//KABANATA 2

3482 Words
Dr. Markus Parker-Sanchez IP Address: 158.204.57.103/33 Lungsod ng Taguig, Pilipinas Agosto 20, 2045; 07:23 H (GMT +08:00)   Kay ganda ngang pagmasdan ang isang obrang nagpapatungkol sa hinaharap, kung saan ang aking kompanya, na itinatag ko sa Bordeaux tatlong dekada na ang nakalipas, ay magiging kabahagi nito. Kung nais kong maging realidad ang nasa aking harapan, kailangang tumugon at panatilihin ng lahat kumakatawan sa Markus Industries, mula ulo hanggang paa, ang aming mission-vision statement upang mangyari ang nasa larawan. At ang unang hakbang sa pagpapakatotoo ng obra, ay ang pagtatayo namin ng bagong headquarters sa bayan ng aking ama. Dito nagmumula ang lahat ng mga plano ng Markus Industries para sa rehiyong Asya-Pasipiko, at nagdesisyon na rin ako na heto na ang bagong main headquarters, habang ang nasa Bordeaux, kahit malayo mula sa kaguluhang ekonomikal at pulikal na lumalamon ngayon sa Paris, ay mananatili bilang sangay ng aming operasyon sa Kanlurang Europa – maliban na lang kung kumalat pa lalo ang kaguluhan doon. “Boss, nandito na po si Samson!” Dumaan sa aking tenga ang tinig ng Senior IT Risk Manager, si Bashiri Almeda. Lumingon ako sa direksyong kung saan nagmula ang kanyang tinig, at nakita ko na nga siya na dinala ang aking mahalagang panauhin ngayong araw na ito. “Salamat, Bashiri.” Aking salita. “Aalis na po ako. May kailangan pa akong daluhan na seminar sa Maynila.” Kailangan niya nang umalis, sapagkat ang mga seminar na dinadaluhan ng bawat kasapi ng Markus Industries, basta may kinalaman sa kanilang mga trabaho, ay mahalaga. Basta, magpakita lang siya ng sertipikasyon. “Mag-iingat ka.” Buka ng aking bibig. “Samson, maaari ka nang lumapit sa kanya.” Pagkasabi ng mga salitang huli niyang binitawan, tinapik niya ang aking panauhin sa kaliwang balikat pagkaraan sa kanyang tabi. Lumabas na siya ng kuwarto at ang bisita ay lumapit na sa akin, na siya namang sakto kong pag-alok sa kanya ng upuan. “Maaari ka nang umupo.” Habang siya ay lumalapit, inayos ko ang aking mesa. Nakakahiya na halata pa ang mga kalat mula sa pagtitipon kahapon. Narito ang John’s Whiskey sa aking mesa, na aking tinabi para mamaya, itatapon ko na sa banyo ang nilalaman. Mahirap atakihin ng hangover, sapagkat aatakihin ka ng sakit sa ulo, na kumikirot sa aking pangangatawan. Pero, sa katagalan, inaasahan kong matatanggal na lahat ng bakas ng aking pagkalasing sanhi ng naganap na pagtitipon sa Malacanang kagabi. Salamat sa nanoteknolohiya at sa teknolohiyang SmartHuman, kaya ito nangyari. //Napuksa na ang mga alkoholikong laman sa anumang bahagi ng iyong katawan. //Tandaan na uminom lang nang tama upang makaiwas sa sakit. Mas maganda na ang aking kalagayan kaysa una, at dahil doon, mas handa ako na harapin ang aking pinakamahalagang bisita ngayong araw. Hindi siya ang pangkaraniwang tao na bumibisita sa aking penthouse, makikipag-usap tungkol sa negosyo, at magkakasundo upang lalo pang tumabo ang kinikitang pera. “Magandang araw po. Ako po si Samson Fuerte.” Nakalapit na siya sa akin at inalok ang kanyang kaliwang kamay sa pakikipagkamayan. “Magandang araw rin, Samson. Ako si Dr. Markus Parker-Sanchez, CEO ng Markus Industries.” Sagot ko sa kanyang pagbati, at nakipagkamayan na sa kanya. “Malugod po ako na makita kayo.” Ako ang dapat na magpasalamat sa kanyang pagpapakita rito. “Ako ang dapat maging mas malugod sa iyong pagpapakita rito, bayani. Maari kang umupo sa isa sa dalawang upuang nandiyan. Nasa iyo ang desisyon kung saan mo nais maupo.” Bago siya dalhin dito, isang taon mahigit siyang nakipaglaban kay kamatayan. Noong dinala siya sa ospital dahil sa tama ng ulo, bunga ng pagprotekta niya sa Pangulo ng bansa, nasa hukay na ang isa niyang paa. Subalit, dahil sa teknolohiyang makikita sa isang SmartHuman, unti-unting inangat ng Markus Industries ang kanyang tsansang muling makatayo, at harapin ang bago niyang buhay. Oo, discharged na siya sa serbisyo, at narito kami muli upang tulungan siya sa kanyang ikalawang buhay. Inokupahan niya ang upuang ayon sa aking paningin, ay nasa gawing kanan. Mabuti ang kanyang napili sapagkat hindi mahaharangan ng monitor (kahit transparento ang screen, ngunit ang skeleton ay gawa sa pinatigas na fiber) ang kanyang mukha. “Salamat sa iyong pag-upo.” Simula na ng aming diskusyon. “Ayan, may pandesal ako sa mesa. Maaari kang kumuha riyan.” “Salamat po.” Kumuha na siya ng ilang pirasong pandesal, pantawid gutom ngayong umaga. SmartHuman man o hindi, kailangang kumain ng almusal sapagkat ito ang pinakamahalagang kain sa buong bansa. Kung maaari, damihan niya na ang kain, sapagkat ito ang tama. Habang dumadaloy ang usapan, ngumunguya kami ng pandesal. At ano pa ba ang mas masarap kaysa pandesal? Kape! Kaya naman, nang napansin kong may baso pala akong ipinatong, nilagyan ko agad iyon ng kape, asukal at kaunting gatas. Pinunuan ko iyon ng tubig, at hinalo gamit ang kutsarang kasama ng baso. “Kumusta na ang iyong kalagayan? Ayos ba ang pakiramdam mo, ngayon ay SmartHuman ka na?” Maaaring hindi niya gustong mangyari ito sa kanya, pero ang pagiging parte ng ‘nagniningning na kinabukasan’ ang tanging makakapagligtas sa kanya. “Medyo masakit pa ang aking ulo, kaya niresetahan ako ng ibuprofen.” Sagot ni Samson tungkol sa kanyang kalagayan. “Eh ang mga nakikita mo? Nahihilo ka ba minsan?” Dapat kong malaman ang kanyang karanasan sa paggamit ng BraimPlant-5 Covert+, ang pinakaabanseng teknolohiya ng Markus Industries at tanging mga empleyadong may kinalaman sa seguridad, walang pakialaman kung sakop ang cybersecurity o may kinalaman sa pakikipaglaban, ang meron nito. “Minsan, nahihilo ako. Pero, mas maganda ang kalagayan ko kaysa noong ako ay nananatili pa sa ospital.” Ulat niya sa akin. “Pagkatagalan, masasanay ka rin at hindi ka na mahihilo.” Alam kong mahirap, ngunit masasanay rin siya sa kanyang bagong buhay. “Tungkol sa sakit mo sa ulo, ituloy mo lang ang pag-inom mo ng ibuprofen, hanggang sa mawala ang sakit ng ulo.” “Okay.” “Samson,” Oras na upang ipaalam sa kanya kung gaano siya kasuerte sa kanyang kalagayan ngayon. “sabi ni Bashiri sa akin, magaling ka sa iyong tungkulin noong ikaw ay nasa Presidential Security Group ka pa. Kahit karayom ang tumusok sa balat ng dating pangulong iyong prinotektahan, hindi mo palalampasin. Ipinamalas mo ang iyong kakayahan noong inatake ang Batasang Pambansa. Oo, napaslang ang pinakamahalagang tao, na siyang pinakamakapangyarihan sa bansa noon. Subalit, pinahirapan mo muna ang mga kalaban bago siya mapaslang. Talagang kahanga-hanga ang iyong ipinamalas.” Sunod kong sinabi sa kanya kung ano ang dapat pagdaanan ng isang aplikante sa Markus Industries. Alam mong maraming gusgos-balugos ang kailangang pag-daan, ngunit babaguhin ko iyon kapag naplantsa na ang bagong sistema. “Salamat po, Ginoong Markus. Pero ginawa ko lang ang aking trabaho.” “At iyan ang dahilan kung bakit ka narito sa loob ng kuwarto ng may-ari ng Markus Industries. Isipin mo na lang ito – marami ang naghahangad na makapagtrabaho dito sa Markus Industries, at kailangan niyang bunuin ang mahabang pila sa recruitment section, at maghihintay sila nang matagal bago pa sila asikasuhin ng mga recruiter. Sigurado ako na nakita mo iyon, sapagkat dumaan kayo ni Bashiri roon upang makarating dito.” Mauubos na yata ni Samson ang pandesal, kaya kinuha ko na lahat ng mga natitira, liban sa isa na maaari niyang kainin. Ngumuya ako ng isa at nang maubos ko ang isang pirasong pandesal, sinunod ko ang pangalawa at tumikim ng kaunting kape, na sinasakop na ng lamig. Nang nakalahati ko ang baso, muli akong nagsalita. “At ikaw, bilang isa sa nakitaan ko ng potensyal, ay diretsahang ia-alok sa’yo ang posisyong Head Secruity ng lahat ng pasilidad ng Markus Industries sa Pilipinas.” Sa pangkaraniwang tao na maalam sa seguridad, lalo na ang mga mula sa sektor ng kapulisan at kasundaluhan, isa itong oportunidad na hindi nila maaaring palagpasin. Alam ko, kahit na ang mukha ni Samson ay puminta ng blangkong imahe sa kanyang mukha, ang kanyang kalooban naman ay galak na galak sa inihahandog sa kanya. Inabot ko sa kanya ang tablet, kung saan nakalabas ngayon ang soft copy ng kontratang pipirmahan niya bilang Senior Head Security ng Markus Industries sa Pilipinas. Sinama ko ang touch pen upang makatulong sa pagsusulat niya sa screen. Nilapag ko ang dalawa sa mesa, at tinapat sa harapan ni Samson. Nasa kanya na kung pipirmahan niya ang kontrata. Sana, pirmahan niya. Kailangan siya ng Markus Industries. Binasa niya muna ang nilalaman ng kontrata. Pitongpu’t limang libong dengi kada buwan ang kanyang sasahurin, at ang mga benepisyong inaasahan sa isang empleyado, na lalo pang pinaganda ng Markus Industries, ay makukuha niya habang ang kanyang anino ay narito sa loob ng kompanya. May sarili pa siyang tirahan, na aking ipagbibigay-alam sa kanya mamaya. “Nariyan na lahat ng mga detalye tungkol sa posiyong papasukan mo. Nasa iyong kamay na kung tatanggapin mo ang aking alok o hindi. Kung may mga katanungan ka, maaari mong i-ere sa apat na sulok ng kuwartong ito, na siyang magsasabi rin sa akin.” Pinaalahanan ko siya tungkol sa maaari niyang gawin habang pinag-iisipan niya kung tatanggapin niya ang aking alok o hindi. “Kung ganoon, may isa akong katanungan – sino ang sasalag sa akin kapag ang mga recruiter ay nalaman ang ganitong patakaran?” Una niyang katanungan, aking sasagutin. “Hindi basta-basta inaalok ang posisyong iyan, Samson. Kaya isipin mo na ikaw ay pinalad.” “Tungkol sa bahay, saan ito? Inaasahan kong malapit ito sa gusali kung saan ako naroon ngayon.” “New Sunshine Residences, sa Bonifacio Global City lang din iyan matatagpuan. Mamaya ay sasabihin ko sa’yo kung paano ka makakapunta roon at kunin na ang bago mong tirahan. Siya nga pala, kumpleto na sa gamit ang lahat ng iyon, kaya wala ka nang aalahanin.” “Ayon sa trabahong ito, pupunta rin ako sa ibang mga bansa kung saan ang Board of Trustee ay pupunta bilang parte ng kanilang security detail.” “Tama.” “Sige.” Salamat, at tinintahan niya na ang puwang na inilaan para sa kanya, upang maging parte ng Markus Industries. Ibinalik niya na sa akin ang tablet at kay gandang pagmasdan, na nasa papel na ang kanyang pirma. “Maganda ang desisyong ginawa mo. Binabati kita, at maligayang pagdating sa Markus Industries.” “Salamat po.” Sagot niya sa akin. Nagtayuan na kaming dalawa at nagkamayan. Si Samson, kahit hindi gaanong kita ang ngiting pumipinta sa kanyang mukha ngayon, ay masaya sa bago niyang kakaharapin kasama ng Markus Industries. Matutulungan ko siya sa kanyang paglalakbay bilang Head of Security sa lahat ng mga kompanya sa Pilipinas. Siya lang naman ang magtatalaga ng mga tauhan sa mga pasilidad ng Markus Industries sa buong Pilipinas, at maglalatag ng mga planong pangseguridad kapag may bibistahin o anuman. Kung sakaling magkaproblema, siya ang magsisilbing huling alas. Nagbitawan na ang aming mga kamay at ang kontratang pinirmahan niya ay aking hinawakan, saka ipinasok sa kabinet na nasa ilalim ng patungan ng mesa. Bilang ganti, ire-rehistro ko na sa New Sunshine Residences, na kanyang magiging bagong tahanan. “Mamaya ay ipapasa ko sa New Sunshine Residences BGC ang iyong aplikasyon na okupahan ang isa nilang silid na eksklusibo lamang sa mga may matataas na katungkulan tulad mo. Pagkapunta mo roon ngayon, makakapasok ka na.” “Sige po. Salamat po.” “Magandang umaga. Mag-ingat ka sa iyong biyahe. Kung hindi ka pa busog sa iyong kinain, heto.”   * * * * *   Samson Fuerte IP Address: 172.168.20.10/63 Lungsod ng Taguig, Pilipinas Agosto 20, 2045; 07:58 H (GMT +08:00)   //NAKATANGGAP KA NG 1,000 Dyeneg MULA KAY 158.204.57.103/33 //MENSAHENG INILAKIP: Isang libong Dyeneg iyan para sa iyong almusal. Maaari mong hindi gastusin iyan kung ikaw ay busog ka na. Ang transaksyon ay awtorisado ng Almal-Masary Central Bank Dubai, United Arab Emirates Iyon na nga, tinanggap ko ang alok ni Markus – maging Security Head ng Markus Industries. Malaki-laki ang aking sasahurin, at maganda ang mga benepisyong binibigay nila sa mga empleyado, magmula sa janitor hanggang sa pinuno ng R&D. Mahirap siyang tanggihan, at nauunawan ko na kung bakit marami ang halos magpakamatay na para lang makasali sa kanilang hanay. Dahil ang kompanyang ito ay may kinalaman sa pagpapaharap ng sangkatauhan sa ‘makinang na hinaharap, lahat ng mga nagnanais makapasok ay dapat magpasaksak ng brain chip upang maging SmartHuman. Huwag akong magkakamali. Sinabi ni Markus sa akin na hindi lang sa merkado ng mga SmartHuman sila nakatuon. Sakop din nila ang mga paggawa ng parte ng kompyuter, at mga kalakip na driver upang masiguro na tama ang pagpapatakbo nito. Maaaring ang kompyuter na ginagamit ng sinuman ay may parteng dinisenyo ng Markus Industries. Sa laki ng kanilang sakop sa larangan ng teknolohiya, malaki ang kanilang kinikita at halos lahat ng kompanya sa buong mundo ay hinahanap ang kanilang galing sa pagseserbisyo. Gayumpaman, mas nananaig pa rin sa akin ang kaisipang ‘hindi ko ginusto ito’. Hindi ko gusto maging SmartHuman. Subalit, kung iyon na lang ang paraan upang mailigtas ang aking sarili mula sa tiyak na kamatayan, ano pa ba ang aking pagpipilian? Umalis na ako sa kuwarto ni Markus Parker-Sanchez matapos matanggap ang Dyeneg, ang opisyal na pera ng mga SmartHuman. Malaking tulong ang paglalagay niya ng Dyeneg sa akin, lalo na’t wala akong pera para makabili ng kung ano ang dapat kong bilhin. Tratuhin ko na lang iyon bilang bonus sa aking ginawa. Samantala, sa paghakbang ng aking mga paa patungo sa elevator na sinakyan namin kanina ni Bashiri, may bumulong sa aking utak. Hindi dumaan sa tainga. Kakaiba. At isa pa, paano nakuha ng isang 92.58.20.193/63, nagngangalang David Segovia, ang aking IP Address? Ganito ba talaga ang paraan ng pakikipag-usap ng mga SmartHuman? //DIINAN ANG KALIWANG SINTINDO UPANG SIMULAN ANG PAKIKIPAGUSAP. At ginawa ko ang hinihiling ng BraimPlant. “Maligayang pagdating sa Markus Industries, Samson. Magkita-kita tayo sa aking opisina sa ikatlong palapag, Room 34.” Nais niya akong makita. “Room 34. Okay.” Sige, pagbibigyan ko siya. Maikli lamang palitan ng salita ang naganap, at pagkatapos kong ibaba ang kanyang tawag, nasa harapan na ako ng elevator. Pinindot ko ang butong may tatsulok na nakaturo sa ibaba. Nang umilaw, hinintay ko ang pagbukas ng dalawang pintuang stainless na sa kasalukuyan, ay umaastang parang salamin sa bahay. Pagkalipas ng isang minuto, nagbukasan na ang dalawang pintuang stainless at maya-maya lang, ang aking mga paa ay nakatapak na sa lapag ng elevator. Pinindot ko ang ‘3’ at sinunod ang DC. Sa aking ikinilos, sinara na ng dalawang pintuan ang daan palabas at ang elevator ay parang nagpatangay na sa gravity na nagsisilbing magnet ng mundong ito. Tumawag sa akin ang isang 102.49.20.187/63. Siya lang naman ay si Elisa Haufmann. “Samson, kapag tapos ka na sa ginagawa mo, magkita-kita tayo sa bahay ko para makuha mo ang duffle bag. Malapit lang iyon sa BGC, kaya maaari mo iyong lakarin.” Oo nga pala, nasa kanya ang duffle bag, ang pinagsisidlan ng mga personal kong gamit. “Sige. Babalitaan na lang kita kapag natapos na ako sa aking lalakarin. Paalam.” At natapos na ang maikli naming pag-uusap. Ang aking mga tenga ay nakinig sa hanging inilalabas ng speaker ng elevator. Ang hanging iyon ay ang awiting jazz na kadalasang naririnig sa mga lobby ng otel. Ilang ulit huminto ang elevator upang pagbuksan ang mga nagnanais pumasok at lumabas kapag ito ay nasa kaparehong palapag na. Ilang lahi rin ang aking napansing nasa loob, at napagtanto ko rin na may ilang mga palapag na okupado ng ibang kompanya, kagaya nang Marusha Innovative Solutions at Tek-Mel Division. At nang pumantay na ang elevator sa ikatlong palapag, nagbukasan na ang dalawang pinto at iniwanan ko ang dalawang Indiyanong nag-uusap sa loob, kasama ng iba pang mga trabahador na umagang-umaga pa lang, parang sila ay uuwi na. Hinanap ko ang kuwartong may nakasulat na ‘Room 34’ at sa ilalim ng mga katagang nabanggit, nakasulat naman ang mga salitang ‘CYBERSECURITY DIVISION’ o ‘CyberSec’ at sa aking pag-iikot, natagpuan ko na rin ang opisina kung saan nagtatrabaho ang isang David Segovia. Hindi katulad sa mga pangkaraniwang opisina at espasyong aking namataan, kung saan ay makikita mo ang mga nangyayari sa loob, ang opisina ay kubling-kubli at maliit lamang. Maaaring iilang tao lamang ang narito sa loob, at ang sinumang papasok ay hindi lang sa fingerprint babase. Meron pa itong keypad sa screen na pipindutin para sa password. Dalawang beses. “David, nasa harapan na ako ng opisina mo. Ano ang password?” Hindi ako makakapasok nang hindi ko nalalaman ang password, at inaasahan kong hindi epektibo ang fingerprint na aking inirehistro sa resepsyonista. “Ako na ang magbubukas ng pintuan para sa ka’yo.” Salamat naman kung ganoon. Pinagbuksan niya na ako ng pinto at pinapasok. Sa pagpasok pa lang, dumampi na sa akin ang matinding kamay ng lamig, na tagos hanggang buto ang pagpaparamdam! Kahit anong hawakan ko rito ay naroon ang kanyang pakiramdam! Sigurado ako na heto ang dahilan kung bakit si David ay naka-dyaket, at usapang siya, isinara niya na ang pinto. Kulang na lang ay mag-yelo na ang buong silid, na siya lang naman pala ang nasa loob. “Mahirap maging mapag-isa dito, nakakabaliw. Buwisit.” Sinagot niya na ang nagpapakagabag sa aking ulo. “Kaya masarap sa tenga na makarinig ako ng usaping may darating na bisita, at nagkataong ikaw iyon. Magandang umaga, Samson Fuerte.” “Magandang umaga rin sa’yo, David Segovia.” Ganti kong pagbati, at kaming dalawa ay nagkamayan. “Ako nga pala si David Segovia, ang CyberSecurity Head ng Markus Industries. Hindi ako palaging mag-isa rito at sa katunayan, nagbabakasyon ang isa habang ang isa pa ay mandatoryong nag-leave. Kaya mula sa tech support papunta sa cybersec, ako ang mamamahala pansamantala. Nakakalungkot, hindi ba?” Naipaliwanag na ng kanyang bibig ang nasulyapan kong dalawang mesang bakante, na ang monitor ay natutulog. Sa isa pang pintuan, makikita ang mga nasa loob, at iyon ay ang mga hile-hilerang server na nagpapalamig at ang lahat ng mga kordong nakakabit ay malinis ang pagkakaayos. Magaling. “Sa tingin ko, dapat ay maging masaya ka sa trabaho mo ngayon.” “Heto, gusto mo ba ng donut?” Inalok niya ako ng donut, na nakasilid sa kahon. Labingdalawang piraso iyon at ang tatak ay Maricon Donuts. Gusto ko mang kumain, ngunit kailangan kong tumanggi kung nais kong mapataas ang antas ng aking paggalaw sa pakikipaglaban. “Salamat, pero busog na ako.” “Sige. Ayun, katulad ng sinabi ko kanina, ako ang CyberSecurity Head dito, at nang malaman kong tinanggap mo ang alok, ni-redirekta ako ni Markus sa’yo, kaya kita nakilala agad.” “Ganoon ba?” “Oo, sapagkat ang larangan ng pakikipaglaban sa mga banta sa mundo ng cyberspace ay hindi lamang limtado online. Kailangan din namin ng tulong ng Security Head, pati na ng iba pang mga nasa ilalim ng iyong panunungkulan.” Ipinaliwanag niya kung ano ang ugnayan ng kanyang posisyon sa akin. Naglabas na siya ng scanner, at pinaliwanag ang aking gagawin. “Pagkatapos nito, opisyal ka nang miyembro ng Markus Industries. Wala ang mag-aasikaso sa mga litrato, kaya heto muna ang gagawin natin ngayong araw. Idikit mo na ang dalawang hintuturo mo sa mga sensor, at tatanungin kita ng ilang mga katanungan.” Idinikit ko na ang aking mga hintuturo sa sensor, at sa nakikita ko sa hologram ng kompyuter, idinadagdag na sa database ang aking mga pangunahing pagkakakilanlan. Nang matapos, binerepika ni David ang lahat ng mga lumabas sa hologram. “Pakisabi sa akin kung mali ang nakasulat dito. Ikaw si Samson Tenefiza Fuerte, tatlumpung taong gulang, lalaki, may IP Address na 172.168.20.10/63 (Pilipinas), at inilagay ka bilang Security Head ng Markus Industries. Tama ba ako?” “Tamang-tama ka.” Sakto ang lahat ng mga nakasulat. “Mabuti kung ganoon. Hayaan mong i-proseso ng kompyuter ang pagpasok ng mga data.” Sabi niya. Hinintay namin ang pagproseso ng data na ipinasok sa kompyuter, at sinabihan ako ni David na natapos na ang pagpasok ng data. “Tapos na. Opisyal ka nang empleyado ng Markus Industries.” Deklara niya, na aking hudyat ng pagalis ng aking dalawang hintuturo sa sensor. “Salamat, David.” “Nawa ay magkaroon tayo ng magandang komunikasyon at magpalitan tungkol sa mga kaalaman. Oh siya, kailangan ko nang magtrabaho.” Kumataok ang tunog ng telepono sa aming pandinig, na agad tumahimik matapos tanggapin ni David ang tawag. “Paalam na muna kung ganoon.” Wala na akong gagawin dito, kaya marapat na ako ay umalis na. “At, kaya mo iyan.” “Bago ka umalis, kunin mo muna ang isang donut.” Hindi niya talaga ako tinigilan na alukin kahit isang donut. “Salamat na lang.” Binuksan ko muli ang pinto sa pamamagitan ng pagtulak, at dumeretso na ako papunta sa unang palapag saka rumekta papunta sa labas. Tinawagan ko si Bashiri gamit ang NeuroLink, na kanina ko pa pala ginagamit. “Oh, Samson? Kumusta na ang naging usapan ninyo ni Boss?” Iyon agad ang tinanong niya sa akin. “Inalok niya ako ng trabaho.” Binanggit ko ang dahilan kung bakit niya ako ipinatawag. “Tinaggap mo ba?” “Oo.” “Ah, napakaganda ng aking narinig!” Tuwang-tuwa siya sa natanggap niyang sagot. “Sige, magsisimula na ang seminar dito. Hanggang sa muli.” Sa pagbaba ni Bashiri sa aming tawag, lumapit muli ako sa resepsyonista at idinikit muli sa sensor, na nasa harapan ko, ang aking dalawang hintuturo. Ilang segundo ako naghintay, bago tuluyang malagyan ng time out ang rekord kung saan ako pumirma.   “Salamat po!” Pinasalamatan ako ng resepsyonista, na abala na sa pagtanggap ng mga bisitang papasok. Si Haufmann naman ang aking kinausap via NeuroLink. “Elisa, tapos na ako.” Tapos na ang aking trabaho sa loob, kaya nagbigay na ako ng ulat sa kanya. “Sige. Hintayin na kita sa bahay, at imamarka ko na iyon sa’yo.” Pagkatulak ko sa pintuang salamin na magbibgay-daan sa aking ruta paglabas, lumabas na sa aking paningin ang numerong 1.7. At sa tabi ng huling bilang, nakahiwalay ang letrang ‘km’. 1.7 km. Isang kilometro at pitongdaang metro. Kaya ko mang lakarin ang ganoong kahabang baitang, ngunit apoy na ang temperatura ng sinag ng araw, at kailangan ko nang makapunta kay Elisa sa lalong madaling panahon. “Paano ako makakapunta sa bahay mo, mula sa Markus Tower?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD