Noong bata pa ako, ang probinsyang ito ang naging tahanan ko sa tuwing gusto kong makalayo sa magulong siyudad. Ito ang lugar kung saan wala akong iniisip kundi ang pagtakbo sa bukid, pagligo sa ilog, at pagkain ng mga kakanin ni Lola.
Pero ngayong bumalik ako rito? Hindi ko na maramdaman ang kapayapaan.
Naglakad ako sa gilid ng bahay, hinayaan ang mga yapak kong lumubog sa putik ng lupa. Dati, masarap sa pakiramdam ang pagiging madumi. Ngayon, pakiramdam ko, may mas malalim na dumi na hindi ko kayang hugasan.
Mula sa loob ng bahay, narinig ko ang tunog ng nag-uumpugang plato. Si Lola, naghahanda ng almusal.
Tumingala ako sa langit. Walang ulap, maliwanag. Pero kahit anong gawin ko, hindi ko mapigilan ang anino ni Pia na sumasabay sa bawat hakbang ko.
Kung tumakbo man ako palayo, bakit pakiramdam ko, lalo lang akong hinahabol?
"Gabo, maupo ka rito," tawag ni Lola habang tinatanggal ang takip ng isang kaldero.
Wala akong ganang kumain, pero wala rin akong ganang lumaban. Umupo ako sa tapat niya, habang tinititigan ang mainit na kanin sa harapan ko.
"Anong iniisip mo, anak?" tanong niya.
"Wala naman, La," sagot ko.
"Alam mo, bata ka pa lang, ganyan ka na. Pilit mong iniisip na kaya mong itago ang iniisip mo, pero halata sa mata mo kung kailan ka nahihirapan," sagot niya, walang patumpik-tumpik.
Hindi ako sumagot.
Pinanood lang ako ni Lola habang dahan-dahang sumasandok ng ulam. "May mga bagay na hindi mo puwedeng ipikit na lang, Gabo. Kahit anong gawin mong takas, hahanapin at hahanapin mo pa rin ang sagot."
Hinawakan ko ang kutsara, pero hindi ko magawang sumubo.
Hahanapin ko pa rin ang sagot? Paano kung ayoko nang malaman?
Nagpahinga ako sa may bintana, habang pinagmamasdan ang araw na tumataas sa pagitan ng mga puno. Pero kahit anong gawin kong pagpapakalma, bumabalik pa rin sa isip ko ang mukha ni Pia.
Hindi ko napansin noon. Pero ngayong iniisip ko ang gabing ‘yon, may isang bagay na hindi tumutugma.
Ang kamay niya.
Noong sinabi niyang “May nangyari kagabi,” hindi ko binigyang pansin. Pero ngayon, kitang-kita ko sa alaala ko kung paano nanginginig ang kamay niya.
Takot ba ‘yon?
O… kaluwagan?
Pakiramdam ko, may isang bagay akong hindi naiintindihan. At ang mas nakakabaliw? Parang hindi ko pwedeng basta hayaan na lang.
Nagpasya akong bumalik sa loob, kinuha ang cellphone ko.
May isang tao lang ang makakasagot sa tanong ko.
At hindi ko alam kung handa akong malaman kung ano ang isasagot niya.
Tumunog ang cellphone ko.
Napatigil ako sa pag-inom ng kape, at hinayaan ko muna itong mag-vibrate sa ibabaw ng lamesa. May kaba sa dibdib ko.
Alas-diyes ng umaga. Walang ibang nagmemensahe sa akin maliban kay Pia. Pero ngayong hawak ko na ang telepono, kita kong hindi siya ang nagpadala.
Unknown number.
Binuksan ko ang message.
"Akala mo tapos na ito?"
Parang binuhusan ng yelo ang batok ko.
Napatingin ako sa paligid, parang may nagmamasid. Pero wala namang tao maliban kina Lolo at Lola na abala sa likod-bahay.
Sino ‘to? Bakit ganito ang laman ng mensahe?
Tumingin akong muli sa screen. Walang pangalan, walang clue kung sino.
Isang bagay lang ang malinaw—hindi pa tapos ang kwentong ‘to.
Pinikit ko ang mga mata, pilit na inaalis ang kaba sa dibdib ko.
Hindi ako dapat nagpapadala sa ganitong bagay. Pwedeng prank lang ‘to. Pwedeng maling padala.
Pero bakit pakiramdam ko, konektado ‘to kay Pia?
Kinuha ko ulit ang phone ko, nagtype ng mabilis.
“Sino ‘to?”
Hindi ko na inasahan ang sagot, pero sa loob lang ng isang minuto—nag-reply ang numero.
"Hindi mo pa ba naiintindihan? Binulag ka niya."
Nanigas ang daliri ko. Biglang uminit ang loob ko.
Binulag? Sino? Si Pia?
Sino ka para sabihing binulag niya ako?
Pumikit ako nang mariin. Put*ngina. Ano ba ‘to?
Hindi ako makatulog. Pilit kong binabalewala ang mensahe, pero habang lumalalim ang gabi, lalong lumalakas ang dagundong ng utak ko.
Napapikit ako, napayakap sa sarili ko. Dahan-dahang lumulubog sa panaginip—isang panaginip na hindi ko inasahan.
Si Pia. Nasa harapan ko siya. Umiiyak.
Gusto kong lapitan siya, gusto kong tanungin kung bakit, pero hindi ko siya marinig.
Nakikita ko ang paggalaw ng bibig niya, pero walang lumalabas na tunog.
"Ano? Ano ‘yung sinasabi mo?"
Muling bumuka ang labi niya, mas mabilis, mas desperado. Parang may gustong sabihin—isang bagay na mahalaga.
"Pia, anong sinasabi mo?"
Biglang naputol ang panaginip. Nagising akong pawis na pawis.
Habang humihingal, iginala ko ang tingin sa paligid. Madilim. Tahimik. Parang walang buhay.
Pero hindi ako mapakali. May isang bagay na bumabagabag sa isip ko. Bakit hindi ko siya marinig?
Tumayo ako, naghalungkat sa lumang kabinet. Hindi ko alam kung anong hinahanap ko—hanggang sa nakita ko ‘yung lumang kahon.
Mga lumang larawan.
Isa-isa kong inilabas ang mga ito, mga lumang alaala naming dalawa ni Pia. Masaya. Payapa.
Pero isang litrato ang napatitig sa akin.
Ako at si Pia, nakangiti. Pero may kakaiba.
Sa likuran, may isang anino—hindi ko naalala kung sino. Parang may isang taong hindi dapat nandoon.
Hinawakan ko ang litrato, mas sinuri ang bawat detalye nito.
At doon ko nakita.
Si Carlo.
Nasa background siya, parang walang kinalaman sa amin. Pero bakit ngayon ko lang siya napansin?
Napakurap ako. Biglang bumalik sa isip ko ang mga sinabi niya kanina.
"Hindi lang ikaw ang nasaktan, Gabo."
Sinong nasaktan?
Ano ba ang hindi ko naiintindihan?
Bumilis ang t***k ng puso ko. May isang bagay na hindi ko nakita noon.
Kinuha ko ang phone ko, at hindi na nagdalawang-isip.
“Ano ba talaga ang hindi mo sinasabi?”
Isang minuto. Dalawa. Tatlo.
Hanggang sa tumunog ang telepono ko.
Pia: “Gusto mong malaman ang totoo?”
Sinusubukan kong huwag maghintay.
Nakaupo ako sa gilid ng kama, nakatitig sa phone ko, pero wala pa ring sagot si Pia.
Napakuyom ako ng kamao. Ano ba ‘tong ginagawa ko? Bakit hinahabol ko pa rin siya? Bakit hinahanap ko pa rin ang sagot, kahit alam kong wala nang babalikan?
Pero ang tanong—gusto ko ba talagang malaman?
Dahil kung magtatanong ako, baka mas masaktan pa ako. Baka mas bumigat ang hinanakit ko.
Baka… mas lalo akong mawalan ng respeto sa kanya.
Pinikit ko ang mga mata ko. Tama na, Gabo. Tama na.
Nagpasya akong ibaba ang cellphone at pilitin ang sarili kong matulog. Pero kahit anong gawin ko, hindi tumitigil ang isip ko sa pag-ikot.
Hanggang sa…
Ting!
3 AM.
Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ko ang tunog ng cellphone ko. Mabilis kong hinanap ito sa dilim.
Tumibok ang puso ko nang makita ang sender.
Pia.
Isang text lang. Hindi mahaba, walang paliwanag.
"Gusto mong malaman ang totoo?"
Parang nanlamig ang katawan ko.
Anong ibig sabihin nito?
Alam kong may hindi pa siya sinasabi. Alam kong may bahagi ng kwento na hindi ko pa naiintindihan.
Pero ano?
At bakit ngayon lang?
Napa-atras ako sa kama, hinigpitan ang hawak sa cellphone ko. Ano bang dapat kong gawin?
Sasagot ba ako? Magtatanong ba ako?
O dapat ko na lang ba siyang hayaan?
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatitig lang sa screen, hinihintay na may kasunod pang mensahe. Pero wala.
Isang linya lang.
"Gusto mong malaman ang totoo?"
Sa wakas, gumalaw ang mga daliri ko. Mabilis akong nag-type.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Nag-antay ako, pero walang kasunod.
Ang bagal ng oras. Parang bumibigat ang bawat segundo.
Hanggang sa—
Tok. Tok. Tok.
May kumakatok sa pintuan ko.
Nagpanting ang tenga ko. Sino ‘yon? Sino pang gising sa ganitong oras?
Bumangon ako, bumuntong-hininga, at dahan-dahang pinihit ang doorknob.
At sa labas, nakatayo si Carlo.
Malamig ang tingin niya. Mabigat ang mukha niya.
"May dapat kang marinig, Gabo."
Nanigas ang katawan ko.
Hindi ako gumalaw. Hindi ako nagsalita. Hindi ko alam kung handa akong marinig ang sasabihin niya.
Pero nagsalita si Carlo kahit wala akong itinanong.
"Si Pia... hindi lang ikaw ang nawalan."
Parang binagsakan ako ng mundo.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" halos pabulong kong tanong.
Pero hindi siya sumagot agad. Pinagmasdan lang niya ako, saka dahan-dahang umiling.
"Hindi lahat ng sinabi niya sa'yo, totoo."
Tumigil ang mundo ko.
At doon, sa kalagitnaan ng dilim, sa harap ng isang lalaking hindi ko pa lubusang kilala—nagbukas ang pinto ng impyerno.