bitbitin ang dalawang bayong na naglalaman ng mga karne ng baboy, manok, at isda. Nakaplastik na ang mga iyon. May tagkalahating kilo at tagwa-one-fourth. May mga gulay din para pangsahog. Mas nabibili ang paninda nila kung pati rekado ay dala na rin nila. Ilalako nila ang mga iyon mayamaya. Habang nagkakape ang nanay nila ay inaayos na niya ang mga kalakal sa maliit nilang kariton. Doon nakalagay ang paninda nila at itunutulak papunta sa bahay ng mga suki nila. "Ana, ikaw na ng bahala sa mga kapatid mo.” Ang nakangiting bilin ng nanay nila sa ikalawang anak. Bago tuluyang umalis ay tinawag naman niya si Boboy. “Ikaw ang magbabantay kay Ate Ana at kay Neneng, ha? Ikaw ang lalake kaya ikaw ang magtatanggol sa kanila.” “Alam ko na ‘yan, ate. Lagi mo nang sinasabi sa akin yan, di ba?” Nagkatawanan sila sa isinagot ng nag-iisang kapatid na lalaki, at saka naiiling na ipinagpatuloy ang pagtulak sa kariton. Alas onse pa lang ay naubos na ng paninda nila. Malaki-laki ang tinubo nila dahil pati ang natira nilang paninda kahapon ay nabili na rin. "Sana ganito lagi, nay. Makakaipon agad tayo nang pambili ng gamit sa pasukan." Masigla niyang sabi habang tinutulak ang karitong walang laman kung hindi mga plastik na pinaggamitan at ilang kalat. "Oo, anak. Sana nga." Malayu-layo pa sa kanilang bahay ay may naririnig na silang nagkakagulo. "Naku, Onor! Si Leon, may kaaway na naman yata. Nandoon sa loob ng bahay n'yo at hinahanap sa mga anak mo 'yong itak n'ya!" Over acting na pagbabalita ni Aling Merly. Ang numero unong tsismosa sa lugar nila. Dahil pagod at nabigla, nagtatakbo ang nanay niya pauwi. Gano'n na rin ang ginawa niya. Kung makakaya lang buhatin ang kariton ay ginawa na niya masundan lang agad ang nanay niya. Gaya nang madalas mangyari? Inabutan niya ang kanilang nanay na nakayakap sa likuran ng tatay nila upang pigilan ang pagsugod nito sa kaaway na 'di nila alam kung sino. Maliliit pa lang silang magkakapatid ay nakita na nila ang gano'ng eksena kaya 'di na siya masyadong takot. Ngayon ay dose anyos na siya, si Anna ay sampu, si Boboy ay walo at si Neneng ay anim na taon na. Lahat ng bisyo"y mayroon ang tatay nila. Nagtatrabaho man ay kulang pa sa pangsuporta sa hilig nito. Kaya kahit noong maliliit pa silang apat ay nagtinda na ng kung ano-ano ang nanay nila upang sila ay makaraos. Naputol ang pagmumuni niya nang... "Ate, ate ang nanay!" Palahaw ni Ana habang hinihila ang laylayan ng kanyang damit. Nakita niyang nakaupo ang nanay nila at may dugong umaagos sa ilong nito. Katabi nito ang nag-iiyakan niyang mga kapatid. No'n pa lang nakalapit ang ilang nagmamalasakit para tumulong itayo ang nanay nila. Habang ang iba naman ay nag-uumpisa nang magbulungan. Gumagana na ang mahahabang dila at nakasahod na tainga ng mga kapitbahay nila. "May pagkakaabalahan na naman si Aling Merly," bulong niya. HATINGGABI na ay gising pa siya. Iniisip niya ang nanay nila. Hindi niya alam kung maaawa ba, o maiinis na. Hindi niya kasi maintindihan kung bakit natitiis nito ang mga ginagawa ng tatay nila. Hindi niya alam kung tanga ba ito, kung bulag ba. Napakatiyaga nitong umunawa sa lahat ng pagkukulang ng tatay nila. Napakahaba ng pasensiyang alagaan ang tatay nila. Bata pa siya pero alam niya kung ano ang tama at mali. Alam niya kung ano ang nakakahiya. Hindi na bale ang mga satsatan ng mga kapitbahay. Alam naman niyang makahahanap at makahahanap pa rin ng mapag-uusapan ang mga ito. Ang nakakahiya ay iyong nakikita pa ng mga kapatid niya ang 'di magandang gawain ng tatay nila. 'Yong sila ang natutukso ng iba dahil sa tatay nila. Gusto na niya itong tanungin kung bakit ang tatay naman ng mga kaibigan nila ay hindi gano'n. Bakit gano'n ang tatay nila? Bakit ito pa ang naging tatay nila? Nag-unahan sa pagpatak ang kanyang luha. Masama ang loob niya sa tatay niya. At masakit sa dibdib ang nararamdaman niyang iyon. Ayaw niyang dumating ang araw na kahit anino nito ay 'di niya gugustuhing makita. Hinayaan niyang pumatak nang pumatak ang luha niya sa pagbabakasakaling mahugasan ang nararamdaman niyang galit.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Every Inch Of You (S.I.O#1)

read
274.2K
bc

Love Donor

read
85.9K
bc

Womanizer's Property (TAGALOG)

read
1.2M
bc

Unexpected Romance

read
37.4K
bc

Taz Ezra Westaria

read
106.6K
bc

SILENCE

read
379.4K
bc

SINFUL HEART (Book 2)- SPG Completed

read
283.5K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook