bc

BERRY

book_age16+
1.1K
FOLLOW
5.9K
READ
opposites attract
kickass heroine
comedy
bxg
like
intro-logo
Blurb

Tahimik ang buhay ni Berry sa squatter’s area sa Tondo, nang dumating ang isang hindi niya inaasahang suwerte. Isa raw siya sa tagapagmana ng isang mayamang don mula sa Sagada, sabi ng guwapong abogado na naghanap sa kanya. Pero may mga kundisyon ang lolo niya bago niya makuha ang kanyang mana.

Isa na roon ang maging mahinhin na dalaga na babagay sa dadalhin niyang pangalan ng kanilang angkan. Tsiken! Madali lang iyon kay Berry lalo na at ang guwapong abogado ang tutulong sa kanya para maging prinsesa.

Ang problema, nalaman ni Berry na may sarili ding agenda si Atorni kaya siya nito tinulungan. At ang mas malaking problema, apektado siya dahil nangarap siyang pupuwede sila kahit malayo siya sa babaeng magugustuhan nito.

Sabi na nga ba, eh. Dapat nanahimik na lang siya sa isang tabi at nagbilang ng kanyang kayamanan.

Pahamak talaga ang puso kahit kailan.

chap-preview
Free preview
CHAPTER 1
“’NAK NG PUCHA NAMAN! Pagkatapos nating matusta sa init ng araw, uulanin naman tayo ngayon. Napapraning na talaga ang klima. Mang Roming painom, ha? Salamat!” Hindi na hinintay ni Berry ang sagot ng may-ari ng karinderya sa gilid ng kalsadang iyon. Doon na muna siya tatambay sandali bago sagupain ang galit ng tiyahin niyang hindi na yata naging masaya sa buhay. Lagi kasi siyang pinag-iinitan tuwing nakikita siya ni Tiyang Cora. Nasanay na lang si Berry sa walang humpay na pagtaas ng alta presyon nito sa kanya. Na mukhang aariba na naman ngayon dahil may tatlong tao siyang hindi nasingil sa mga pautang ng tiyahin. May five-six business kasi ito at si Berry ang naging taga-singil mula pa nang araw na matuto siyang magkuwenta ng pera. Sa maiksing salita, pinag-aral lang siya sandali ng tiyahin para matuto magbilang. Nasa ikalawang baitang lang siya noon sa elementarya nang huminto na siya sa pag-aaral para tulungan ang tiyahin sa mga maliliit nitong negosyo noon. Wala kasi itong pamilya at silang dalawa na lang talaga ang matatawag na magkamag-anak sa mundo dahil wala na ring nakilalang kamag-anak si Berry mula nang magkamalay siya sa poder ng tiyahin. Pero wala siyang reklamo. Marunong naman na siyang magbasa at sumulat kahit dalawang taon lang siya sa eskuwelahan. Isa pa, hangga’t may maayos siyang matitirhan at makakakain sa tamang oras, masarap man o hindi ang pagkain, buhay na siya. Nagpapalasamat pa nga siya na kinuha siya ng tiyahin sa paaralan dahil natuto dumiskarte sa buhay ng maaga. Hindi nga lang niya iyon ipinaaalam kay Tiyang Cora dahil kapag nalaman nitong suma-sideline siya sa negosyo ng tiyahin, siguradong bubula na naman ang bibig nito sa pagmumura sa kanya mula ulo hanggang talampakan. Kaya lahat ng mga ‘business deals’ niya, siya lang talaga ang nakakaalam. “Berry, ano ang lumabas na lotto kagabi?” tanong ng tricycle driver na si Karding. Katatapos lang nitong kumain ng tanghalian. Sinabi niya ang winning lotto numbers. Mahina itong napamura. “Malas talaga.” “Tumaya ka na lang ulet,” udyok ni Berry dito. “Sabi nga nila, tray en tray antil yu day. Kaya tray ka na lang ulet. Pupunta ako mamaya sa lotto-han. Isasabay na kita.” “Sige. ‘Yung alaga kong mga numero, alam mo na, ha?” “Areglado. Basta wag mo rin akong kalilimutan kapag nanalo ka. Konting balato para mas lalo ka pang lapitan ng suwerte.” “Oo naman. Ikaw pa. Sige, bibiyahe pa ako. Iabot mo na lang sa akin mamaya sa terminal ‘yung tiket ko.” Nakita ni Berry na kulang ang ibinigay nitong pera. “Uy, Karding, mukhang may nakakalimutan ka…” “Ha?” “’Yung padulas mo,” nakangiting sagot ni Mang Roming. “Alam mo naman iyang si Berry, parang makina na hindi umaandar kapag walang padulas.” “Oo nga pala. Pagdaan mo na lang sa terminal saka ko ibibigay, Berry.” “Walang problema. Pero may dagdag na iyon,” sagot ni Berry. “Pambihira ka naman. Wala pang isang araw, may interes na agad?” “Alam mo, Karding, ang mga makina kapag tumagal na hindi nalalagyan ng padulas, lalong nahihirapan umandar. Ibig sabihin, kailangan dagdagan ng dagdagan ang padulas hanggang sa umandar uli iyon ng maayos. Alam mo iyon? Tsaka malas ang mga hindi agad nagbabayad sa mga tumataya sa lotto. Ikaw din…nararamdaman ko pa naman ngayon na masuwerte ang araw na ito para sa iyo.” “Sinabi mo rin iyan sa akin noong nakaraang linggo, eh. Hindi naman ako nanalo kahit sa jai alai.” “Noong nakaraang linggo iyon. Siyempre iba ngayon. Ano ka ba? Pas is pas.” Napakamot na lang ito ng ulo nang iabot ang kulang na bayad, habang si Mang Roming ay tatawa-tawa na lang na inililigpit ang pinagkainan ni Karding. “Salamat. ‘Nga pala, may laro mamaya ang paborito mong Barangay Ginebra. Tataya ka ba?” “Paano akong tataya, ibinayad ko na sa iyo lahat.” “Oo nga naman. Sige, sa susunod ka na lang tumaya sa ending.” Pumuwesto na si Berry sa mahabang upuang kahoy sa harapan ng karinderya. “Isang kanin at isang gulay nga, Mang Roming. Tsaka, penge na rin ng libreng sabaw.” “Libre? Mang Roming, kailan pa nagkaroon ng libreng sabaw dito?” halata ang pagrereklamo ni Karding. “Ninong ko si Mang Roming kaya libre ang sabaw sa akin,” sagot ni Berry. “Ninong? Paano kang magkaka-ninong e hindi ka naman nabinyagan? Putok ka lang sa buho, di ba?” “Nasa akin pa ba ang pantaya mo sa lotto?” Kinapa-kapa ni Berry ang mga bulsa sa suot niyang lumang pantalon. “Naku, nawala na yata…” “Uy, Berry. Huwag kang ganyan. Sorry na. Sige, kumain ka na ng libre mong sabaw. ‘Yung lotto ko, ha?” Nagmamadali ng bumalik sa tricycle nito si Karding at kumaway pa sa kanya bago tuluyang umalis. “Bakit hinahayaan mo ang mga tao dito na loko-lokohin ka sa kawalan mo ng magulang? Dapat inupakan mo ang Karding na iyon, eh. Para tumahimik na sila.” “Mang Roming, pag inupakan ko ang lahat ng magsasabing putok ako sa buho, mawawalan ako ng raket. Mas nakakaiyak iyon.” “Namihasa na kasi sila. Bata ka pa lang iyan na ang itinutukso sa iyo.” “Hindi naman ako apekted. Lalo na kung tumataya sila sa mga pataya ko.” Nilantakan na ni Berry ang pagkain sa harapan niya. Hindi na niya halos nginunguya ang pagkain para mas mabilis na makarating sa tigang niyang mga alaga sa tiyan. Ngayon lang niya naramdaman na gutom na gutom na pala siya. “Hindi ka na naman pinakain ng agahan ng tiyahin mong aswang, ano?” “Nagmamadali na kasi akong makaalis ng bahay para makapaningil kaya hindi na ako nakakain.” “Pasado ala una na ng hapon. Anong oras ka pa naningil?” “Basta madilim pa ako umalis ng bahay, Mang Roming. Alam nyo naman ang mga taong may utang dito sa atin, lakas mangutang pero kapag singilan na, hirap ng hanapin ang mga hinayupak.” Tumatalsik-talsik pa ang mga kanin sa bibig niya habang nagsasalita. Na mabilis din naman niyang sinasalo para i-shoot uli sa kanyang bibig. Sayang, eh. may bayad pa naman iyon. “Gulay lang talaga ang order mo? Kumain ka nga ng karne at nang magkasustansiya ka naman sa katawan.” “Masustansiya ang mga gulay, Mang Roming.” “Kailangan mo rin ng karne sa katawan. Tingnan mo, mula bata ka, hindi ka na tumaba-taba.” “Mamaya sa bahay, Mang Roming. Kapag nakapagsiyesta si Tiyang, magsasaya uli ako sa piling ni Bogart.” Ang mahiwagang pridyider nila ang tinutukoy niya.  “May pagkain ka ba namang nakukuha roon? Sa sobrang suwapang niyang tiyahin mo, himala na ng langit kapag nag-iwan siya ng pagkain para sa iyo. Naku, iyang si Cora talaga. Ikaw na nga lang ang nagtitiyaga sa kanya, inaapi ka pa ng ganyan.” “Hindi naman nang-aapi si Tiyang. Mas mahal nga lang talaga niya si Bogart kaysa sa akin. Tsaka, nag-iiwan naman si Tiyang ng pagkain doon, eh. Minsan. Tsaka ‘pag di na niya trip ang pagkain.” “Oo. At malamang tuwing kabilugan lang ng buwan nangyayari iyan. Hay naku, Berry. Ikaw ang isang katunayan na may himala pa sa mundo. Biruin mo, isang mangkukulam ang nagpalaki sa iyo pero matino ka. Hindi katulad ng ibang kabataan na nakasabayan mong lumaki dito sa lugar natin. Maayos ang pamilya, maayos na pinalaki, pero naging durugista, kriminal at higit sa lahat, naging isang walang kuwentang politiko.” Natawa na lang si Berry. Kahit kailan talaga ay hindi na lumamig ang ulo ni Mang Roming sa kapitan ng kanilang barangay. Kunsabagay, siya man ay hindi natutuwa na lagi na lang ang buteteng iyon ang nananalo tuwing eleksyon. Sa tatlong termino nito ay wala man lang naipaayos sa kanilang barangay. Nagpalaki lang ng tiyan sa barangay hall. Kaya tuloy ‘butete’ na ang naging bansag nila sa kanilang kapitan. “Mang Roming, bakit hindi kayo tumakbong kapitan sa susunod na eleksyon? Kilala naman kayo dito sa barangay natin. Siguradong mananalo kayo. Ako kunin nyong alalay, ha? mura lang ang magiging singil ko tutal lagi nyo akong inililibre dito sa karinderya ninyo.” “Matanda na ako para kumuha pa ng sakit ng ulo. At, gusto kita dahil mabait kang bata, pero kailangan mo pa ring bayaran iyang in-order mong pagkain. ‘Yung sabaw lang ang libre sa iyo.” “Ay. Akala ko makakalusot na,” nakangisi niyang sagot sa matanda. Napabuntunghininga na lang si Mang Roming. “O, sige na. Sige na. Libre na iyan ngayon.” “Mang Roming, nasabi ko na ba sa inyo na ang guwapo-guwapo nyo?” “Oo. Noong nilibre ko ang hapunan mo nung nakaraan.” Pagkatapos ay sinandukan siya ng adobong manok na mabilis niyang tinanggap at pinapak. Ang saya-saya pa ring mabuhay sa mundo. Bakit kaya may mga nagpapakamatay pa? Hindi nila nakilala si Tiyang na magtuturo sana sa kanila kung paano maging kaawa-awa sa harap ng ibang tao na magbibigay ng mga libreng pagkain. Lihim na nagpasalamat sa Maykapal si Berry para sa tiba-tiba niyang tanghalian ngayon. Tamang-tama, nabitin kasi siya sa kinain niya. Ngayon ay masusulit ang lahat ng sermon at mura na aabutin niya sa tiyahin kapag wala ito sa mood pag-uwi niya sa bahay. Nag-umpisa ng kumulog at kumidlat. Ilang sandali pa ay bumuhos na ang malakas na ulan na ilang minuto lang ay siguradong magiging dagat na naman ang lugar nila. Tinapos na rin ni Berry ang pagkain saka hinarap ang eksena sa paligid niya. Hindi na magkandaugaga ang mga tao sa paghahanap ng masisilungan. Umpisa na rin ang mga tricycle at pedicab drivers para manamantala ng mga pobreng naipit sa biglaang ulan na iyon. Tagaan ang pamasahe samantalang tatawid lang sa kabilang kalsada. A, ito ang dahilan kung bakit laging nananalo si Butete sa eleksyon. Kung pinagawa nga naman ang mga kalsada at kanal dito, hindi babaha ng ganito kabilis ang lugar nila. Wala rin ang kumikitang kabuhayan ng mga taga-roon tuwing bubuhos ng ganito kalakas ang ulan. Nagkibit-balikat na lang si Berry. Habang naghihintay siya ng matinong kandidato na magliligtas sa kanilang lugar sa maya’t mayang paglubog sa baha, pagkakakitaan na din muna niya ang pagkakataon ngayon. Kinuha ni Berry sa gilid ng karinderya ang mga itinabi niyang mga tabla at malalaking tipak ng hollowblocks. Inihilera niya ang mga tipak ng hollowblocks hanggang sa makaabot sa parte ng kalsada na hindi pa inaabot ng baha. Pagkatapos ay inilagay naman niya sa ibabaw niyon ang mga tabla. “O, sa mga tatawid diyan sa kabila! Piso-piso lang! Piso-piso lang, mga ate, mga kuya!” Agad nagsilapitan sa kanya ang mga estudyante mula sa highschool na malapit lang sa kanilang lugar. Nag-unahan ang mga ito na makatawid bago pa tuluyang tumaas nang husto ang baha. “O, dahan-dahan lang! Isa-isa lang! Huwag din kalimutan ang piso-piso lang kaysa sa trenta pesos na pasahe ng mga pedicab at tricycle, mga ate, mga kuya!” Isang malakas na busina mula sa likuran ni Berry ang umistorbo sa kanya. Paglingon niya ay bahagya pa siyang nasilaw sa headlights ng isang sasakyan. Sa likuran niyon ay makikita ang tuluyang pagtaas ng tubig sa kalsada dahilan upang hindi na makausad ibang sasakyan. Mukhang ito lang ang nag-iisang naglakas ng loob na tumawid sa baha na iyon. Kaya sumenyas siya sa mga ‘kostumer’ niya na maghintay sandali at hayaang makalagpas ang sasakyan. Pero pagdaan ng kotse sa tabi niya ay binigyan niya iyon ng palihim na dirty finger. Napangisi din si Berry nang hindi na nakalayo ang sasakyan dahil mas mataas ang tubig baha sa kabilang panig ng kalsadang iyon. Tinawag ng dalaga ang ilang mga bata na naglalaro sa baha at pinabantayan sa mga ito ang puwesto niya saka humiram ng payong kay Mang Roming at pinuntahan ang kotse. Kinatok niya ang bintana at nang bumaba iyon, sinalubong si Berry ng napakaguwapong mukhang iyon. “What?” iritadong tanong ng lalaki. Kumulog at kumidlat. Umihip ang malakas na hangin at lalong bumuhos ang ulan. Pero daig pa ni Berry ang nasa kalagitnaan ng nag-aagaw na tag-lamig at tag-init. Hindi niya napigilan ang mapangiti. “Payong, boss? Mura lang.” “Ano naman ang gagawin ko sa payong?” Ang driver nito ang sumagot. “Sir Matthew, bumaba na ho muna kayo at maghanap ng masisilungan bago pa tuluyang pumasok ng kotse ang tubig-baha. Hindi na ho tayo talaga makakaalis dito sa ngayon.” “May tama ang drayber mo, boss,” dugtong ni Berry. “Mabilis tumaas ang baha dito sa lugar namin at kapag hindi pa kayo umalis dito ngayon, siguradong malulunod kayo ng wala sa oras.” Halatang hindi nagustuhan ni Pogi ang sinabi niya. Pero mayamaya lang din ay kumilos na ito at binuksan ang pinto ng sasakyan. Umurong si Berry upang bigyang daan ang kamahalan. “Kailangan mo ba ng bota, boss? Maikukuha kita—“ “No.” Kung anoman ang iniisip ng lalaki paglubog na paglubog ng mga paa nito sa baha, malamang lahat iyon ay mura. Base na rin sa ekspresyon ng mukha nito. Nang tuluyang makalabas ng kotse ang lalaki ay agad na pinayungan ito ni Berry. Hindi lang niya akalain na ganun ito ka-tangkad. At ka-kisig. Habang nakatayo sa baha, sa gitna ng malakas na buhos ng ulan. Ang bango pa. Lalaking lalaki ang amoy. Hindi bagay ang imahe nito sa nangingitim na tubig-baha roon. Pero salamat na rin na kahit ganon ang lugar nila ay binigyan sila ng pagkakataon na may ganitong klase ng nilalang na napadpad doon. “Give me that.” Kinuha ng lalaki ang payong kay Berry saka inilibot ang paningin sa paligid. Naghahanap siguro ng masisilungan. “Sa karinderya, boss. Puwede kayo doon makisilong kay Mang Roming habang nagpapatila ng ulan.” Walang imik itong naglakad patungong karinderya, iniwan si Berry na masaya lang itong pinagmamasdan sa ulan. Kakaiba talaga ang dating ng lalaking iyon. Kahit sa gitna ng ulan at patuloy na pagtaas ng baha, napaka-elegante pa rin nitong tingnan. Kaya hindi na kataka-taka kung ito man ang maging sentro ng atensyon ng mga tao roon. May magtatapon kaya ng barya sa mga miron nito? Malamang wala. Kaya hinabol na lang ni Berry ang lalaki. “Boss, singkuwenta,” wika ni Berry nang maabutan ito. “Para sa payong.” “What?” Itinuro ni Berry ang hawak nitong payong. “Singkuwenta ang arkila dyan kada oras.” Nakamata na lang sa kanya ang lalaki, na para bang isang bombang sumabog ang narinig nito. Pero nakipagtitigan din si Berry. Kaya niya iyion. Lalo na at ang sarap nitong tingnan. Guwapo talaga. ‘Yung bang tipong guwapo na pang-mayaman sa lahat ng anggulo at hindi lang basta guwapong napapadaan lang sa lugar nila. Parang gusto ngang ngumiti ni Berry, eh. At kindatan ito. Pero naunahan siya ng lalaki nang kumilos ito at hugutin ang wallet sa bulsa ng suot nitong itim na pantalon. Mabilis iyong hinablot ni Berry saka puwersahang itinulak ang lalaki papasok sa loob ng karinderya, bago pa man ito ma-ispatan at madale ng mga ng mga mandurukot na nagkalat sa kanilang lugar. Pagkatapos ay lihim niyang binulungan si Mang Roming. “Ako na ang bahala sa isang ito.” Binalikan ni Berry ang lalaki. “May bayad daw, bossing. Isang daan kada oras.” “Ang alin?” “Itong pagpasok mo sa karinderya niya.” “Ikaw ang nagpasok sa akin dito.” “Inilayo lang kita sa disgrasya. Pero sige, bibigyan kita ng diskawnt. Sitenta na lang.”   “Kanina, ‘yung payong. Ngayon naman, pati itong space may bayad?” “Nakikigamit ka, hindi ba? Wala ng libre ngayon sa mundo.” Halatang malapit na itong maputulan ng pasensiya. “I can’t believe this place.” May kinapa ito sa bulsa ng pantalon nito. Nang maalala na na kay Berry pa rin pala ang wallet nito, agad itong lumingon sa kanya. “My wallet, please.” “Walet? Wala sa akin.” Agad nagsalubong ang mga kilay ng lalaki. “Dyoooowwk! Eto na po.” Kinuha nito ang wallet at ibinigay sa kanya ang isang daang piso. “Keep the change.” “Tenk yu!” Shoot agad sa belt bag niya ang pera. “Basa ka na, boss. Gusto mo ng tuwalya?” “No. And leave me alone.” Nagkibit- balikat lang si Berry at hinayaan na ang lalaki. Nakita niyang paparating na ang driver ng lalaki na basang- basa na rin ng ulan. “Kuya, kailangan mo ng tuwalya?” Nakangiti lang na umiling ang drayber saka nilapitan ang amo. “Sir Matthew, mukhang maipapa-overhaul natin ng wala sa oras ang kotse kapag nakaalis tayo rito. Pinasok na talaga ng tubig pati loob, eh.” “I know.” May kung sinong tinawagan si ‘Sir Matyu’ sa cellphone nito. “Kuya, nilalamig ka na,” baling uli ni Berry sa drayber. “Gusto mo ng yosi? Pampainit kahit paano.” “Saan ba meron?” “Kay Mang Roming, ‘yung may-ari nitong karinderya. Baka gusto mo rin ng kape?” Tumango lang ang drayber. Tinawag naman ni Berry ang may-ari ng karinderya. “Mang Roming, yosi at kape daw! Naikuha ko kayo ng kostumer, bayad na ako sa kinain ko, ha?” “Oo na, sige na.” “Batsi na ako kung ganon. Baka hinahanap na ako ni Tiyang, eh. Salamat nga pala sa payong!” Nginitian lang ni Berry ang Ingliserong lalaki nang kunot-noo itong mapatingin sa kanya. Pagkatapos ay mabilis na siyang pumuwesto para makabuwelo patakbo sa kanilang bahay sa looban ng iskinitang iyon. Nang marinig niyang magsalita si Pogi. “Manuel, hindi ba’t sinabi mong malapit lang dito ang lugar na hinahanap natin?” “Oo, Sir Matthew. Nagtanong na rin nga ako sa mga batang naglalaro sa baha kanina kung alam nila ‘yung hinahanap natin. Dito nga lang daw ho iyon.” Bumalik paurong si Berry. “May hinahanap ka, Ser Matyu? Sino? Baka makatulong ako.” “You mean, baka makapang-gulang ka na naman kamo.” “Ikaw naman, Ser Matyu…mura lang ang bayad. At wala pang isang oras, siguradong nakita nyo na ang hinahanap nyo.” “I don’t need your help.” “Ikaw ang bahala.” Binalangan naman ni Berry ang drayber. “Kuya, sino ba ang hinahanap nyong tao?” “E…” Nilingon nito ang amo. “Maniwala kayo kay Berry,” singit ni Mang Roming. “Mas kabisado pa niya ang mga tao rito kaysa sa mga taga-barangay. Matutulungan talaga niya kayo.” “O ha? O ha? Si Mang Roming na ang nagsabi niyan.” Napakamot na lang ng ulo ang drayber. “Sige, tutal mabait ka naman sa akin, Kuyang drayber, beinte na lang. Pero siyempre, may dagdag bayad na ‘yun kung sasamahan ko pa kayo sa bahay ng taong hinahanap ninyo. Mahirap din pala kausap ang mga tao dito sa amin minsan, lalo na kapag lasing o kaya e nakatira ng ‘bato’. Kaya may dagdag bayad din kung ako ang makikipag-usap sa kanila. At oo nga pala—“ Hindi na naituloy ni Berry ang sasabihin dahil may kung sinong bigla na lang tumapal ng kung ano sa kanyang noo. Agad nanuot sa ilong niya ang amoy ng limang daang pisong papel. Mula kay Ser Matyu. “Do you know any Mulberry Borabora?” “Ako iyon.” Nawala ang pera sa noo ni Berry. Kinuha pala uli ng lalaki. “Wala akong panahong makipaglokohan sa iyo, Miss. Sa dami ng kamalasang dinanas ko ngayon, na dinagdagan mo pa, konting-konti na lang at ibibitin na talaga kita ng patiwarik.” “Hindi kita niloloko. Ako talaga ang hinahanap mo.” Sinisilip-silip pa ni Berry ang pera na nasa kamay na uli ng lalaki. “Kung ganon, ano ang pangalan ng nanay mo?” “Renata Borabora.” “Ano ang trabaho niya?” “Dati? Singer sa beerhouse na matagal ng nagsara.” “Ilang taon ka na?” “Bente singko.” Matagal na tila nag-isip ang lalaki, tila ba tinitimbang kung maniniwala sa kanya. “Mukhang ikaw nga ang hinahanap ko.” “Puwede ko na siguro makuha uli ang pera ko.” Dinakma ni Berry ang hawak na pera ng lalaki, pero kamay lang nito ang tumapal sa mukha ng dalaga. Hangin lang tuloy ang naabot niya. “You were living with your aunt, right? Dalhin mo ako sa kanya ngayon. Kailangan ko siyang makausap.” “Sige.” Sabay hablot sa pera. “Tara na!”

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

His Property

read
945.2K
bc

Payment of Debt

read
86.5K
bc

UNDERWEAR/MAFIA LORD SERIES 5/Completed

read
311.0K
bc

Run Honey Run / Mafia Lord Series 4 Completed

read
316.0K
bc

CLOSER

read
138.6K
bc

The ex-girlfriend

read
138.2K
bc

The Crowned Mafia Boss: His Obsession [Completed] Tagalog

read
1.3M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook