Prologue
“Ladies and gentlemen, I have here with me the envelope containing the results of this year’s Mr. and Miss Saint Matthew University. Handa na ba kayong malaman kung sino ang mananalo?” Itinaas ng emcee ang mikropono patungo sa audience.
Naghiyawan ng malakas ang mga manonood.
Muling itinapat ng emcee ang mikropono sa kanyang bibig na naging dahilan upang tumahimik ang mga tao. Sinulyapan nito ang mga contestants na nasa stage. “Candidates as I call on your number, please come forward at the centerstage.” Ibinaba ng emcee ang mikropono sa stand saka nito binuksan ang hawak na envelope. “Fourth runner up for the female category is candidate number 4 and for the male category is candidate number 2.”
Malakas na nagpalakpakan ang mga audience.
Sinulyapan ng emcee ang mga contestants na lumapit sa gitna ng stage saka ito bumaling sa audience. “May I request the deans of the colleges where the winners belong, to come up the stage and pin the sash of the winners.”
Nang matapos ang paglalagay ng sash sa dalawang nanalo ay muling nagsalita ang emcee. “Third runner up for the female category is candidate number 3 and for the male category is candidate number 7.”
Isang grupo ng mga audience ang malakas na nagpalakpakan.
Lumapit sa gitna ng stage ang mga tinawag na contestants. Sa kalagitnaan ng audience ay mapapansin din ang dalawang tao na naglalakad patungo sa stage.
Hinintay ng emcee na matapos ang paglalagay ng sash bago ito muling nagsalita. “Second runner up for the female category is candidate number 5 and for the male category is candidate number 4.”
Isang maugong na hiyawan ang maririnig mula sa audience.
Hindi na nagulat si Arrielle nang matawag ang numero niya. Alam niyang hindi naman talaga siya mananalo. Sa lahat ng mga contestants ay siya ang pinakamaliit sa taas na limang talampakan at apat na pulgada. Marami rin sa mga kasama niya ang higit na maganda kasya sa kanya. Ang tanging bentahe niya ay ang maganda niyang sagot sa question and answer portion. Ngunit alam niyang subjective ang paghuhusga sa ganitong contest. Naniniwala siyang hindi lahat ng judges ay umayon sa sagot niya kanina. Pero masaya na siya dahil kahit paano ay may naipanalo pa rin siya.