MAGTATANGHALI na at hanggang ngayon, naroon pa rin si Brix. Tinamad na siyang maglakad at doon na lang naupo sa ilalim ng puno. Iniisip niya pa rin kung paano babalik sa bahay nina Cat. Kung babalik pa ba siya. Kaya lang, paano naman siya makakauwi nito sa Manila? Ni sapatos wala siyang suot. Ang wallet, cellphone at susi ay nasa maleta niya. Bukod doon, inaatake na naman siya ng hangover niya. Gutom na rin siya at nangangasim ang tiyan. Para siyang tanga. Bakit ba siya napadpad sa lugar na 'yon? Gago ka kasi. Pinairal mo na naman ang kamanyakan mo. Malay ba niya na hindi pala 'yon si Cat? Buti na lang at walang tao roon na nakakakita sa kaniya. Kung nagkataon nakakahiya. Malawak na bukirin ang nasa paligid niya. Mga taniman ng palay at sa malayo, tanaw ang ilang matataas na bundok.

