-----
***Third Person's POV***
-
Kuyom ang kamao ni Yashir habang nakatitig sa maputlang dingding ng guest room—dito siya napilitang matulog dahil para siyang binangungot sa mismong kwarto niya.
Muntik na niyang ibato ang cellphone sa dingding. Mabuti na lamang at nagawa pa niyang pigilan ang sarili. Ang dahilan ng init ng kanyang ulo ay walang iba kundi si Denise, pati na rin ang mga mutual friends nila.
“Ayos ka, Yashir, ah. Ganting-ganti ka talaga. Pero seryoso, ikakasal ka nga ba talaga?”
“Ang bilis mo naman nakahanap. O baka rebound lang ‘yan?”
“Pakita mo nga ‘yung bride mo. Baka drawing lang ‘yan.”
Ang mga komentong iyon sa post niya ay paulit-ulit na umuugong sa kanyang utak. Parang latay ang bawat salita sa balat ng pride niyang lalaking-lalaki. Hindi siya makapaniwala—siya ang mukhang iniwan. Siya ang mukhang desperado. Sa pagitan nilang dalawa ni Denise, siya ang lumalabas na parang itinapon.
At ang pinakanakakainis sa lahat? Walang naniniwala na totoong may papakasalan siya. Walang naniniwala na kaya niyang palitan si Denise—na kaya niyang makahanap ng ibang babae.
Tangina.
Napamura siya sa loob ng isipan niya, mariing pinipigil ang sarili. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang manapak ng pader. Ngunit nanatili siyang nakatayo, nanlilisik ang mga mata habang hinihingal sa tindi ng galit. Pakiramdam niya, tinapakan ni Denise ang buong pagkatao niya. Masakit iyon sa kanyang ego.
Ang halik na iyon sa male model—hindi lang basta pagtataksil. Isa iyong saksak sa likod. Isang hayagang pambabastos sa pagkatao at pagk*lalaki niya. Wala pang opisyal na hiwalayan na nagaganap sa kanilang dalawa, ngunit nagawa pa rin ni Denise ang bagay na iyon, na para bang wala siyang kwentang lalaki. She betrayed him.
Kaya nga niya ipinost ang wedding invite. Public. Lahat ay puwedeng makakita. May caption pa na: “Everyone’s invited. I don’t want her to slip away anymore. She’s pregnant. And I’m marrying her.”
Gusto niya lang makaganti. Gusto niyang makita kung paano masasaktan si Denise. Kung paano ito matatakot sa ideya na may ibang babaeng pumalit sa lugar nito. Gusto niyang bawiin ang dignidad niya sa harapan ng mga taong nakakakilala sa kanila.
Pero ang mas lalong nagpasiklab ng galit niya, siya pa ang ginawang katatawanan ng mga ito.
Galit na galit siya. Pakiramdam niya ay sasabog na siya sa sobrang init ng ulo.
Napakagat siya sa ibabang labi habang pinipigilan ang sarili. Ramdam niya ang pintig ng ugat sa sentido, ang apoy sa dibdib na hindi niya mailabas. Para siyang isang bulkan na pilit pinipigil ang pagsabog.
At sa likod ng lahat ng iyon, hindi rin niya maiwasang maalala ang isang babaeng halos ayaw na ayaw na niyang banggitin—si Azalea. Ang babaeng parang bangungot sa kwarto niya. Ang babaeng kinaiinisan niya sa lahat.
“F*ck you, Denise,” mahina niyang bulong, halos hindi marinig, ngunit puno ng galit ang tinig niya.
Hindi siya papayag na matalo nang ganito. Hindi siya basta susuko.
Ibabangon niya ang pride niya. Gagawin niyang totoo ang kasal. Ipamumukha niya kay Denise, at sa lahat ng mga kaibigan nila, na kaya niyang makahanap ng iba— agad- agad.
------
Naabutan niya ang kanyang mga magulang sa may sala. Mukhang masinsinan ang pag-uusap ng mga ito, batay sa seryosong ekspresyon sa kanilang mga mukha at sa tensyon sa paligid. Humakbang siya papalapit, may gusto siyang sabihin sa mga ito.
Nang mapansin ng kanyang mga magulang ang presensya niya, agad na napatingin ang mga ito sa kanya. Ang ama niya ay agad na napatayo mula sa pagkakaupo—hindi galit, hindi rin masaya. Ngunit malinaw ang bakas ng pang-umay at pagod sa boses nito, na parang wala nang lakas para makipagtalo pa.
“Congratulations. Naayos na namin ang gulo na ginawa mo.”
Natigilan si Yashir. Gulo?
Napakunot ang noo niya. Anong gulo na naman ang pinagsasabi ng ama niya? Hindi pa man siya nakapagtanong, biglang sumabat ang kanyang ina. Kalma ang tono nito, ngunit halatang pinipigil ang sama ng loob sa kanya. Alam niyang galit ang kanyang ina.
“Malaya ka na, Yashir. Hindi na matutuloy ang kasal ninyo ni Azalea. Kami na ng daddy mo ang bahala sa lahat. Wala ka nang kailangang alalahanin. Maaari mo nang sundan si Denise sa ibang bansa kung iyon ang gusto mo. Hindi ka na namin pipigilan.”
Sa unang sandali, napipi si Yashir. Parang tumigil ang mundo niya sa narinig. Hindi dahil sa tuwa o kaginhawaan, kundi dahil sa isa na namang balakid na bigla na lamang sumira sa plano niya—ang planong ipamukha kay Denise na hindi ito ang nag-iisang babae sa mundo. Ang planong patunayan na kaya din niyang palitan ito, na may babaeng ipapalit niya sa pwesto nito.
Ngunit agad siyang nakabawi mula sa pagkagulat. Halos pasigaw ang pagtutol na lumabas sa kanyang bibig.
“Ano’ng sabi n’yo? Hindi matutuloy ang kasal? No!”
Napalingon ang kanyang ama sa kanya, at bakas sa mukha nito ang pagkalito.
“Ano?” Galit ang boses nito, puno ng hindi makapaniwalang tono. “Ano ba talaga ang gusto mo, Yashir?” dagdag pa nito, litong-lito sa inasal ng anak.
Sa loob lamang ng ilang segundo, mabilis na bumuo si Yashir ng isang kasinungalingang kayang bumaligtad ng sitwasyon. Hindi siya nagdalawang-isip.
“Papayag na ako sa kagustuhan ninyo. Pakakasalan ko na si Azalea. Oo, pakakasalan ko ang babaeng ‘yon... para sa anak ko.”
Mahinahon ngunit may bigat at diin ang pagkakabitaw ng mga salita niya, kunwari’y may malasakit sa boses at galaw.
Ngunit ang totoo? Hindi niya iniisip ang anak. Hindi iyon ang dahilan. Sa kaloob-looban niya, ang tanging iniisip niya ay ang sarili. Ang pride niya. Ang ego niyang winasak at nilamog ni Denise. Hindi niya kayang hayaan na siya ang lumabas na kawawa, ang iniwan, ang mukhang tanga sa paningin ng mga tao. Hindi siya papayag na sa kanilang dalawa ni Denise, siya ang magiging katawa- tawa.
"Ano?” ang tanging nasambit ng kanyang mommy, nanlalaki ang mga mata at bakas sa mukha ang hindi makapaniwala sa narinig. Mabilis itong tumayo mula sa pagkakaupo, nanlalaki ang mga mata, tila isang ina na biglang nabigla at hindi inaasahan ang rebelasyon.
“No! Hindi kami papayag ng daddy mo na pakasalan mo si Azalea,” mariing sabi nito. “Napagtanto namin na hindi magiging maayos ang buhay ng batang 'yon sa piling mo. At isa pa, ayaw rin naman niya sa’yo. Ayaw ka niyang pakasalan.”
Ayaw?
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Yashir. Natigilan siya, nanlamig ang buong katawan. Hindi niya matanggap. Paano siya tatanggihan ni Azalea? Ano ba ang tingin nito sa sarili nito?
Anak lang ito ng isang tauhan nila sa farm—isang simpleng babae na dapat nagdiriwang dahil napili siya ng isang Montreal. Sa mata ni Yashir, para itong nanalo sa lotto ngunit tinanggihan ang jackpot. Isang pambihirang pagkakataon na hindi na dapat pinapalampas pa, ngunit ngayon, ito mismo ang tumalikod.
Hindi. Hindi siya naniniwala. Sigurado siyang nagkukunwari lang si Azalea. Hindi papalampasin ng babae ang ganitong klaseng pagkakataon. Kilala niya ang uri ni Azalea— tanga ito pero pagdating sa pera, hindi ito ganun katanga.
At kahit mariing tinutulan na ng kanyang mga magulang ang desisyon niya, buo ang loob ni Yashir. Walang kahit sinong makakapigil sa kanya. Bumigkas siya ng huling linya—isang paninindigang para bang huling putok ng baril sa isang laban na ayaw pa niyang tapusin.
“Wala na kayong magagawa,” mariin niyang sabi. “Ipinost ko na sa social media na ikakasal na ako, at buntis na ang mapapangasawa ko. Sigurado ako, nagkakagulo na ngayon ang media sa kung sino ang maswerteng babaeng ‘yon.”
Sinabi niya ito na may halong pagmamalaki, may panunumbat sa boses, at bahagyang pangungutya sa mga mata habang tinitingnan ang kanyang mga magulang. Ngunit bago pa man siya makalakad palayo, bago pa man niya maipagdiwang sa isip ang 'panalo' niyang ito, napansin niyang kumuyom ang kamao ng kanyang ama.
At sa isang iglap—isang mabilis, matigas, at mariing suntok ang dumapo sa kanyang panga. Napaurong siya, napahawak sa pisngi, at nanlaki ang mata sa gulat. Hindi niya inaasahan ang biglaang galaw ng ama, ngunit ramdam niya ang bigat, galit, at desperasyon sa likod ng suntok na iyon.
“Walang hiya ka! Napaka-gago mo!” bulyaw ng kanyang ama, nanginginig ang boses sa galit. “We fixed your mistake, and now you make another? Wala ka na ba talagang balak na gumawa ng matino sa buhay mo?!”
Boses iyon ng isang ama na hindi na alam kung saan siya nagkamali sa pagpapalaki ng sariling anak. Boses ng isang lalaking napagod na, nagsawa na sa paulit-ulit na pagsalo sa gulo ng anak na tila walang intensyong magbago.
Samantala, nanatiling nakatayo si Yashir. Namumula na ang kanyang panga, marahil ay magsisimula nang magkulay asul sa ilang sandali, pero mas nangingitim ang kanyang pride. Sa kaloob-looban niya, ni kaunti ay wala siyang balak umatras. Wala siyang balak sumuko.
Hindi niya hahayaang siya ang matalo.
Hindi niya hahayaang siya ang lumabas na mukhang iniwan, itinapon, at walang halaga.
Ipapamukha niya kay Denise na mabilis niya itong napalitan.