Chapter 3

1055 Words
WALA ang pamilya ni Roselle at titigil daw ang mga ito nang isang araw sa Tagaytay. Nagtataka ako kung bakit hindi siya sumama at sa halip ay mga kaibigan ang pinili. Kasama niya si Glenda kanina pero may dumating pang dalawa na parehong hindi ko kilala. Pakiramdam ko ay nasa contest sila kung sino ang may pinakamalalim na neckline ng blouse kaya naman ang mga lalaki sa bar ay panay ang sulyap sa kanila. “Upo ka. Ikukuha lang kita ng maiinom,” sabi sa akin ni Roselle. Ang bahay nila ay yari sa bato at nasa isang subdivision. Bungalow ang style at siguro ay may dalawa hanggang tatlong kuwarto. Not bad dahil nagbabarko naman ang stepfather niya, at least ay may pundar. “Dito ka na matulog at ihahatid na lang kita bukas pagkakain natin ng agahan. Medyo pagod na kasi ako kung lalabas pa tayo.” “Puwede naman akong mag-tricycle pauwi kung pagod ka na. Baka kasi magalit ang mother mo kapag dito ako nagpalipas ng gabi.” Ipinatong ko sa lamesita ang baso ng tubig na ininuman ko. Kaagad na kumalong sa akin si Roselle. “Ayaw. Dito ka lang. Gusto kong matulog sa tabi mo.” Yumakap siya sa akin. Nang maghikab siya ay tinanong ko kung alin ang kuwarto niya at sinabing sa dulong kaliwa. Binuhat ko siya habang nakapaikot ang mga binti niya sa baywang ko. Napatawa ako nang maramdaman ang mga labi niya sa aking leeg. “Akala ko ba inaantok ka na?” bulong ko sa kanya habang naglalakad ako papunta sa kuwarto niya. “Hmm.” Nang marating namin ang kuwarto niya ay bumaba siya mula sa pagkakakarga sa akin at tinungo ang banyo. Ang mga babae kasi ay may mga ritwal sa gabi bago matulog. Ang siste, wala akong pamalit. Naghubad na lang ako ng pantalon at T-shirt. Isinampay ko ’yon sa silya malapit sa study table niya para hindi gusot ang suot ko bukas pag-uwi sa amin. Kakatok pa lang ako sa banyo nang biglang bumukas ’yon at lumabas si Roselle na nakatapi lang ng tuwalya. Nag-shower siya pero hindi binasa ang buhok at amoy na amoy ko ang sabon na ginamit niya. “Libre na ang banyo kung gusto mong gamitin,” sabi niya sa akin. Nagtuloy ako sa banyo para umihi at maglinis ng katawan bago matulog. Medyo maalinsangan ang panahon kanina at ayaw kong mahiga sa kama na nanlalagkit. Hindi pa rin bihis si Roselle nang makalabas ako ng banyo. Naglalagay siya ng lotion sa katawan. “Saan ka hihiga? Kaliwa o kanan?” tanong ko sa kanya. “Sa kanan.” Kinuha ko ang remote ng TV bago nahiga. Si Roselle ay kumuha ng oversized T-shirt at isinuot ’yon saka tumabi sa akin. Niyakap ko siya at inihimlay ko ang aking pisngi sa kanyang tiyan habang nilalaro niya ang buhok kong medyo may kahabaan na. “Ano’ng pinapanood mo?” “Documentary,” sagot ko sa kanya. “Ang boring naman niyan.” Inagaw niya ang remote sa akin at saka pinatay ang TV. “Tulog na lang tayo.” Minsan na lang ako makapanood ng TV, nabulilyaso pa. “Okay. Late na rin naman.” Nang matanaw ko ang orasan kanina sa kuwarto niya ay alas-dos y media na ng umaga. Umayos ako ng higa at sa lambot ng kama niya ay mabilis akong dinalaw ng antok. Nagising na lang ako na nakayakap sa akin si Roselle. Wala siyang suot na panty kundi ang oversized T-shirt lang. Sinipa niya siguro ang kumot kagabi at ngayon ay hantad na hantad sa akin ang kanyang katawan. Inabot ko ang kumot at itinakip sa kanya saka bumalik uli sa tulog. Hindi ko alam kung nananaginip siya kaya kung saan-saan dumadapo ang kanyang kamay o sadyang mahilig lang siya. But when she started stroking me, napapikit na lang ako at in-enjoy ang ginagawa niya. Inililis niya ang kanyang damit at idinait sa akin ang kanyang dibdib. Wala kaming pormal na relasyon at tuwing magkikita kami ay nauuwi lagi sa s*x. Hindi ko rin alam kung may iba pa siyang lalaki at sa totoo lang ay ayaw kong magtanong. *** NANG makauwi ako sa bahay ay sinulyapan ako ni Nanay na kasalukuyang naghihiwa ng sibuyas. Nagmano ako sa kanya at dahil hindi siya makatiis ay nagtanong siya sa akin. “Anak, tuwing may tugtugan, alam kong inuumaga ka ng uwi. Pero bakit pakiramdam ko may kasamang pambababae ’yang tugtugan na ’yan? Baka masira ang pag-aaral mo,” paalala niya sa ’kin. Bago pa ako makasagot ay nagsalita na siya uli. “Alam kong binata ka at malaki ka na, pero ako pa rin ang nanay mo at tungkulin kong paalalahanan ka. Nasa ’yo pa rin naman ang desisyon. Ang sa akin lang, huwag kang magpadalos-dalos. Kakaiba na ang mga babae ngayon at parang kendi lang kung ipamigay ang sarili nila.” “Nanay, napa-paranoid ka na naman.” “Wulf, ayaw lang kitang mapikot. Sa hitsura mo, marami ang magkakagusto sa ’yo. At ang kaalaman na tumutugtog ka sa banda ay karagdagan pang puntos. Alam mo, kahit ’yong mga musikero na hindi kagandahang lalaki ay maraming naaakit na magagandang babae. Iyon ang mahika ng musika. Kaya mag-iingat ka riyan sa mga nakikilala mo.” Hindi ko masisisi si Nanay dahil marami kaming plano sa buhay at ang isa roon ay makaahon sa hirap. Gusto kong makaalis kami rito sa Aplaya at manirahan sa isang mas tahimik na lugar. Dito sa amin ay palagi na lang may nag-aaway at puro inuman ang paligid. Talamak pa ang prostitusyon at ayaw kong makalakihan ’yon ng kapatid ko at isiping normal ’yon. “Huwag kang mag-alala, ’Nay. Maayos ako at isa pa, nag-iingat ako.” *** LUMIPAS ang dalawang buwan, bihira na kaming magkita ni Roselle. Siguro once a week na lang at kahit sa school nila sa tapat ay hindi ko siya nakikita sa usual spot kasama ng mga kaibigan niya. Naisip ko na lang na baka may lakad sila ng kanyang pamilya o baka naman nanawa na siya sa akin at may iba na. Ganoon na lang ang gulat ko nang madatnan siya sa bahay namin. Nasa sala siya at nakatindig. Ayaw sigurong umupo sa bangko. “Roselle, ano’ng ginagawa mo rito?” May kakaiba sa kanya pero hindi ko matukoy. “Buntis ako.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD