------
***Lhea's POV***
-
Nang makalayo na ang kotse na sinasakyan ni Elixir, napagpasyahan kong umalis at maghanap ng masasakyan na taxi. Ngunit bago pa man ako makagalaw, isang sasakyan ang huminto sa harapan ko. Napatingin ako rito, at maya-maya pa’y bumaba ang bintana, kaya naman lumantad sa akin ang pamilyar na mukha sa loob ng kotse.
Napangiti ako sa aking nakita.
"Kung iniwan ka ng asshole na ‘yon, nandito naman ako," ani Natalya, ang aking pinakamamahal na pinsan. Pinsan buo kami—anak siya ni Uncle Simon, ang kapatid ng daddy kong si Santinir. Dahil magkaedad lamang kami, hindi lang bilang magpinsan ang turingan namin, kundi magbestfriend na rin.
Alam ni Natalya ang lahat ng nangyayari sa akin—ang bawat desisyong ginawa ko, tulad na lang sa plano ko na magpakasal kay Elixir. Siya lamang sa buong angkan ko ang nakakaalam ng kasunduang namamagitan sa amin ni Elixir. At dahil mahal niya ako at nag-aalala siya sa magiging kapalaran ko, hindi ako nakaligtas sa isang matinding sermon mula sa kanya bago niya ako sinuportahan sa aking kabaliwan.
Wala akong pag-aalinlangan nang mabilis akong pumasok sa kotse niya. To be honest, I am completely exhausted. All I long for is to lie down on a bed and sleep. Even if it’s not as soft as the one in my own room at my family’s mansion, it doesn’t matter—as long as I can rest.
"Your timing is perfect! Sometimes, you really feel like my guardian angel," ani ko sa kanya, ramdam ang tuwa sa aking tinig.
"Of course! Ako pa ba? Hindi lang tayo basta magpinsan—magbestfriend din tayo. Kaya naman ko kung kailan kailangan mo ako. " sagot niya habang nakangiti.
Napatingin ako sa kanya nang mabuti. Kapag ganito siya kalambing sa akin, alam kong may kailangan siya.
"Teka, bakit ka nga ba nandito sa Cebu?" tanong ko sa kanya, bahagyang nakakunot ang noo habang hinihintay ang sagot niya.
Biglang inihinto niya ang sasakyan at saka ako tinitigan gamit ang kanyang mga matang puno ng pagsusumamo.
"Samahan mo ako mamaya, please," sabi ni Natalya habang nakalapat ang dalawang kamay niya na parang nagdarasal. Ang kanyang mga mata ay puno ng pagsusumamo habang nakatingin sa akin, tila ba hindi tatanggap ng pagtanggi.
"Samahan? Saan ba kita sasamahan?" tanong ko, bahagyang naguguluhan sa bigla niyang hiling.
"Sa isang bar," sagot niya nang walang pag-aalinlangan.
Nanlaki ang mga mata ko sa kanyang sinabi. "Ano? Anong gagawin mo doon?"
"May susundan ako," sagot niya, sabay kagat sa labi na tila nagpipigil ng kilig.
Mabilis akong nag-isip at agad na may hinalang pumasok sa isip ko. "Huwag mong sabihing 'yung crush mong prof. ang susundan mo?"
Biglang lumapad ang ngiti niya, halatang hindi niya mapigilan ang kilig na nadarama. "Siya nga!" sagot niya, puno ng kasiyahan.
Napailing ako sa narinig. "Ano? Akala ko ba crush mo lang 'yon? Bakit kailangan mo siyang sundan? At hanggang dito sa Cebu, nakasunod ka pa rin?" tanong ko, hindi makapaniwala sa kanyang ginagawa.
"Bakit?" balik niya sa akin, nakataas ang isang kilay. "Hindi mo ba sinusundan si Elixir noon kahit sa ibang bansa?"
Napahinto ako at hindi agad nakasagot. Nasapol ako ng kanyang sinabi. Alam kong may punto siya, at wala akong maipangtapat na sagot.
Nakita ko ang pilyang ngiti sa kanyang labi bago siya tumawa nang malakas. "Magpinsan nga talaga tayo. Mga tanga!" natatawa niyang sabi. "Kasalanan talaga ito ng dugong nanalaytay sa atin. Ang atin ay atin!"
Baka nga totoo ‘yon. The Montreal bloodline will do stupid things just to claim the one they love. Kahit mali, ginagawa pa rin. Kahit nakakababa sa pagkatao namin, hindi pa rin kami tumitigil. Walang problema sa mga lalaki sa pamilya namin—sila kasi ang hinahabol. Samantalang kaming mga babae, kami ang madalas naghahabol. At sa bahagi ko, doble ang katangahan ko. Hindi lang ako isang Montreal, may dugong Saavedra rin nananalaytay sa akin. Kaya doble possessive ako.
"Fine," sagot ko sa kanya sa tono ng pagsuko. "Pambihira ‘to. Pagod na pagod ako. Ang gusto ko lang ay matulog."
Ngumiti siya, kita ang tagumpay sa kanyang mukha. "You can sleep while I’m driving. At saka mamaya pa naman tayo pupunta sa bar, may oras ka pa para makapagpahinga," sagot niya bago pinaandar ang sasakyan.
Hindi na ako sumagot at nanahimik na lang. Tama siya. Talagang matutulog ako.
---------
Pareho kaming nakaupo ni Natalya sa high chair, nakapwesto sa counter table ng bar. Hawak namin ang aming cocktail glass, puno ng alak na hindi naman matapang—sakto lang para sa aming dalawa.
"Tulungan mo akong hanapin si Prof," bulong ni Natalya sa akin habang pasimpleng lumilinga sa paligid.
"Oo nga, tutulungan na kita," sagot ko, sabay lingon sa buong bar para maghanap.
Ngunit bago ko pa matagpuan ang hinahanap naming professor ni Natalya, bigla akong napaurong nang may ibang mukha ang bumungad sa akin—hindi ang Prof niya, kundi si Elixir. Mag-isa siyang nakaupo sa di-kalayuan, may hawak na baso ng alak. Sa itsura niya, malinaw na hindi lang siya basta umiinom—mukhang lasing na naman siya.
"Hoy, bakit nakatulala ka diyan?" inuntag ako ni Natalya, ngunit hindi ko agad siya nasagot. Napansin niyang hindi ako kumikibo kaya sinundan niya ang direksyon ng tingin ko. "Oh—nandito pala ang asawa mo. Mukhang lasing. Bakit kaya naglalasing yan?"
May halong kuryusidad sa boses ni Natalya, ngunit hindi ko na nagawang sagutin pa ang tanong niya. Mas lalo akong naguluhan sa dahilan ng madalas na paglalasing ni Elixir. Ano ba talaga ang bumabagabag sa kanya?
Makalipas ang ilang sandali...
"Ang bigat naman nitong asawa mo! Pasalamat ka at love kita, dahil kung hindi, hinding-hindi kita tutulungan sa asawa mong gago!" reklamo ni Natalya habang inalalayan namin ang halos walang malay na si Elixir.
Nasa kaliwa niya si Natalya, habang ako naman ay nasa kanan. Parehong nakasampa sa balikat namin ang mabibigat na braso ni Elixir habang dahan-dahan naming tinatahak ang daan papunta sa kotse ng pinsan ko.
"Kaya nga love din kita kasi maaasahan kita sa lahat ng oras," sagot ko sa kanya, pilit na pinapagaan ang sitwasyon.
"Pambihira naman," aniya habang inaayos ang pagkakakapit kay Elixir. "Hindi ko pa nakikita si Prof dahil sa Elixir mo! Kung sana hin—"
Hindi na niya natuloy ang sasabihin niya dahil bigla kaming parehong napahinto nang muntik nang matumba si Elixir. Napigilan naman namin siya, pero sa malas, bahagya niyang nasagi ang isang lalaking naglalakad sa aming harapan.
Kinakabahan ako. Paano kung magalit ang lalaking natamaan ni Elixir? Halos pigil ko ang hininga habang dahan-dahang napalingon ang lalaki sa amin.
"Miss Montreal?" kunot-noo nitong tanong, halatang nagtataka.
Nanatili akong nakatitig sa kanya, umaasang hindi ako ang tinutukoy niya. Imposible. Nakatago ang tunay kong katauhan. Ngunit nang mas pagmasdan ko ang mukha niya, doon ko lang napagtanto kung sino siya—ang lalaking kanina pa hinahanap ni Natalya.
"Professor Nathan! Nandito pala kayo," bulalas ni Natalya, ang kaswal na tono ng kanyang boses ay hindi maikukubli ang pagningning ng kanyang mga mata.
"Yes," sagot ng professor habang nakatitig sa amin, halatang nagtataka sa sitwasyon namin ni Natalya.
"Prof, pin------"
Magsasalita pa sana si Natalya nang mabilis akong sumingit upang maiwasan ang anumang hindi dapat mabanggit. "Anak ako ng dating katulong ng pamilya ni Ma’am Natalya," dire-diretso kong sabi. "Tinulungan niya ako para maiuwi ang boss ko sa bahay nito."
Bahagyang napanganga si Natalya sa sagot ko, pero agad naman niyang naintindihan ang ibig kong sabihin. Hindi na siya kumontra at tahimik na lamang akong sinabayan.
"Ganun ba?" sagot ni Professor Nathan, tumango-tango na para bang tinatanggap ang paliwanag ko. "Mukhang hindi niyo kakayanin dalawa lang, tutulungan ko na kayo."
Tututol pa sana ako dahil masyado nang nakakahiya, pero naunahan na ako ni Natalya. "Sige, Prof! Salamat talaga," sagot niya, halatang hindi pinalagpas ang pagkakataong mapalapit pa lalo sa professor.
Napabuntong-hininga na lang ako. Mukhang hindi lang ako ang gumagawa ng katangahan ngayong gabi.
Later.....
Sa wakas, matapos ang matinding paghihirap, tuluyan na rin naming naipasok si Elixir sa backseat ng kotse ni Natalya, salamat sa tulong ni Professor Nathan. Kapwa kami hingal at pagod, ngunit sa kabila nito, malapad pa rin ang ngiti ni Natalya habang abot-langit ang pasasalamat niya kay Professor. Halatang sinulit na niya ang pagkakataong makausap ito, at tila hindi pa siya nakuntento dahil sa kapal ng kanyang mukha, nagawa pa niyang tanungin si Professor Nathan kung ano ang ginagawa nito sa Cebu.
Ngunit sa isang saglit, nabura ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi nang marinig ang sagot ni Professor.
"In the next few days, I am getting married. Nandito ako para maghanda sa kasal namin ng fiancée ko. Taga-rito kasi siya sa Cebu."
Sa isang iglap, parang naitulak si Natalya sa mapait na katotohanan. Kitang-kita ko kung paano siya natigilan, waring napipi at hindi makahanap ng tamang sasabihin. Dahil sa biglaang katahimikan niya, ako na ang nagpasya na pumagitna sa usapan upang mabawasan ang bigat ng sitwasyon.
"Salamat talaga, Sir Nathan," wika ko na may pilit na ngiti, pilit ding binabasag ang tensyon. "Ma’am Natalya, tayo na."
Sa kabutihang palad, hindi na siya nagmatigas at agad na pumasok sa kotse. Bago ako sumunod, muli akong nagpaalam kay Professor Nathan at saka maingat na isinara ang pinto ng sasakyan.
Habang nasa loob na kami ng kotse, napansin kong tila wala sa sarili si Natalya. Malayo ang tingin niya sa labas, at halatang hindi niya kayang itago ang lungkot na bumalot sa kanya. Naisip ko na baka hindi siya nasa tamang kundisyon para magmaneho, kaya hindi na ako nagdalawang-isip na akuin ang responsibilidad na iyon. Ayaw kong madagdagan pa ang dagok ng gabing ito ng isang trahedya sa kalsada.
Tahimik lang ang pinsan ko, hindi tulad kanina na masayahin at puno ng sigla. Naintindihan ko naman ang pinagdaraanan niya. Sino ba namang hindi masasaktan kung malalaman mong ang taong matagal mo nang minamahal ay ikakasal na sa iba? Si Professor Nathan ang lalaking matagal na niyang pinapangarap, simula pa noong high school siya. Naging student teacher niya ito noon, at mula noon, lihim na niyang hinangaan at minahal ang lalaki.
Makaraan ang maraming taon, hindi niya inasahan na muling magkrus ang kanilang mga landas—at sa hindi pangkaraniwang pagkakataon pa. Sa unibersidad kung saan siya nag-aaral ng kolehiyo, naroon din si Nathan, ngunit hindi bilang isang panandaliang guro kundi bilang isang ganap na propesor. Doon niya muling nadama ang matagal nang natutulog na damdamin, ngunit ngayong gabi, para bang isang mabigat na pinto ang tuluyang nagsara sa kanyang mga pangarap.
Habang patuloy akong nagmamaneho, hinayaan ko lang siyang magmuni-muni sa kanyang sariling mundo. Alam kong sa mga oras na ito, walang salita ang makakapagpagaan ng sakit na nararamdaman niya.
--------
Hindi ako mapakali. Mula kanina pa ako palakad-lakad sa loob ng kwarto ko, hindi alam kung paano pakalmahin ang sarili. Sa gitna ng aking pag-aalala, natanaw ko si Elixir na nakahiga sa kama ko—lasing na lasing at mukhang may dinadalang mabigat na problema. Hindi ko pa rin alam kung ano ang dahilan ng kanyang paglalasing, pero halata sa kanyang itsura na hindi basta simpleng bagay ang bumabagabag sa kanya.
Samantala, si Natalya naman ay hindi ko na mapigilan. Kahit anong gawin kong panghihikayat upang pigilan siyang umalis, hindi man lang niya ako pinakinggan. Matigas ang kanyang ulo, at kahit anong sabihin ko, nagdesisyon pa rin siyang umalis mag-isa. Hindi ko alam kung saan siya pupunta o kung ano ang binabalak niya, pero ang mas kinakatakot ko ay baka mapahamak siya. Sinubukan kong tawagan siya, pero lalo lamang akong kinabahan nang malaman kong nakapatay ang cellphone niya. Nasaan kaya ang pinsan ko?
Habang naguguluhan ako sa aking mga iniisip, bigla kong narinig ang mahinang pag-ungol ni Elixir. Napatingin ako sa kanya, saka marahang lumapit. Dahan-dahan akong umupo sa gilid ng kama, pinagmamasdan ang kanyang mahinang anyo. Gising na siya, pero halata sa kanyang mga mata ang kawalan ng sigla. Para siyang malayo ang iniisip, waring hindi naririto sa kasalukuyan.
"Elixir, okay ka lang ba?" tanong ko sa kanya, puno ng pag-aalala ang aking tinig.
Bahagyang luminga-linga siya, saka huminga nang malalim bago sumagot. "Paano naman ako magiging okay?" may pait sa kanyang tinig. "I married the woman that I don't love just to get rid of that woman my grandfather chose for me to marry—na hindi ko rin naman mahal. Pakiramdam ko, my life is a complete mess. They ruined my life."
Nanigas ako sa aking narinig. Parang may kung anong malamig na kamay na pumalibot sa puso ko, pinipiga ito nang walang awa. Ramdam ko ang matinding hapdi na tila tumatarak sa kaluluwa ko. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang sakit na dulot ng kanyang mga salita.
Dalawang babae ang tinutukoy niya—pareho niyang hindi mahal. At ang mas masakit? Iisang babae lang naman iyon. Ako lang naman.
Ang masakit pa rito, tila walang pagkakaiba kung sino ako sa buhay niya. Ano man ang katauhan ko, anuman ang naging papel ko sa kanya, hindi iyon naging sapat upang mahalin niya ako. Napakasakit tanggapin ng katotohanang ito, ngunit kahit anong sakit, hindi ko pa rin kayang sumuko.
Kahit na maging dakilang tanga man ako sa paningin ng iba, hindi ko pa rin kayang bitiwan ang nararamdaman ko para sa kanya.