bc

Falling for my Rebound Girl (Filipino / Tagalog)

book_age12+
1.2K
FOLLOW
4.0K
READ
love-triangle
family
age gap
goodgirl
inspirational
drama
tragedy
lonely
waitress
passionate
like
intro-logo
Blurb

Nang mamatay ang magulang ni Marisol dahil sa isang aksidente, kasamang ibinaon ng mga ito ang pag-asa niyang maging masaya at mamuhay nang maalwa. Naging masalimuot ang buhay niya sa kamay mismo ng tao na dapat sana ay pumoprotekta sa kaniya. Nang magkaroon siya ng sapat na lakas ng loob ay kaagad siyang tumakas sa kabila ng lamog niyang katawan. Dala ng labis na gutom at pagal na katawan ay nalugmok siya sa daan. Natagpuan siya ni Tyrone Belmonte at dinala siya hacienda na pag-aari ng abuela nito at iniwan doon.

Makalipas ang dalawang taon, hindi niya inaasahang hihingi ng pabor sa kaniya si Tyrone... ang magpanggap na nobya nito para pagselosin ang runaway bride nito. Okay na sana, ang kaso, na-in love naman siya sa lalaki kahit alam niyang mahal pa rin nito ang dating nobya.

At tila ba talagang hindi sila naaayon sa isa't isa at balak talaga silang paghiwalayin ng tadhana. Bukod kasi sa kinailangan niyang umalis dahil natunton siya ng tiya niya, nalaman din niya ang hindi kaiga-igayang katotohanan tungkol sa pagkamatay ng magulang niya na may malaking kinalaman kay Tyrone at sa pamilya nito.

Kaya mas minabuti niyang lumayo at magtago bago pa siya tuluyang malugmok sa pagmamahal sa maling tao at tuluyang masaktan ang walang muwang niyang puso.

Pero, hanggang kailan niya iiwasan ang tadhanang matagal nang nakatakda sa kaniya at kay Tyrone? Maiwasan kaya niya ang muling pagsibol ng pag-ibig sa binata at panatilihin ang galit niya sa dibdib?

chap-preview
Free preview
CHAPTER 1.1
MARAHANG kinuha ni Marisol ang larawan ng namayapa niyang magulang na nasa loob ng bulsa niya. Kaagad niyang nakagat ang pang-ibabang labi niya nang masilayan ang nakangiting mukha ng mga ito sa larawan. Hindi niya napigilan ang muling pagbagsak ng mainit na luha mula sa kaniyang mugto pa ring mga mata. Muli siyang napaigik at saka nagtaas-baba ang kaniyang balikat sa paghikbi. Hindi pa rin niya matanggap na sa isang iglap ay kinuha sa kaniya ang pinakamamahal niyang magulang dahil sa isang aksidente. Sa nanginginig na mga kamay ay marahan niyang hinagod ang tangan na larawan habang impit na umiiyak. Kahit pa nga sinubukan niyang pigilin ang sariling huwag nang umiyak ay hindi niya talaga magawa. Sobrang sakit ng nararamdaman niya na para bang pinupunit ang puso niya nang paulit-ulit. “Nanay ko… tatay ko,” usal niya habang nakatitig sa larawan kahit pa nga nanlalabo ang kaniyang mga mata sanhi ng patuloy na pagmilibis ng mga luha sa pisngi niya. Dinala niya ang larawan sa dibdib niya na para bang sa pamamagitan noon ay mapupunan ang habag at pangungulila niya. “Nanay ko… tatay ko…” paulit-ulit na sambit niya sa namamaos na boses. Sa murang edad niya na siyam na taong gulang ay kailangan niya nang mamuhay ng mag-isa simula ngayon dahil wala naman siyang kakilalang kamag-anak ng mga magulang niya. Noong bata pa ang magulang niya, kapwa naglayas ang mga ito. Sa katunayan ay nagkakilala ang mga dalawa sa lansangan at nagsimulang magmahalan. Nagpursige ang mag-asawa na makaahon sila sa kahirapan para magkaroon siya ng magandang kinabukasan bagama’t nakamulatan na rin niya ang pamumuhay sa kalye at pagtira sa ilalim ng tulay. Edad pito siya nang lumipat sila sa bahay na ito na pinagsikapan ng kaniyang mga magulang na maipundar. Sa loob ng dalawang taon ay naging magaan ang buhay nila sa tahimik na baryong iyon. Mababait ang mga kapit-bahay nila at kailanman ay walang nakaaway ang mga magulang niya roon. Ang mga kaibigan niya ay pawang kapatid ang turing sa kaniya. Sa loob ng mga taong pamamalagi nila sa munting bahay na iyon, sinigurado ng magulang niya na hitik na hitik sa pagmamahalan at pawang halakhak ang pupuno sa bahay na iyon. Sa tuwing uuwi ang kaniyang ama’t ina mula sa pagtitinda sa talipapa ay palagi itong may pasalubong na bananaque na paborito niyang miryenda. Muli niyang iginala ang mga mata sa hungkag na apat na sulok ng kuwarto nila. Muling tumulo ang luha niya na kalaunan ay naging hagulgol. Sa isang iglap, ang kanyang masayang pamilya ay dagling nawala. Biglang kinuha sa kaniya at hindi niya maintindihan kung bakit. Bakit kailangang ang magulang pa niya? Ilang katok ang pumukaw sa pag-alala sa kaniyang mga magulang kasunod ng malumanay na pagtawag sa pangalan niya. “Marisol, ineng?” Tinig iyon ni Aling Pacita, ang pinakamalapit na kaibigan ng nanay niya at isa sa mga kapit-bahay nila. Isa ito sa mga dumamay kaagad sa kaniya nang mamayapa ang magulang niya at siyang tumulong sa pag-aasikaso sa lamay. Mabilis niyang pinahid ang mga luha niya saka tumayo mula sa pagkakaupo sa papag na kama. Nakatungo niyang binuksan ang pintuan ng kuwarto. Hindi niya kasi kayang salubungin ang naaawang tingin nito. Mas lalo kasi siyang nahahabag sa sarili. “Anak, ihatid na natin ang nanay at tatay mo,” anas nito saka siya inakbayan at iginiya papunta sa harap ng ataol ng mga magulang niya. Pinigil niya ang sariling magwala. Pinigil niya ang sariling pumalahaw ng iyak. Tanging mahinang hikbi lamang ang pinakawalan niya habang hinihimas ang salamin na tumatabing sa mga mukha ng magulang. ‘Nanay, tatay, bakit n'yo po ako iniwan kaagad? ‘Di ba po sabi n’yo walang iwanan? 'Di ba ang sabi n'yo mag-iipon tayo para makatapos ako hanggang college. Ano na po ang gagawin ko? Wala na po akong pamilya dito. Paano na po ako? Ang daya n’yo! Ang daya-daya n’yo!’ hinagpis ng isip niya habang pasalit-salit ang tingin sa mga magulang. “Halika na, anak,” yaya ni Aling Pacita habang nakaakbay sa kaniya. Nagpatianod na lamang siya sa ngayon ay itinuturing niya na pinakamalapit na karamay. Hinawakan din ni Caloy, ang anak ni Aling Pacita na dalawang taon lamang ang tanda sa kaniya at itinuturing niyang best friend, ang kaniyang kamay bilang pagbibigay ng lakas ng loob. Habang naglalakad sa likod ng sasakyan kung saan nakasakay ang labi ng kaniyang mga magulang, ay blangko ang laman ng utak niya bagama’t walang habas ang pagdaloy ng luha niya. Ito na ang huling sandali na masisilayan niya ang mukha ng mga ito. Inihatid na nila sa huling hantungan ang magulang niya. Unti-unti na ring naubos ang mga tao na nakiramay sa kanya. Laking pasalamat na lamang niya talaga at bumuhos ang suporta ng lokal na pamahalaan sa kaniya at sinagot din ng may-ari ng kotse na nakasagasa sa pedicab ng tatay niya ang pagpapalibing at libingan ng magulang niya bagama’t nagsampa pa rin sila ng kaso laban sa driver ng kotse kahit pa nga itinuring na isang aksidente ang nangyari. “Nakikiramay kami, hija,” mula sa likod ay wika ng isang matandang lalaki saka nagbigay ng isang sobreng may lamang pera ng pakikiramay. Wala sa huwisyong tinanggap niya iyon bagama’t saglit lang niya itong tinapunan ng tingin. Sinulyapan lang din niya ang dalawa pang kasama nitong lalaki, isang may katandaan na halos kasing-edad ng tatay niya at ang isa naman ay halos kasing edad ng ate ni Caloy at medyo chubby. Muli niyang binawi ang tingin at saka niya itinutok ang mata sa lupang tumabon sa labi ng kaniyang mga magulang. Halos ilang minuto nang tapos tabunan ng lupa ang kabaong ng mga magulang niya ngunit nananatili pa rin siyang nakamata sa harap ng huling himlayan ng mga ito. Mabigat na mabigat pa rin ang pakiramdam niya at para bang hindi niya kayang iwan ang mga ito roon. Isang tapik sa balikat ang pumukaw sa atensyon niya. Pinahid niya ang kaniyang luha saka humarap. Bahagya pa siyang nagulat dahil akala niya ay si Aling Pacita ang tumabi sa kaniya. “Hija, tahan na. Hindi ‘yan makakabuti para sa iyo," nakauunawang wika ng babae. Halos kasing-edarin lang siguro nito ang nanay niya. Maaliwalas ang mukha nito at bahagyang mataba. Kinagat niya pang-ibabang labi niya. Pakiramdam niya ay maiiyak na naman siya dahil sa naaawang tingin nito. Marahan siya nitong kinabig at niyakap. Nang dahil na rin sa matinding emosyon ay hindi na niya nagawa pang magtanong. Muli siyang napahagulgol. Maagap naman nitong hinagod ang likod niya saka siya pinaupo sa upuan at binigyan ng tubig. Nanginginig ang mga kamay na uminom siya sa bote para na rin kalmahin ang sarili. Makailang beses siyang bumuntong-hininga bagama’t humihikbi pa rin. Hinayaan lang siya nito at ni Aling Pacita na noo’y tumabi sa kaniya at hinawakan ang kamay niya. Makalipas ang ilang sandal ay nag-angat siya ng tingin. Noon niya napansin ang mga kasama nito na nakaupo ‘di kalayuan sa kaniya at pawang nakikisimpatyang nakatingin sa kaniya. “Anak, kaibigan sila ng nanay at tatay mo,” pauna ni Aling Pacita nang nagtatanong ang mga mata niyang tumingin dito. Muli siyang tumingin sa babae at hinintay itong magsalita. "Hija, ako si Manang Juanita. Social Worker ako. Nakilala ko ang magulang mo dahil lagi silang nagvo-volunteer sa amin noong nasa Maynila pa kayo," pakilala nito. Tumango lamang siya. Marami pang sinabi sa kaniya ang babae ngunit walang pumasok sa isip niya. Wala siyang naintindihan. Magulong-magulo pa ang isip niya na nahalata naman nito kaya’t nagpasya itong sa bahay niya na lamang sila mag-usap.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Married By Mistake

read
170.7K
bc

The Ex-wife

read
210.8K
bc

Wanted Perfect Yaya

read
241.5K
bc

Contract - Tagalog

read
753.5K
bc

The Professor's Wife

read
449.2K
bc

The Heartless Billionaire (Tagalog)

read
698.8K
bc

The Billionaire's Bed Warmer ✔

read
91.4K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook