Ramdam ko pa rin ang t***k ng puso ko mula sa lakas ng tugtugin. Malakas ang bass, sabay sa hiyawan ng mga customer na para bang nawalan ng kontrol sa sarili habang nakatitig sa entablado. Sa gitna ng makukulay na ilaw, sumasayaw si Adrian—oo, ang Adrian ko—pero ngayong gabi, hindi siya si Police Senior Inspector Adrian Villareal.
Ngayong gabi, isa siyang macho dancer.
Pinilit kong ikubli ang pagkabigla ko kanina nang makita ko siyang pumalit sa dapat na asset namin. Hindi ko alam kung anong mas nangingibabaw—takot para sa kanya o init na hindi ko mapigilan habang nakikita kong gumagalaw ang katawan niyang para bang gawa sa apoy.
Ang crowd, halos mabaliw. Mga matrona, ilang bakla, at mga Hapon na halatang parte ng sindikato. Sumisigaw sila, nagtatapon ng pera, at halos punitin ang mesa para lang makalapit sa kanya. Lahat sila, gutom na gutom sa presensya niya.
Pero ako—ako na dapat ay simpleng alalay lang ng asset naming matrona—para akong binibiyak ng dalawang damdamin: galit at pananabik.
"Magaling ang bago nilang alaga," bulong ng matrona sa tabi ko habang ngumunguya ng mani. "Parang imported, 'no?"
Ngumiti lang ako ng pilit. Pero sa loob-loob ko, gusto kong tumayo at kaladkarin si Adrian palayo sa lahat ng matang iyon.
At saka nangyari.
Bumaba siya mula sa entablado. Parang lahat ng sigaw ay mas lumakas. Lumapit siya sa mga mesa, nagbigay ng ilang moves dito at doon, nilalaro ang buhok ng isang matrona, hinawakan ang baba ng isang bakla, pero halata kong wala doon ang mga mata niya.
Hanggang sa siya'y humarap sa direksyon ko.
Parang tumigil ang mundo. Hindi ko alam kung paano ko mapapanatili ang poker face ko sa mga sandaling iyon. Lumapit siya, dahan-dahan, bawat hakbang parang sinasadya. Sa dami ng mga customer na gustong akitin, bakit sa mesa namin siya dumiretso?
"Diyos ko..." bulong ng matrona naming asset, halatang kinikilig.
Paglapit niya, diretso ang tingin niya sa akin. Ramdam kong para bang binabasa niya ang kaluluwa ko. Pinilit kong iwasan ang mga mata niya, pero hindi ko kinaya. May apoy doon—at alam kong ako lang ang pinapaso.
Lumapit pa siya. Hinawakan niya ang balikat ko—mahigpit, parang sinasabi, kalma lang. At bago siya bumalik sa stage, dumungaw siya sa mukha ko, sobrang lapit na halos magdikit ang ilong namin.
Hindi ko alam kung paano ako hindi namula.
Ang crowd, lalo pang nabaliw. Ang akala nila, parte lang iyon ng palabas. Pero para sa akin, iyon ang pinakadelikadong move na nagawa ni Adrian ngayong gabi.
Dahil sa ilang segundong iyon, para bang nakalimutan kong undercover kami.
At hindi lang ako ang nakapansin.
Sa dulo ng VIP section, napansin kong may dalawang lalaking naka-itim na suit na seryosong nakamasid sa kanya. Mga Yakuza big shots. Nagbubulungan sila, at halatang interesado sa bagong "dancer."
Kinilabutan ako. Hindi lang dahil sa panganib na nasilip ko, kundi dahil naramdaman kong mas malalim ang pasok ni Adrian kaysa inaasahan naming lahat.
Pero sa kabila ng kaba at panganib, isang bagay lang ang iniwan ng gabing iyon sa akin—isang katotohanang hindi ko na maitatanggi:
Mas lalo kong minahal si Adrian Villareal, kahit ang bawat galaw niya ay naglalagay sa buhay naming pareho sa bingit ng kapahamakan.
Itutuloy...