ALA-ALA

1070 Words
CHAPTER 6 LLIANNE JANE POV Ala-una na nang madaling araw nang maisipan kong umuwi na sa condo. Nakapangalumbaba pa ako habang isinasara ang laptop, pakiramdam ko’y walang katapusan ang mga dokumentong kailangang basahin at pirmahan. Pero naisip ko rin kahit anong pagpupuyat ko ngayon, hindi rin naman matatapos lahat ng trabaho. Mas mabuti nang umuwi at magpahinga. Habang nagmamaneho ako pauwi, tahimik lang ang kalsada. Ang mga poste ng ilaw ay nagliliwanag sa bawat kanto, tila mga matang nagmamasid sa mga taong tulad kong gising pa sa ganitong oras. Malamig ang hangin, ngunit mas malamig ang loob ko. Hindi ko maiwasang matulala habang nakahawak sa manibela. Paulit-ulit pumapasok sa isip ko ang parehong tanong na ilang buwan ko nang kinikimkim: Ano bang nakita niyang mali? Bakit niya ako iniwan na parang wala lang lahat ng pinagsamahan namin? Hindi ba ako sapat? Hindi ba ako naging tama sa kanya kahit kailan? Minsan naiisip ko, baka ako talaga ang may problema. Baka masyado kong sinanay ang sarili kong hindi nasasaktan, hanggang sa nakalimutan ko nang pwedeng mapagod din ako. Pagkarating ko sa condo bandang 1:30 AM, binuksan ko lang ang pinto at hindi ko na inabala ang sarili kong magbukas ng ilaw. Sanay na ako sa dilim. Sa liwanag ng mga poste sa labas, naaaninag ko na agad ang loob ng condo malinis, tahimik, at walang buhay. Wala ring nagbago, pero pakiramdam ko, lalong lumawak ang espasyo. Umupo ako sa sofa at huminga nang malalim. “This is my boring life again,” bulong ko sa sarili. “Andito na naman ako, mag-isa. Nagmumokmok sa taong dapat matagal ko nang kinalimutan.” Ngunit sa totoo lang, hindi ko siya makalimutan. Hindi dahil mahal ko pa siya kundi dahil galit pa rin ako. Galit sa sarili ko, galit sa katotohanang hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin ang rason ng lahat. Tumayo ako at naglakad papunta sa banyo. Binuksan ko ang shower at hinayaan kong dumaloy ang malamig na tubig sa balat ko. Parang gusto kong hugasan lahat ang pagod, ang alaala, at ang mga salitang hindi ko nasabi noon. Ngunit kahit anong sabon o tubig, hindi nawawala ang bigat sa dibdib ko. Pagkatapos kong maligo, nagsuot lang ako ng oversized na shirt at shorts, tapos sumampa ako sa kama. Tahimik ang paligid, tanging tik-tak ng wall clock ang naririnig ko. Kinuha ko ang gitara ko sa gilid ng kama, hinaplos ang leeg nito, at dahan-dahang nag-strum. Isa, dalawa, tatlong chords hanggang sa maramdaman kong bumabalik ang emosyon na matagal ko nang kinulong. Napapikit ako at hinayaan kong sumabay ang boses ko sa mga tunog ng gitara. “All I want is nothing more…” Mahina lang sa una, pero habang tumatagal, mas nararamdaman ko ang bawat linya ng kanta. Parang bawat salitang binibigkas ko ay may kasamang alaala ang tawanan, ang gabi ng mga pangako, ang biglaang paglamig ng lahat. Nang matapos ang kanta, hindi ko na napigilang mapangiti nang mapait. “Olivia, you really know how to ruin someone’s night,” mahina kong sabi, halos pabulong sa dilim. Inilapag ko ang gitara sa tabi ko at tumagilid sa kama. Pinikit ko ang mga mata, pero sa halip na tulog, alaala ang bumungad ang mga mata niyang laging nakangiti, ang boses niyang nagiging kanlungan ko tuwing gabi, at ang paraan niyang biglang naglaho na parang hindi ako kailanman naging bahagi ng mundo niya. At bago tuluyang lamunin ng antok ang isip ko, isang linya lang ang naiwan sa utak ko isang pangakong paulit-ulit kong sinasabi pero hindi ko pa rin kayang tuparin Kinabukasan, maaga akong nagising alas sais pa lang pero gising na gising na ako. Sanay na rin siguro ang katawan ko sa ganitong oras. Pagmulat ko ng mga mata, agad kong naramdaman ang lamig ng hangin mula sa aircon at ang kaunting kirot sa batok dahil nakatulog akong yakap ang gitara. Bumangon ako, iniunat ang mga braso, at bumuntong-hininga. “Another day,” mahina kong sabi habang tinatanggal ang kumot. Napatingin ako sa salamin at napangisi nang makita kong magulo pa ang buhok ko at may kaunting marka ng unan sa pisngi. “Maganda pa rin kahit puyat,” biro ko sa sarili, kahit alam kong halata pa rin ang pagod sa mukha ko. Binuksan ko ang kurtina at bumungad ang liwanag ng umaga. Ang langit ay mapusyaw na asul, at may ilang ulap na tila tinataboy ng hangin. Mula sa mataas kong unit, tanaw ko ang mga taong nagsisimulang magmadali sa kalsada mga empleyado, estudyante, at ilang joggers na tulad kong gustong makawala sa stress kahit sandali. Nagbihis ako ng simpleng black leggings at gray sports bra, itinali ang buhok sa ponytail, at nagsuot ng running shoes. Kinuha ko ang earphones ko at lumabas ng unit dala ang maliit na tumbler ng tubig. Pagdating ko sa rooftop gym ng condo, kakaunti pa lang ang tao. Binuksan ko ang music sa phone ko isang playlist ng mellow pop na nagbibigay sa akin ng focus. Habang nagja-jog sa treadmill, naisip kong ito na siguro ang tanging oras sa araw na tahimik ang isip ko. Wala munang iniisip na problema sa kumpanya, walang Lucas na makulit, walang Reed na reklamo ng reklamo. Ako lang at ang tunog ng bawat hakbang. Nang matapos ako sa treadmill, nag-stretch ako sa gilid, sinabayan ng malalim na paghinga. Ang bawat pag-angat ng dibdib ko ay parang paalala na buhay pa rin ako, matatag pa rin kahit pagod. Pagbalik ko sa unit, diretso ako sa banyo para mag-shower. Habang binabasa ng tubig ang balat ko, tahimik kong pinag-iisipan ang buong araw ang meeting mamaya, ang mga empleyadong kailangang disiplinahin, at ang mga papeles na dapat kong pirmahan. Pagkatapos maligo, nagsuot ako ng corporate attire white blouse, fitted black skirt, at blazer. Nilagyan ko ng kaunting make-up ang mukha ko, sapat lang para magmukhang pormal at disente sa harap ng mga board members. Pagtingin ko sa orasan, alas-siyete na. Eksaktong oras para umalis. Kinuha ko ang bag ko, sinigurong dala ang cellphone at mga dokumentong kailangan sa meeting. Habang naglalakad palabas ng condo, hindi ko maiwasang mapangiti ng bahagya. Bagong araw. Bagong laban. At ngayong umaga, walang sinuman ang makakasira ng mood ko—kahit pa si Lucas o ang kahit sinong may balak tumalo sa CEO ng kompanyang pinaghirapan kong itayo. “Let’s get this over with,” mahina kong sabi, sabay lakad palabas ng gusali, handa na sa isa na namang araw ng trabaho, laban, at tagumpay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD