Chapter 3: I am Vince, Tramos

3273 Words
Maraming mga pagkakataon at posibilidad sa buhay ng tao ang hindi inaasahang dumating. Maraming mga pangyayari at kaganapan na bagaman inasahan nga, ngunit hindi rin minsan matanggap ng mga mortal sa daigdig. Kung bakit hindi pa dapat, kung kahit hindi pa muna, kung bakit huwag muna. . . Maraming plano at mithiin ang isang tao sa kaniyang sarili at mga mahal sa buhay. Kung bakit hindi pa dapat maganap ang dapat maganap ay dahil nais ng partikular na tao na maabot muna ang lahat ng iyon. Nais muna ng mga mortal na bigyang katuparan ang mga minimithi bago lisanin ang mundong ibabaw. Gaya na lamang ng situwasyon ni Vina. Oo, maraming problema si Vina. Mabigat at masama ang kaniyang loob. Minsan, naiisip niya na lamang na maglaho dahil animo’y hindi na matapos-tapos ang kaniyang paghihirap mula sa mental, pisikal, emosiyonal, maging sa sikolohikal. Ngunit kailanman, hindi hiniling ni Vina na mamatay at mamaalam sa mundo. Hindi ito ang hiniling niyang pansamantalang kapahingahan. Hindi ito ang hinihingi niyang sagot sa lahat ng kinakaharap na problema. Kung bakit ayaw pang mamaalam ni Vina sa mundong ito gayong nasa harap niya na si kamatayan at sinusundo na siya nito? Dahil magsisikap pa siya sa buhay. Magpupursigi pa siya at magpapakahirap. Ilalabas niya pa ang kaniyang ama sa kulungan dahil ito na lamang ang natitira sa kaniya. Mamumuhay pa silang magkasama malayo sa makamundong reyalidad. Magiging masaya pa sila at babawiin ang mga panahon na hindi sila magkapiling. Marami pang gustong gawin si Vina. Marami pa siyang pangarap. At kahit hindi man niya tanggap, kahit labag man sa kalooban, wala siyang magagawa sa paparating na truck na nasa harapan niya dahil ito na ang tatapos sa kaniyang buhay at mga minimithing pangarap. Dahan-dahang pumikit ang mga mata ni Vina at kasabay nito ay ang paninikip ng dibdib. Hanggang dito na lamang ba ang buhay ni Vina? Matatapos na lamang ba ang lahat ng mga pinaghirapan at pinagdaanan niya rito? Ngunit ilang sandali pa. . . Naramdaman ni Vina ang puwersang tumulak sa kaniya dahilan nito ay napamulat siya. Isang tao ang lumikha ng puwersa na iyon dahilan para sabay silang gumulong sa gilid ng highway at napahiga sa sementong lupa. Kasabay rin nito ay nalampasan sila ng ten wheeler truck na muntikan ng sumagasa kay Vina Oliveros. . . Napatitig si Vina sa mukha ng lalaki na ngayon ay nasa harapan din mismo ng mukha niya dahil nakapatong sa kaniya ang lalaki matapos ang paggulong sa semento. Nagulat siya nang maalala ang mukha ng lalaki! Dali-dali siyang bumangon at ganoon din ang lalaking nagligtas sa kaniya. Nagkatitigan sila at gulat din ang mukha ng lalaki na ikinataka ni Vina—ngunit nangibabaw sa dalaga ang pagkamangha dahil bukod sa nailigtas siya ay naalala niyang ito rin ang lalaking nagligtas sa kaniya sa harap ng jail noong na-hostage siya kanina! Ito ang lalaking tumitig lamang sa lalaking nang-hostage kay Vina ay nawalan na ng malay at nadakip ng pulis! Ito ang lalaking bigla na lamang nawala matapos ang nangyari! “Ikaw ang lalaking iyon, hindi ba?” tanong ni Vina na hindi makapaniwala sa nangyayari. Ganoon pa rin ang hitsura nito. Naka-formal attire, malinis at disente ang dating, kampante ang mukha, at ngayon ay nakapamulsa. Hindi maaaring magkamali si Vina! Ito nga ang lalaki! At nang mapatingin siya sa maliit na nameplate sa kanang dibdib nito, sa tapat ng puso, naka-engrave ang pangalang ‘Pedrosa’ at ang position nito na ‘General Manager’. “Of course, you must remember and not forget me, Vina Oliveros. Dalawang beses na kitang iniligtas. How ungrateful you are kung kalilimutan mo ang pangalan ko, hindi ba?” Dali-dali nilang inayos at pinagpagan ang kanilang mga sarili. Nalagyan ng alilabok at lupa ang ilang bahagi ng kanilang kasuotan. “Kaya nga hindi ko nakalimutan ang pangalan mo dahil—sandali! Paano mo nalaman ang pangalan ko?!” gulantang na buwelta ni Vina. Bahagyang nabigla si Vina at napatitig sa kabuuang hitsura ng lalaki. Hindi pa man din nakapagsasalita ang binata, sunod-sunod na pagsigaw na ang kanilang narinig—na galing sa isang traffic enforcer na nagmamando sa kalapit na kalsada. Hinihingal pa nga ito at nakahawak sa tuhod habang pawisan din. “Miss! Magpapakamatay ka na ba? Hindi ito ang tamang lugar para diyan!” “Pasensiya na po, Sir,” mahinahong saad ni Vina at bahagyang yumuko. Magsasalita pa sana ang traffic enforcer nang kaagad na sumingit ang lalaking katabi ni Vina. “Sorry, Sir, it is my fault. Nakita ninyo naman na nakayuko siya at malungkot na naglalakad kaya’t wala siya sa sarili. It is my fault because we had a fight. Nagalit ang girlfriend ko, Sir, forgive us, I’m so sorry.” Tumango-tango ang enforcer, senyales na sang-ayon naman ito sa paliwanag ng lalaki. Tatango na sana si Vina sa palusot na iyon ng katabing lalaki, nang mapagtanto niya ang mga huling sinabi nito na nagpakunot ng noo niya. Pinanlakihan niya ng mata ang lalaki. “Sana ay maayos ninyo ang problemang iyan at hindi na mauwi sa mas malaki pang pagtatalo. Mag-iingat kayong dalawa.” Nang makaalis ang traffic enforcer, “Ano ang sinabi mong girlfriend mo ako? Seryoso ka?!” “Of course, I'm not serious about that.” Ngumisi ang lalaki. “It is just an act. Don't you know na kailangan mong gumawa ng istorya para mapaniwala ang ibang tao? Isa pa, you should thank me for what I did, am I right? Magpasalamat ka nga at iniligtas kita at tinulungang makalusot sa enforcer na iyon.” Napaisip naman si Vina at natahimik. “What’s your plan? You’ll really kill yourself there?” tanong ng binata. “Just tell me if you want to die and I have many ways to.” “Hindi mo na kailangang malaman iyon.” “Matapos kitang iligtas? Hindi naman sa isinusumbat ko ang ginawa ko. Ngunit bakit ang sungit mo pa sa akin? I’m just asking you, Vina.” Napailing-iling ang lalaki at agad naman na nag-iwas ng tingin si Vina dahil doon. Kaya naman, nagpasalamat si Vina nang sinsero. “Paano mo pala ako nailigtas? Ang ibig kong sabihin ay paano mo nagawa iyon? Parang ang bilis mo naman yata?” tanong ni Vina na puno ng kuryosidad. “Hindi kita nakita sa kanan at kaliwang peripheral vision ko na paparating ka at tumatakbo. Para bang bigla ka na lang sumulpot nang basta-basta roon.” Dahil nasa gilid sila ng highway, dalawa sila ay napagpasyahan na pumunta sa tahimik na lugar at iyon ay walang iba kung hindi sa isang mapuno at madamong lugar na malapit. Sa tapat nila ay isang palaruan na abandonado na. “Kaninang umaga rin! Tinitigan mo lamang ang nang-hostage sa akin, nawalan na kaagad ng malay!” manghang litanya pa ni Vina. “Hindi ka naman maniniwala, kung sasabihin ko. Don't ask me.” “Ano?” nagugulumihanan na reaksiyon ng dalaga. “Ano ang ibig mong sabihin? Dapat ay sabihin mo para masuklian ko rin ang ginawa mo. Hindi sapat sa akin ang magpasalamat lang dahil iniligtas mo ang BUHAY ko.” “Ibig sabihin, gusto mong masuklian mo ang ginawa kong pagliligtas ko nang dalawang beses sa iyo, is that right?” pagkukumpirma ng lalaki at walang pag-aalinlangan namang tumango si Vina dahil buhay ang nakataya sa ginawa ng lalaki at hindi ito lalo basta-basta. Kung susuriin, magkaibang-magkaiba si Vina at ang lalaki—partikular na sa antas ng pamumuhay. Sa kasuotan pa lamang at sa kabuuan ay makikita na ang larawang ng dalawang mukha ng buhay rito sa daigdig. Napatikhim ang lalaki. Samantala, hinintay naman ni Vina ang sasabihin ng kaharap niya. “Sumama ka sa akin, doon ko sasabihin kapag nakarating na tayo,” mahinahong saad ng lalaki at hinigit ang braso ni Vina. Mabilis na napabaling ang tingin ni Vina sa braso at sa kamay ng lalaking nakahawak. Malambot ito, makinis, mainit, malinis, maputi, masarap sa pakiramdam sa pagkakahawak sa braso niya. Maglalakad na sana sila habang hila ang braso ng dalaga nang biglang pumigil si Vina. “At saan mo naman ako dadalhin? Pumayag na ba ako?” hamon ni Vina at binawi ang kaniyang braso. “Hindi pa nga kita kilala.” “Magpapakilala ako kapag nakarating na tayo sa lugar na sinasabi ko, Vina.” “Hindi ako sigurado kung sasama ako sa iyo. Hindi naman sa hinuhusgahan kita at lubos naman ang pasasalamat ko sa mga ginawa mo sa akin. Ngunit ngayong araw lamang tayo nagkita. Hindi natin kilala ang isa’t isa. Ang daya pa nga dahil alam mo ang pangalan ko ngunit hindi ko naman alam ang sa iyo. Paano kung isa ka palang kawatan? Kidnapper? Nagbebenta sa black market? Hindi, ayaw ko.” Sarkastikong napatawa nang mahina lamang ang lalaki. Napakunot naman ang noo ni Vina sa pagtawa ng kaharap. Napailing-iling ang binata at binasa ang labi. Ang kaninang mga kamay na nakasilid sa bulsa, ngayon nama’y magkakrus na ang braso sa harap ng dibdib. “Sinong masamang tao ang magliligtas nang dalawang beses sa buhay ng iba?” hamon ng lalaki kay Vina at hindi nagpatalo si Vina. Tumindig nang tuwid ang dalaga. “Paano kung ilan lamang iyon sa mga motibo mo para sumama ako sa iyo? Paano kung ang mga iyon pala ay instrumento mo para mapaniwala akong mabuti kang tao at basta na lang magpatangay sa iyo ngunit isa ka palang. . .” Inilabas ng lalaki ang kaniyang itim na wallet. “I’m Vince Pedrosa,” anang binata at ipinakita kay Vina ang kaniyang National ID, Postal ID, Driver’s License, at iba pang valid ID. “Here’s my business card, Vina Oliveros.” Itinuro ng binatang si Vince ang kaniyang nameplate kung saan nakasulat doon ang apilido at ang position na general manager. “Naniniwala ka na?” tanong ni Vince at manghang tumango-tango naman si Vina. Hindi siya makapaniwalang general manager ang kaharap na binata ng walong branch ng restaurant! At ang restaurant na ito pa ang pinapangarap niyang establisyimento na balang araw ay makakakain siya kasama ang ama! Walang iba kung hindi ang Four Central! Ang Four Central ay isa sa mga malaki at tanyag na fast food chain. Kumpleto ang kanilang line-up sa Menu pagdating sa mga pagkain mula breakfast hanggang dinner! “Why would I be interested in you where in fact, marami naman akong mayroon sa akin.” Wala ng nagawa si Vina nang hilahin siya muli ng binatang si Vince sa braso. Dumiretso sila sa waiting shed ng kalye at huminto ang isang taxi sa kanilang harapan. Mangha naman si Vina dahil talaga ngang mayaman ang lalaki. Marami pang katanungan sa isip ni Vina mula sa tapat ng kulungan, hanggang ngayon. Huminto na ang taxi. Saktong gabi na at madilim na ang paligid. Nakaharap sila ngayon sa isang malaking mansiyon na modern ang architecture. Nakatitig lamang si Vina sa mansiyon nang ilang minuto dulot ng hindi makapaniwala sa kaniyang nasa harap. “So rito ka nakatira?” tanong bigla ni Vina. Sa halip na sumagot ang binatang si Vince ay pumasok na ito sa loob ng higanteng gate. Dire-diretso itong naglakad at natatarantang humabol naman si Vina at sumabay sa lakad ng binata. Mangha si Vina habang inililibot ang paningin sa paligid. Wala siyang masabi. Makikita ang malaking fountain sa malawak na espasyo at sa paligid ng mansiyon ay ang maraming mga halaman at bulaklak na talaga nga namang nakagagaan ng pakiramdam. Sagana, malago, lahat ay maganda ang mga halaman at bulaklak na nakaeengganyong hawakan at lapitan. Tahimik ang kapaligiran. Sariwa ang hangin. Makikita rin ang mga lights sa paligid na nagdagdag liwanag. May magandang table naman at bench sa ilang bahagi at may mga naggagandahang vase. “Bakit mo ako dinala sa mansiyon mo? Ang ganda rito, ah?” ani Vina habang naglalakad sila patungong bukanan ng mansiyon. “Ikaw lang ang mag-isa rito?” Pumasok sila sa loob ng mansiyon at halos malaglag na ang panga ni Vina sa nakita. Kulang na lang ay lumuha na ang mga mata sa gulat dulot ng mga nasaksihan. Napalunok siya habang inililibot ang paningin sa paligid. Hindi niya alam kung ano ang gagawin at iisipin pagtapak pa lamang sa royal carpet... Napakaliwanag at napakaaliwalas ng buong paligid ng mansiyon! Pagpasok mo pa lang, bubungad na ang living room na talaga nga namang humihiyaw ng kayamanan! Pag-angat ng paningin, sasalubong naman ang maliwanag at nakamamanghang higanteng chandelier! Gintong maliwanag ang kulay nito! Pumasok pa sila sa loob. Parang nagkaroon ng sariling mundo si Vina! Tumakbo siya sa malawak na kitchen, living room, sa ilang mga hallways at separate rooms, ilang mga rest room, at ang kuwarto mismo ni Vince. Bumalik siya sa living room at naabutan niya ang binatang kumportableng nakasandal sa royal red and gold na sofa na naka-de-cuatro. “Hindi ako makapaniwala! Lahat ng ito ay sa iyo lang?! At ikaw lang ang nakatira dito?!” “May nakita ka bang ibang tao rito nang maglibot ka?” Lumundag si Vina sa kaharap na sofa ng kinauupuan ni Vince at humiga roon upang damhin ang lambot. Niyakap niya rin ang pagkalambot-lambot at makinis na unan na royal red at gold din ang kulay. Sunod ay naupo siya sa kusina sa kitchen at ipinatong ang mga kamay sa table habang nakangiti. Para bang lumulutang sa alapaap sa tuwa at mangha si Vina! Hindi siya makapaniwalang narito siya sa isang mansiyon! “Maniwala ka man o hindi pero ito ang first time ko na makapunta sa isang mansiyon—sa ganito pa kagandang mansiyon sa buong buhay ko!” tuwang-tuwang sigaw ng dalaga. Napailing-iling na lang ang binatang si Vince at hinayaan na magsaya si Vina. Ang binata ay nakasandal lamang sa sofa ngunit habang nakatingin sa dalagang halos gumulong na sa tuwa at mangha sa buong mansiyon, ang mukha naman ni Vince ay may pagkabahala. Ilang sandali pa, nang bahagyang mahimasmasan si Vina, malapad ang mga ngiti nitong naupo sa harapan ni Vince. “Bakit mo pala ako dinala sa mansiyon mo?” Napaayos ng upo si Vince at napatikhim ito. Tumitig siya sa mga mata ni Vina. Ang dalaga naman ay nakangiting naghihintay sa sasabihin ng binata. Malamig ang hangin at payapa ang gabi. Full moon ngayon at kita ang napakaraming bituin sa kalangitan. Tahimik ang paligid at payapa ang paligid. “You can stay here for the time being. Wala ka rin namang matutuluyan.” Ang kaninang nakangiting mukha ni Vina, ngayon ay napalitan ng pagtataka. Kaagad siyang napaayos ng upo, inilapit ang mukha kay Vince, umaasang baka nagkamali lang siya ng rinig sa mga binitiwang nitong salita. Nagugulumihanang napangiti pa si Vina. “Ano nga ulit ang sinabi mo?” takang tanong nito. Napaseryoso na ang mukha ng dalaga. “You can stay for the time being here in my mansion,” sagot ni Vince dahilan para lalong mapakunot ang noo ni Vina at magsalubong ang dalawang kilay. Bahagyang umurong ang kanang labi ni Vina. “Ha? Ako? Mag-stay rito kasama mo? Seryoso ka?” pagkukumpirma ni Vina. Nakaiintindi naman si Vina, sadyang hindi lang kayang i-digest ng kaniyang utak ang lahat ng mga narinig niya. Nang tumango si Vince, doon ay napatayo si Vina. Nakipagtitigan si Vina sa mata sa mata sa binata at hindi naman nagpatalo si Vince! Naghari ang nakabibinging katahimikan sa paligid at tanging mga hinga lamang nila ang maririnig. Sa huli, si Vina ang nag-iwas ng tingin kay Vince—natalo sa titigan nilang iyon. “Seryoso ka ba? Pag-i-stay-in mo ako rito sa mansion mo gayong ngayong araw lamang tayo nagkakilala at nagkaharap?” Tumango si Vince. “Huwag mong sabihing ito ang sinasabi mong kapalit ng pagliligtas mo sa akin nang dalawang beses?” Sa ikalawang pagkakataon, tumango si Vince. “Sorry, Sir sa sasabihin ko pero baliw ka na ba?” natatawa, hindi makapaniwala, naiinis, at nagugulumihanang ani Vina. “Iniligtas mo na nga ako nang dalawang beses, tapos ay gusto mo akong mag-stay muna dahil wala akong matutuluyan? Seryoso ka ba, Sir? O nagbibiro ka lang?” Sa katotohanan, malaki naman ang punto ni Vina sa mga oras na ito. Paanong iniligtas na nga ang buhay niya nang dalawang beses, ang kalapit pa ay manatili siya sa magandang mansiyon? Masyadong malaki, masyadong nakalulula, masyadong nakamamangha iyon! “Sobra naman yata iyon, Sir!” Hindi batid ni Vina kung ang tono at pahayag niya ay umaangal ba, tumataliwas, nagrereklamo. Sadyang hindi lang makapaniwala ang dalaga sa mga nangyayari. “Sobra na ito, Sir, hindi ko alam kung ano ang sasabihin at isasagot ko.” “You cant just call me Vince, you can be casual as you want. Huwag mo na akong tawagin sa ‘Sir’ dahil hindi ako sanay,” ani Vince at tumayo rin. “At tama ka, ito nga ang hinihingi kong kapalit sa pagliligtas ko sa iyo—ang mag-stay ka for the meantime sa mansiyon na ito, Vina Oliveros. Nothing more and nothing less.” Napabuntonghininga si Vina at napapikit. Hindi niya maintindihan ang sarili. Para bang panibagong sakit sa kaniyang ulo ang lahat ng mga nangyayari. Kung iisipin, positibo ang ginawa ng lalaki sa kaniyang buhay dahil nga iniligtas siya nito. At ngayon ay nagbigay pa ito ng pahintulot na mag-stay siya rito sa mansiyon, higanteng positbo ulit iyon! Ano na ang gagawin ni Vina ngayon? “Bakit gusto mong mag-stay ako muna rito sa mansiyon mo, VINCE? Wala ka namang masamang balak?” mariin na tanong ni Vina at naglakad sa harapan ng binata. “Dahil gusto mo ng umalis sa puder ng tiyahin mo dahil matagal ng hindi katanggap-tanggap ang pakitutungo niya sa iyo. You wanted to live and be free.” Napangisi si Vince at bigla namang namilog ang mga mata ni Vina! “You wanted to live on your own, right? Don't tell me, mali ang mga sinasabi ko, Vina Oliveros?” Dahan-dahang umatras ang mga paa ni Vina! Namimilog ang mga mata niya sa sunod-sunod na litanya ng kaharap na binata! Hindi siya makapaniwala! Hinding-hindi! “Paano mo nalaman ang tungkol doon?!” Itanggi man ni Vina, tama nga ang sinabi ni Vince na wala siyang matutuluyan kung sakaling umalis o palayasin siya ng Tiya Isabel niya. Imposible! Halos manginig sa takot si Vina sa mga oras na ito! Hindi niya alam ang sasabihin dahil natulala na lamang siya sa mukha ni Vince! Wala siyang masabi! Tila ba hindi niya mahanap ang kaniyang mga salita at tinakasan siya ng mga ito, hindi makabuo ng pangungusap na sasabihin sa nangyayari. Natauhan si Vina at umiling-iling sa sarili sabay hinarap si Vince. “Una ay nalaman mo ang pangalan ko gayong hindi ko pa naman sinasabi. Ngayon naman ay may alam ka sa buhay ko gayong hindi naman tayo lalong magkakilala. Sabihin mo, sino ka at ano ang pakay mo sa akin? Ano ang lahat ng ito?” Naupo si Vince sa sofa. Nanatiling nakatayo si Vina na puno ng katanungan ang kaniyang isipan. Hindi niya alam ang gagawin lalo pa at isang misteryosong tao ang kaharap ngayon. “Hindi ko rin makalilimutan ang ginawa mo sa lalaking nang-hostage sa akin kaninang umaga. Tinitigan mo lamang at nawalan ng malay kaya nakawala ako. Tapos ay ang bigla mong pagsulpot sa kung saan at nagawa mo akong mailigtas sa paparating na truck.” Napahinga nang malalim si Vina Oliveros. “Sabihin mo, sino at ano ka, Vince Pedrosa?” Muling tumayo si Vince at hinarap si Vina. Gaya ng nakagawian ng binata, isinilid nito ang dalawang kamay sa bulsa at tumindig nang tuwid. Binigyan niya ng kampanteng tingin si Vina ngunit hindi nagpatinag si Vina. “Isa akong Tramos, Vina...”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD