Chapter 11

1184 Words
Pagkarating ni Sophia sa eskwelahan ay nadatnan niyang naroon na Virgil sa loob ng classroom nila at nasa upuan na nito. Nakita siya nitong dumating pero nang magtama ang mga mata nila ay nagtagpo ang mga kilay nito. "Tingnan mo yang taong 'yan. May sayad talaga. Wala ka namang ginagawa pero galit sa'yo. Huwag mo na ngang tingnan 'yan." Mula sa likuran niya'y wika ni Cindy na nakasabay niya sa pagpasok ng classroom. Patulak siya nitong pinagawi papunta sa upuan nila upang maalis na sa lalaki ang tingin niya. Pagkaupo nila ay nagtanong ang kaibigan. "Ano na naman kaya ang problema niyan ngayon?" "Cindy, huwag mo ng pansinin. Wala naman siyang ginagawa eh." "Eh kung irapan ka ay bonggang-bongga eh. Bading ba 'yan? Nai-inggit sa ganda mo?" "Shhhh." Aniyang inilagay pa ang kanang hintuturo sa kanyang labi. "Ikaw ang high blood diyan eh. Ang aga-aga." "Basta naiinis ako." Huminga ito ng malalim at pinaikot ang mga mata nang mapatingin sa pintuan ng classroom. Doon ay nakatayo ang kakarating lang nilang kaklase na parati ay nakikipag-paligsahan sa kanya sa mga grado. "Isa pa 'tong Cris na 'to. Akala mo naman talaga ay magaling. Para namang hinangin sa sobrang yabang." "Hoy!" Impit niyang wika. Hindi niya alam kung matatawa o maiinis sa pagiging pintasira ng kaibigan niya. Sa huli ay kinuha niya ang kamay nito at pinisil iyon upang manahimik na dahil malapit lang sila sa pintuan ng classroom at nag-aalala siyang marinig ito ng kaklaseng kinaiinisan. Para namang nananadya ang pagkakataon at napatingin sa kanila ang kaklaseng pinag-uusapan nila na lumakad palapit habang ang tingin ay nasa kamay nilang dalawa ni Cindy. "Wowwowiwow! Nagkatuluyan na ba kayong dalawa?" Ngisi nitong sa hitsura ay halatang mayroong gustong ipakahulugan. "Hindi na lang hawian ng buhok ngayon ah. May hawakan na ng kamay." "Anong ibig mong sabihin!?" Matigas na tanong ni Cindy. Itinaas baba ni Cris ang kilay habang nakatingin sa mga kamay nilang dalawang magkaibigan. Nabawi ni Cindy ang kamay mula sa kanya at naipalo iyon sa lamesa ng upuan nito. "Ang bastos ng utak mo! Kalalaki mong tao pero malisyoso ka." Sa kanila ng lahat napako ang tingin ng mga kaklase nila. Dahil maaga pa iyon ay hindi niya inaasahang darating kaagad ang kanilang professor na maaaring pumigil sa kaklase nila. "Hindi ako malisyoso." Nakangising paliwanag nito. "Sinasabi ko lang kung anong nakikita ko. Ano kaya ang susunod diyan sa hawakan niyo ng kamay? Halikan na ba? Nakakahiya kayo..." "Ang bastos talaga ng bunganga mo eh." Tumayo na si Cindy upang harapin ang lalaki. Sa tangkad ng kaibigan niya ay hindi naman ito masyadong dehado kay Cris na mas matangkad lang dito ng halos isang pulgada. "Sumusunod sa utak mo! Palibhasa kasi gawain mo!" Nagtagpo ang mga kilay ng lalaki at unti-unting nawala ang nakakainis na ngisi nito. "Ano? Gusto mong ipagkalat ko sa mga tao dito ang gawain mo!? Tingnan natin kung sinong nakakahiya?" Nanlaki ang mga mata niya ng makita mula sa kanyang pagkakaupo ang pag-angat ng kamay ni Cris at bago pa man iyon dumapo kay Cindy ay kaagad siyang napatayo at napayakap sa kaibigan kasabay ng pagsinghap ng mga kaklase nila at pagsaway naman ng iba. Inaasahan niyang may sasakit sa balikat o likod ng ulo niya pagkatapos niyon pero sa halip ay tila pagbagsak ng kung ano sa likuran niya ang kanyang narinig. Paglingon niya ay nakita niyang parang paatras na bumagsak si Cris sa hindi niya nalamang dahilan at ang mga kaklase naman nila ay nahawi papunta sa kabilang bahagi ng silid paiwas sa kaklaseng natumba. Ang tanging naiba ang kilos ay ang papalayong bulto ni Virgil na palabas ng silid na iyon habang nakapamulsa. Mula sa pagkakabagsak ay galit na nilinga ni Cris si Virgil at nagmamadaling hinagilap ang bag at tumayo. Masama ang tingin na binalingan sila nito bago nito ini-itsa ang bag sa bakanting upuan sa di kalayuan at tinungo rin ang pintuan. Kinakabahan siyang napatingin kay Cindy na parang natulala kaya sa mga kaklase nilang lalaki siya bumaling. "Sundan ninyo si Cris. Saan ba pupunta 'yun?" May apat na nagtakbuhan palabas habang ang ilan pa ay nag-unahan sa may bintana upang tingnan mula roon ang iba nilang kaklase. "Okay ka lang ba?" Tanong niya kay Cindy na hindi pa rin umiimik. "Nasaktan ka ba?" Ipinilig nito ang ulo na parang noon lang natauhan. Noon lang nito naalalang kumustahin siya. "Ikaw? Okay ka lang ba? Hindi ka naman tinamaan ng Cris na 'yun?" Umiling siya. "Hindi mo nakita si Virgil?" Anitong nandilat ang mga mata. "Kung anong ginawa niya?" Umiling siya. "Parang nagsisisi na ako sa mga sinabi ko sa mokong na 'yun..." Hinila siya nito sa may bintana kung saan naroon ang iba pa nilang mga kaklase. Sumiksik sila roon at hinagilap ng tingin si Virgil. "Ayun oh." Turo nito sa likod ng isang puno ng Pili. Dahil medyo malayo mula sa bintana ng kanilang classroom ay hindi nila gaanong dinig ang kung anumang isinisigaw ni Cris kay Virgil na anyo ng sumusugod pero may ilan ng estudyanteng lumapit sa una kabilang na ang dalawa sa kanilang kaklase na sumunod sa mga ito at pinipigilan itong tuluyang makalapit sa huli na tila walang pakialam sa galit ng kaklase. Nananatili itong nakapamulsa at ngumunguya ng kung ano. "Hoy! Tumigil ka na Cris!" Sigaw ng ilan nilang kaklaseng kasama nila sa bintana samantalang si Cindy naman ay hindi na napigilan pang muling mag-komento. "Ang lampa mo naman, ang lakas mong maghamon diyan! Nasagi ka lang ng siko tumba ka na kaagad tapos maghahamon ka ng suntukan? Tumigil ka na!!!" Masama ang tingin na iginanti ng lalaki kasabay ng pag-porma ng kamao nito sa gawi nila habang si Virgil ay walang imik na iniluwa sa isang gilid ang nginunguya pagkatapos niyon ay may sinabi ito kay Cris na naging dahilan ng pagsiklab ng galit ng lalaki at pagsapak sa mukha ni Virgil. "Awww!" Halos sabay-sabay na wika ng mga kasama niya sa bintana. Napasinghap siya at napahigpit ang kapit sa gilid ng bintana nang makitang napaling at natumba ang binata sa ugat ng puno na bahagyang nakaangat sa lupa. Pakiramdam niya ay tumagos sa kanya ang suntok na iyon na umabot hanggang sa tapat ng kanyang dibdib maging ang sakit na nararamdaman ni Virgil dahil sa pagtama ng likod nito sa nasabing ugat. Pito galing sa security guard na paparating ang pumigil sa anyo pa sanang pag-suntok ni Cris kay Virgil. Pagkatapos niyon ay ang paghila ng mga ka-eskwela nila kay Cris papalayo roon. "Dumudugo ba yung bibig ni Virgil?" Tanong ng isa nilang kaklaseng nagkakandahaba ang bibig. Nakita niyang dumura ang binata at maya-maya ay unti-unting tumayo mula sa pagkakatumba habang nakaalalay dito ang ilang estudyante. Sinundan niya ito ng tingin. Ilang beses pa itong nagpunas ng bibig gamit ang kamay nito bago ito lumakad paalis doon. Saka lang sila nakaalis sa bintana nang tuluyang mawala ang mga ka-eskwela nilang nagkukumpulan kanina at saka lang sila nagsibalikan sa kanilang upuan. Sa nangyaring gulo ay siguradong aabot na naman kay Mr. Augusto ang balitang iyon at ayaw man niyang isipin ay mas lalo lang iyong magpapasama sa binata. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD