CHAPTER 1 - XYRENE PEREZ

1448 Words
Umagang-umaga ay mainit ang ulo ko. Paano ba naman ang aga-agang umulan. Ang putik-putik tuloy ng kalsada namin na dadaanan ko. Importante pa naman ako ang unang subject ko dahil major subject ko iyon, at ayaw kong may ma-miss na lesson doon. Gustuhin ko mang magmadali sa paglalakad ay hindi ko magawa, at baka madumihan ang puting-puting uniform ko. Eto ang hirap kapag Nursing ang course mo eh! Although na-master ko na ang maingat na paglalakad nang hindi napuputikan ang puti kong stockings at puti kong uniform, hassle pa rin, lalo na kapag ganitong ayaw mong ma-late ng pasok sa klase. Hindi bale, konting hakbang na lang naman at malapit na akong makarating sa kanto, sa sakayan ng dyip. “Mga bata! Ilatag na ang mga tabla! Dadaan na ang lablab ko!” Napahinto ako sa paglalakad nang biglang tila iisang tao na halos sunod-sunod na naglatag ang grupo ng mga kalalakihan ng ilang piraso ng mga tabla na kahoy sa daraanan ko. Nang mailatag na nila ang mga tabla, may nagsalita sa dulo. "Good morning sa iyo, lablab! Tapakan mo na ang mga tabla para hindi maputikan ang puting-puting uniform mo." Nasa dulo ng mga tablang kahoy si Yoseph. As usual, nakasuot ito ng hapit sa katawan na lumang t-shirt, at saka kupasing maong. Iyung suot niyang rubber shoes ay branded pero halatang pinaglumaan na, at sobrang dumi. Mula yata nang magtrabaho ito sa construction site na pinapasukan nito, iyung rubber shoes na iyun na ang sinusuot niya. Pero kung pagbabasehan iyong tatak ng rubber shoes, mapapa-isip ka kung sino kaya ang nag-magandang loob na nag-donate sa kanya ng branded na rubber shoes na iyon? Sabagay, sa panahon ngayon, kayang-kaya nang gayahin ang mga original na brands. Sa totoo lang, guwapo naman itong si Yoseph. Kung mabibihisan lang ito nang maayos, walang panama ang lokal na artista at modelo. Maganda pa ang katawan. Siguro ay matanda ito sa akin ng tatlong taon. Kung ako sa kanya, nag-audition na lang ako sa PBB, bakasakaling maging artista pa siya kaysa ang mag-construction worker. Huminga ako nang malalim, at saka nag-umpisang ihakbang ang mga paa. "Hindi talaga buo ang araw ninyo kapag hindi ninyo ako nabwisit sa umaga, ‘noh?” iritableng sabi ko, habang binabaybay ang kahabaan ng mga tablang kahoy. "Uy... mukhang mainit ang ulo ng lablab ko, ah...." narinig kong sabi ni Yoseph, bago ako makarating sa puwesto niya. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko. Likas na ang pagka-makulit nitong si Yoseph. Oo nga, at ginawan nila ako ng maliit na pabor ngayon sa paglalagay ng mga tablang kahoy sa maputik na dadaanan ko. Pero hindi ko yata kayang magtimpi ngayon. Importante talaga iyung exam ko sa first subject. "Yoseph--" halos gigil na banggit ko sa pangalan niya nang nasa tapat na niya ako. Pero hindi naalis ang ngiting nakapaskil sa mukha niya. Really? Sinusungitan ko na't lahat nakangiti pa rin? “Tigilan mo na nga ang kakatawag sa akin ng lablab! Xyrene ang pangalan ko.” “Masanay ka na, lablab. Sweet talaga kami ang pamilya namin. Ang tawagan ng mga magulang ko, love. Iyung Ate ko, ang tawag niya sa boyfriend niya – my loves. Kaya ako, lablab ang itatawag ko sa iyo,” nakangiting sabi nito, sabay kindat sa akin. “Hindi kita kaanu-ano, kaya tigilan mo na 'yan,” masungit kong sagot sa kanya. “Sa ngayon, hindi. Pero pagka-graduate mo, liligawan na kita. Pagkatapos, papakasalan na kita. Kahit saang simbahan pa!,” confident na sagot nito. Kapal huh! Sasagot pa sana ako nang bigla itong magsalita uli. "Sige na, pasok ka na, lablab. Baka ma-late ka sa school mo, awayin mo pa ako," sabi pa nito. Inirapan ko muna ito, bago ako humakbang palayo doon sa kinatatayuan namin. Sa tingin niya, hindi ko pa siya inaaway nang lagay na 'yun? “Huwag kang tititig sa mga lalaking classmates mo, lablab ha! Ako lang dapat ang titingnan mo,” narinig ko pang sigaw ni Yoseph, pero hindi ko na pinansin. Mabuti na lang at may nag-cutting trip na dyip kaya nakasakay ako agad pagdating sa sakayan. RAMDAM ko ang pagkalam ng sikmura ko habang sakay ako ng dyip pauwi sa amin. Ala-una na kasi ng hapon pero hindi pa ako nag-tanghalian. Sayang naman kasi ang pera kung kakain pa ako sa school. Kaya tinitiis ko na lang para sa bahay na lang ako kakain. Kailangan kasing magtipid. Wala namang trabaho si Nanay. Si Tita Lily, na kapatid ni Nanay, na nagka-asawa ng isang Indonesian, at nakatira ngayon doon ang siyang tumutulong sa amin at nagpapa-aral sa akin. Wala na rin akong Tatay. Pero hindi pa naman siya patay. Pero parang ganun na rin dahil matagal na kaming walang balita sa kanya. Ang sagot lagi ni Nanay kapag may nagtatanong sa kanya kung nasaan ang Tatay ko? 'Sumakabilang bahay na'. "Para po!" Agad akong bumaba sa dyip nang itabi at ihinto ng driver. Ayaw ko mang entertain-in sa sarili ko, pero inaasahan ko na ang bigla na namang pagsulpot ni Yoseph sa dadaanan ko. Ewan ko ba sa taong iyon. Hindi ko alam kung nagkakataon lang o sadyang kabisado na niya ang oras ng alis ko sa umaga at uwi ko sa hapon, para maabangan niya ako araw-araw sa umaga at sa hapon. May anim na buwan na ring ginagawa ang gasoline station sa kanto ng kalye namin, kaya malamang nasa lima o apat na buwan ko na ring nakikilala si Yoseph, saka iyung ilang kasamahan niya roon sa construction. Masasabi kong mukhang harmless naman si Yoseph. Puro pang-aalaska lang naman ang kaya niyang gawin sa akin, kaya panatag naman ang loob ko sa kanya. Mabuti na lang at hindi na umulan, kaya tuyo na ang lupa at hindi na maputik. Naalala ko tuloy bigla iyung ginawa nila Yoseph kaninang umaga nung dumaan ako at maputik ang daan. Bigla akong napahinto sa paglalakad nang mapansin kong nakalampas na pala ako sa ginagawang gasoline station, pero walang Yoseph o kung sino man sa mga kasamahan ni Yoseph ang humarang sa akin. Hindi ko tuloy maiwasang hindi lumingon sa construction site. Hinagilap ng mga mata ko ang bulto nung taong hinahanap ko, pero bigo ako kaya nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Nang mapadaan ako sa karinderia ni Aling Celia ay may tumawag sa akin. Napalingon ako at nakita ko iyung dalawang kasamahan ni Yoseph sa construction site. Ang alam ko ay Reggie ang pangalan niya. Ewan lang iyung isa. Bahagyang sumigla ang pakiramdam ko, sa kabila ng gutom na nararamdaman ko. Siyempre, kung nandito sila, malamang nandirito rin lang si Yoseph. "Uy! Reggie? Tama ba ako?" “Oo. Ako nga si Reggie,” nakangiting sagot nito. Si Yoseph pala, nasaan? Gusto ko sanang itanong, pero siyempre, nahiya ako. “Xyrene, Dindo!” bati sa akin nung isa. “Hello,” tipid na sagot ko. "Xyrene, kain tayo,” sabi ni Reggie. Kilala ang karinderia ni Aling Celia sa lugar namin na masarap ang mga luto. Dahil sa gutom ko, parang gusto ko tuloy patusin ang alok ni Reggie na kumain. Pero naisip ko, magkano lang ba ang suweldo ng mga kagaya nila para magpalibre pa ako? Oo nga, at hindi naman kamahalan angn presyo ng mga tindang ulam ni Aling Celia, pero kabawasan pa rin iyun sa sahod ng mga tulad nila. “Sige lang, Reggie. Okay lang ako. Sa bahay na lang… paniguradong ipinagtabi ako ni Nanay ng ulam doon. Sige, ha…” Hahakbang na sana ako, pero mabilis akong napigilan ni Reggie. Nagtataka man ay huminto din ako. “Ginataang Bilo-bilo o Lumpiang Sariwa?" tanong niya sa akin. "Ha?" nalilitong sagot ko sa kanya. Nakakainis naman itong si Reggie. Hindi ba siya aware na gutom na gutom na ako, at parang torture sa akin ang marinig iyung dalawang putahe na binanggit niya? "Pumili ka ng isa, Xyrene," sabi ni Reggie nang wala siyang makuha agad na sagot mula sa akin. "Okay. Lumpiang Sariwa." Akala ko ay tapos na kaya hahakbang na sana uli ako. "Lumpiang Sariwa o Pancit Luglog?" tanong uli nito. "Pancit… Luglog?" alanganin kong sagot. Ano ba to? Guessing game? Tumingin pa muna si Reggie sa tindahan ni Aling Celia na tila nag-iisip. Pagkatapos ay bumaling uli sa akin. "Ahh. Xyrene, Pancit Luglog o Lugaw?" biglang sabi nito. "Ano ba yan, Reggie! Lalo tuloy akong ginugutom sa mga sinasabi mo. Favorite ko pa naman iyung Lugawm tapos may ka-partner na Tokwa, saka Crispy Baboy!” Lumapad ang ngiti ni Reggie at Dindo. Nagkatinginan pa silang dalawa. “Talaga, Xyrene?” tanong uli ni Reggie sa akin. “Oo nga. Sige na. Uwi na ko. Gutom na talaga ako, eh," sabi ko dito, at saka iniwan na silang dalawa ni Dindo. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD