bc

Tabak (Filipino/Tagalog)

book_age16+
653
FOLLOW
1.9K
READ
dark
brave
no-couple
mystery
small town
disappearance
supernatural
reckless
spiritual
surrender
like
intro-logo
Blurb

Si Emannuel Selyo Tabing ay pinanganak sa malayong bayan ng San Roque. Kilala siya sa bansag na Estong at maraming tao ang humahanga sa kaniyang kasipagan, kabaitan, at katalinuhan. May angking kakisigan din daw ang binatilyo ayon sa ilang kababaihan. Ang tanging kapintasan lang kay Estong ay hindi siya naniniwala sa Diyos. 

Pero isang gabi, bigla na lang nagsisigaw ang kaniyang ina at ayon dito, hindi raw umuwi si Estong. Malaking palaisipan sa mga tao ang pagkawala ng binatilyo dahil hindi ito ang tipong nakikituloy sa ibang bahay. Wala rin itong kakilala na maaring pagtaguan. Pagtaguan? At sino naman ang pagtataguan ni Estong? May nakakaalam ba kung nasaan siya ngayon? Anong hiwaga ang bumabalot sa pagkawala ng binatilyo at sino itong nagpakilalang kakambal niya umano?

Based on 1 Timothy 4:7, "But reject profane and old wives' fables, and exercise yourself toward godliness."

chap-preview
Free preview
Kabanata 1 : Si Aling Nena
Lumaki ang mga bata sa bayan ng San Roque sa paniniwalang may mga hindi nakikitang nilalang ang pagala-gala sa paligid. Mga engkanto, ika nga ng mga nakakatanda. Sila ang mga nilalang na kung magambala ay maaaring manakit ng kapwa. At lahat ng tao ay natatakot sa kanila. Kaya naman, naging suki ang buong bayan ng San Roque sa mga taga-labas na nagtitinda ng mga espirituwal na bagay gaya ng agimat at kung anu-ano pa, na di umano ay nakakatulong para sa proteksyon at pagtataboy ng kamalasan. Isa si Aling Nena sa mga masugid na tagabili ng mga bagay na yaon. Ang paniniwala niya, may nakasunod na malas sa anak niyang si Estong kaya palagi itong nilalayuan ng swerte. At ngayon nga ay patingin-tingin siya sa mga tinda ng taga-labas na chinitong may kaputian na si Surikong. Noong isang araw lang niya nakilala ang estrangherong tindero ngunit para bang matagal na niya itong kilala dahil sobrang gaan ng pakiramdam niya sa chinito. "Madam, ito tinda ko maraming pampabuwenas. Ano ba hanap mo?" tanong ni Surikong nang mapansin siya nitong hindi makapili sa dami ng tinda. "Ay, may pampaswerte ka ba diri? Yaong anak ko kasi, sobrang lapitin ng malas. Dalawang beses nang hindi makapasa sa greyd eyt. Noong greyd sivin din, halos maloka ako nang sabihin niyang muntik na siyang hindi makatuntong sa sunod na baitang!" Natawa ang tindero saka tumalikod. May kinuha itong kahon na nakahimlay lang sa pahabang mesang nasa likuran nito. "Ano ba ngalan anak mo, Madam?" tanong nito at muling humarap sa kaniya. May bitbit na itong malaki-laking kahon. Nilapag nito ang kahon sa mesang nakapagitan sa kanila, bumuntong-hinga saka nagpahid ng butil ng pawis sa noo. "Marami pampa-swerte, pero pampabuwenas para anak mo, Madam." "Oo! Yaon nga! Pampabuwenas para kay Estong!" tili ni Aling Nena. Kumislap pa ang mga mata niya at malaki ang ngiti sa mga labi. "Estong," ngisi ng intsik. Binuksan nito ang kahon at may inilabas itong maliit at bilogang salamin na may mga nakaukit na simbolo sa gilid. "Ito bagay anak mo, Madam." Matagal na tinitigan ni Aling Nena ang salamin. Maya-maya pa'y sumimangot. "Ay, lalaki anak ko. Hindi 'yon hilig manalamin!" Isang mahiwagang ngisi ang pinakita ni Surikong. "Ano ba hilig anak mo, Madam?" "Mmm... mahilig siyang magpunta sa kakahuyan para kumuha ng panggatong." "Ah, Madam, kailangan proteksyon!" "Ha?" Tiningnan ni Aling Nena si Surikong habang mabilis nitong inilabas ang laman ng kahon. Iba't ibang mga gamit pampaswerte ang lumatag sa mesa. Napabuntong-hinga siya saka naupo sa upuang nakalaan para sa mga kustomer. Kumikirot ang binti niya dahil kanina pa siya palibot-libot sa plaza para lang mahanap ang tent ni Surikong. Nagsabi na kasi siya sa tindero noong Biyernes na babalik siya sa araw na ito para bumili. Wala kasi siyang dalang pera nang inalok siya ni Surikong ng pampaswerte nang araw na iyon. Nilibot niya ang tingin sa loob ng maliit na tent ni Surikong. Walang masyadong disenyo sa loob, liban sa mga maliliit na estatwa ng mga hayop na kabilang sa horoscope at ang kulay gintong estatwa ng pusa na siyang diretsong nakatingin sa kaniya. Kung hindi pa niya alam na isa lang 'yong estatwa ay baka isipin niyang diretso siyang tinititigan ng ginintuang pusa. Bumalik ang tingin niya sa mesang nakapagitan sa kaniya at kay Surikong. May bolang kristal doon sa gilid. Ngayon lang niya napansin. Naningkit ang mga mata ni Aling Nena. "Nanghuhula ka, Surikong?" tanong niya. "Oo, Madam." "Aba, pwede ba akong magpahula sa 'yo?" Natigilan saglit ang tindero sa pagkalkal sa kahon. Nagtaas ito ng tingin sa kaniya saka abot sa tengang ngumisi. "Oo, Madam." Napangiti si Aling Nena. "Yaong huling pagpapahula ko, no'ng buhay pa ang asawa ko. Ang sabi sa hula, magkakaroon kami ng mga anak. Ilang araw matapos no'n, nalaman kong buntis ako." Dahan-dahang nawala ang ngiti sa mga labi niya. "Pero isang araw bago ko maipanganak si Estong, namatay ang asawa ko." "Wag na malungkot, Madam. May mga anak kayo." "Oo." Natawa si Aling Nena. "Pero isa lang ang anak ko." "Heeh," tawa ni Surikong saka itinaas ang isang maliit na bagay. "Ito, Madam. Proteksyon!" Nangunot ang noo ni Aling Nena habang tinititigan ang bagay na hawak ni Surikong. Isa 'yong basyo ng bala ng baril, na dinikdik ang itaas na bahagi at binutasan para lumusot ang pantaling nylon. "Yan?" takang tanong ni Aling Nena. "Oo, Madam!" pagmamalaki ni Surikong. "Ito bili mga tao kabilang sitio. Proteksyon sa engkanto at iba pa." "Habak?" natatawang saad ni Aling Nena. “Teka, intsik ka pero naniniwala sa yaong habak?” Natawa si Surikong. “HIndi ako intsik, Madam. Gaya ko lang sila pero hindi ako intsik.” Nilahad ni Surikong ang kamay sa harap ng matanda. "Akina kamay mo, Madam." Agad na binigay ni Aling Nena ang kamay niya. Napangiti si Surikong. "Ito bigay ko. Ikaw suki ko, Madam. Ngayon, hula tayo." "Pero habak lang 'to." "Madam, tawag ko 'yan Tabak." "Ay, kahit na." "Bigay mo sa anak mo, Madam." Bumuntong-hinga si Aling Nena. "Oo na. Hulaan mo na ako para makauwi ako nang maaga." "Hahawakan kita, Madam." Natawa si Aling Nena. "Ay, Surikong. Bilisan mo na!" Binigay niya ang dalawang kamay kay Surikong. Maagap namang tinanggap ng tindero ang mga kamay niya, naupo sa upuang katapat niya, saka nagsambit ng panandaliang orasyon. Pagkatapos, binitawan nito ang mga kamay niya at naglabas ng baraha. Tinatawag yong takot cards ng iba. "Pili ka, Madam." Pumili ng tatlong baraha si Aling Nena saka naman 'yon isa-isang nilapag ni Surikong sa mesa at itinahaya. Bumilis bigla ang t***k ng puso ni Aling Nena habang tinititigan ang unang baraha. Nasusunog na kagubatan ang nandoon sa baraha. "May masusunog, Madam." Tinihaya ng tindero ang pangalawa. Isang babaeng nakasuot ng itim na bestida at nakatalikod. "Kalungkutan, Madam." Napalunok si Aling Nena. Kalungkutan? Sinong malulungkot? Siya ba? Tinihaya ng tindero ang pangatlo. Isang lalaking may dalawang mukha ang nandoon sa baraha. Ang isang mukha ay nakangiti habang ang isa kay galit. "Magpapakilala, Madam." "Magpapakilala?" Tumango ang tindero. "May dadating. Magpakilala. Mahalaga, Madam." Mas lalo lang nangunot ang noo ni Aling Nena. Bigla nalang tumawa si Surikong. "Mukha mo madam." "Ay, anong klaseng hula ba yaon? Wala bang buwenas diyan?" Mas lalong sumingkit ang singkit na mata ni Surikong, saka ngumisi nang abot sa tainga kay Aling Nena. "Maraming suwerte, Madam!" Hilaw na ngumiti ang matanda. Di yata'y pinaglalaruan siya ng tinderong singkit. Malas ang hula sa kaniya, tapos sasabihing maraming buwenas ang dadating sa buhay niya? Heh, parang kalokohan lang ang sinasabi nito. Nagbaba siya ng tingin sa nakalatag na tatlong baraha sa mesang pula. Naningkit ang mga mata niya. Naalala niya bigla na nagpapabili pala siya kay Estong ng karne sa Wet Market at baka hinahanap na siya ng binatilyo ngayon. Tumayo siya't kumuha ng limampu sa hawak-hawak na pitaka. "Ito, bumili ka ng isnaks mamaya. Libre na ba yaong habak?" tanong niya at inabot ang perang papel sa tindero. Agad 'yong tinanggap ni Surikong. "Libreng-libre tabak, heeh. Iyo Madam, salamin swerte!" Inabot ng tinderong intsik ang salaming may simbolo sa gilid. "Ay, wala akong anak na babae." "Ikaw Madam gamit!" Tumango si Aling Nena saka hilaw na ngumiti ulit sa tindero. Nahiwagaan siya sa panlilibre nito. Pero naisip niyang ganiyan lang siguro ang paraan nito para makakuha ng suki. Nanlilibre para panggiliwan ng mga tao. Nagkibit-balikat siya at nagpaalam na. Isang masayang ngiti lang ang sinukli ng tindero. Hawak ang maliit na habak sa kamay ay lumabas siya mula sa maliit na tent ni Surikong. Napaubo siya nang bigla nalang may bumugang usok sa mukha niya, pagtapak niya sa labas ng tent. "Ay!" Hinawi niya ang puting usok. "Sino bang may ngusong tambutso riyan, ha?" inis niyang tanong. Dumaan sa harapan niya ang dalawang lalaking magkasabay na humithit ng sigarilyo. Sinulyapan lang siya ng dalawa saka bumuga ng usok. Ngumisi pa ang mga ito sa kaniya, nagtawanan, at parang walang pakialam na nagpatuloy sa paghakbang palayo. Humugot nang malalim na hininga si Aling Nena saka busangot na naglakad pasalungat sa direksyong tinatahak ng dalawang lalaki. Mga walang modo, aniya sa isip. Nagpasalamat siya't hindi barkadista ang anak niyang si Estong, at baka matulad sa kalalakihang hindi na alam ang salitang respito. Napakurap-kurap si Aling Nena. Puno ng tao ang munting plaza sa sentro ng San Roque. Sandali, bakit nga ba kay rami ng tao sa plaza? Natampal niya bigla ang noo. Ngayon lang niya naalalang kapiyestahan pala ng patrong sinasamba ng mga tao, kaya punong-puno ng makukulay na banderitas ang buong sentro. Nagkalat ang mga tent sa paligid ng plaza, nakalatag sa sementadong daan ang iba't ibang paninda gaya ng sapatos at ilang tinuping damit. HIndi naman mawawala sa eksena ang iba't ibang stall ng street foods tulad ng fishball, kwek-kwek, pati na 'yong mga pagkaing may malalaking pangalan na sikat sa buong Pinas. Nasa eksena rin ang mga promodizers at mahikero na kabila't kabilaan ang pag-engganyo sa mga tao particular sa mga bata. "Isang pitik, halik ang kapalit! Isang piso, yakap mo na si ako!" sigaw ng lalaking nakatayo sa gilid niya. Sa tingin niya, promodizer ang lalaki ng World of Game. Kinakausap nito ang grupo ng babaeng papadaan sa harapan niya. Nagbulungan ang mga babae, saka saglit na tiningnan ang lalaking sumigaw bago walang pakundangang nagsihalakhakan. Napailing si Aling Nena. No'ng kabataan niya kasi, bawal sa kanilang maghalakhakan sa harap ng maraming tao. Sa katunayan, tinatago pa sa likod ng abanikong pamaypay ang mga ngiti ng dalaga noon. "Iba na talaga ang panahon ngayon," buntong-hinga niya. Tahimik siyang lumayo mula sa kabataan ng San Roque at nagpalinga-linga. Hinanap ng mga mata niya ang daan papuntang Wet Market pero dahil sa dami ng mga tao ay nahirapan siyang hanapin ang eskinita na siyang magdadala sa kaniya sa Radaza Building kung saan ang lugar na tagpuan niya at ni Estong. "Ale, kandila oh!" Napahinto si Aling Nena nang may batang lalaking lumapit sa kaniya at inalok siya ng mga kandila. Bahagya siyang ngumiti. "Tapos na akong magsindi, unduy." Nagulat nalang siya nang magdabog ang bata. Inihagis nito ang mga kandila sa daan saka sinamaan siya ng tingin. "Mamatay ka!" sigaw nito. Huminto saglit sa pagtibok ang puso ni Aling Nena. Nanlamig ang buong kalamnan niya sa talas ng tingin ng bata. "Huy! Tara na!" aya ng batang babae na bigla nalang sumulpot sa kung saan. Mabilis nitong pinulot ang mga kandila sa kalsada at walang salitang hinatak ang batang lalaki na masama pa rin ang tingin sa kaniya. Napalunok siya at tinanaw ang dalawang paslit hanggang mawala ang mga ito sa paningin niya. "Ayos lang kayo, Maam?" "Ha?" Kumurap siya at nilingon ang nagtanong. Isang babaeng kaedaran niya. May munting ngiti sa mga labi nito habang nagtaas-baba ang tingin sa mukha niya at sa hawak niyang pampaswerte. "Ah, a-ayos lang," aniya. "Naku, Maam, 'wag mo nang pansinin ang mga batang 'yon. Gano'n lang talaga ang kabataan ngayon, nagdadabog 'pag hindi nakukuha ang gusto." "Ay, yaong anak ko, hindi naman ganiyan," bulong niya. Natawa ang babae. "Pili nalang ang mga batang katulad ng anak mo, Maam. Ang anak kong si Yalke, napakakwela. Pero kahit na gano'n, marunong namang rumispeto sa nakakatanda." "Ah." Hilaw siyang natawa. Hindi niya kilala ang babae, saka pinagtitinginan na sila ng mga tao. Luminga siya. "Una na ako. Hahanapin ko pa ang anak ko." Ngumiti siya saka tumalikod. Akmang hahakbang na siya palayo nang may tinanong ito. "Si Emmanuel Selyo ba ang hinahanap mo, Maam?" Napahinto siya at napalingon sa babae. "Kilala mo siya?" "Hmm." Natawa na naman ang babae. "Kaklase siya ng anak kong si Yalke. Sa katunayan, magkaibigan ang dalawa. Saka, sobrang sikat ng anak mo, Maam. Marami ang humahanga sa kaniya." "Humahanga?" Napakurap si Aling Nena at natawa. Hindi niya alam na sikat ang anak niya sa San Roque. "Ah, sa'n pala yaong anak ko?" "Nakita ko siyang nakaupo sa lilim ng puno sa gilid ng Baranggay Hall. May kausap. Isang pulubi." Tumaas ang kilay niya sa sinabi nito. "Ah, salamat. Una na ako." Saka siya mabilis na tumalikod at humakbang palayo. Wala siyang ganang makipagkuwentuhan sa ina ng kaibigan ni Estong. Isa pa, wala namang naikukwento ang anak tungkol sa ibang tao. Ang alam lang niya, masipag at tahimik si Estong. Nakakat'wang nagkaroon ng kaibigan ang anak niyang pinaglihi sa habak.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Rain Alcantara :The Boss Thunder

read
7.9K
bc

MAYOR DUX: My Brother Is My Lover

read
124.7K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
67.1K
bc

Yakuza's Contract Wife [ SPG ]

read
169.6K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
85.6K
bc

The Father of my Child- (The Montreal's Bastard)

read
155.9K
bc

The Billionaire's Hot Maid

read
19.2K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook