15. Ayel BAGO AKO NAGSIMULANG umasa sa hangin, parang isda akong nakababad at hindi makalangoy, siyempre sa akwaryum na tiyan ni Mama. Si Mama na hindi ko makikilala. Si Mama na hindi ko naman maaaring angkinin dahil kahit ina ko siya, hindi ko masasabing akin siya. Sayang at wala kahit picture man lamang noon na magpapaalala sa akin na tao rin nga at may katawan itong nanay ko, at hindi ako itlog na nilimliman sa isa talagang akwaryum, kahit wala naman talagang kaso sa akin iyon, kung nagkaganoon man. Kapag napagkukuwentuhan, laging sinasabing hatinggabi raw ako nang ipanganak. Pebrero na’y kulang pa sa buwan, premature, kulang-kulang din, at tamang-tama na bilog na bilog daw noon ang buwan, sasabihin ni Tito Tony nang parang nakakaloko, kaya’t saksi raw ang lahat ng maligno at aswan

