bc

LIVE

book_age0+
3.0K
FOLLOW
7.9K
READ
dark
others
bitch
tragedy
no-couple
5 Seconds of Summer
like
intro-logo
Blurb

(TAGALOG STORY)

Sa isang simpleng video, magbabago ang buhay ni Luna. Isang pagbabago na maghahatid ng luha, sakit at kamatayan! Malampasan niya kaya ang pangyayaring ito sa kaniyang buhay?

chap-preview
Free preview
LIVE 01
"LUNA! 'Andito ka lang pala! Kanina pa kaya kita hinahanap!" sabi ni Amara sa nakakabata niyang kapatid matapos niya itong tapikin. Dalawang taon ang tanda niya dito. Grade 11 na siya habang Grade 9 na ito. Kinailangan pa niya itong tapikin dahil tila hindi siya nito mapapansin kung tatawaging niya lang ito. Titig na titig kasi ito sa magandang cellphone na naka-display sa isang store sa mall na iyon. Lumingon sa kanya si Luna at nakita niya agad ang lungkot sa mukha nito. "Ate, naka-sale na iyong cellphone na gusto ko, oh. Thirty percent off na siya kaya lang..." Muli nitong tiningnan ang cellphone sa estante. "Kaya lang wala tayong pera!" Inakbayan niya ang kapatid at kinindatan ito nang tingnan siya ulit. "Isang taon na lang at matatapos na ako ng high school. Kapag nangyari iyon makakapagtrabaho na ako at maibibili na kita ng cellphone. Promise ko iyan sa'yo!" Hindi nawala ang lungkot kay Luna. Mas lalo pa nga yata itong nalungkot sa sinabi niya. "Ang tagal pa no'n, e. Baka hindi na uso ang cellphone kapag nakapagtrabaho ka na." "Hay! Ang dami mo talagang alam! Ano kaya kung..." Luminga-linga si Amara at nang makita niya ang saleslady ay kinawayan niya ito. "Anong gagawin mo, ate? Bakit mo tinawag 'yong saleslady?" gulat na tanong ni Luna sa kanya. "Titingnan lang natin iyong cellphone na gusto mo. Para mahawakan mo naman kahit paano." "Pwede ba 'yon? Hindi naman tayo bibili?" "Akong bahala. Pwede naman siguro." Hindi na niya sinagot ang sinabing iyon ni Luna dahil nakalapit na sa kanila ang saleslady. "Yes po?" ani ng saleslady. "Miss, pwede bang makita iyong cellphone na iyon?" sabay turo niya sa gustong cellphone ng kakambal. "Bibilhin niyo ba?" "Ah, hindi po. Titingnan lang po namin. Iyong features at kung maganda talaga." "Sorry pero hindi pwede, e. Dapat sure na bibilhin niyo bago niyo makita iyong unit." "Titingnan lang po namin, miss. Gusto kasi siya nitong kapatid ko..." Pilit pa niya. Mariing umiling ang saleslady. "Sorry talaga pero hindi pwede." "Pero--" "Ate, tama na. Balikan na natin sina nanay at tatay." At hinila na siya palabas ni Luna sa tindahang iyon ng mga gadgets. "Ang sungit naman ng babaeng iyon!" Himutok niya. "Hindi siya masungit, ate. Patakaran talaga nila siguro iyon, sinusunod lang niya..." "Basta, kapag nagkatrabaho ako, ibibili kita ng cellphone!" Masuyong pinagmasdan ni Amara si Luna. Dalawa lang silang magkapatid at kapag nakikita ng ibang tao ang pamilya nila ay iniisip agad ng mga ito na ampon si Luna. Hindi naman sa nilalait niya ang mga magulang ay hindi naman kagandahan at kagwapuhan ang mga ito. Namana niya ang pisikal na anyo ng mga magulang niya. Lumaking siyang hindi maganda. Habang si Luna naman ay maganda at maputi. Kaya hindi niya masisisi na isipin ng ibang tao na ampon ito. -----***----- HINILA na ni Luna si Amara palabas ng tindahan ng cellphone. Mas lalo lang siyang nalungkot nang malaman na kahit ang mahawakan ay hindi niya maaring magawa sa cellphone na pinapangarap niyang magkaroon. Simula nang tumuntong siya ng high school ay pinangarap na niya ang magkaroon ng cellphone. Naiinggit kasi siya sa mga kaklase niya na meron nito. Pagandahan, pabaguhan ng unit. Habang siya, nagtitiis na gamitin ang basic phone na pagmamay-ari ng nanay at tatay niya. Walang camera. Text at tawag lang yata ang nagagawa. Iyon lang ang nag-iisang cellphone nila sa bahay. Mahirap lang ang pamilya niya. Ang pagbebenta ng fishball, kikiam at kwek kwek. Magkatulong ang nanay at tatay niya dito. Noon ay ang tatay niya lang ang nagtatrabaho pero simula nang maaksidente ito sa pabrika na pinagtrabahuhan nito noon ay kinailangan na tumulong na rin ang nanay niya. Naipit kasi sa isang makina ang kaliwang kamay ng tatay niya at naputol. Binigyan naman ito ng kumpanyang pinagtrabahuhan nito ng pera at iyon ang ginamit nila para magsimula ng isang maliit na negosyo. Iyon ang dahilan kung bakit wala siyang sariling cellphone. Hindi kaya ng magulang niya na bilhan siya lalo na't medyo mahal ang gusto niyang cellphone. Twenty thousand din iyon na alam naman niyang imposibleng maipon ng magulang niya. Kung aasa naman siya sa pangako ng ate niya ay baka mamuti lang ang mata niya. Isa pa, gusto na talaga niyang magkaroon nito sa lalong madaling panahon. "Siguro nga, hindi ko talaga destiny ang magkaroon ng magandang cellphone, ate..." Malungkot niyang sabi sa kapatid habang naglalakad sila palabas ng mall. Pupuntahan na nila ang nanay at tatay nila sa palengke. Namimili kasi ang mga ito ng paninda. "'Wag mo kasing kaisipin iyon sa ngayon. Siguro, tinutudyo ka ng mga kaklase mo, ano? Gusto mo bang upakan ko sila?" "Hindi naman. Naiinggit lang ako sa kanila kasi lahat sila may magagandang cellphone." "Hayaan mo na muna. Ang isipin mo na lang ay iyong pageant na sasalihan mo sa school. Next week na iyon, 'di ba? Tutulungan kitang mag-practice ng sayaw mo. May mga steps akong napanood sa Youtube. Pinanood ko iyong mga dance video ng Sistar!" Tumango siya. "Thank you, ate. Sige, iyong pageant muna ang iisipin ko," aniya. -----***----- NASA bungad pa lang sina Amara at Luna ng palengke ay nakita na agad nila ang nanay at tatay nila. Sa mga bitbit ng mga ito ay mukhang tapos na ang mga ito na mamili. Magkasabay silang kumaway sa dalawa at mabilis naman na lumapit ang mga ito. "Naku, bakit mo naman dinala pa dito si Luna, Amara? Baka magkaroon iyan ng allergy. Madumi dito!" Hinawakan agad ng nanay nila si Luna. "Okay lang po, nanay. Naiinip na rin po kasi kami sa mall ni ate," sagot ni Luna. "E, bakit parang ang lungkot mo, Luna?" singit na tanong ng tatay nila. "Paano po kasi nakita na naman niya iyong cellphone na gusto niya." Siya na ang sumagot. Minsan ay naiisip ni Amara na hindi patas ang pagtrato ng magulang niya sa kanya at kay Luna. Halata naman kasi na mas mahal ng mga ito si Luna dahil maganda ito. Sabagay, kahit naman siya ay mahal si Luna at gusto niya itong protektahan palagi. Tinatabla na lang niya ang isipin na iyon na hulog ng langit si Luna sa kanila dahil maganda ito at maaaring ito ang mag-ahon sa kanila sa kahirapan. Sa ganda naman kasi nito ay papasa itong artista o hindi naman kaya ay beauty queen. "Kapag nagkapera, hamo," ani ng nanay nila. "Umuwi na nga tayo at para maihanda ko na ang mga ito. Maaga kaming magtitinda ng tatay niyo dahil Linggo. Maraming tao sa simbahan ngayon." Binuksan ng nanay niya ang payong at si Luna lang ang pinayungan nito. -----***----- "PAHIRAM naman ako ng phone mo. Pa-open lang ako ng f******k ko." Kalabit ni Luna sa kaklase at kaibigan na si Cheska. Nasa classroom lang sila at katatapos lang mag-break. Magkakatabi silang nakaupo sa kani-kanilang upuan. Kasama nila ang isa pa nilang kaibigan na si Violet. Kapwa abala ang dalawa sa mga cellphone na hawak. Inabot naman agad ni Cheska ang cellphone nito. "Bilisan mo, ha. Magla-Live ako, e." anito. "Live? Ano iyon?" tanong niya habang nila-log in ang kanyang account. "Bagong feature ng f******k," si Violet ang sumagot. "Pwede kang mapanood ng friends and followers mo ng live thru live video. Real time! Bongga, 'di ba? Mamaya nga magla-live ako pagkauwi ko. Ipapakita ko sa friends ko kung anong ginagawa ko bago ako mag-sleep." "I-try ko kaya?" "Ang tanong, mag viewers ka ba? E, 200 lang ang friends mo." Nagtawanan sina Cheska at Violet. Lumabi siya. "Kapag nagkaroon ako ng sariling cellphone, maaasikaso ko na rin ang f******k ko. Makakapag-add na rin ako ng maraming friends at lagi akong magla-Live na iyan." "Ang tanong ulit, kailan ka kaya magkakaroon ng cellphone?" "M-malapit na. Basta, malapit na..." aniya. Nakaramdam na naman siya ng lungkot at inggit sa mga kaibigan na may sariling cellphone. At mas lalo pang nalungkot si Luna nang bisitahin niya ang kanyang profile. Walang maraming friends at last week pa iyong last na post niya. Hindi katulad nina Cheska at Violet na oras-oras ay nakakapag-post ng update. Madami pang likes at reactions ang pictures ng dalawa hindi katulad niya na pinaka marami na ang sampu. Sinubukan ni Luna ang bagong feature ng f******k na Live ngunit kinuha na lang ni Cheska ang cellphone nito ay wala man lang kahit isang viewer siyang nakuha.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Midnight Lover/Mafia Lord Series 1/Completed

read
533.3K
bc

One Last Cry for a Mafia Boss (Tagalog Story)

read
580.0K
bc

The Billionaire's Obsession

read
2.7K
bc

Payment of Debt

read
87.4K
bc

SINFUL HEART (Book 2)- SPG Completed

read
285.7K
bc

Pretty Mom (Filipino) R-18

read
26.0K
bc

MISTAKE (Tagalog)

read
3.0M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook