bc

Maid in Garlic

book_age16+
8.2K
FOLLOW
98.8K
READ
adventure
confident
maid
comedy
bxg
city
secrets
multiple personality
stubborn
like
intro-logo
Blurb

Adventurer, independent, madiskarte, minsan sinungaling din maabot lamang ang pangarap niya.

Iyan si Garlic Habonito, isang probinsiyana na nakipagsapalaran na makapunta ng Maynila kahit labag sa kagustuhan ng kaniyang itay at ate Aying. Nahinto sa pag-aaral nang mamatay ang kaniyang inay.

Ilusyonada ika nga. Inaasahan niyang maging maganda ang kapalaran niya sa Maynila sa pagsama niya sa kaniyang tiyahin.

Magiging maganda nga ba ang kaniyang mundo sa inaakala niyang nasa Maynila ang maganda niyang kapalaran? Paano kaya kung paglaruan siya mismo ng kaniyang kapalaran?

Ano ang magiging buhay niya bilang isang maid sa pamilyang Javier?

Tunghayan si Garlic Habonito, ang komedyanteng pasaway at puno ng katatawanan. Subaybayan ang kaniyang bagong mundo sa pag-apak niya sa Maynila.

chap-preview
Free preview
Panimula
Garlic’s POV Mga kababayan, ako nga po pala si Garlic Habonito. Isang probinsiyana at nasa labinsiyam na taong gulang na. Hindi ako nakapagtapos ng highschool. Nasa first year highschool lamang ako dahil maagang namatay ang aking ina. Hindi ko alam kung ano ang tunay na kadahilanan dahil ang narinig ko lamang ay may cancer si Inay Consing. Sa colon daw, at hindi ko alam kung bakit nakalulon ng colon si Inay samantalang kaldero rin naman ang gamit namin sa pagluluto. Ewan ko ba at hindi ko maunawaan kung bakit dinapuan ng ganoong klaseng sakit ang aking inay. Pangalawa ako sa apat na magkakapatid. Take note ha, ako ang pinakamaganda dahil ako lang naman ang balingkinitan, maputi, matangos ang ilong at singkit ang mga mata. Sa taas kong five feet and five inches, puwede na akong sumalang sa Miss Philippines, puwera-biro. Minsan naman ay nasasabihan akong anak ng Koreano o kaya'y Intsik dahil sa singkit kong mga mata. Marami nga ang humahanga sa akin lalo na ang mga kaklase kong kulang din sa paligo. Bahala sila dahil hindi sila pasado sa aking estandard. Pero itong ate kong mayamutin at bugnutin, naloloka na yata sa kabaliwan ko. "Kunin mo nga ang asin sa kusina, Garlic," utos ng Ate Aying, ang panganay naming ate. Sobra talaga siyang istrikta at nagmumukhang manang sa kaniyang pananamit. Mahaba na, mahilig pa sa kulay abo at kayumanggi. Ipinanganak yata siya sa panahon ni Maria Clara. "Po? Vetsin po ba, Ate?" balik kong tanong sa kaniya na nakangiti. "Anong vetsin? Hoy, Garlic sabi ko asin at hindi vetsin. Sasapakin kita riyan, eh!" galit na namang turan niya habang kumukunot ang balat niya sa noo. Umuusok na pati ilong niya samantalang palihim akong nangingiti. Mula nang mamatay si Inay Consing ay lagi nang bugnutin itong si Ate Aying. Palagi rin niya kaming pinapagalitan ng mga nakababatang kapatid namin lalong-lalo na ako sa kadahilanang ambisyosa raw talaga ako at maraming alam sa mga bagay-bagay na walang kabuluhan. "Ate, gusto kong pumunta ng Japan. Gusto kong makapag-asawa ng guwapong Hapon," nangingiti kong turan sa kaniya. Sinasadya ko talagang inisin siya. "Hoy, Garlic umandar na naman ang pagiging ilusyonada mo. Kunin mo na nga itong walis at mag-umpisa ka nang maglinis sa sahig. Hay naku, ako na nga ang umaakong bilang nanay sa bahay na ito, dagdag ka pang pasaway!" Nagkukunot na naman ang kaniyang noo. Mukha na talaga siyang tikbalang at palaging nakaungos ang nguso, pati na yata ilong niya ay lumalapad sa galit kapag ako ang kaharap niya. "Po? Laway? Naku, hindi po ako naglalaway, Ate," nakangiti ko na namang sagot. "Ummm!" Hampas niya sa akin. Alam kasi niya kapag inuutusan niya ako ay nagbibingi-bingihan ako. "Ilang hampas ba ang gusto mo, ha?" "Ate naman eh, huwag mo naman akong hampasin lagi ng walis, masisira ang beauty ko. Paano na ako makapag-asawa ng foreigner nito?" Inirapan ko siya at lalong umusok ang kaniyang ilong, at tila muli na naman niya akong hahampasin ng walis kaya dali-dali ko na lamang dinampot ang walis at sinimulang linisin ang aming mansion ay este bahay kubo pala. “Kapag, hindi ako makapagpigil sa iyo, ewan ko lang kung ano ang kahihinatnan mong babae ka! Hay, tumataas ang dugo ko sa 'yong bata ka!” "Kalma po, Ate. Masisira ang beauty mo kapag ganiyan ka lagi." "Umalis ka sa harapan ko, Garlic at baka mabasag 'yang bibig mo sa kadadaldal. Nakakainis ka!" Kapag ganiyan ang tono ng kaniyang pananalita, kailangan ko nang umalis para hindi madagdagan ang pagiging Miss Minchin niya. Aalis ako kaagad at sasabayan ng pag-awit kaya alam kong lalo siyang maiinis sa akin. Ewan ko ba kung bakit naging ganiyan ang ate ko. Pasan na yata niya ang kalahati ng mundo. Minsan naman ay nakikita kong dumadaan ang mga dati kong kaklase sa highschool. Nakaramdam din ako ng panghihinayang dahil hindi ko na naipagpatuloy ang aking pag-aaral. "Garlic, hindi ka na ba talaga mag-aaral?" sigaw sa akin ni Donato, ang kaklase kong bantot. Sinlaki ng aratilis ang mga taghiyawat nito sa pisngi at pati yata sa ilong nito ay sarap na sarap tirisin. "Ano bang sinisigaw mo riyan, Bantot, este Donato? Eh, bakit nagtatanong ka pa? Alam mo namang hindi na ako nag-aaral ‘di ba?" inis kong sagot sa kaniya dahil ang lawak ng pagkakangiti niya at kita halos ang gilagid nito. "Ikaw naman. Nami-miss ka lang kasi namin sa school, eh. Ikaw pa naman ang paborito kong kaklase. Maganda na, matangkad at singkit pa. Bagay na bagay nga tayo, Garlic dahil ako naman ang pinakagwapo sa grupo," pagmamayabang pang sabi ng luko-luko. "Eeww!" agad kong suya sa kaniya sabay irap ng aking mata. "May salamin ba sa inyong bahay, Donato?" "Oo naman. Kitang-kita ko talaga sa salamin ang guwapo kong mukha," nakangisi pa rin niyang tugon. "Kitang-kita naman ang ebedensiya 'di ba? Crush nga ako ni Matutina, ang matalinong kaklase natin. Lagi siyang nakatingin sa akin lalo na kapag inaalis niya ang makapal niyang salamin sa mata." "Susmarya!" Agad na akong tumalikod at pumanhik ng bahay. Hindi ko na masikmura ang pagpupuri niya sa kaniyang sarili. Mabuti nga at inaalis ni Matutina ang salamin nito sa mata kaya malabong nakikita nito ang totoong mukha ni Donato. Hay, baka may masabi pa akong iba at malaki na naman ang kasalanan ko sa Diyos. "Garlic, naniniwala akong balang araw, magiging tayo. Papanhik ako ng ligaw sa iyo, kahit buwan at araw kaya kong ibigay, mapasaakin lang ang matamis mong 'oo'!" sigaw pa ni Donato na humahaba ang leeg dahil hindi na niya ako makita dahil nasa loob na ako ng bahay. "Gago! Hindi mangyayaring maging tayo! Sa iyo na iyang buwan at araw mo. Mukha mo pa lamang galaxy na may mga bituin na may cometa pa!" inis ko ring sagot sa kaniya at isinarado ko pa ang bintana para hindi ko na marinig ang muli niyang sasabihin. Nasilip ko pa siyang nagkakamot ng kaniyang ulo. Sorry na lang kasi hindi siya ang tipo kong maging forever. "Tse!" Kung hindi lang sana namatay si Inay Consing, siguradong hindi ako nahinto sa pag-aaral. Ang Itay Bagweng kasi ay isang hamak na karpentero, laborer din sabi nila. Mabuti naman kung may ipagagawa sa kaniya, makabibili kami ng bigas at ulam. Ang kapatid na sumunod sa akin ay nasa ikaanim na baitang na rin at ang bunso naming kapatid ay anim na taong gulang na rin at nagsisimula nang mag-aral. Puro kaming babaeng magkakapatid, hindi yata marunong sina Tatay at Nanay gumawa ng lalaki. Pero in pernes, magaganda naman kaming lahat, lalong-lalo na ako. Si Ate Aying ay huminto rin sa pag-aaral sa sekondarya. Tumutulong siya kina Aling Monica sa pagtitinda ng kanilang maliit na grocery store sa bayan para may pandagdag din sa gastusin sa bahay. Kaya, ako na ang gumagawa minsan ng mga gawaing-bahay. Nakapapagod nga lang. "Garlic, nakapagluto ka na ba ng ulam natin para sa hapunan?" tanong kaagad ni Ate Aying pagkagaling niya sa kaniyang trabaho. "Unan? Nasa kabilang aparador po, Ate ang mga unan," dagli kong sagot sa kaniya. "Huwag ka ngang magbingi-bingihan, Garlic ha, pagod ako ngayon kaya gawin mo na ang dapat mong gawin," pigil na galit ni Ate Aying sa akin. "Ahh…lampin pala ang hinahanap mo, Ate? Bakit po ba, sino ang gagamit ng lampin?" Tatango-tango pa ang ulo ko sa kaniya. "Lumayo ka sa harapan ko, Garlic at baka tumama itong bote sa ulo mo. Grrrr...nakaiinis ka!" Galit na talaga si Ate at padabog na pumasok sa maliit naming kuwarto. Nangingiti akong palihim at napakamot ng ulo kapag galit ang ate dahil alam kong mayamaya ay siya na ang magluluto ng ulam. Iyon ang palaging scenario sa bahay subalit hindi ako nagpatinag sa kaniya at lalo ko siyang iniinis. Mabait naman minsan si Ate, kaya nga lang kapag pagod yata, laging bugnutin. Ako na naman ang lagi niyang pinipiktusan. Pagkalipas ng tatlong buwan ay nagkaroon kami ng bisita sa bahay. “Bagweng?” Agad akong lumabas ng mansion este bahay kubo pala para alamin kung sino ang nasa labas. "Tiya Sonita, naku ang ganda na po ninyo!" sigaw kong bungad sa pinsang buo ni Inay. "Ikaw talaga, Garlic lagi mo na lang akong binobola. Oh, kumusta kayo rito?" nakangiti ring tugon ni Tiya Sonita. “Talagang maganda po kayo. Nasa lahi natin 'yan. Pasok po kayo, Tiya.” Nagmano rin ako sa kaniya. “Ay oo nga. Ilang taon ding hindi ako nakapasyal dine.” "Oo nga po, eh. Ginger, Onion, magmano nga kayo kay Tiya Sonita at saka hindi ba ninyo napansin? Maraming plastik na dala ang Tiya at siguradong may marami siyang pasalubong sa atin," Iyon talaga ang sinabi ko at napatawa naman ang Tiya Sonita. "Mano po, Tiya Sonita." Sabay namang mano nina Ginger at Onion. "Hanggang ngayon palabiro ka talaga, Garlic. Kaawaan kayo ng Diyos mga pamangkin ko. O siya, sa inyo nga itong mga plastik na dala ko, pagpasensiyahan na ninyo ang maliit kong pasalubong, ha," turan ni Tiya Sonita sabay abot ang plastik sa amin. "Maraming salamat po, Tiya. Okay lang po, ang importante ay may pasalubong po kayo. Teka, kailan ba kayo umuwi galing ng Maynila?" tanong ko sa kaniya. "Kahapon lamang ng hapon. Ang itay mo nasaan na pala at saka ang Ate Aying ninyo?" "Si Itay ay nasa kabilang bayan pa po. Si Ate naman ay mayamaya’y nandiyan na rin dahil tumutulong siya sa tindahan ni Aling Monica sa bayan," sagot ko naman at sinimulan ko nang buksan ang mga plastik na dala ni Tiya Sonita. "Maganda po ba talaga sa Maynila, Tiya?" "Talagang maganda ang Maynila, Garlic. Napakalawak, napakaganda ng mga ilaw kung gabi at napakagandang lugar para pasyalan. Maraming guwapo at mga magaganda roon. Halos maluluwa ang mga mata mo sa nagagandahang mga paninda. Masasabi mong paraiso talaga ang Maynila," tugon naman ni Tiya Sonita na kumikislap pa ang mga mata nito habang inilalarawan ang Maynila. Lalo akong naging interesado. Napukaw ang aking natutulog na kalamnan. "Talaga po, Tiya? Sana po makapunta rin ako roon. Sige na po, sa susunod mong balik sana isama mo na po ako, Tiya, please," pagsusumamo ko sa kaniya. Pinagdaop ko pa ang aking mga kamay para pumayag siya. "Eh, walang problema sa akin. Kung papayagan ka ng itay at Ate mo, isasama kita sa susunod na araw," turan naman ng Tiya Sonita na nagpangiti sa akin. "Talaga po?" Sa isip ko, sa wakas makapupunta na ako ng Maynila. Dagli ring nagpaalam si Tiya Sonita dahil dadaanan din niya ang isa pa niyang pinsang nasa kabilang baryo. Nang dumating mula sa bayan si Ate ay dahan-dahan akong pumalapit sa kaniya. Tila maganda yata ang modo niya. Siguro tapos na ang buwanang daloy niya. Sinubukan kong magpaalam sa kaniya. Ilang oras din ang panginluhod ko kay Ate Aying. Ayaw niya talaga akong payagang sumama sa Maynila. "Ate, please naman oh, payagan mo na akong sumama kay Tiya Sonita sa Maynila," pagmamakaawa ko na sa kaniya. Nagpaawa effect talaga ako sa kaniya ngunit tila hindi siya tinablan. "Hoy, Garlic ano naman ang gagawin mo roon ha? Wala ka ngang alam na trabaho rito sa bahay, pagbibingi-bingihan nga lang ang alam mo, tapos makipagsapalaran ka sa Maynila?" galit niyang tugon sa akin. Napabuntong-hininga na lamang ako at sabay irap sa kaniya.Tamang dumating na si Itay mula sa kaniyang trabaho kaya sinalubong ko na siya kaagad. Hindi pa nakaupo ang itay ay niyakap ko na siya. "Ang pogi-pogi naman ng tatay ko Bagweng. Gusto mo bang uminom ng tubig, Tay?" "Aba, anong nakain mo, Garlic at biglang pumogi ako sa paningin mo? Hay…salamat naman at bibigyan mo ako ng tubig. Tamang-tama dahil nauuhaw nga ako," agad naman niyang sagot. Dali-dali akong kumuha ng tubig sa refrigerator namin ay teka…wala pala kaming refrigerator, sa banga pala nakalagay ang tubig namin. "Ito na po ang malamig mong tubig, guwapo kong Itay." Agad kong ibinigay ang tubig at kinuha ang basahan sa gilid ng mesa at ipinunas ko sa mga pawis ni itay. "Ano kayang nangyari sa batang ere at biglang bumait at maasikaso? Teka...ano ba naman iyan, ang langsa naman ng ipinampunas mo sa mukha ko," reklamo ni Tatay at saka umismid ang kaniyang bibig dahil dumapo yata ang ilang dumi na nanggaling sa basahan sa kaniyang bibig. "Ay sorry po Itay-" "Naku, alam ko na iyang pag-aasikaso umano ni Garlic sa iyo, Itay, may hihinging pabor iyan sa iyo," salo ni Ate Aying sabay tingin sa akin nang hindi maganda. Mabuti na lang at maganda pa rin ako kahit nginungusuhan ako ng istrikta kong ate. Pinairapan ko siyang muli ng aking mga mata. "Ganoon ba? Ano na namang pabor kaya iyan, Garlic ang sinasabi ng ate mo?" Tumingin na rin si Itay sa akin. Ikiniskis ko ang aking mga palad. Kinakabahan din ako dahil alam ko ring hindi papayag si Itay sa gusto ko. Nakailang buga ako ng hangin bago ako nagsalita. Tinabihan ko siya sa upuan. Nagdrama effect ako para makuha ang kaniyang loob. "Itay, mula nang mamatay si Inay ay nagdurusa na po ang puso ko. Wala na akong nagawang tama rito sa bahay. Ginagawa ko naman ang lahat para makatulong, pero kulang pa ‘yon, Itay, kulang pa. Naiinggit ako sa mga kaklase kong dumadaan dito sa ating mansion este bahay kubo pala, dahil mabuti pa sila nakapag-aral pa samantalang ako, nandito lang sa bahay nganga nang nganga sa walang katapusang utos ni Ate. Lagi pa niya akong pinapagalitan at hinahampas ng walis. Nasisira ang beauty ko dahil nandito lang ako sa bahay. May mga pangarap din po ako, Itay, sana po payagan po ninyo akong sumama kay Tiya Sonita sa pagbabalik niya sa Maynila sa susunod na araw," paluha-luha kong sabi sa kaniya. Parang effective din naman kasi parang iiyak din siya sa drama effect ko. "Ha? Sa Maynila kamo? Ang layo naman, Garlic, at saka ano naman ang gagawin mo roon? Tatanga-tanga ka pa naman minsan. Ayoko, hindi ako papayag." Biglang nawala ang drama sa kaniyang mukha at napalitan naman ito ng kunwaring galit na mukhang nakaharap sa akin. "You hurt my feelings naman, Itay, sige na po maawa naman po kayo. Promise po hindi ako tatanga-tanga roon sa Maynila," muli kong pagsusumamo kay Itay. "Huwag kang padadala sa lambing ng kambing na iyan, 'tay, wala ngang alam iyan sa mga gawain dito sa bahay kahit pagwawalis, tinatamad pa. Mainam ngang hahampasin ka ng walis para matuto ka sa mga gawaing bahay. Ano ang gagawin mo kapag nagtrabaho ka roon, magbibingi-bingihan? Isang araw pa lang, siguradong sesante ka na. Hay naku, kung ako sa iyo, Garlic kumain ka na ng ginisang kangkong siguradong mabusog ka pa. Pakainin mo na rin sina Onion at Ginger dahil kanina pa gutom ang mga iyon. At saka bakit hindi ka pagagalitan, wala kang alam na gagawin dito sa bahay kundi ang tumunganga buong maghapon. Ang mga lalabahin ilang araw mo nang tinitigan," sermon na naman ni Tikbalang, aww ni ate Aying pala. "Ate naman, eh. Masisira ang kamay ko sa kalalaba araw-araw." "Tama ang ate mo, baka kung mapaano ka roon sa Maynila, Anak. Ang layo-layo pa naman noon sa probinsiya natin dito. Dumito ka na sa atin at hayaan mo, kapag makaipon na ako, makababalik ka na sa pag-aaral," wika naman ni Itay. Huminahon na rin ang boses niya at agad na tumayo upang maghugas ng kamay. Hindi na ako kumibo. Nagagalit talaga ako sa ate kong tikbalang. Iiling-iling naman ng kaniyang ulo ang itay. Alam ko namang mahal niya ako pero siguradong naluto na ang isip niya sa mga sermon ni Ate sa akin. Balak kong hindi kumain. Nagtatampo talaga ako. Gustong-gusto ko talagang pumunta ng Maynila. Baka nandoon ang kapalaran ko kaya bahala na, sa ayaw at sa gusto nina ate Aying at Itay ay kailangang makasama ako kay Tiya Sonita sa Maynila. Kailangan kong gumawa ng paraan. Pinairapan ako ni Ate habang hindi na yata maipinta ang aking mukha dahil sa pagkadismaya. "Panira ka talaga ng moment, Ate..." "Hoy, anong kinikibo ng nguso mo, ha? Pakainin mo na sina Ginger at Onion. Ligpitin mo kaagad ang mga pinagkainan nang may halaga ka naman sa bahay na 'to." Hindi na ako sumagot. Pumasok na ako sa maliit naming kuwarto at saka tinabunan ko ng unan ang aking taenga. Ayoko nang marinig ang putak ni Ate. Kahit kailan kontrabida talaga itong ate ko. Bahala na, sa ayaw at sa gusto nila, pupunta ako ng Maynila. The weather is for me kaya wait and for see.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

My Possessive Boss (R18 Tagalog)

read
572.5K
bc

Tamed to Be Yours

read
385.0K
bc

POSSESIVE MINE

read
969.5K
bc

One Last Cry for a Mafia Boss (Tagalog Story)

read
580.2K
bc

Spending Night With The Millionaire (TAGALOG-18+)

read
398.1K
bc

The Billionaire's Obsession

read
2.7K
bc

My Millionaire Boss

read
1.7M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook