Part 25: Mga Mata Sa Iisang Lalaki

736 Words
Habang nirereview ko ang notes ko sa gilid at si Adrian ay nagpunta ng CR... napansin ko agad na parang may kakaibang tingin ang ilan sa kanila—lalo na ang dalawang babaeng inspector na ngayon ko lang nakilala. "Master Sergeant Montoya, ikaw ba 'yung galing Batangas operation?" tanong ng isa, si Inspector Reyes, habang nakangiti. "Oo, Ma'am. Augmentation Force lang po ako noon at maski ngayon," sagot ko habang bahagyang nakayuko, out of respect. "Grabe... ang tapang mo. Narinig ko kung paano niyo hinarap yung mga Yakuza. Hindi basta-basta 'yon," dagdag naman ni Inspector Delgado, na medyo mas agresibo ang tono. Nagkibit-balikat lang ako. "Trabaho lang po. Gano'n naman talaga tayo sa serbisyo." Pero sa loob-loob ko, parang may kakaibang tension. Yung mga tingin nila, hindi lang admiration bilang kasamahan. May halong paghanga, na parang sinusukat ako mula ulo hanggang paa. Nahihiya ako, pero hindi ko rin maiwasang mapansin. Sa isang sulok ng kwarto, nakaupo si Adrian, hindi ko alam na tapos na siyang mag restroom, kunot ang noo habang nakikinig sa briefing notes. Pero ramdam ko na nakamasid siya. Hindi ko alam kung iniisip ko lang ba, pero parang bawat ngiti na binabato ng dalawang babaeng inspector, mas lalo siyang naninigas ang panga. Nagpatuloy ang briefing, at matapos nito ay nagkaroon ng maikling break. Si Ric Santos, gaya ng nakasanayan, agad akong nilapitan. "Montoya, tara, kape ulit tayo mamaya. May gusto lang akong linawin tungkol sa assignment natin," alok niya, na may halong ngiti at kumpiyansa sa boses. Bago pa ako makasagot, biglang lumapit si Adrian. Diretso, walang pasakalye. "Sir Santos, ako na siguro ang sasama kay Montoya. May ire-review pa kami sa tactical plan," aniya, halos hindi tumitingin sa akin. Sandaling natahimik ang paligid. Naramdaman ko ang kakaibang bigat ng palitan ng tingin nina Santos at Adrian—parang may laban na hindi ko maintindihan. Sa huli, tumango si Santos at ngumiti ng pilit. "Alright. Next time na lang." Nang maglakad palayo si Santos, hindi ko napigilang mapatingin kay Adrian. "Pre... kailangan mo bang gawin 'yon?" bulong ko. "Gusto ko lang masigurado na nakatutok ka sa mission. Ayoko ng distraksyon," matigas niyang sagot. Pero alam kong may ibang dahilan. Hindi ko na pinatulan. Pinilit kong ibaling ang atensyon ko sa report na hawak ko, pero ramdam ko pa rin ang init ng tingin ng mga babaeng inspector. Minsan, nagtatama ang mga mata namin, at agad silang magpapalinga, parang nahuli sa akto. Sa gitna ng lahat ng ito, naisip ko: Ano bang meron sa akin? Hindi ko naman iniisip na gwapo ako kumpara kay Adrian. Siya yung tipong pang-magazine cover—maputi, makinis, mukhang modelong pulis. Ako, moreno, rugged, may ilang peklat at marka ng mga taon sa serbisyo. Pero sabi nga nila, may ibang klaseng hatak ang aura ng isang lalaking matatag at handang sumugal. Siguro 'yon ang nakikita nila sa akin. Nang dumating ang tanghalian, sabay-sabay kaming kumain sa mess hall. Naupo ako sa dulo, pero kahit doon, lumapit pa rin sina Reyes at Delgado. "Master Sergeant, dito ka na lang. Masarap mag-usap habang kumakain," aya ni Delgado. Napakamot ako ng batok. "Ah, Ma'am, dito na po ako." Saktong dumating si Adrian, dala ang tray niya. Walang pasabi, naupo siya sa tabi ko, sobrang dikit na halos magkiskisan ang braso namin. Napatingin sa kanya sina Reyes at Delgado, at sabay silang ngumiti ng tipid—pero halata ang pagkadismaya sa mga mata. Tahimik lang akong kumain, pero ramdam ko ang tensyon sa hangin. Si Adrian, hindi man nagsasalita, parang may ipinapahayag ang presensya niya: na hindi ako basta pwedeng lapitan. Pagkatapos ng lunch, nagkaroon ng drill sa labas. Doon ko mas naramdaman ang silent rivalry. Si Santos, palaging nagvo-volunteer na mag-lead sa demo. Si Adrian, hindi nagpapahuli, laging sumasalo ng challenging tasks. Pareho silang nagpapakitang gilas, at sa tuwing ako ang ka-partner, ramdam ko yung tingin ng iba—na parang ako ang premyo ng isang laban na hindi ko naman hinihiling. Sa dulo ng araw, habang nagbabalik kami sa safehouse, napatingin ako sa langit na unti-unti nang nagdidilim. "Bakit parang lahat sila... may tingin na iba sa akin?" bulong ko sa sarili. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa, mahiya, o kabahan. Ang sigurado lang ako: sa dami ng mata na nakatutok sa akin ngayon, isa lang ang pinaka-importante—ang mata ng taong kahit hindi magsalita, ramdam kong ako lang ang tinitingnan niya. At iyon ay si Adrian. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD