Part 41: Sa Likod Ng Lahat

553 Words
Pagkaalis ni General Villareal at ni Kara, muling bumalik ang katahimikan sa kwarto. Naiwan kaming dalawa ni Adrian, pareho pa ring hawak ang kamay ng isa't isa. Ang mga salitang binitiwan ni General ay parang mabigat na batong iniwan sa dibdib ko, pero sa parehong oras ay tila gumaan din. Tahimik si Adrian. Nakayuko, parang nag-iisip nang malalim. Akala ko tuluyan na siyang maglalakbay sa sariling isip, pero bigla siyang nagsalita. "Alam niya na, David." Napatingin ako. "Ha?" Tumingin siya sa akin, diretsong tingin na para bang wala na siyang tinatago. "Matagal na. Matagal ko nang sinabi kay Tito ang tungkol sa atin. Hindi ko siya tinanong kung okay lang. Hindi ko siya inalam kung tatanggapin ba niya. Sinabi ko lang." Hindi ako agad nakasagot. Parang may kung anong kumurot sa dibdib ko—halo ng kaba at ginhawa. "At... hindi ka ba niya pinagalitan?" Umiling si Adrian, bahagyang ngumiti. "Hindi. Ang sabi lang niya, 'Kung iyan ang makakapagpatatag sa'yo, suportado kita. Basta siguruhin mong mamahalin ka ng taong pipiliin mo, higit pa sa buhay niya.'" Natahimik ako. Ramdam kong namigat ang lalamunan ko. Naalala ko ang mga sandali ng operasyon, ang bala, ang dugo—at ang pagpili kong sumalo para sa kanya. "David..." marahang tawag ni Adrian, halos pabulong. "Ngayon ko lang naramdaman na totoo pala. Na may taong kaya akong ipaglaban hanggang sa dulo. Kaya hindi ako natatakot kahit anong mangyari." Hindi ko alam kung paano ko mapipigilan ang emosyon. Kumapit ako nang mas mahigpit sa kamay niya. "Hindi ako titigil, Adrian. Kahit saan tayo dalhin ng laban na 'to." Saglit siyang natawa, pero halatang nangingilid ang luha sa mata. "Kaya pala hindi siya tumutol kanina. Kasi nakita na niya—na totoo." Sandaling katahimikan ulit. Hanggang sa maalala ko ang isa pang sinabi ni General bago siya lumabas. "Adrian..." nag-aalangan akong nagsalita. "Tungkol sa mungkahi ng Tito mo. Na ilipat ako sa Crame." Umangat ang tingin niya, agad. "Oo. Gusto kong pumayag ka." Huminga ako nang malalim. "Alam mong ibig sabihin no'n—lalayo ako sa team ko, sa unit na nakasanayan ko. Ibang mundo ang Crame. Mas mahigpit, mas mata sa mata." Tumango siya, seryoso. "Alam ko. Pero ibig sabihin din no'n—mas ligtas ka. Mas makakasama kita. At hindi na tayo mahihiwalay kapag may ganitong operasyon." Napatitig ako sa kanya. Nakita ko kung gaano kaseryoso ang mukha niya, wala na yung dati niyang lambing at biro. Ito na yung Adrian na binago ng lahat ng laban, ng lahat ng sugat, at ng lahat ng iniwan. "Adrian..." bumuntong-hininga ako. "Kung iyan ang paraan para maprotektahan kita... pumapayag ako." Nagliwanag ang mukha niya, parang naalisan ng tinik. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko, halos hindi na niya binitawan. "Salamat, David. Hindi ko hiningi na saluhin mo ang bala para sa'kin. Pero hihilingin ko na dito ka na, sa tabi ko, habang buhay." Hindi ko na napigilang ngumiti, kahit masakit pa rin ang sugat. "Kahit saan tayo dalhin ng buhay na 'to, Adrian... tandaan mo, pipiliin pa rin kita." At doon, sa tahimik na kwarto ng ospital, wala nang ibang ingay kundi ang t***k ng puso naming sabay na kumakaba. Wala na ring iba pang mas matibay na panata kundi ang mga salitang iyon—hindi bilang pulis, kundi bilang dalawang taong pinagbuklod ng sakripisyo at pagmamahal. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD