Malamyos ang hampas ng hangin sa tanghaling tapat. Sinasayaw ng pagaspas ng hangin ang dahon ng mga puno maging ang mga luntian na mga halaman at mga bulaklak sa paligid ng angels orphanage.
Gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi ng binatilyong si Damien habang pumipitas ng bulaklak na rosas. Mabilis ang mga kamay niya sa bawat pagpitas kasabay ng bawat paglinga niya sa paligid. Baka kasi makita siya ni superiora Amanda, siguradong mapapagalitan na naman siya.
“Damien…psst, hoi, Damien!”
Hindi siya lumingon. Sa halip ay patuloy siya sa pagpitas. Tatlong piraso lang naman ang pipitasin niya. Ibibigay niya kasi iyon sa pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Walang iba kundi ang volunteer teacher sa orphanage na si teacher, Shaina.
“Damien, hoi, itigil mo yan, nandyan na si superiora Amanda!”
Mabilis na pinitas niya ang pangatlong tangkay ng rosas saka tumakbo sa pinakamalapit na malaking puno ng akasya at nagkubli habang panay ang gala ng paningin at hinahanap ang kinaroroonan ni Superiora Amanda.
“Hoi!”
Napalundag siya at naikuyom ang kamao na may hawak ng mga tangkay na bulaklak ng rosas. Isang malakas na halakhak ang namayani sa paligid. Nilingon niya ang may-ari ng halakhak na iyon at kinunutan ng noo.
“Wala ka bang trabaho sa loob? Diba may pinapagawa sayo si mother May? Mamaya niyan mapapagalitan ka na naman.”
Ngumuso lang ang kababata na si Natalia. “Ikaw rin naman meron din naman pinapagawa sayo si mother May. Pero narito ka at pumipitas ng mga bulaklak na iyan.” tugon nito sa kanya sabay nguso sa mga bulaklak na rosas na kanyang hawak. “Para ba ‘yan kay teacher, Shaina?”
Ngumiti siya sabay tango. “Oo. Kaarawan ngayon ni teacher Shaina, gusto ko ibigay ito sa kanya bilang regalo.”
Mas lalong nanulis ang mga labi ng kababatang si Natalia. “Hindi kayo bagay ni teacher, Shaina, Damien. Mas matanda sayo si Teacher Shaina, kaya itigil mo na iyang pagpapantasya mo sa kanya.”
“Natalia, kaibigan kita, dapat sinusuportahan mo ako, hindi yung ikaw pa ang nagpapahina ng loob ko.”
“Nagsasabi lang ako ng totoo, Damien. Isa pa, balita ko aalis na rito sa bahay ampunan si teacher, Shaina, at magpapakasal na sa isang banyaga.”
Mas lalo niyang naikuyom ang mga kamao na may hawak na tangkay ng bulaklak. Sa unang pagkakataon ay kumirot ng matindi ang puso niya. Hindi kayang tanggapin ng pagkatao niya ang mga salitang sinabi sa kanya ng kababatang si Natalia. Nakatingin lang siya sa mukha ni Natalia habang ang dibdib ay kumikirot.
“D-Damien, ang k-kamay mo. d-dumudugo ang kamay mo, Damien!”
Ngunit hindi na niya pinakinggan pa si Natalia. Tumakbo siya papasok sa loob ng orphanage at hinanap agad si teacher Shaina. Kung saan-saang sulok na siya nakarating ngunit hindi niya nakita ni anino man lang ni Teacher Shaina.
Kumikirot ang puso niya at ang dibdib niya ay sobrang bigat.
Nilagay niya sa isang bote ang tangkay ng bulaklak na kanyang pinitas at nilagyan iyon ng tubig, saka niya lamang napansin ang palad na may dugo at maramdaman ang kirot. Napatitig siya sa kanyang palad. Bakit parang mas ramdam niya ang kirot sa dibdib niya kesa kamay na natinik dahil sa tinik ng mga tangkay ng rosas?
Mas masakit ang isipin na aalis na si Teacher Shaina at ipagpalit sila sa isang banyaga. Mas masakit sa dibdib ang isipin na hindi na niya makikita pa ang babaeng nagpapatibok ng puso niya, ang babaeng pumapawi ng kalungkutan niya dito sa bahay ampunan. Babaeng nagsilbing liwanag niya sa loob ng limang taon.
Hindi.
Hindi totoong aalis si teacher Shaina, nangako ito sa kanila na hindi sila nito iiwan. Malaki ang tiwala niya kay teacher Shaina. Naniniwala siyang tutuparin nito ang pangako na iyon.
Ang batang puso na nasaktan ay muling nagkaroon ng pag-asa ng maalala ang binitawan na pangako ni Teacher Shaina.
Ngunit ang munting pag-asa na natira ay tuluyang nawasak.
Sa gabi na iyon ay dumating sa bahay ampunan ang isang banyaga kasama si teacher Shaina. Isang salo-salo ang naganap sa loob ng bahay ampunan bilang pagdiriwang sa kaarawan nito.
Nakaupo si Damien sa tapat mismo ni Teacher Shaina. Sa ilalim ng mesa ay hawak niya ang tatlong tangkay ng puting Rosas na kanyang pinitas.
“Damien, okay ka lang ba?” tanong ni teacher Shaina sa kanya habang nakapagkit sa labi nito ang matamis na ngiti.
Paano ba siya maging okay, gayong katabi nito ang isang lalaking banyaga na umagaw rito mula sa kanila. Sobrang sama ng loob niya. Sobrang sakit ng dibdib niya. Hindi siya sumagot sa tanong na iyon ni Teacher Shaina. Nakayuko lang siya at ayaw niyang iangat ang paningin.
“Damien…” usal uli ni teacher shaina sa pangalan niya.
“Damien…hoi! Kinakausap ka ni teacher, Shaina!” si Natalia. Palihim na siniko siya nito sa tagiliran.
Bigla ay napatayo siya sabay lahad ng tatlong tangkay ng rosas kay teacher Shaina. “Gusto ko po sanang makasayaw kayo, teacher.”
Lahat ng mga mata ay nakatingin sa kanya sa mga sandaling iyon, ngunit wala siyang pakialam sa paligid niya. Si teacher Shaina lamang ang mahalaga para sa kanya sa mga sandaling ito. Mahal niya ito at ayaw niya itong mawala sa kanya, sa kanila.
“Damien, kaya pala kumunti na naman ang bulaklak ng rosas sa hardin dahil pinitas mo na naman.” si mother Superior.
Nagsitawanan ang lahat.
Sa mga sandaling iyon ay tinablan siya ng hiya. Ngunit ang hiya na nararamdaman ay saglit lamang. Napalitan iyon ng tuwa nang tinanggap ni teacher Shaina ang rosas na kanyang binigay at pagkatapos ay hinawakan nito ang kanyang kamay.
“Halika, damien. Isayaw mo ako.”
Naangat niya ang paningin at napatitig kay teacher shaina. Tumitig siya sa napakaganda at maamo nitong mukha. Ang mapupungay nitong mga mata ay direktang nakatitig sa kanya.
Mga mata na tumutunaw sa batang puso niya. Maging ang kamay nitong nakahawak sa palad niya ay napakalambot na kasing lambot pagkatao nito.
Ilang sandali lamang ay nasa gitna na sila ng maliit na bulwagan at sumasayaw sa saliw ng malamyos na tugtugin. Labing limang taon pa lang siya ngunit halos kasing tangkad na niya si teacher Shaina. Twenty one years old si teacher Shaina at anim na taon ang kanilang agwat. Ngunit hindi hadlang ang edad nito upang hindi niya ito mamahalin bilang isang lalaki.
Alam niya sa sarili na pagmamahal bilang isang lalaki itong nararamdaman niya para sa kanilang guro. Direkta na tumitig siya kay teacher Shaina at nilakasan niya ang loob.
“Teacher, huwag kang umalis. Hindi ko kaya. Mahal kita!”
Nginitian siya ni teacher Shaina kasabay ng pag-angat ng kanan nitong palad at marahan na hinaplos nito ang kanyang kanan na pisngi.
“Mahal din kita Damien, mahal ko kayo. Ngunit may mga bagay na nagbabago sa pag-usad ng panahon at wala tayong magagawa kundi harapin iyon.”
“Pero—”
“Damien,” kinuha nito ang kanan na palad niya at pinahaplos iyon sa puson nito. “May munting buhay na sa loob ng sinapupunan ko. Gusto ko, paglaki ng batang ito ay makilala mo at maging isa ka sa taga-gabay at magmamahal sa kanya.”
Tila gumuho ang mundo ni Damien. Wasak na wasak ang kanyang pakiramdam.
Sa gabing iyon pagkatapos ng konting salo-salo ay tuluyan na nilisan ni teacher Shaina ang orphanage kasabay ng isang pangako na palagi itong dadalaw sa kanila at hindi magbabago ang pagmamahal nito sa lahat ng batang naiwan sa orphanage.
Nakaupo sa lilim ng mayabong na puno ng acacia si damien at naghihinagpis. Naging saksi ang madilim na gabi sa unang pagkawasak ng kanyang batang puso.
“Sabi ko naman sayo, ‘e. Sabi na kasing itigil ang pagpantasya kay teacher Shaina. Tama na ang pag-iyak Damien, narito naman ako ‘e. Hindi kita iiwan, pangako!” si Natalia.
Ngunit sa batang puso ni Damien, alam niyang wala nang ibang papalit kay teacher Shaina sa puso niya.