Pagkalabas ni Jenny, naiwan ang mabigat na katahimikan sa kwarto. Nakaawang pa ang pinto nang ilang segundo bago tuluyang sumara, at sa bawat tikom nito, ramdam kong parang may isang kabanata ng buhay ko ang tuluyan nang isinara.
Humugot ako ng malalim na hininga. Mabigat ang dibdib ko, parang ayaw akong payagan ng hangin na makaluwag. Napatingin ako sa mga kamay kong nanginginig—hindi ko alam kung dahil sa sugat, sa pagod, o sa bigat ng desisyon kong binitiwan.
At doon, bumukas muli ang pinto.
"David..."
Si Adrian. May dala siyang supot ng pagkain, pawisan, halatang nagmamadali. At nang makita niya ako, parang nawala ang lahat ng ingay sa paligid.
Iniwan niya ang dala sa mesa at agad lumapit sa gilid ng kama. Hinawakan niya ang kamay ko, mahigpit, parang ayaw na niya akong pakawalan.
"Kanina pa ako nagmamadali. Nag-alala ako baka may mangyari habang wala ako," bulong niya, halatang pigil ang kaba.
Wala akong agad masabi. Pinagmamasdan ko lang siya—ang pawis sa noo, ang pagod sa mata, pero higit sa lahat, ang katapatan ng tingin niya.
"Adrian..." mahina kong tawag, halos pabulong.
Tumingin siya diretso sa akin, matatag, walang bahid ng pagdududa. Kahit alam niyang may nakita siyang lumabas kanina, hindi niya tinanong, hindi siya nanghusga.
"Hindi ko kailangan ng paliwanag," marahan niyang sabi. "Ang alam ko lang, salamat dahil buhay ka pa. At habang humihinga ka, David, hindi kita iiwan. Hindi na."
Para akong binuhusan ng init sa gitna ng malamig na ospital. Napapikit ako, pinigil ang luha, pero tuluyan pa rin itong lumabas.
"Salamat," bulong ko, basag ang boses.
Ngumiti siya nang bahagya, saka inayos ang kumot ko at marahang hinalikan ang likod ng kamay ko. Mainit, totoo, at higit sa lahat—ramdam kong ligtas ako sa kanya.
Tahimik kaming nanood sandali, sinusubukang bumalik sa normal. Kinuha ko ang remote at binuksan ang TV, para maiba ang usapan.
At doon, isang breaking news ang tumama sa amin.
"Itinalaga na ng Pangulo si General Villareal bilang bagong Chief ng Philippine National Police..."
Parang huminto ang oras. Napatingin ako kay Adrian, siya rin sa akin—pareho kaming tulala, pareho kaming walang kaalam-alam.
"Hindi sinabi ni..." mahina niyang bulong, halatang gulat na gulat.
Bago pa namin mapag-usipan, biglang bumukas ang pinto.
At tumambad si General Villareal, nakasuot ng bagong opisyal na uniporme, matikas at malamig ang presensya. Kasama niya ang isang babaeng pulis na may gupit pang-lalaki, matalim ang tingin, parang may dala siyang sariling bagyong paparating.
Napatigil si Adrian, kusa niyang pinisil nang mas mahigpit ang kamay ko. Ako nama'y napalunok, ramdam ang tensyon na unti-unting sumisingit sa pagitan naming dalawa.
Itutuloy...