Mabigat ang bawat paghinga ko. Parang bawat hinga ay kailangang pag-isipan muna bago dumaan sa dibdib kong balot ng benda. Tahimik ang paligid, tanging tunog ng monitor at patak ng dextrose ang naririnig ko.
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Mapuputing kisame. Amoy antiseptic. Ospital. Ilang segundo bago ko maunawaan kung nasaan ako. At bago pa man tuluyang gumising ang diwa ko, may isang bagay na agad kong naramdaman—init ng palad na nakahawak sa kamay ko.
Si Adrian.
Nakahandusay siya sa gilid ng kama ko, nakatulog sa kalalapad ng braso ko. Magulo ang buhok niya, namumugto ang mga mata, halatang ilang araw nang hindi maayos ang tulog. Pero kahit nakapikit, ramdam ko ang higpit ng hawak niya sa kamay ko, para bang oras-oras niyang kinukumpirma na nandito pa ako, na humihinga pa ako.
"Adrian..." paos kong bulong.
Parang kidlat siyang nagising. Agad siyang napatingin sa akin, nanlalaki ang mga mata, puno ng luha na hindi pa man ay kumawala na.
"David!" halos mapasigaw siya, sabay tayo at hawak sa pisngi ko. "Thank God... gising ka na. Diyos ko, akala ko—" Nabitin ang tinig niya, natakpan ng sariling hikbi. Yumuko siya, idinikit ang noo niya sa kamay kong mahina kong iniangat.
Hinaplos ko ang buhok niya, pilit kong pinatibay ang tinig ko. "Adrian... buhay pa ako. Hindi mo na ako basta-basta mawawala."
Napailing siya, nanginginig ang balikat. "Alam mo ba kung gaano ako natakot? Sa putukan... sa ospital... bawat minuto iniisip ko na baka hindi ka na magising. Hindi ako tumigil sa pagdasal, David. Kahit isang saglit, hindi ako kumurap. Kahit ang mga doktor sinasabi na kailangan kong magpahinga, hindi ko kaya. Paano kung sa oras na iyon... bigla kang mawala?"
Nakagat ko ang labi ko, tinatabunan ng bigat sa dibdib ko ang sakit ng sugat. Ang tapang na pinakita ni Adrian sa laban, ngayon ay humarap sa akin bilang isang sugatang kaluluwa. At sa mga mata niya, nakita ko ang totoo—hindi lang takot, kundi pagmamahal na hindi niya na kayang itago.
"Adrian..." mahinang tawag ko. "Salamat. Dahil hindi ka bumitaw. Dahil ikaw ang dahilan kung bakit ako lumaban. Narinig ko ang boses mo, rinig ko ang bawat sigaw mo sa gitna ng putukan. Ikaw ang dahilan kung bakit pilit kong hindi ipikit ang mga mata ko."
Napahagulgol siya, hindi na niya tinago ang luha niya. Yumuko siya, itinago ang mukha niya sa balikat ko, maingat para hindi ako masaktan. Ramdam ko ang init ng luha niya na bumabagsak sa hospital gown ko.
"Akala ko... mawawala ka na rin sa akin, tulad ng lahat ng nawala sa buhay ko," garalgal niyang sabi. "Hindi ko alam kung kakayanin ko pa. Kaya pinilit kong manatili sa tabi mo, kasi baka kapag binitiwan kita, hindi na kita muling makita."
Pinilit kong igalaw ang kamay ko at hinawakan ang batok niya, marahang hinila para tumingin sa akin. "Adrian... tingnan mo ako."
Dahan-dahan siyang tumingin, punong-puno ng luha ang kanyang mga mata.
"Hindi ako aalis," mariin kong sabi. "Kahit ilang bala pa ang dumaan, kahit gaano karaming sugat. Hindi mo na ako mawawala. Kahit anong mangyari, kasama mo ako."
Humigpit ang hawak niya sa kamay ko, parang takot siyang mawala ako kung bibitaw siya kahit sandali. "David... hindi na ako natatakot umamin. Mahal kita. Higit pa sa lahat. At nung akala ko mawawala ka... doon ko mas naintindihan kung gaano ka kahalaga sa akin."
Tumigil ang oras. Wala na ang tunog ng monitor, wala na ang lamig ng ospital. Ang natira lang ay ang t***k ng puso naming dalawa, sabay sa isang tahimik na kumpirmasyon ng damdamin.
Napangiti ako, kahit mahapdi, kahit hirap. "Mahal din kita, Adrian. Matagal na. At kung ito man ang kapalaran natin—ako, ikaw, at ang lahat ng panganib na kasabay nito—lalabanin ko, basta't kapiling ka."
Bumagsak ulit ang luha niya, pero ngayon may kasamang ngiti. Hinawakan niya ang pisngi ko, marahang hinaplos. "Huwag mo na akong takutin ng ganito, Sarge. Hindi ko na kakayanin."
Napatawa ako nang mahina, kahit masakit. "Pero worth it naman, 'di ba? Napatunayan ko lang na handa akong sumalo ng bala para sa'yo."
"Bwisit ka," bulong niya, sabay halik sa noo ko. "Wala ka nang karapatang iwan ako. Kaya mula ngayon... kahit saan, magkasama tayo."
At sa gitna ng ospital na iyon, kahit sugatan, kahit mahina, ramdam kong mas buo kami kaysa dati. Hindi na ito tungkol sa tapang o desperasyon. Ito na ang totoo—pagmamahal na walang takas.
Itutuloy...