Pang- aakit!

1758 Words
------- ***Elara’s POV*** - “Ahhh… Inay, Itay, inaaway ako ni Elara! Itinulak niya ako sa putikan para mapahiya ako kay Senyorito Hayden. Gusto kasi niya na siya lang ang mapansin ni Senyorito Hayden. Gusto niyang lumandi sa kanya kahit halatang hindi naman siya type ng senyorito.” Umiiyak na sumbong ni Daisy sa ina ko at sa ama niya. Sabi ko na nga ba, babaliktarin na naman niya ang katotohanan. Nasa hapag-kainan kami at kasalukuyang kumakain ng hapunan nang bigla siyang mag-eskandalo. Napatigil ako sa pagsubo ng ginisang kangkong. Napilitan pa akong uminom ng tubig dahil pakiramdam ko’y mabibilaukan ako matapos marinig ang mga pinagsasasabi ni Daisy. “Ikaw ang nag-utos sa akin na itulak kita! Kasi gusto mong—” “Anong tingin mo sa akin? Baliw, para hilingin ko sayo na itulak mo ako?” mabilis niyang putol sa sinasabi ko, sabay taas ng kilay. “Ewan ko sa’yo. Pero alam mong sa ating dalawa, ako ang laging nagsasabi ng totoo!” Pagtatanggol ko sa sarili ko kahit alam kong sa bandang huli, ako pa rin ang lalabas na masama, ako pa rin ang may kasalanan. “Sinasabi mo bang nagsisinungaling ang anak ko?” biglang sabat ni Tiyo Gomer, matalim ang tingin niya sa akin. “Pinalaki ko ng maayos si Daisy. Ikaw lang naman ang laging gumagawa ng gulo sa pagitan niyong dalawa.” Napatingin akong muli kay Daisy. Nakakaawa ang ekpresyon ng pangit niyang mukha. Pero sa likod ng kanyang mga mata, nababasa ko ang pang- iinis niya sa akin. Para bang sinasabi niya na wala akong laban sa kanya. “Aminin mo na ang totoo, Daisy! Huwag mong baliktarin ang totoo.” Mariin kong sabi, umaasang baka sakaling mayroon pa siyang natitirang konsensya at maisipan niyang magsabi ng totoo, kahit isang beses lang. “Nagsasabi ako ng totoo,” sagot ni Daisy, kasabay ng pag-ikot ng mga mata. “Sadyang malandi ka lang talaga.” “Narinig mo na, Merna. Itong anak mo, mahilig talaga sa mga lalaki. Mukhang may pinagmanahan,” pang-aasar ni Tiyo Gomer habang si Inay ang kausap. Lihim kong naikuyom ang kamao ko sa ilalim ng mesa. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit kinaya ng Inay ko na magtagal sa piling ng lalaking ito. Tumigil si Inay sa pagkain at galit na itinuon ang tingin sa akin. “Elara! Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa’yo na pakisamahan mo nang maayos si Daisy? Bakit ba lagi mo siyang inaaway? At saka, ano itong naririnig ko na nilalandi mo raw ang dayong senyorito? Tigilan mo na ‘yan. Wala kang mapapala riyan. Hindi ka kasing ganda ni Daisy.” Pagalit na sabi ni Inay, mariin pa ang boses. Hindi na lang ako kumibo at ipinagpatuloy ko ang pagkain ko. Wala ring saysay kung ipagtatanggol ko pa ang sarili ko. Sa tuwing may ganitong sitwasyon, si Daisy lagi ang kinakampihan ni Inay, kahit pa ako ang tunay niyang anak. Ni minsan, hindi niya ako pinanigan. Nakayuko lang ako habang patuloy na kumakain. Ramdam ko ang pag-init ng sulok ng mga mata ko, pero pinigilan ko ang pagtulo ng mga luha. Masakit—sobrang sakit—na hindi ako pinaniwalaan ng sarili kong ina at, higit pa roon, ikinumpara pa niya ako kay Daisy. “Oo nga pala, Daisy—” basag ni Inay sa katahimikan ng aming hapag. “—ayusin mo na ang mga requirements mo para makapag-enrol ka na sa kolehiyo.” “Talaga po, Inay? Wow, ang saya-saya ko! Thank you po.” Masayang sambit ni Daisy, halatang tuwang-tuwa sa narinig. Napaangat ako ng mukha at napatingin kay Inay. Bigla akong napangiti at nakaramdam ng saya nang marinig kong makapag- aral pala kaming dalawa ni Daisy sa kolehiyo. Sa isip ko, mas lalo akong umasa. Maganda naman ang trabaho ni Inay sa munisipyo, at mas malaki talaga ang kita niya kumpara kay Tiyo Gomer na isa lamang tricycle driver—sugarol pa. Kaya kung kayang paaralin ni Tiyo Gomer si Daisy, sigurado akong kayang-kaya rin akong pag-aralin ni Inay. “Inay, aayusin ko na rin po ang requirements ko. Saan po kaya ako—” “Elara,” putol ni Inay sa akin, malamig ang tinig. “Hindi ka muna mag-aaral sa kolehiyo. Saka ka na lang kung makakapagtapos na si Daisy, at kung kaya pa ng katawan ko. Hindi ko kayang ipagsabay kayong dalawa.” Nanlumo ako sa narinig ko. Parang biglang bumagsak ang mundo ko. Ako ang tunay niyang anak, tapos si Daisy ang papaaralin niya? “Pero ako po ang anak niyo, bakit—” “Ang sama talaga ng ugali mo, Elara!” agad na singit ni Daisy na paiyak-iyak na naman ang drama. “Hindi porke’t hindi ako tunay na anak ni Inay ay wala na akong karapatang pag-aralin niya. At saka, isang tunay na ina na ang turing ko kay Inay Merna. Ikaw lang naman itong hindi kami itinuring na pamilya, kaya hanggang ngayon, Tiyo Gomer pa rin ang tawag mo kay Itay.” “Tingnan mo nga ang ugali ng anak mo, Merna,” sabad ni Tiyo Gomer, malamig ang boses at puno ng panunumbat. “Minamaliit kami ng anak mo. Akala mo kung sino, porke’t mas malaki ang kinikita mo.” “Elara—” napabuntong-hininga si Inay, halatang pagod at puno ng inis. “—kahit hindi galing sa akin si Daisy, isang tunay na anak ang turing ko sa kanya. At siya ang papaaralin ko dahil sa kanya ko nakikita ang taong aahon sa atin mula sa kahirapan. Oo, matalino ka nga. Pero wala kang charm at abilidad na meron si Daisy. Sa tingin ko, siya ang mas may kakayahan para magtagumpay kaysa sa’yo.” Kung kanina, pilit ko pang pinipigilan ang pagtulo ng mga luha, ngayon ay tuluyan nang namasa at bumigay ang aking mga mata. Ramdam ko ang bigat sa dibdib ko, parang walang lugar para sa akin kahit pa ako ang tunay na anak. “Pangako po, Inay, hindi kayo magsisisi sa akin! Iaahon ko po kayo sa hirap. Mag-aaral po ako ng mabuti.” Masayang bulalas ni Daisy, puno ng kumpiyansa at kasiguraduhan. Wala akong nagawa kundi ang mapayuko na lang habang sunod-sunod na tumulo ang aking mga luha. Ang bigat, ang sakit. Hindi ko na nga nakilala ang ama ko, lumaki pa akong malamig ang trato sa akin ng sariling ina. At simula nang nagsama sila ni Tiyo Gomer, mas binigyan niya ng halaga si Daisy—si Daisy na hindi niya anak—kaysa sa akin na sarili niyang dugo’t laman. ----- Tulad ng lagi kong ginagawa kapag nalulungkot ako, pumunta na naman ako sa batis upang dito ilabas ang lahat ng sama ng loob ko. Gabi na, ngunit maliwanag naman ang buwan kaya hindi ako natatakot. Sanay na rin kasi ako na dito magtago kapag hindi ko na kayang kimkimin ang bigat sa dibdib ko. Nakaupo ako sa paborito kong bato habang walang tigil sa pagtulo ang mga luha ko. Ang sakit. Napakasakit ng ginawa sa akin ni Inay. Aminado ako, umaasa talaga ako na ako ang kanyang papaaralin dahil alam kong kaya naman ng sweldo niya. Hindi ganoon kamahal ang tuition fee sa state university dito sa amin, at tiyak na kaya niya akong suportahan. Pero hindi ako ang pinili niya, kundi si Daisy. Parang hinati ng sarili kong ina ang puso ko. Ang sakit talaga. Gusto ko pa namang mag-aral. Pangarap ko talaga ang makapagtapos at magkaroon ng maayos na kinabukasan. Ngunit sa puntong ito, mukhang hanggang pangarap na lang ang lahat. Hinayaan ko na lamang na dumaloy ang mga luha habang nakatingin ako sa malinaw na tubig ng batis na mas lalong nagniningning sa ilalim ng sinag ng buwan. Siguro, mas matatanggap ko pa, o baka hindi ganoon kasakit, kung wala ni isa sa aming dalawa ni Daisy ang papaaralin niya. Dahil hindi naman niya kaano-ano si Daisy. Ako ang tunay niyang anak, ako ang dapat mas inuuna niya. Kung tutuusin, sarili kong kinabukasan ang nararapat niyang iniintindi, hindi ang sa anak ng iba. Maya-maya, napapitlag ako at muntik nang mapasigaw nang may biglang umahon mula sa bahagi ng tubig ng batis na kanina pa tinititigan ko habang malalim ang iniisip. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko kung sino iyon. Walang iba kundi si Senyorito Aiden. “Natakot ba kita?” tanong niya, may kasamang ngiting tila nang-aakit. Kinakabahan ako ngunit pilit kong kinalma ang sarili ko. Kahit alam kong hindi masamang elemento ang lumitaw mula sa tubig, hindi ko mapigil ang malakas na pagtibok ng puso ko. Parang gustong kumawala, at hindi pa rin mawala ang kaba. “Hindi naman po…” sagot ko, bagama’t hindi mapakali ang damdamin ko. Tila nagwawala ang puso ko. “S-Sige po, aalis na ako.” “Ang bilis mo namang umalis. Magkuwentuhan muna tayo,” tugon niya, kaswal ngunit puno ng implikasyon. “H-Ho!” napalunok ako. Lalo pa nang humakbang siya paahon mula sa tubig. Doon ko tuluyang nakita ang perpekto niyang katawan—naka-boxer shorts lang siya. Kinilabutan ako ngunit hindi ko naman maialis ang mga mata ko sa kanya. Ano bang ginagawa mo, Elara? Talagang tumitig ka pa. Hindi ko mapigilan na pagalitan ang sarili ko. At dahil tila disoriented ako, hindi ko na namalayan na tuluyan na pala siyang nakalapit sa akin. “Bakit ganyan ka makatingin sa akin?” tanong niya, sabay ng isang ngiti na nagdulot ng kilabot sa akin. “Sabihin mo, pinagnanasaan mo ba ako sa hitsura ko ngayon?” Itinaas niya ang kamay niya at dahan-dahang hinaplos ang pisngi ko. Para akong nakuryente sa ginawa niya. Hindi lang ang mga mata niya ang nag-aakit, pati na rin ang kanyang tinig. “H-Ho! A-Ano po…” nauutal ako, hindi malaman ang tamang salita. “Elara… Elara…” aniya, habang mas lalong lumalalim ang titig niya sa akin. “Alam mo ba, mula nang makita kita, hindi ka na maalis sa isip ko.” Muli niyang hinaplos ang pisngi ko, dahilan upang manigas ako at manginig. “Mas lalo mong binuhay ang kuryusidad ko sa mga tulad mong inosente. Kaya sa tuwing nakikita kita, hindi ko mapigilan… at talagang tinitigasan ako dahil sa’yo.” May kakaiba sa titig niya, tila sinusunog ako mula sa loob. Sobrang nag-init ang pakiramdam at katawan ko, halos hindi ko na alam kung paano kikilos. Napanganga ako, gulat na gulat sa mga sinabi niya. Hindi ko mawari kung ano ang eksaktong ibig niyang ipahiwatig, ngunit pakiramdam ko, may dalang panganib ang bawat salita niya. At sa sandaling iyon, alam kong kailangan ko siyang iwasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD