Ang gustong makuha!

2209 Words
------ ***Elara’s POV*** - Patuloy akong naglakad papunta sa tubuhan, ngunit hindi ko mapigilang mapatawa tuwing naaalala ko ang sinabi ni senyorito Hayden kay Daisy kanina. “Anong tinatawa-tawa mo diyan?” Isang tinig ang biglang sumabat, halos ikapapitlag ko sa gulat. Mabilis kong kinalma ang sarili ko at tumingin kung sino ang nagsalita. Bumungad sa aking paningin si senyorito Harry. “Senyorito, ikaw pala.” Napayuko ako sa hiya. Kahit mabait siya sa akin, hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba at pag-aatubili. Amo ko pa rin siya, at ako’y isang simpleng tauhan lamang. “Kanina pa ako nakasunod sa iyo, hindi mo lang ako napapansin,” aniya. “Ah, ganun po ba? Pasensya na po.” “Okay lang.” Ngumiti siya. Ang bait talaga ni senyorito Harry sa amin na mga tauhan ng hacienda. Mabait din naman talaga ang buong pamilya nila. “Papunta ka ba ng tubuhan?” “Opo,” maikli kong tugon kasabay ng pagtango. “Sabay na tayo. Papunta rin kasi ako roon,” aniya. Isang tango lang muli ang itinugon ko. Hindi ko naman pwedeng tanggihan ang alok niya, lalo na’t nahihiya ako. Sino ba naman ako para tumanggi? Siya ang among may-ari, samantalang ako ay isang hamak na manggagawa lamang. Nakakailang ang sitwasyon. Hindi ko alam kung ano ang dapat naming pag-usapan habang magkasabay kami. Kilala ko na si senyorito Harry simula pa noong bata ako, pero hanggang doon lang iyon—magkakilala lamang. Gayunpaman, masasabi kong mabait siya sa akin, dahil palagi siyang nakangiti tuwing magkasalubong kami at paminsan-minsan ay bumabati rin. “Hinahanap ko kasi ang pinsan ko. Nakita mo ba si Hayden?” tanong niya habang naglalakad kami. Napalunok ako sa narinig. Agad kong naalala ang nangyari kanina sa pagitan naming dalawa ni senyorito Hayden. “Hindi po… hindi ko po siya nakita,” sagot ko kasabay ng marahang pag-iling, na para bang pati ang sarili ko ay pinipilit kong kumbinsihin. Subalit tila pinarusahan agad ako ng langit dahil sa kasinungalingan ko. Hindi ko namalayang natapilok ako sa isang nakausling bato sa daan. Bago pa man ako tuluyang mawalan ng balanse, mabilis akong nasalo ng matitibay at matitipunong bisig ni senyorito Harry. Nang nagtagpo ang aming mga paningin, tila naging awkward ang sitwasyon. Para bang tumigil ang oras sa titigang naming dalawa. “Are you okay?” tanong niya, halatang nag-aalala ang tinig. Ramdam ko ang lakas ng kabog ng aking dibdib, at lalo akong naiilang sa pangyayari. “O-Opo. S-Salamat po, Senyorito.” Mabilis sana akong kumawala sa kanya, ngunit bigla akong hinila palayo mula sa mga bisig ni senyorito Harry. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong si senyorito Hayden ang gumawa nito. “S-Senyorito…” iyon lang ang nausal ko. Tila napaurong ang aking dila nang masilayan ko ang ekspresyon sa kanyang mukha—galit at mariin. “Hindi mo naman siguro nilalandi ang pinsan ko,” malamig at diretso sabi ni senyorito Hayden, bakas ang inis sa tinig. Napanganga ako. Gusto kong magsalita, pero tila naumid ang aking dila. Hindi ako makapagsalita para ipagtanggol ang sarili ko. “Bro… ano ba yang pinagsasabi mo? Natapilok lang si Elara. I was just helping her, bago pa siya nadisgras— F*ck!... bakit pa ba ako nagpapaliwanag sa iyo? Anyway, wala namang ganyan,” tugon ni senyorito Harry, kunot-noo at halatang hindi sang-ayon sa akusasyon ng pinsan niya. “Sinisiguro ko lang. Iba na ang panahon ngayon. Marami ang mapagsamantala. Kapag nakakita ng pagkakataon, agad na sinasakyan.” Matalinghagang tugon ni Senyorito Hayden, ngunit ko ramdam ang insulto sa bawat salita niya. “Tulad na lang nitong si Elara… paano kung sinadya niyang matapilok kanina para mapansin mo? Nakakita siya ng pagkakataon para maakit ang isang mayamang makakaahon sa kanya mula sa kahirapan.” Napaurong ako. Nanigas ang buo kong katawan. Ang bawat salitang binitiwan ni senyorito Hayden ay tila matalim na kutsilyong dumidiretso sa puso ko. Kanina lang—ang bait niya sa akin, ngunit bakit ngayon ay ganito na lang niya ako basta hinusgahan? “What the hell are you talking about, bro?” si senyorito Harry, halatang nairita na rin sa sinabi ng pinsan dahil mas lalo pang kumunot ang kanyang noo. Halos hindi ako makahinga. Para akong sinasakal ng sakit at bigat na hindi ko maipaliwanag. Kailangan kong makaalis sa pagitan nilang dalawa bago pa tuluyang bumigay ang damdamin ko. “Tutuloy na po ako, senyorito Harry,” mabilis kong paalam, pilit pinatatag ang tinig. Kailangan kong makalayo bago pa ako mapaiyak sa harap nilang dalawa. Tumango naman si senyorito Harry, tila naunawaan ang kalagayan ko. Agad kong binilisan, malalaki ang bawat hakbang ko. Gusto ko nang makalayo agad. Wala akong narinig mula sa kanilang dalawa, ngunit pakiramdam ko’y sinusundan ako ng kanilang mga mata. Habang naglalakad, tuluyang bumigay ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Unti-unti silang gumulong sa aking pisngi, na para bang sumasalamin sa kirot na hindi ko na kayang itago. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang magsalita si senyorito Hayden. Iyon ba talaga ang tingin niya sa akin? Na isa akong babaeng desperada, nilalandi ang mayaman para makasungkit ng pagkakataong makaahon sa hirap? Pangarap ko rin namang makapangasawa ng mayaman—sino ba namang babae ang hindi nangarap ng ganoon?—ngunit hindi ibig sabihin na gagawin ko ang lahat, kahit ang ibaba ang sarili kong dangal, para lamang mangyari iyon. Dalagang Pilipina pa rin ako. Probinsyana man ako, pinapahalagahan ko ang puri at pagkatao ko. At saka… sa lahat ng nangyayari sa aming dalawa ni senyorito Hayden nitong nakalipas na mga araw, hindi ba’t siya ang laging lumalapit? Siya ang madalas na sumusunod-sunod sa akin, siya ang gumagawa ng hakbang upang mapalapit sa akin. At ngayon… siya pa ang may lakas ng loob na pagbintangan ako nang ganito? Sa tingin ba niya… nilalandi ko din siya? Aba, hindi na----- “Hoy!” napapitlag ako sa malakas na boses mula sa aking likuran. “Saan ka galing? Kanina pa ako naghahanap sa’yo.” Alam kong si Daisy iyon. Mabilis kong pinunasan ang mga luha bago ako humarap sa kanya. Nakapamaywang siya, tila ba isang donya na may sinisingil sa kanyang tauhan. “Ang tamad mo talaga! Tumakas ka siguro para makapagpahinga. Alam mo bang maraming ginagawa doon sa tubuhan?” pasigaw niyang sabi, puno ng paninisi. “Marami naman palang ginagawa, bakit ka nandito?” sarkastiko kong sagot. Ang sakit na kanina’y dulot ni senyorito Hayden, napalitan ng inis dahil kay Daisy. “Well—kaya lang naman ako nandito para sabihin sa’yo na hindi na ako magtatrabaho sa hacienda. Sabi kasi ni Inay, kailangan ko nang asikasuhin ang nalalapit na pasukan. Ang bait nga ni Inay sa akin, di ba? Sa ating dalawa, ako ang pinili niyang papaaralin. Well, good choice iyon. Sigurado naman kasi ako na wala kang mararating sa buhay. Pati ang sarili mong ina, wala ring tiwala sa’yo.” Nakangisi siya habang nagsasalita, halatang nagmamayabang at inuudyok akong magalit. Aminado akong nasaktan ako. Muling bumalik sa alaala ko ang sakit ng ginawa ni Inay. Lagi niyang inuuna si Daisy kaysa sa akin. Mas may tiwala siya sa anak ng kinakasama niya kaysa sa akin na sarili niyang anak. Naging mabuti naman akong anak. Lagi kong sinusunod si Inay. Naging masipag din akong mag-aral at palagi akong may nakukuhang parangal. Nagtapos pa ako bilang isa sa may pinakamataas na karangalan. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, hindi pa rin siya nagkaroon ng tiwala sa akin. Hindi pa rin sapat ang lahat ng pagsisikap ko para kumbinsihin siyang mas karapat-dapat ako kaysa kay Daisy. “Pangit ka kasi. Kamukha ka kasi ng tatay mo—kaya ayaw ng Inay mo sa’yo.” Napanganga ako sa sinabi niya. Paano niya nasabi iyon? Paano niya nalaman na kamukha ko ang aking ama? “Anyway… aalis na ako. Ayusin mo na lang ang pagtatrabaho mo dito sa hacienda para may pang-allowance ako.” Ngumisi siya bago ako iniwan. Wala akong nagawa kundi sundan siya ng tingin. Nagngitngit ang kalooban ko sa inis. Nagtagumpay nga ang bruha na inisin ako. Pero… may gumugulo pa rin sa akin. Paano kaya niya nasabi na kamukha ko ang ama ko? Samantala…. Parehong sinundan ng tingin nina Hayden at Harry ang papalayong si Elara. Halos hindi kumurap ang dalawa habang may kanya-kanyang iniisip. Sa isip ni Hayden, hindi niya mapigilang makaramdam ng inis sa nakita niya. Pakiramdam niya, nagpapakita ng motibo si Elara sa kanyang pinsan, samantalang siya mismo ay halatang iniiwasan nito. Samantala, takang-taka naman si Harry sa inasta ng pinsan. Hindi niya inakalang magagawa nitong mang-insulto ng ganoon sa isang babae. Oo, womanizer nga si Hayden, at paminsan-minsan ay ruthless din, pero alam ni Harry na hindi ito basta-basta nang-iinsulto nang walang dahilan, lalo na sa isang kagaya ni Elara. Para tuloy siyang nakakita ng isang matanda na nangangaway ng bata. Awang-awa siya kay Elara; halatang nasaktan talaga ito sa sinabi ng pinsan. Gusto sana niyang sundan ang dalaga at kausapin ito para sabihing huwag na masyadong dibdibin ang narinig, pero alam niyang kailangan muna niyang harapin ang gagong pinsan niya. “What was that, Hayden?” kunot-noo na tanong ni Harry. Kaagad siyang tumingin dito nang tuluyang mawala na si Elara sa kanilang paningin. Mabilis namang humarap si Hayden sa kanya. “God, ano ba ‘yong pinagsasabi mo kanina? Masasaktan mo pa tuloy ang damdamin ni Elara.” Alam ni Hayden na naiinis ang pinsan niya sa kanyang ginawa—at totoo ring naiinis siya sa kanyang sarili. Nang makita niyang halos magkayakap ang dalawa kanina, para siyang bulkan na biglang sumabog. Wala naman siyang malalim na nararamdaman para kay Elara, at sa isip niya ay pinagnanasaan lang niya ito. Ngunit ang ideya na may ibang lalaking humahawak at maaaring mag-angkin dito ay tila isang malaking batong tumama sa kanya, mabigat at hindi niya matanggap. “Wala ka namang gusto sa babaeng ‘yon, hindi ba?” Imbes na sagutin si Harry, tanong ang ibinalik ni Hayden. “What?!” gulat na gulat si Harry, halos lumaki ang mga mata. “Of course not— I mean, I like Elara as a person, pero kung iba ang iniisip mo… God, parang nakababatang kapatid lang ang tingin ko sa kanya. Hindi rin naman nagkakalayo ng edad nina Elara at Freya.” “Mabuti naman, bro.” Nakahinga nang maluwag si Hayden kahit papaano. “Anyway, hindi ko naman inaasahan na ang mga kagaya ni Elara ang magiging tipo mo. Nababahala lang ako para sa iyo. Walang manok na hindi tutuka sa palay na lumalapit. Baka mapikot ka ng wala sa oras.” “Kaya ba lahat ng babaeng lumalapit sa iyo ay tinutuka mo, kahit pa may long-time girlfriend ka na?” panunuya ni Harry sa pinsan. Talagang marami itong babae kahit matagal nang may kasintahan. Para kay Hayden, ang mga babae ay dumarating at lumilipas lamang. Isa lang ang nanatili—si Maricar. Matagal na ang relasyon ng dalawa, ilang taon na rin, pero kung umasta si Hayden, para bang wala siyang kasintahan. “Maricar won’t mind,” sagot ni Hayden, sabay naalala ang babaeng pakakasalan niya dalawang buwan mula ngayon. Para sa kanya, si Maricar ang perpektong babae—tila ba girl version niya. Wild, free-spirited, business-minded, at hindi madaling masaktan. Pareho sila ng pananaw sa pag-ibig at relasyon: love is business; the mind is stronger than the heart. “She’s even doing the same. Wala akong magagawa kung meron akong perpektong girlfriend. Hindi ako mahilig sa mga babaeng madrama. Maricar is wild and free. We let each other enjoy while we are committed to each other. Anyway, magiging loyal din naman ako sa kanya pagkatapos ng kasal namin. Totoo rin naman na gusto kong bumuo ng pamilya kasama siya.” Gusto na lang umiling ni Harry sa paniniwala ng kanyang pinsan, pero alam niyang wala na siyang magagawa. Magkakaiba talaga ang pananaw ng bawat tao. Ang tanging kaya niyang gawin ay pagsabihan ito, baka sakaling magising ito bago pa may mabiktima itong iba--- isang inosenteng babae. “You’re getting married, bro. Sana totoo ang mga sinabi mo—na nandito ka para maging handa sa susunod na landas na tatahakin mo, na wala nang ibang babae. Sana hindi mo napag- interesan si Elara.” Lihim na nakuyom ni Hayden ang kanyang kamao. Iyon talaga ang plano niya kung bakit siya nandito: gusto niyang magsimula ng repentance mula sa mga laro niya sa damdamin ng mga babae bago pa nila asikasuhin ni Maricar ang nalalapit na kasal. Ngunit nakilala niya si Elara. At aminado siyang pinagnanasaan niya agad ito—lalo na’t alam niyang dalisay pa ang dalaga. Wala pang b*rhen na dumaan sa kanya. At dahil doon, mas lalong tumindi ang kanyang pagnanasa. Hindi na ito mawala-wala sa isip niya. Si Elara lang ang nag-iisang babaeng gumulo sa sistema niya, ang tanging babaeng nagdulot ng matinding tama. At ngayon, hindi siya matatahimik hangga’t hindi niya nakukuha ang gusto niya. Kaya ganoon na lang ang inis niya sa pinsan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa buong buhay niya na nakaramdam siya ng ganitong klaseng pagkainis. Para bang may isang bagay na hindi pa niya nakukuha na gustong- gusto niyang makuha pero pinagbawalan siya. Pero kahit anong klaseng pagbabawal, mas nanaig pa rin ang kagustuhan niyang makuha ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD